Kung nagsusungit ang langit, nagsususon ang ulap
tila walang patid ang pagbuhos ng ulan,
huwag palulunod sa lumbay ni patatangay
sa walang katiyakang magdamag.
Pipilitin kong ipinta ang bahaghari
gagawing tulay patawid sa lungsod ng kaligayahan.
Kung may sapot ng agam-agam at naligaw sa
gabing ni kuliglig ay napipi,
kung ang naghaharing ingay ay ang lamig
na nagpapanginig sa iyong dibdib;
hihiyaw ako’t pupunitin ang katahimikan.
Abutin mo ang mainit kong kamay
at pakinggan ang pusong pumipintig.
kung magising ka isang umaga’t di na makaalala,
ay malimot mo ng kumilala sa masasaya
alaalang lamyos ng pagsinta;
sa gawing madilim ng sandaling iyan,
angkinin ang aking mata’t hayaang tanglawan ka,
sa malamlam na paningi’y umaninag
nang ang gunita’y muling manariwa.
At kung nauupos ka na sa pagkainip,
Kung ang mga tanong sa isip
ay sinasagot ng pagkabagabag,
kung nakararamdam ng pagkaulila’t
waring naiwan sa pampang
na ang tanging tanod lamang
ay mistulang mga buhanging
isinaboy sa kalawakan,
tinatanaw ay walang-hanggang dulo ng karagatan;
gawin akong bangka’t ika’y itatakas
sa oras na pumayapa ang dagat.
Mangangahas akong idulot ang lahat.
Sapat ng sukli ang mabatid na
ika’y nasa mabuting kalagayan
at labis na kung igaganti
ang isang ngiting bakas ng kawalang-malay,
dalisay at puspos ng kabanalan.
Gantimpala naman ng Maylalang
kung piliin ang makasama ako
kahit ‘sang sandali ng aking buhay,
pagkat ang ‘sang sandali sa piling mo’y
katumbas ng habambuhay.
Sa dapithapon nito, ang huling hininga’y
lagusan sa panibagong daigdig,
doo’y kapiling kita
gaya ng ginagawa natin
sa mga pangarap ko,
walang luhang didilig dulot ng kasawian;
titiyaking ang luhang aagos
ay tanda ng kasabikan o ng mangha,at kagalakan;
dito’y itutuloy ko ang buhay sa piling mo.
Ngunit kung sa kabilang buhay ay tumanggi,
walang panibughong maririnig mula sa akin
piliin mo ang magpapaligaya
sa iyo’t tatahakin ko ang sa akin.
Baka sakaling mapatid ko
ang sariling kaligayahan,
maapuhap ang sadyang sa akin
kung magkagayon, huwag mo sanang ipagkait
ang pagkakataong maipabatd ko sa iyo
ang kagalakang nasumpungan ko na ang sa akin.
Sa ngayon, hayaan mong bagtasin ko
ang sariling kaligayahan.
danda po
Kakakilabot… Ang ganda. :,)
kakasad.. parang nakakadurog ng puso, eventhough super lalim ngtagalog at ung ibang words di ko alam sapul na sapul ka. may damdamin ung mga phrase.. i feel sad pero parang it can make you feel good weird ang feeling.. shocks