Lampin

(Isang silid na kwadrado, may laking apat na metrong luwang sa magkabilang panig. Ang papag ang nagsisilbing higaan, hapag-kainan, upuan at palaruan ng bata. Sa ulunan nito ay may isang lumang tukador na wala ng salamin, mayroon itong isang drawer na pigtal na ang hawakan. Ang pinto ng bahay ay nasa gawing paanan, banggerahan naman ang katapat nito.)Tagpo : Pasado ala-una ng umaga. Sa Tahanang iyon.

Ano bang gagawin ko sa’yo? Tahan na. Natetense si mommy, e’ pag umiiyak ka. Please naman, Alam mo namang di pa ko sanay mag-alaga ng baby. (Lalakad paroo’t parito, nagsasalita habang nag-iisip…, hihinto, makikita ang botelya ng gatas sa tabi), ah, yun naman pala, nagugutom lang ang baby ko, ano? tahan na, ipagtitimpla kita. (Pupunta sa gilid ng papag, naroon ang bag ng bata, ang gatas, ang lampin at iba pang gamit ng bata) ‘tangna, mauubos na pala, Dyos ko, sa’n na naman ako mangungutang nito, hanggang bukas na lang ‘to, ang tubig buti’t nabayaran na, e ang ilaw sabi ni Sis. Lydia kailangan maibigay na bukas kasabay ng bayad sa upa, pesteng buhay ito, ba’t kailangang magkapatong-patong ang bayarin. Alam n’yo namang mahina ang benta ko ngayon at naghuhulihan sa Timog.

(Tatakalin ang gatas at maglalagay ng 2 takal ng gatas sa pitong takal na tubig, paglalawain na lamang para mapagkasya ang gatas. Ipaiinom sa bata ang gatas… sisipsipin subalit lalakas ang iyak)

Ano bang problema mo? (mapapalakas ang boses, at lalakas rin ang iyak ng bata. Matatauhan ang ina, muling kakalma at hahaplusin ang ulo ng anak) Pasensya na anak, wala na talagang gatas, (maiisip na tingnan ang sariling dede, ilalabas at pipiliting magpalabas ng gatas) wala… wala na talaga anak. Bakit ba kasi kung anong nilaki nito ay syang kakarampot ng laman. Parusa nya ba ‘to kaya n’ya hinayaang di masalahula ang bibig mo sa dede ko? Sa bagay… kahit ako ang Diyos, sa dami ng sumuso dito ay mapaparusahan ko talaga ang may dibdib nito pero anong magagawa ko, wala akong alam na ikabubuhay, I need to survive. (ipapasok ang dede sa daster) Pinakinabangan ko naman ang talento ko ah, ang kagandahan ko at husay ko sa pagpuputa. Matalino rin ako, malinis din naman, sinusunod ko naman ang health officer na gumamit ng condom at magpacheck-up, yung gago mo kasing ama… leche! hindi mo siya ama! Ama-amahan, ah ewan basta yung nagbigay ng tamod mo kahit hindi ko hinihingi. Tarantadong yun, sabi nya sa labas sya magpapalabas, inartehan pa ko at napaniwala, gago talaga! (naiirita na, natahimik at tila natulala ang bata).

Hindi anak, hindi naman ako nagagalit sayo kundi sa leche mong ama! Mukhang anghel nga ang face demonyo naman ang ugali. (Duduruin ang anak) Kaya ikaw ‘wag kang magmamana sa ama mo, tama ng manahin mo ang face nya pero ‘wag ang ugali nya ha, (muling iiyak ang bata) sshhhh… hindi naman sa sinusumpa ko siya. Sige na nga, ok, ok… may bait din naman siya in fact nang malaman niyang nabuntis nya ko e’ nag-alok siya ng sustento, pero naman, 2 beses ka pa lang nasusustentuhan mula ng isilang ka. Kung alam ko lang na sobra-sobrang hirap at gastos ang aabutin ko sa P3000 bayad nya para maging parausan niya nang mabore sya sa asawa nya ‘e di sana tumanggi na ko! (tuloy sa pag-iyak… iyak na parang inaapi) No..no..no.. don’t cry baby… hindi sa tinatanggihan kita, pero syempre gusto ko naman mapunta ka sa may magandang future, hindi pa ako ready maging mommy. At yang daddy mo, pinaasa-asa pa ako, e’ limanlibo pa lang ang nabibigay. E’, ano kung malaman ng asawa nyang nakabuntis sya ng iba…. Kasalanan ko bang highly recommended ako at known sa galing ko sa kama, kasalanan ko ba kung mas magaling ako sa misis nya kaya naghanap ng iba mister nya? Kung puntahan ko kaya siya at I-confront ang misis nya, ano kaya kung isama kita at magharap-harap kami? Karapatan mong makilala, naman!

