Mga Paskil na Minarkahan ‘tula ng pag-ibig’

h1

Maliit lang ang Mundo

Enero 13, 2009

Maliit lang ang mundo
sapat na ang isang buwan sa gabi
at araw sa umaga upang tanglawan ka
sa gayo’y maingat na makarating
patungo sa akin.

Maliit lang ang mundo
lakarin man ang lupa
o sisirin ang tubig
lakbayin ang himpapawid
siguradong makauuwi ka sa akin.

Maliit lang ang mundo
sanlibong tao man ang masalubong
o makapatintero
wari’y iisa ang mukha maliban sa isang
ituturing na para sa akin.

Maliit lang ang mundo
isisilang at mabubuhay
magigising at iibig
bubuo ng pangarap
para sa atin.

Maliit lang ang mundo
umiikot sa himig
sa pag-ibig dinidilig
nagkakauhay
hanggang sa maging atin.

maliit lang ang mundo.

h1

Nang Tinanong Ko ang Langit

Disyembre 31, 2008

Hindi ko masilip ang langit
sanhi ng makapal na ulap na nakatabing,
nakapinid ang mga pinto’t di halos marinig ang nanalangin
sa nagngangalit na kidlat at kulog na bumabayo sa lupa;
nakikipatimpalak sa nagpupuyos kong damdamin.

Umaasang makasilong kaya’t sinuong ko ang ulan,
sinuyod ko ang daang kumakapit sa aking paanan.
Nasa’n ang mapagkandiling kakahuyan?
Saan nahihimbing ang mga ibong palayan,
kailan masasagot ang tanong na walang hanggan?

Umapaw ang luha’t umagos sa pisngi,
humalo sa ulan sa pangamba ko’y walang paki
at tumigil ang unos sa lakas ng hiyaw
ng pusong sa huli’y sumuko’t umaayaw
sa kalungkutang nagdudulot ng pagpanaw.

At ang patak ng ulan, patak ng luha
pinagsanib upang dumilig sa lupa,
ngayo’y sinibulan ng hiwaga
nang kaakit-akit na bulaklak ay kumawala
sa pagkakaidlip ngayo’y itinakda.

Nakita ko ang buhay nang ula’y dumilig
naaamoy ang halimuyak ng pag-ibig,
kung natakpan man ng ulap ang daigdig
anu’t ngayo’y kaysarap mabuhay at umibig
at makilala ang nais makaniig.

h1

Sumpa ng Pag-ibig

Enero 28, 2008

Namumukhaan mo ba ako?

hawakan mo itong pisngi,

sukatin mo yaring labi.

ako ito.

‘Wag mong lagpasan ng tingin,

alalahanin mo ang sandaling kita’y kapiling.

Pakiramdaman itong init ng yakap,

san ka nanggaling?

Hinanap kita, maniwala ka

sariwa pa ang sugat sa ‘king alaala

kung paanong nagising ka isang umaga’t

kinalimutan ang magagandang sandali,

nilimot ang mga pangako ng walang hanggan.

Hindi ba’t sinabi mong tayo’y nakatadhana,

hiningi natin sa Maykapal na basbasan itong pag-ibig.

Nakatitig ka sa aking mata,

sinabi mong natatanaw mo ang walang hanggan.

Hindi tamang iwan mo ako sa kawalan.

Naririnig mo ba?

Sumumpa tayo sa isa’t-isa,

naririto ako, nag-aabang, nagbabalik, naghihintay,

pansinin mo, alalahanin mo ang titig ko, ang pangako mo

ipikit mo ang iyong mata, pakinggan ang mga katagang binitawan mo,

mga katagang bumuhay sa akin.

Mahal kita. Ikaw ang buhay ko.

Gayunman, kung sakaling makaalala at di na manariwa ang dating samahan,

tapatin ako’t palayain.

Muling ibulong sa hangin at kalasin

sabihing ako’y di na iyo’t wala ng pagtingin.

Nang sa gayo’y mahanap ko ang daan patungo sa akin

at matantong ang walang hangga’y nagwawakas

sa oras na putulin mo ang landas.

h1

Sanib

Oktubre 18, 2007

Dito ka lang sa tabi ko. Gusto kitang makasama, minsan pa, kahit ngayon lang. Maramdaman ang init ng ‘yong katawan. Hinahanap ko ang kalingang iyan. Sumandig ka, kahit bahagya, wala lang, gusto ko lang ng may kasama. Gusto kong maramdamang panatag ka sa akin, at ako sa’yo.

Iba ka, kaya ikaw ang gusto kong kasama. Alam mo yun.

