Sa Muling Pagkikita

Siguro nung pinanganak ka, umuulan. Kasi nung ako naman ang iniluwal, tirik na tirik ang araw. Mahilig ako sa gulay at puro karne ang paborito mong ulam. Simple lang ako, maporma ka. Imposibleng magkasundo tayo.

Sa simula pa lang, ramdam ko ng ayaw mo sa’kin. May isang bakanteng upuan sa tabi ko pero mas pinili mong sa likod maupo, nilagpasan mo ako. E’ ano, hindi ka kagwapuhan. Nagkataon lang na magaling kang manamit.

Tahimik ka, pero hindi nung matapos ang unang Linggo ng klase. Sunod – sunod ang pagpapakitang-gilas mo. Ang masaklap, lagi kang tama. Biglang nagpasintabi sa’kin ang mga kaklase natin, agad nilang nahalata na mainit ang dugo ko sa’yo. Sa isang iglap, nagkaroon ako ng kalaban. Hindi man pinag-uusapan pero alam nang lahat na dumating na ang katapat ko. Hindi inaasahan, nagbago ang buhay ko.

Laging mainit ang talakayan sa klase. Hindi ko alam kung sinasadya mo, pero ang totoo, sinasadya ko na maging kontra sa lahat ng pinaniniwalaan mo. Ewan ko ba, nakasanayan ko ng hanapan ka ng butas. Kinahiligan ko ng makipag-argumento sa’yo. Siguro napapansin mo rin at hindi ko namamalayan na ang lahat sa akin ay nakasentro na sa’yo.

Naunahaan mo ako sa isang debate. Sinabi mong ayaw mo sa pagpapanatili ng base militar ng Amerika sa Pilipinas, alam mong ayaw na ayaw ko sa mga Amerikano at sa kahit anong imported, pero naipit mo ako. Kinailangan kong piliin ang kabilang panig. Ipinaglaban ko ang pananatili ng base militar kahit ako mismo ay hindi kumbinsido. Sa kauna-unahang pagkakataon, idineklara akong ikalawa lang sa pwesto mo. Panalo ka sa debate. Panalo ka sa plano mong ipahiya ako.

Simula ng pagkatalong iyon, bumagsak ang loob ko. Sunod-sunod na pagkabigo. Hanggang sa magtapos tayo ng hayskul. Ikaw ang Valedictorian at Salutatorian lang ako.

Walang imikan nang magkasalubong tayo. Hawak mo ang medalya; kumakalansing, kumikinang sa aking mata, waring nagsasabing kinulang ako. Hinawakan mo ang kamay ko, sinabi mong

“salamat, masaya ako at naging kaklase kita. Para sa ating dalawa ang karangalang ito.”

May kung anong kumirot sa puso ko. Nangilid ang luha at waring nakunsyensya. Ewan ko kung bakit. Pakiramdam ko ay hinusgahan kita sa mahabang panahon. Sa mga sinabi mong iyon, nabatid kong mabuti kang tao.

“Sayang hindi na tayo magiging magkaklase, sa Amerika ako mag-aaral. Balita ko ay dito ka magpapatuloy ng kolehiyo.”

“Akala ko ay ayaw mo sa mga Amerikano,” nasambit ko na lang.

“Ah yun ba, parang hindi mo naman alam na diskarte lang yun para maunahaan kita. “
at sabay tayong humalakhak. Binura ng tawang iyon ang galit ko sa’yo. Hinawakan mo muli ang kamay ko, tanda ng pakikipagkaibigan – tanda rin ng pamamaalam. Paghiwalay ng ating mga palad, waring may tinangay sa aking pagkatao. Hinila ako ng kalungkutan. Nanghinayang ako sa sanang mahabang sandali na naging magkaibigan tayo sa halip na magkaaway.

“Umaasa akong hindi dito magtatapos bagkus simula ito ng mas mabuti nating samahan. Magkikita tayo ulit.” wika mo at sabay alis pagkat natanaw mo na ang iyong magulang na kumakaway.

Naglalakad ka papalayo, muli kang tumingin sa akin. Pumukol ng isang matamis na ngiti at isang kaway mula sa noo, isang saludo na tinanggap ko bilang patunay na magkaibigan na tayo.

Apat na taon sa kolehiyo, wala akong balita. Wala nang nakakaalam kung saang lupalop ng mundo ka nanatili. Hindi ko alam kung bakit, nagtapos ako nang may pinakamataas na karangalan pero pakiramdam ko ay nakuha ko iyon dahil wala ka rito. Habambuhay kong binitbit ang alaalang minsan ay natalo ako. Nung umalis ka, waring may inalis ka sa akin. At umasa nga akong hindi pa iyon ang huli nating pagkikita upang ibalik ang anumang nawala sa pagkatao ko.