Ano ba talaga ang gusto mo anak? ‘Yan na ang dede o, naiinitan ka ba? Sandali (pupunta sa mesa at kukunin ang dyaryo sa ilalim, titiklupin at syang ipapaypay). Naiinitan ka ba, ha? ‘pag nakaluwagluwag ako ibibili kita ng aircon, maging komportable lang pagtulog mo… kaya tama na ang iyak, baby ko. Alam mo, komportable naman ang buhay namin sa probinsya, pero syempre may pangarap din ako. Ano ako sira? ‘Tong ganda ko ibibilad ko lang sa sakahan ni itang. (Mapapagod sa kakapaypay kaya uupo sa papag habang nagpapaypay) Kahit ba malawak ang lupain nila, walang glamour dun sa Pampanga, sayang ang ganda ko. Masscom ang pangarap ko at puro education ang course dun, naku anak, ayokong tumandang dalaga at makuba sa kakacheck ng quizzes at kakasulat ng lesson plan gaya ni inang. At ano ang kapalit nun? Wrinkles! My God! ‘Pag nakita mo ang lola mo di ka maniniwala na nanay ko sya! Nakukuntento na s’ya sa isang bayong na talbos ng kamote ‘pag pinapakisuyong ipasa ng nanay ng pinakabobong bata sa baryo namin. Wala naman daw syang magagawa… e’ sa bobo naman talaga! Ang gusto ko talaga e’ lumabas sa TV, sabi ko balang araw makikita nila ako sa TV gaya ni Korina Sanchez. (itatas ang isang paa at kakapain ang sigarilyo sa gilid at magsisindi) Pero pota talaga nang magkahulihan sa club at ibilad kami sa media, (bubuga ng usok sa itaas) ay ‘sus at buti’y natakpan ko ng brief ng customer ko ang mukha ko, minsan na nga lang lumabas sa tv e eskandalo pa! Hindi na baleng malantad ang hubad kong katawan ‘wag lang ang mukha! May press people pa na nagdatingan… hala, kuha dito.. kuha dun, ako naman si gaga.. sige pictorial ito, icocover daw nila ang raid…kahit walang mukha… pasimple akong pumupose at baka maging cover sa FHM magazine o baka may makakitang producer, baka nanood ang producer ng seiko films… pero dahil wala atang mukha kaya walang nag-offer. E’ bakit ko naman ibibilad ang mukha ko dun noh, My gosh, ano na lang ang sasabihin ng people of
Panuiqi, na ang anak ng most industrious father at ang hall of famer na teacher ng mababang paaralan ng mataas na hukay ay pokpok? Excuses, im not one of them, im not for free, im for sale! Star dancer ako ‘pag weekend noh! Iniwan ko na nga lang ang address at cellphone number ko sa prisinto, baka sakaling hanapin nila ako kaso wala namang naghanap sa akin. May nagtetext nga, e, alam ko namang si SPO2 Bangkay lang ‘yun. Yung pulis na kamukha ni Palito.