Dito ka lang. Ano na nga ba yung kinukwento mo? Ituloy mo nga, makikinig ako. Hinahanap ko ang tinig mo, para akong dinuduyan ng bawat tawa, naaaliw ako sa twing bubungisngis ka, panatag ako sa’yo. ‘Yang tinig na yan ang gusto kong naririnig kapag kinakabahan ako, yan din ang gusto kong marinig bago matulog, hinahanap ko yung boses na magsasabing kumusta ka. At yan din ang  gusto kong gumising sa akin sa umaga. Alam kong buo ang araw kung ikaw ang makikita ko. Kung maririnig kita.

Kilala na kita. Hindi na ko nangingilala sa’yo.

Dito ka lang. Ano ulit yung mga plano mo? Parehas ba tayo? Gusto ko rin yun. Ituloy kaya natin? Minsan magkaiba nga tayo ng pinaniniwalaan, pero umaabot tayo sa hangganan  ng pagkakaunawaan, ng paggalang at pagtanggap sa kung ano ang makabubuti sa atin. Minsan nahihiwagaan ako sa’yo, pero ang hiwaga na yan ang lalong naglalapit sa atin.

Hindi ka na iba sa akin.

Dito ka lang. Sa bawat hikbi at halakhak, kasiyahan o kalungkutan, nararamdaman kita. Alam ko ang magpapasiya o magpapatahan sa’yo. Alam ko ang dahilan ng bawat pagtatampo mo. Dahil ako at ikaw, malalim na ang pagkakaugnay. Iisa na ang hibla ng pagkatao. Iisa ang pinaghuhugutan ng ating hininga.

Iisa tayo.

h1

Ang Sarap ng Buhay!

Setyembre 11, 2007

Hindi aapaw ang batis sa buhos ng rumaragasang talon sapagkat nakaabang ang sinapupunan ng dagat na magsisilang ng mga butil ng hamog; paakyat pababa, hahalik sa pisngi ng langit at kakawalang mga ulan.

Anupat ang dampi ng ulan ang paalala ng isang magandang buhay.

Pinagdurugtong nito ang lupa at kalawakan. Inaabot nito ang hangganan ng imahinasyon. Waring hinuhugasan nito ang maruming isip at nililinis ang kaluluwa ng sinumang madampian at makadama.

—-

Sangandaan ng buhay. Pareho ba ang lasa ng buhay alinmang landas ang piliin? Alin sa daang ito ang daan patungo sa iyo? Kung susubukan kong sabihin, makikinig ka ba?

Ilang sangandaan pa ang haharapin. Kasama ba kita sa mga susunod na nagkrus na landas… o may posibilidad man lang bang magkrus ang ating landas?

Sa langit ko natanaw ang mga ibong tinatahak ang kanilang landas, kumaway ka’t tawagin ang mga ibon nang sa gayo’y maging sila ang aking gabay, susundan ko ang direksyon nila patungo sa iyo.

Sa anong dahilan at ang binabagtas na buhay ay di na mailapat ayon sa plano? Nakita kita, tiningnan at muling pinagmasdan. Paanong sa iyong mukha natanaw ang aking tadhana? Nasasabik akong makita ang sariling magkauhay. Paano ko nagawang tanggihan ang ganyang buhay? Paano ko muling hihingin ang pagkakataong magkalapit tayo at habambuhay na magbahaginan?

May tiyak na sandali na ang tadhana ay lalapit sa tao – lilikha ng kasaysayan. Kung paanong ang munting kabibe’y mapukulan ng tingin mula sa malawak na buhangin sa dalampasigan, darating ang pagkakataong ang kabibe’y mapupulot at  ipupukol upang makaisa ng malawak na dagat.

Kilala kita. Sukat ko ang iyong galaw. Alam ko kung nasa likod kita o di kaya ay parating pa lang. Alam ko kung nasasaktan ka, may inililihim, maligalig o sadya lang na masaya. Alam ko kung naglalambing ka.

Hindi man pag-aralan, hindi man mag-usap, ang bawat kaluluwa ay nakakikilala ng mga bagay na gusto nila. Nagkatagpo ang ating mga kaluluwa. Sila ang nag-uusap.

Sadyang mas totoo sila kaysa sa atin. Mas kaya nilang ipakita, iparanas at ipagtapat ang kani-kanilang nararamdaman.

-

Mahal kita.

h1

Pangungulila

Disyembre 11, 2006
(nang muling magbalik ang damdamin)

Kung nagsusungit ang langit, nagsususon ang ulap

tila walang patid ang pagbuhos ng ulan,

huwag palulunod sa lumbay ni patatangay

sa walang katiyakang magdamag.

