Kahit ang dagat na iyong dinaanan, nahati’t
tila nasaktan, sa iyong paglisan.
Inihatid ka ng aking kaway, huli na marahil
bagamat hindi mo nilingon,
balewala pagkat nakatanaw ka sa malayo
tila gusto mo ngang lumaya o lumimot agad.
Gayunman, hiling ko ang iyong kaligayahan
at kaligtasan, kasabay ng hanging aking binulungan
at ginabayan ng mga ibong nauna ng kumampay upang
iyong sundan.
Paalam.
Huwag mo sanang isipin na ikaw lang ang nasaktan,
o sinadya kitang saktan
dahil pareho tayo, nabigo.
Hindi ko hinihiling na maging tayo pa,
sana lang ay magkapatawaran, kahit magkalimutan
matanggap lang natin sa isa’t-isa,
maamin
na hindi naman talaga natin sinasadya
mabuti tayo.
Magtiwala ka
na hindi laging ganito,
na maaring sa iba
totoong mas maging maligaya ka.
Kung sa malayong lugar piliin mong tumigil
at hindi na magparamdam
hindi kita hahanapin upang mabawasan man lang ang iyong sakit
kahit sinasabi ng puso ko na wala akong pagkukulang.
Yun ang mas mabuti
hangad kong mapabuti ka
ngunit sana maintindihan mo
na maaaring laro ito ng buhay.
at hindi ito titigil hanggat ipinapakita mong mahina ka
hangga’t hindi ka nagwawagi sa sakit
dahil mauulit at mauulit ito
pagkat hindi ka lang ngayon luluha.
Masakit ang umibig,
kasama yan, dahil sinusukat ang puso
hindi sa dami ng galos
kundi sa makailang ulit kang umibig
muling naniwala
sa pagmamahal
at mangyayari yun
kung pakakawalan mo ako
sa pag-aakalang ako ang may sala
at ako lang ang dahilan.
Kung masasalubong mo ako
at hindi mo pansinin
na tila hanging nagdaan
malulungkot ako, nang sobra
sapagkat hindi ka pa nakakawala,
ngayon kung nais mong makalimot
makaahon sa sakit na iyong dinaranas
titigil ako, maghihintay
isa pa, sa huling pagkakataon
magyakap tayo, yakapin mo ko
hayaan nating ang ating puso ang mag-usap
nang sa gayon ay makalaya ka
at makapagsimulang muli
dahil yun lang ang paraan.
Mas mabuting magwakas
kung paano tayo nagsimula.
Magkaibigan.