Nakulong ako nun ah, (matutulala) kalahating araw sa preso… walang sundo, walang pagkain… ni anino ng boss ko wala. Gagong boss ko, sa sarap lang siya bumibida. Ang laki na ng kickback may libre pang sex once a week. Mga pota silang lahat! Alam mo ba anak kung ‘pano ‘ko nakalabas, pinarausan ako ng 3 pulis nung gabi, wala namang asunto, nagmapogi lang sila kay Mayor dahil na-feature sila sa Imbestigador. Wala namang nagsampa ng kaso… pinipilit kong ipaliwanag na pwede naman akong makalabas pero may kapalit daw. (nangingilid ang luha sa mata) Tarantado, mga hayop na ‘yun, binaboy nila ako. Ang bababoy nila. Hindi na sila nahiya. Mga walang pinag-aralan, pulis pa naman…. ‘tangina nila (sabay na silang humahagulgol ng bata… matitigilan). Kahit anong ligo ko, kahit anong eskobang gawin ko sa katawan ko… kahit puta ako, pakiramdam ko nababoy ako. Sinalahula nila ang katawan ko… inaapakan nila ang pagkatao ko… mula n’un natuto na ‘kong lumaban. Patas-patas kami, pare-pareho kaming tao. Hindi na ‘ko takot, e ano kung makulong ulit, kung parausan ulit ng mga baboy na pulis na ‘yun… iisipin ko habang pinapasok nila ari nila, ang mga asawa nila’y nagpapakangkang din sa iba. Patas-patas lang… maiputan ang sinumang dapat maiputan. Sa mata ng Diyos, pare-pareho kaming puta! Titi lang naman ang lakas nila… hanggang titi lang sila, isang minuto kaya ko silang itumba! (hihinga ng malalim, pipigilin ang luha at titigasan ang mukha.)

(haharap na sa anak at kakausapin) Kaya ikaw, ipakita mong magaling ka… magmana ka sa akin ha… magiging matalino ka, ‘wag kang umasa sa titi mo. May utak ka anak, paganahin mo, ha? (Mag-aalala sa patuloy na pag-iyak ng bata) Basa na ba ang titi mo? Pasensya na muna at wala ng pampers kaya maglampin ka muna. Kung pwede ko nga lang ilagay ang napkin ko e’ di sana inilagay ko na s’yo. Kaso baka naman maging bakla ka? ‘Wag naman Diyos ko! Tama nang ako ang bakla, pasensya na rin kung binabakla ko kayo, ‘you know, despite the trial and struggles according dyan sa kapitbahay nating si Sister Lydia na naglelecture at gumigimik sa bus using your beloved name, I just want to make this life happy… and gay! Di vah? Pero sige just like Mother Mary, I am your servant uummm, ummm (nalimutan, mapapaisip) whatever will be, will be?

(Kakapain ng paa ang tsinelas, tatayo at pupunta sa tukador)

Sandali at ikukuha kita ng lampin. Alam mo, nung bata ako lampin din ang gamit ko. Matiyagang binuburdhan ni inang ang lahat ng lampin. ‘Yung pangalan ko, may bulaklak pa na kasama. Pasensya na anak, hindi ako marunong magburda at syempre kung buburdahan ko ng bulaklak… baka maging shokla ka.. In Jesus name, I revyuk that! (makakahanap ng lampin, lumapit na sa bata at maingat na tinatanggal ang partible at lamping suot) Sabi ni sister Lydia, marami daw syang lampin na pinaglumaan ng anak nya, mahingi nga bukas para naman madagdagan ‘tong lampin mo (pinupunasan ang ari, tagiliran, pwet), naalala ko tuloy si Mayor, ‘pagkatapos naming magsex e’ dinaramahan ko na, sabi ko may pangarap din ako. Hindi habang buhay e puta ako… stepping stone ko lang ito. Aba sabi nya