Pipilitin kong ipinta ang bahaghari

gagawing tulay patawid sa lungsod ng kaligayahan.

Kung may sapot ng agam-agam at naligaw sa

gabing ni kuliglig ay napipi,

kung ang naghaharing ingay ay ang lamig

na nagpapanginig sa iyong dibdib;

hihiyaw ako’t pupunitin ang katahimikan.

Abutin mo ang mainit kong kamay

at pakinggan ang pusong pumipintig.

kung magising ka isang umaga’t di na makaalala,

ay malimot mo ng kumilala sa masasaya

alaalang lamyos ng pagsinta;

sa gawing madilim ng sandaling iyan,

angkinin ang aking mata’t hayaang tanglawan ka,

sa malamlam na paningi’y umaninag

nang ang gunita’y muling manariwa.

At kung nauupos ka na sa pagkainip,

Kung ang mga tanong sa isip

ay sinasagot ng pagkabagabag,

kung nakararamdam ng pagkaulila’t

waring naiwan sa pampang

na ang tanging tanod lamang

ay mistulang mga buhanging

isinaboy sa kalawakan,

tinatanaw ay walang-hanggang dulo ng karagatan;

gawin akong bangka’t ika’y itatakas

sa oras na pumayapa ang dagat.

Mangangahas akong idulot ang lahat.

Sapat ng sukli ang mabatid na

ika’y nasa mabuting kalagayan

at labis na kung igaganti

ang isang ngiting bakas ng kawalang-malay,

dalisay at puspos ng kabanalan.

Gantimpala naman ng Maylalang

kung piliin ang makasama ako

kahit ‘sang sandali ng aking buhay,

pagkat ang ‘sang sandali sa piling mo’y

katumbas ng habambuhay.

Sa dapithapon nito, ang huling hininga’y

lagusan sa panibagong daigdig,

doo’y kapiling kita

gaya ng ginagawa natin

sa mga pangarap ko,

walang luhang didilig dulot ng kasawian;

titiyaking ang luhang aagos

ay tanda ng kasabikan o ng mangha,at kagalakan;

dito’y itutuloy ko ang buhay sa piling mo.

Ngunit kung sa kabilang buhay ay tumanggi,

walang panibughong maririnig mula sa akin

piliin mo ang magpapaligaya

sa iyo’t tatahakin ko ang sa akin.

Baka sakaling mapatid ko

ang sariling kaligayahan,

maapuhap ang sadyang sa akin

kung magkagayon, huwag mo sanang ipagkait

ang pagkakataong maipabatd ko sa iyo

ang kagalakang nasumpungan ko na ang sa akin.

Sa ngayon, hayaan mong bagtasin ko

ang sariling kaligayahan.

h1

Ulan sa Buwan ng Abril

Abril 27, 2006

Patak ng ulan mula sa butas na bubungan

ang umabala sa aking pagkakahimbing

Sa tantsa ko’y kanina pa umuulan

subalit di pa nais magpaalam.

Anak ako ng ulan,

kung kaya’t saulo ko na ang kanyang galaw.

May ulang madalian

sapat lang upang linisin ang magabok na daan.

Mayroon ding mahina subalit matagal

nakakainip na parang walang katapusan.

Tila pinong buhangin, sumasaboy sa bubungan.

May bumubugsong ulan

nananakot ngunit walang paninindigan.

Taglay nito ang malalaki’t mabibigat na patak

na sandaling nang-aabala ngunit mabibitin lang ang lahat.

May ulang unos ang hatid

mabangis, galit na humahagupit

sa ari-aria’y pumupunit

ang mga kaluluwa’y sumasamo sa langit.

May ulang dala ang pakinabang

nanunuot sa mga lupang tigang

dumudurog sa lupang taniman

upang punla’y magkauhay at manahan.

Narito ang ulan ng agam-agam,

dala ang ligalig sa kaibuturan

tanda na may namamaalam

nang di nag-iiwan ng palatandaan.

Ito ang ulang walang katambal na bahaghari

maraming tanong ang sa isip namamalagi

dudungaw sa bintana’t naghihintay

kung may babalik at masayang kakaway.

huling patak sa tukod ng bintana’y gumagapang,

nagpapadausdos tungo sa naukit na kanal.

Ilang ganitong ulan pa kaya ang daraan

bago masagot ang hinihingi ng katanungan?

—-

Hindi ko agad naipaskil dito dahil pinag-isipan ko pa ng malalim (sikreto na ang dahilan), makalipas ang tatlong Linggo, napagpasyahan kong ibahagi na rin ngayon – Mayo 1, 2006 bagamat noong april 27 ko pa siya sinulat dito as draft.