
paranoia
Disyembre 20, 2006ang interaksyon, mas madalas ay sa loob nagaganap. ilang taon na rin akong ganito. nakikipag-usap sa sarili. kaibigan ko ang sarili ko. walang tanging iba na nakapagdudulot ng kaginhawan maliban sa aking sarili. iniisip kong ang lahat ng nagaganap sa paligid ay may kaugnayan sa’kin. iniisip ko ring may mga pangyayaring nagaganap para lang sa akin. may sumusulat ng iskrip pero minsan naman, hindi ako nagpapadaig. pilit kong binabago ang mga sanay magaganap. dahil ayoko ng pangkaraniwang buhay.
iniisip kong may mga tao paligid na nakabantay sa’kin. na nagpapanggap na magtataho, takatak boys, pasahero o mag-aaral. iniisip kong wala silang sadya maliban sa subaybayan ako, sundan at alamin hindi kung tama o mali ang ginagawa ko bagkus para lamang panoorin ako.
iniisip ko ito upang bigyang dahilan ang mga hiwaga sa buhay ko. ang mga nagaganap na sa isip ko lang nagmumula, ang mga kwentong nabubuhay, ang imahinasyong kumakawala. nagkakatotoo ang sinasabi ko o ang iniisip ko. mas madaling tanggapin na may nanonood at gumagawa ng sinasabi ko sa halip na isipin kung paanong nagaganap ang mga bagay na inisip ko lamang.
kung kaya’t huwag nyong ikatuwang maabutan akong ngumingisi o nakakunot ang noo’t nakikipagtitigan sa hangin sapagkat minsa’y di ko gasino ang totoo para sa inyo sapagkat ang sa aki’y walang hanggang mundo. walang pagitan ang isip at ang tao. ang hiwaga’y pangkaraniwan lamang, ang pangkaraniwa’y di binibigyang pansin.
kung sakaling maapuhap ko ang katinuan, bagamat di ko ninanais na muling makamtan pagkat ang katinuan ko ngayo’y katumbas ng pagkahibang; sa kagandahan, sa hiwaga, sa bawat kulay, sa kalikasang umiinog sa atin; kung sakali… alalayan nyo ako at unawaing nang mga sandaling iyon, nang mga araw na ako’y hibang… ay wala ako sa katinuang inyong sinasabi.
sa ngayon… ang konsepto ng pasko ang siyang opyong kumikiliti sa aking isip.
isang pagbati at pagpapakilala sa panahong ako’y nalulunod sa hiwaga ng buhay.











minsan din akong naging paranoid.