“Hamo’t tutulungan kita, dahil magaling ka, at nakikita kong may pangarap ka… ilalayo kita dito” Leche! Linya ng lahat ng lalaki ‘pag nakukunsyensya! “Mahirap din ako,” dugtong pa niya “alam mo ba ‘tong kumot na ganito, nung araw, katsa lang ang gamit namin. Ang ginagawa ng nanay ko, binababad sa chlorox ang katsa para pumuti at matanggal ang pintura, tatahiin nya at gagawing kumot, mahusay magbigay init sa aming pamilya ‘pag malamig. Kaya nga di ba nakilala ako bilang Mayor Katsa? Eto ang lagi kong kinukwento sa mga constituents ko, I want to inspire them” Ang gagong Mayor gusto pa ata akong paiyakin e sasabihin ko sanang sino bang hindi gumamit ng katsa, ako mula sa panyong pang exchange gift sa christmas, hanggang sa panty pati na pasador, e’ katsang sinulsihan ni inang ang katuwang ko! Tignan ko lang kundi tumulo pati uhog nya. (lalagyan ng pulbos ang singit ng bata)

Pinangako ko n’un, hindi habang buhay magkakatsa ako anak, pero ngayon… naiisip ko… okay na rin ang katsa, kesa humiga sa malambot na kama at balutin ng mabangong kumot sa piling ng iba-ibang lalaki. Lumalaki ka na anak, ayokong balang araw ay tanungin mo ‘ko kung ano ang trabaho ko at wala akong masagot. Ayokong dumating ang araw na nagkakama ka ng iba’t-ibang babae. Pero sa totoo lang, mahirap maglaba ng katsa ah, My gosh, maisip ko lang na pinapagpag ko ang katsa para matanggal ang mga natirang harina, at labhan; halos masunog ang balat ko sa tapang ng chlorox para lang mawala ang amoy at mabura ang tatak. Leche, buti sana kung may nanay akong gagawa nun para sa akin, kaso syempre baka naman pamaspa ang inang kakasulat ng lesson plan. Kapag minamalas-malas pa ay kailangan kong putulin at tahiin ang mga katsa para gawing panyo at mabenta ng inang sa paaralan nila para gawing project sa home economics. Halos magkabuhol-buhol ang daliri ko sa pagtahi ng dalawandaang panyo at kung talagang mamalasin ay dalawandaang apron! Lahat ng yun kailangang burdahan ng mga estudyante! Those were the days! (lalagyan ng lampin pero hininto at naisip na mas presko ang walang lampin)

Sandali, siguro may kumakagat sa’yong surot? My gosh, baka nagdala na ako ng surot dito! (itatagilid ang anak, ilalapit ang mukha, hahagilapin kung may surot, kakapain ang higaan. Uusisain ang gilid ng papag kung may surot habang nagsasalita) Malamang nakapag-uwi ako ng surot. Kilala mo ba si Lando, yung pumoporma sa’king kargador ng mga prutas d’yan sa palengke. Nakikita mo siguro yun, mabait yun, si Landong Bato kung tawagin dahil bato-bato ang katawan. Yung araw-araw e’ nagbibigay ng mangga o kaya lansones o kahit anong prutas. Matagal ng nanliligaw sa akin yun kaso syempre kung pipili lang ako, dapat yung may matinong trabaho, yung kaya tayong buhayin. Panay ang padala ng bulaklak nun, e’ nung isang araw hinarang ako sa kanto, nagyayaya, sabi ko kung may pambayad s’ya bakit hindi. Napasubo ako dahil nag-ipon pala talaga ng pera, medyo kapos nga lang kaya dun na lang sa tambayan n’ya sa taas ng palengke, e’ masurot pala dun. Naglulundag nga ako pagkatapos, bukod sa baka may madala akong surot e’ wala pala siyang condom, e’ naubusan na rin ako dahil katatapos ko lang nun at pauwi na nga ako. Alas kwatro na ng umaga e’. Kaya yun, dinaan ko sa talon sabay dasal, mahirap na at baka masundan ka. (aangat ng bahagya at haharap sa bata) alam ko iniisip mo, syempre hindi siya makapagwithdraw, minsan nga lang e, pasasakitan ko pa, mabait din ako anak, considerate din si mommy paminsan-minsan. Kung hindi lang ba e di sana sinagot ko na siya, actually, nag-enjoy naman ako. Hindi niya pinaramdam na puta ako anak.

