Habal-Habal

August last year nang una akong makasakay ng habal-habal. Kung hindi ako nagkakamali, August 10 o 11, 2004 yun. Mula sa Tagum Davao, sinundo kami ng habal-habal papunta sa Kapalong. Matatagpuan ito sa hilagang bahagi ng Davao. Sa mga baguhang tulad ko, talagang exciting ang sumakay sa habal-habal.

Tinatawag din itong skylab. Motorsiklong malalaki ang gulong at may extension na tabla o kahoy sa likod. Isang habal-habal lang ang sumundo sa amin, lima kaming lahat. Nang tanungin namin ang sundo namin kung ano ang ibig sabihin ng habal-habal, nagtinginan lamang ang mga ito at nagngisngisan. Hindi daw magandang pakinggan sa mga tagalog ang habal-habal. Ito daw ay isang posisyon, hmmm. Medyo naintindihan na namin ang ibig nilang sabihin kaya hindi na namin pinalawak pa ang pag-uusisa. Nang sumakay kami ay mas lalo naming naintindihan kung bakit nga ba habal-habal ang tawag dito. Balewala ang kasarian, ipit kung ipit basta kailangang sumiksik. Bukod sa aming lima, nakatali rin sa tabla ang mga mountaineering bags namin.

Sa pag-arangkada ng habal-habal, kaming mga “feeling NGO worker” ay nagsimula ng pumosisyon. Suot ang sunglasses, tubaw sa buhok, longsleeves na polo at t-shirt, mp3 player, camera na nakabuhol sa braso at cellphone. Abalang-abala ang mga kasama ko sa pagkuha ng larawan ng bawat bundok, ilog, bangin at mga lumang bahay na madaraanan namin habang ako naman ay abalang-abala sa pagtetext sa mga kaibigan ko sa Manila at walang humpay sa pagyayabang na nakasakay ako sa habal-habal. Kung paano at kung bakit ko ginagawa iyon ay hindi ko na alam.

Sa totoo lang, pakiramdam ko noon, para akong isang tagapagligtas, lumitaw ang messiahnic complex ko. Ang habal-habal ay tila ibon na lumilipad sa himpapawid, halos natatanaw ko ang kabuuan ng lalawigan, samantalang ang habal-habal ay unti-unti umaakyat sa bundok na aming tinatahak, unti-unti ring bumabagal at tila pumipiyok ang motor ng tricycle na ito. Hanggang sa tuluyan na itong mapaos at huminto panandali upang pagpahingahin.

Sa simula, nakakapanabik ang habal-habal. Subalit sa pagtakbo nito, nawala ang pananabik, marahang kinakain ang dibdib ko ng takot. Bukod sa matatarik na bangin at natutulis na mga bato ang kasasalpukan namin kung sakaling madisgrasya ito, ipinakita sa amin ng habal-habal ang totoong larawan ng lalawigan. Sayang at hindi kayang ipinta ng aming mga camera ang totoong kalagayan ng Davao.

Ilang guhong bato at lupa ang tumambad sa bawat gilid ng bangin, ilang nagliliyab ng mga puno at halaman ang nadaanan namin, ang pulang lupa ay naging itim, daang troso ang ikinukubli sa mga nagtatasang dayami, ang bawat bundok ay kinalkal at hinalukay upang palitawin ang mga mamahaling bato na kakailanganin sa mga naglalakihang korporasyon.Ang bawat ilog ay natitigang at mistulang mga uhaw sa tubig. Ang nagkukubling sitio ay tahimik na sinalakay ng mgaterorista ng kalikasan kapalit ang mga baryang magbubusog sa kumakalam na tiyan.

Sa pagtahan ng habal-habal, humihikbi ang sitio. Walang salita, malamlam ang mga mata, may takot at walang sino man ang nais mangusap sa kanilang kinasadlakan. Tila sa bawat salitang imumutawi ng bibig ay may mga balang nakatutok sa sentido ng mga tao roon. Nakalibing ang tapang at walang nais maghukay. Pinapalagpas ang mga truck na humahakot ng mga naglalakihang troso at mga bato, pikit-matang hinahayaang ilusong ang yamang pag-aari ng mga ninuno at ang mas nakapanlalata ay ang pakikipagsabwatan ng ilan sa kanila na siyang daan sa pag-aangkat ng mga ito.

Ang kasabikan ko ay dinurog ng pagngingitngit. Lalo kong naunawaan ang pangangailan ng tribu sa paaralan. Sa wari ko, sapat ang edukasyon upang ang mga matang ipinikit ay unti-unti imulat. Sa paaralan bibigyan ng pagkakataong ipahayag ang damdaming ikinukulong ng bibig. Sa paaralan paplanuhin ang marahang pag-aalsa ng mga katutubo tungo sa pagkakamit kaganapan ng kanilang karapatan. Pag-aarmas gamit hindi ang baril bagkus ay kaalaman, dito magsisimula ang lahat.

Batid kong makakailang balik kami bago masaksihan ang pagdaloy ng tubig sa ilog, bago makapagpatubo ng mga puno, bago madilig ang mga nag-aapoy na halaman at kumapit ang mga bato at pumula ang lupa sa pisngi ng kabundukan. Hiling ko lang, hindi nawa ako magsasawa sa pagsakay ng habal-habal. Nawa’y hindi rin magsawa ang habal-habal sa paghahatid sa loob ng mga tagalabas upang maunawaan ang kanilang kalagayan at maihatid sa labas ang mga tagaloob upang makipag-ugnayan sa mga kinauukulan, kahit pa mamalat ang garalgal na boses ng habal-habal.

Advertisements

One comment on “Habal-Habal

  1. reading this reminded me so much of how i felt at that time… naiyak ako nun ah nung malaman kong tayong lahat, sampu ng ating mga dala-dalahan, ay sasakay sa isang motorsiklo lang… dun ko din unang naramdaman ang panghihina dahil pinamukha sa aking mukha akong babae–mahina at d uubra sa ganitong uri ng trabaho. naaalala ko rin ang palagiang pagsasabi mo sakin noon na buksan ko ang mata ko sa tuwing sasakay tayo ng habal-habal… paano naman, feeling ko talaga e mahuhulog tayo sa bangin any moment. hanga ako sa tapang mo nun. at masarap ang feeling na nasa likod kita, nakakapit sa balikat ko, habang binabaybay natin ang valley of death. haha! come to think of it, maybe i should write about this experience too…

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s