Umalis ako ng probinsya at nakipagsapalaran sa Maynila. Agad akong nakakuha ng trabaho. Nagturo ako sa isang pribado at sikat na paaralan. Matatalino ang mga mag-aaral at sadyang pinagpala sa buhay. Nanatili ako rito sa pagbabakasakaling dito sa Maynila, muling magkukrus ang landas natin. Magbabalitaan tayo, magkukwentuhan, ipapaalala ang ating mga pagtatalo, kung saan ako nakapuntos at kung paano ka nanalo. Alam kong darating ang araw na madudugtungan ang sandaling iyon.

Tumunog na ang bell. Hudyat na uwian na ng mga mag-aaral. Ilang bell na ang narinig ko. Ilang mag-aaral na ang tinuruan ko. Ilang mag-aaral na rin ang nasubaybayan ko mula sa unang baitang hanggang sa sila’y magtapos ng elementarya. Siyam na taon sa pagtuturo. Siyam na taon na umikot ang buhay ko sa mga bata. Mga taon na pansamantalang nagpatahan sa nalulumbay kong puso.

“teacher, teacher, bakit po kayo malungkot?” tanong ng isang bago kong mag-aaral. Hindi maikukubli sa isang batang paslit ang anumang kinukubling nararamdaman ng isang guro.

“Wala naman, napagod lang ako. Mag-ingat ka sa pag-uwi” Iyon na lamang ang naisagot ko. Sa malawak na bintana ng aking silid-aralan, natatanaw ko ang mga batang naglalakad bitbit ng mga magulang. Masaya, nasasabik para sa kalahating araw na pagkakawalay. Kasama nito ang panunumbalik nang kasabikang muli kang makita.

May kung anong humila sa aking paningin mula sa pagkakapako sa kawalan. Ang kaninang batang paslit na nagtanong sa akin ay masayang tumakbo at sumalubong sa isang matipuno at mukhang mayamang lalaki. Sa pagkakatitig, iginuhit sa aking mga mata ang iyong larawan. Hindi nga ako nagkamali. Ikaw iyon. Agad mong kinarga ang bata, hinalikan sa noo at niyakap. Nanlamig ako. Tumingin ka sa akin. Itinuro niya ako. Lumapit ka. Nanginginig ang aking pisngi, muling magkukrus ang ating landas.

“Thanks for taking care of my son I’m Mr. Torre, father of Miguel”
“Ikinagagalak ko kayong makilala, ako si… ako si Ms Fernandez”

At nagpaalam ka.

Sa muli nating pagkikitang iyon – tuluyan kang nagpaalam.

About these ads

12 comments on “Sa Muling Pagkikita

  1. Blue!!! ang galing.. i dont know kung san mo nakukuha ung ganitong kalalim na issue ng buhay… so sad i swear.. isa kang henyo..i feel sad for the girl pero ganun talaga. live your life to the fullest sabi nga past will never come back, future is yet to see. we have to live the present moment well… Tama na ang pag-assume para di na umasa at malugmok….

  2. Magaling, magaling, magaling! hehe…
    kahit hindi ko masyadong maarok…
    Anyways, salamat sa mga blog mo,
    pampukaw sa mga taong katulad ko…

  3. that kind of story really exists in real life. i can say, i was able to relate it. yes, ganyan din kasi ako, may kaibahan lang kasi ng kunti. luv ko kasi kalaban ko, … hehehe.. wala lang, trip ko lang. basta interesting ung story,………

  4. Wawa naman the teacher girl. Engots naman siya, hindi siya nakapag move on.

    blue : ganun ata talaga. may mga bagay na hindi madaling pakawalan.

  5. it was the story i like most… it relate my life very much!! although theres a jealous,after all they get along each other…..sa muling pagkikita yon yong title dba? pag nabanggit ang ganyang words,mas lalo akong naexcite na pagbutihin ko lahat to fullfill my achievements hindii na ako makapaghintay na makita ko na ang mga bestfrienda ko’t magkasama uling magbonding…….

    blue : hi! kung nasan ka man, sana nga ay makapagbonding kayo uli! Magandang nakakapag-update din naman on personal growth ng mga berks natin di ba?

  6. Magpapaliwang po nagsasara kami ng news paper ng kasalukuyang nababrowse ako ng mga istorya napadaan ako sa world press atdi sinasadyang nabuksan ko ang blogs mo at nabas ko ang sa muling pagkikita maganda siya sorry hindi agad ako nakapagpaalam sayo ipinost ko to sa newspaper namin pero naka adress naman sayo ang gawa sana maintindihan mo kaibgan maganda kasi yung kwento at kapupulutan ng aral.inaasahan ko ang iyong tugon hingil dito

    • thanks po for informing me and for the credit. no problem. I posted all my entries with knowledge and idea that everyone might copy it. Okay lang yun sa akin. Kaya ako gumagawa ng mga short stories at tula dahil nahirapan ako dati na maghanap ng filipino literatures, atleast sa blog na to, maraming teachers and students ang makagagamit para sa kanilang academic requirements for free.

      More power sa inyong newspaper!

  7. akala ko lalaki ang nagsasalita, babae pla. nakakatuwa, ang galing.sana makapagsulat ka pa ng mas maganda at kasing ganda nito..XD

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s