Wala namang surot, wala ring langgam (tuluyang tatayo). Nganga ka nga anak, baka tinutubuan ka ng ngipin. Sabi kasi, pag tinutubuan ng ngipin, lalagnatin daw. Hindi ka pa naman nilalagnat pero baka nga tinutubuan ka na ng ngipin. (pupunta sa banggerahan at maghuhugas sa tabo ng kamay, babalik sa papag, hahawakan ang bibig ng anak at bahagyang sisilipin ang gilagid) Wala pa namang ngipin baby, (isusuot ang daliri at bahagyang kakapain), naku anak, ‘pag may ngipin ka na ‘wag kang mangangagat ha. Bad ‘yun. Yung tsupon ang kagatin mo ha hindi si mommy. Baka katulad ka rin ng daddy mo na gigil na gigil sa akin, puro kagat ang inabot ko. Sa totoo lang, nagdlawang-isip ako nun, muntik ko ng isipin na drakula ang daddy mo. Ang hilig kasi mangagat. Nagkaroon pa ko ng sandamakmak na kissmark.

(patuloy pa rin ang pag-iyak) Ano ba talaga ang nararamdaman mo? Tama na sa pag-iyak. Hindi na nga naka rampage si mommy dahil sa kakaiyak mo. (mapapatingin sa dibdib ng bata, mapapansing wala ang basyo ng baril na isinasabit dito, titingnan din ang kamay at mapupunang wala pati ang porselas na binili sa Quiapo) Ay!?…Nasa’n ang basyo? Na’san din ang porselas mo?

(hahalungkatin ang bag ng bata pero ‘di makikita, kakapain ang papag, pupunta muli sa tukador subalit walang makikita)

E’ sino naman ang kukuha nun? (mag-iisip ng malalim) Sino bang kasama mo… si Sis Lydia! Lintyak! Naloko na… tama, malamang si Sister Lydia ang nagtanggal nyan at kumuha, e’ sya lang naman ang hindi naniniwala sa usog e’. Gagang Sister ‘yan, christian pa naman, e’ kung na-usog ka? Kaninong dila ngayon ang ipapapahid ko sa’yo! Oo nga’t siya ang nag-aalaga sa’yo minsan ‘pag wala ako pero hindi ibig sabihin ‘nun e pwede nya ng alisin ang mga paniniwala ko sa’yo, aba.. aba.. don’t she dare Christinize you because like your Mom, you are exclusively Catholic! Sagradong Katoliko ka noh! Devoted ako sa Mahal na Nazareno at dun nga ako namimili ng mga kontra usog mo sa Quiapo with matching pinupunas ko pa yun pati na ang panyo ko na may tatak ng mukha ng Nazareno at sa likod naman ay nakasulat ang salmo ni El Shaddai, pinupunas ko yun sa salamin ng kinalalagyan ng Nazareno! At yung panyong yun, maroon ang kulay, mahal yun, hindi yun katsa! Hindi ko hahayaang maging Christian ka tulad ni Sis. Lydia! Catholic ka lang and that’s final! Sabi nga ng inang, isinilang tayong Katoliko, mamamatay rin tayong Katoliko. Kahit yun man lang ang masunod ko sa mahabang listahan niya ng payo! Mapuntahan nga… nakakagigil… pupuntahan ko sya… (palabas na ng pinto ng biglang umiyak ng malakas ang bata, titingin sa bata, haharap sa pinto… muling titingin sa bata) sa bagay pasado alas dos na, baka nagmemeditate na yun. Bukas anak… bukas na bukas susugurin natin yan at padidilaan kita. Maghapo’t magdamag kitang ipapa-pray over hanggang sa mapagod siyang humanap ng lunas sa usog mo. Sige na … tahan na… (hahagurin muli ang ulo).

