Hindi ako naniniwalang may isang itinadhana para sa atin.
Bullshit yun. Sa t’wing makakakita ako ng foreigner
naiisip ko, ano yun, majority ng itinadhana magkakalahi?
‘Pag Pinoy ka malamang ang katadhana mo ay Pinoy din?
Sinadya ni tadhana para hindi ka mahirapang maghanap?
Hindi ba nya naisip noon na magkakaroon ng Facebook,
ng chat o kaya ng promo fare? Nakakalokah!
Nagugustuhan mo ang isang tao dahil sa comfort.
Kaya ko ‘tong paamuin, gusto ko ‘to, swak kami,
nagkakaintindihan kami. Good vibes kami. Okay kami.
Hindi kumplikado, hindi magastos, masaya ang puso ko,
panatag ako sa kanya – komportable ako sa kanya.
—
Noong medyo bata pa ako, hindi ko iniisip ang pag-ibig.
Wala akong pakiaalam.
Abala ako sa paaralan, sa organisasyon,
sa mga gawaing panlipunan.
Wala akong pakialam sa ayos ko.
May nakikita, sinusulyapan
pero walang siniseryoso.
Sabi ko kasi, bata pa ako
at hindi pa permanente ang nararamdaman ko.
Iyon ang panahong hindi rin ako napapansin,
pag dumaan ako, hindi ka mapapalingon sa akin.
Pag nagsalita ako sa klase, saka mo ‘ko makikilala
at saka mo sasabihin na, “uy may laman.”
Kailangan kong magsalita para mapansin.
Payat ako noon. Madungis, pawisin, hindi gustuhin.
Wala akong pakiaalam.
Sabi ko, saka na ako poporma pag may trabaho na.
Sabi kasi ng magulang ko iyon.
Saka na ang bisyo, ang luho, ang porma pag kumikita na kami.
Hanggang sa ang bilis ng ikot ng panahon.
Higit sampung taon na pala matapos makagraweyt.
Ngayon
pag dumaan ako, hindi ka pa rin mapapalingon.
Kung mapalingon ka man ay dahil sa pabango
pero pihadong agad babalik sa kausap mo,
matapos mo kong makita.
Hindi ka magiging interesado sa katamtamang height,
napapanot, malaking tyan at
parang laging may hinahabol ‘pag naglalakad.
i’m just an ordinary guy.
Wala ng klase kaya wala ng lugar para makita mo kong magsalita
Ang boses ko ay madalang mo na ring marinig sa blog.
Hindi ako interesante.
Ito ang panahong hindi na ako uso sa bar
sa chatroom at sa mga eyeball.
too old for that.
parang may missing link.
Hindi ako nakipaglandian sa panahon ng kasibulan
dahil in the first place hindi ako sumibol
at ang nangyari ay tumanda ako agad –
mabilis na na overripe.
Kalurkee.
So ngayon gagastos ako sa pagpapatanggal
ng wrinkles, mag papa radio frequency ng t’yan,
magpapa body scrub palagi.
Magpapatreat ng scalp para tumubo ulit ang buhok.
In short, panahong medyo ready sa relasyon pero
hindi pa rin physically attractive.
Pero sabi ng isip ko, pisikal lang yan
hindi yan permanente. Sadyang tatanda ka
humanap ka ng tumitingin sa kalooban at hindi sa
labas na kaanyuan.
At sasabihin ulit ng isa ko pang isip na
lokohin mo sarili mo.
Ang buhay ay walang katapusang competition.
Consolation prize na lang na nanalo ka bilang isang
sperm at naka finish line ka agad noong nagsex ang magulang mo.
Kaya, ngayon, tuloy ang competition,
parang hindi ka pa nasanay!
Gusto mo bang matulad sa mga nakalaban mong sperm?
Mamamatay kang old loser sperm pag wala kang natumbok na itlog!
—-
Ang pakikipagrelasyon ay parang isang sociogram.
Gamit ang facebook o kahit anong social media.
Nakikita mo agad kung sino ang may pinakamaraming like,
friends, comments sa bawat post, pictures na shinishare ng iba.
‘Kung lovable ka – binibida ka ng iba.
Kung hindi ka lovable, ikaw ang magmamabida!
Ang social media ay nagiging prostitution.
Pagbebenta ng sarili.
basahin mo ang mga posts, obserbahan mo ang mga pictures,
lugar kung saan pumupunta at gawi ng kanyang buhay.
Sinasabi nya na pansinin mo ako
Bilhin mo ako
ligawan mo ako
o kaya ay sagutin mo ako
kilalanin mo ako.
Bigyan mo ako ng pagkakataon
pengeng atensyon.
Hello World!
Hello Destiny
I’m here.
Nakakapagod di ba?
Nakakapagod ang kathang-isip na pag-ibig.
—
Hindi ako naniniwalang may isang itinadhana para sa atin.
Bullshit yun!
Naniniwala akong kaya nating pumili ng isa.
Mula sa isang pinili natin, kaya nating palaguin ang Pag-ibig.
Ang Pag-ibig ay parang apoy.
Mula sa maliit na ningas, kayang pagliyabin.
Ang Pag-ibig ay parang apoy
na nauubusan ng ningas
kaya kailangang gatungan para magtuloy ang liyab.
—
Hindi ako naniniwalang may itinadhana para sa atin
dahil naniniwala akong lahat tayo ay may ningas –
maliliit na apoy
Hahanap ka lang ng handang makisakripisyo
at magbahagi ng sarili para dalawa ninyong
pagliliyabin ang ningas ng inyong Pag-ibig.
—
Naniniwalang akong may Pag-ibig.
Pero hindi itinadhana
at ikaw ang magtatakda.
Ang lutong nung B*llshit yun, hahah ramdam na ramdam ko ang diin.
hindi ko alam kung maniniwala ako sa destiny . Idealistic ka masyado pag inasa mo lahat sa destiny. realistic ka pag sinabi mong its more of a choice. Nalilito pa rin ako hanggang ngayon. Lintik na pag-ibig.
heheeh syensya naman sa bullshit.
tama naman.. tayo ang gumagawa ng tadhana. tayo ang sumusulat ng kung anong mangyayari sa kwento ng ating pag-ibig. nasa sa atin ang lahat.
tomoh 🙂
sabi nga ni madam seva tayo ang gumagawa ng ating tadhana
gusto ko to’ hindi dahil nakakarelate ako sa ilang lines kundi dahil makatutuhanan ang impormasyon… -.-
salamat miko 🙂 salamat sa pagdaan
o yeah may laman! =) at sa kabila ng lahat naniniwala akong umibig kana!
hehehe umiibig ka dyan. lols
umiibig na nga 🙂
natuwa ako sa post mo na ‘to, kuya blue. napaka-free flowing pero may laman! parang ikaw lang. hehe. para sa pag-ibig at sa mga pumapag-ibig. \m/