Alam mo anak, kahit ganito si Mommy, may faith pa rin ako. Marunong akong magdasal. Ipinagdadasal kita araw-araw as in everyday. Kahit hindi na para sa akin, kahit para sa’yo lang. Mahal kita e’. Mahalaga ka sa’kin. Corny pero nung nalaman kong buntis ako, sa halip na matakot ako… o magalit sa ama mo… may naramdaman akong kung ano. Chuva talaga ang feeling. Sa loob-loob ko… sa wakas, may kakampi ako. Sa wakas may sandata ako, sa wakas may masasabi akong yaman ko. Ikaw yun. Naging madasalin ako at palasimba. Kung dati ang lagi kong dasal e’ sana ‘wag akong makakuha ng lalaking sadista; naman! kahit mataba o kapangitan o mabaho ang hininga, pwede ko namang patayin ang ilaw at pasakan ng kendi ang bibig. E’… ngayon… ikaw lang ang laging nasa dasal ko. Sabik akong umuwi, mas may kahulugan ang pagpuputa ko, I’m not an ordinary puta now… im not anymore bitch, ngayon may kahulugan ang lahat ng ginagawa ko – may kahulugan na ako ngayon. (biglang iihi asintado sa mukha nya) anak, sinabi ko naman s’yo na corny e, pero hindi ibig sabihin nun pwede mo na ‘kong itaboy ng ihi mo. Wala namang bastusan anak. Maliit pa yang sandata mo, nang-iinsulto na ha… that’s bad!

(tatayo at magpupunas ng mukha, kukuha muli ng lampin pamalit sa lamping pinagpatungan sa halip na isinuot kanina) Binabalisawsaw ka ba? (naitanong nang hindi na malaman ang dahilan ng pag-iyak…nakapamewang, mapapahawak sa noo… sinusurot ng kunsyensya) Hindi naman kita dapat tinatanong e, e’ wala ka ngang alam, di mo pa kayang magsalita. Dapat kasi nasusubaybayan kita, siguro kung ako ang nakabantay sa’yo baka nakapagsasalita ka na ng mommy kahit mag aanim na buwan ka pa lang. Hindi ko tuloy alam kung anong ginagawa mo pag umaalis ako. Nakikisuyo lang ako kay Sis. Lydia, syempre sa anak ka rin lang nya iniiwan sa tuwing nagpipreach sya sa bus… baka mamaya nabibilad ka sa araw, baka mamaya nakakakain ka ng kung anu-ano. (mapapaisip) Hindi kaya minsan sinasama ka ni Sis Lydia at pinag aarimunding-munding habang kinakanta nya ang Ang buhay ng Kristiyano o Father Abraham has seven children? O di kaya pinag co-close-open habang kinakanta nya ang God Will Make… will make aah, ah, a a wheel… or a boat? ah Ewan! God made them both!

Piolo!? (mabibigla sa makikita pagharap sa bata) ‘Yan na nga ba ang sinasabi ko… bakit hindi ko naisip yun! (kukunin ng palangganang nakataob sa banggerahan at lalagyan ng tubig mula sa container. Babasain ang pamunas at kukuha ng sabon) Putang ina mo, sa susunod naman na tatae ka magsasabi ka!

(natitingala habang nangingilid ang luha sa amoy) Parusa naman baby. Pero sige, okay lang, tatanggapin ko lahat ng ito… okay lang na paglinisin mo ako sa kalat mo, pagplantsahin, paglabahin ng damit, lahat gagawin ko, ‘wag ka lang magkakasakit. Baby, sa hirap ng buhay ngayon bawal… (titigil, haharap sa audience at hihintayin ang sagot) tumanggi! “Yun ang masaklap, kasi kapag may sakit ka, di ako pwedeng mag-inarte, take lang ng customer ke sehodang amoy lupa sya, dahil kahit diligan ko sya, hindi na sya mananariwa at susustansya… ako ang mapopollute. Ayaw mo nun di ba? Give me some pride, spare me some dignity!

(Napalitan na ng lampin at nalinis na ang banig)

(palakas ng palakas ang pag-iyak) Ano bang problema, baby Piolo? Stop crying papanget ka. Sige ka baka hindi mo na sya maging kamukha (ituturo ang kalendaryong poster ni Piolo Pascual na nasa dingding). Siguro kung sya ang daddy mo, mas ok ano? Iniisip ko lagi kung ano kaya ang size nyan? (iiyak lalu ang bata) ng kwan… ng sapatos! Eto namang baby ko conservative. Pero kung sya customer ko, go kahit for free, maging pokpok paminsa-minsan (lalakas ng lalakas ang iyak) Joke lang anak, paminsan-minsan, okay lang maging bastos, lalu ka na anak, dapat maginoo ka pero medyo bastos.

Ah alam ko na, natutusok ka ng partible ano, kaya ka umiiyak (kakapain ang partible ng lampin) Hindi naman. (namumula na ang bata sa kakaiyak) Ano bang gusto mo… hindi ko maintindihan e’. May masakit ba sa’yo? Sabihin mo. Ituro mo naman o’ para di ako nag-aalala. Hawakan mo.. alin ba? Ang tiyan mo ba… nakatae ka na di ba? Ang ulo mo ba? (papalakas ng papalakas ang iyak).

(Natataranta na siya, tatayo, lalakad paroo’t parito, naiiyak na) Diyos ko, ano bang problema ng batang ‘to. (Hahawakan ang noo) Hindi ka naman mainit, teka.. bakit nanlalamig ka? Diyos ko? Bakit nanlalamig ka, Piolo?

(Pupunta sa tukador, kukunin ang iba pang lampin, isisilid sa bag, kukunin ang ilang gamit ng bata at isisilid sa isa pang bag na lalagyanan ng mga bote ng bata) Giniginaw ka? Dadalhin kita sa ospital, kailangan mong matingnan ng duktor… pero Diyos ko, wala akong pera. Putang-ina! Putang ina talaga!

(Mapapaupo sa papag sa tabi ng sanggol na umiiyak) Tulungan mo ‘ko Diyos ko… alam kong makasalanan ako pero naging mabuti akong ina di ba… kahit dun man lang di ba binabawi ko ang mga kasalanan ko. Tulungan nyo ko, pagalingin nyo anak ko. (may maiisip bigla)

(Biglang tatayo) Bahala na, pupuntahan ko si Rudy… pupuntahan ko ang tatay mo.

(Muling babalik sa tukador, hahalughugin ang bag at hahanapin ang tarheta) Ito… tama ito ang address ng ama mo. (Matitigilan) Paano kung asawa nya ang magbukas ng pinto? Anong sasabihin ko?

(Bubuntunghininga) “Sinong kailangan nila?” tatanungin niyang minumukhaan ako.

“Ang magaling mong asawa!” Itutugon ko, sisindakin ko agad kesa maunahan ako.

“Sino sila?” usisa nya (patlang) Sino nga ba ako? Anong sasabihin ko? ‘Pag sinabi kong putang inupahan niya, bababa ang tingin niya sa’kin at mababalewala ang paninindak ko, ‘pag sinabi kong pinsan nya e malay ko ba kung ipa-enumerate nya sa’kin ang mga kamag-anak ng asawa nya, ‘ pag sinabi ko namang kabit nya… ‘pano kung kabit din sya?

“Hindi na mahalaga kung sino ako, ang mahalaga ay kilalanin niya ang anak ko dahil siya ang ama nito”, tama, ‘yun na lang ang sasabihin ko, kahit naman sino’y bumababa ang loob ‘pag nakakita ng bata, at mano ba, hindi naman ‘to props dahil totoo nyang anak ‘to. “Ilalabas mo ba ang asawa mo o hindi, kailangan nyang dalhin sa ospital ang anak nya dahil may sakit.” Pandidilatan ko sya.

“Wala sya dito, nasa Qatar na” dugtong nya na mukhang seryoso (matitigilan) Qatar … Qatar … tama minsan nyang nabanggit na pupunta sya ng Qatar para magtrabaho. Diyos ko… baka nga nasa Qatar na siya kaya hindi siya nakapagbibigay ng sustento magtatatlung buwan na.

(Lalung-lito ang isip. Pupunta sa tukador, babalik sa papag, maglalakad, muling magsisindi ng sigarilyo. Titingala at pipigilan ang luha)

Patawad… patawad pero bakit ganito ang naglalaro sa isip ko. Anak, ang totoo, gusto ko na maging maganda ang bukas mo. (mapapatukom sa dibdib) Disinwebe pa lang ako. Hindi ko alam kung ‘pano kita bubuhayin. Hindi ako karapat-dapat sa’yo. Gusto mo bang lumaki sa ganitong lugar? Gusto mo bang pagtsismisan ng mga kalaro mo? Wala kang kasalanan anak. Hindi mo ‘to pinili at ako ang pumili nito kaya ka narito ngayon. Hayaan mong ako ang pumili muli ng landas na mabuti para sa’yo. Kahit dito man lang sana tama ang desisyon ko.

(Titingnan ang bata, hahaplusin sa noo at susuklayin ng kamay ang buhok habang patuloy itong umiiyak ay patuloy naman ang pag-agos ng luha sa mata ng ina. Dalamhati)

Sabi ni inang nung inaalagaan ko ang bunso kong kapatid, hindi sa lahat ng pagkakataon ay gutom ang bata kapag umiiyak. Baka daw basa ang lampin o nilalamig o natusok ng partible, baka tinutubuan ng ngipin o nakagat ng langgam… marami pa siyang sinabi pero hindi ko na matandaan. Nagawa ko naman di ba, di ba anak, sabihin mo nga sa akin na sa loob ng limang buwan, di ba nagawa ko naman ang assignment ko sa’yo. Pinilit kitang alagaan di ba? Pinaramdam ko naman sa’yo ang pagmamahal ko di ba? Pero hindi ko na alam ang gagawin ko. May kulang pa ba ako? Isa na lang ang pinakaalam kong tama, anak – sa kumbento.

(hahagulgol ng iyak habang sumasabay sa hagulgol ng bata)

Mapapabuti ka dun kila Sis. Elvie, yun yung madalas na nangungumbinsi sa’kin na sa kumbento na lang magtrabaho, dun mananatili kang Katoliko. Maaalagaan ka dun, mapapakain. Sisiguraduhin nilang hindi ka babalisawsawin. Kung hindi man nila ipagamit ang polseras at sukbit mong kwintas, pagdadasal ka nila palagi. Maraming bata dun na makakalaro mo. Masaya dun. Dadalawin naman kita. Hindi talaga kita iiwan, pangako dadalawin kita. Bukas naman ang kumbento anumang oras. Hindi kita kalilimutan, dito o, sa puso ko, pakinggan mo andito ka palagi. Doon sa kumbento may magpapatahan sa’yo. Siguro mas nauunawaan nila ang dahilan ng pag-iyak mo. Sanay na sila sa mga batang tulad mo. Ako… hindi e, sa totoo lang, aminado naman ako sa’yo di ba, sinasabi ko naman na hindi pa ako handa, pero kinakaya ko, nahihiya na nga ako sa’yo. Katulad ngayon, gusto kitang patahanin pero hindi ko kaya..

(Magpapasyang tumayo, kukunin ang dalawang bag, haharap sa orasan, mag aalas tres. Hahagulgol muli at bubuhatin ang bata. Magpapasya.)

Halika na anak, tahan na (Bubuhatin at mapapasandal ang ulo ng bata sa balikat niya. Gagalaw ang maliliit niyang kamay, papalupit ang munti niyang bisig sa leeg ng ina. Tatahan si Piolo at makakatulog sa balikat niya. Mapapansin niyang agad na nakatulog ang bata. Ibababa niya ng dahan-dahan ang bag, mapapabuntunghininga,liliwanag ang kanyang mukha, yayapusin ang anak, hahagurin ang likod at isang walang titik na awit ang lalabas sa kanyang bibig habang magkalapat ang kanilang mga dibdib. Payapa.)

About these ads

6 comments on “Lampin

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s