4X4

Sa mga liblib na bayan ng Benguet tulad ng Atok, Mankayan o kahit sa lalawigan ng Kalinga, hindi nawawala ang sasakyang 4X4. Sumisirko ang gulong nito sa mga malalaki at nakausling bato na aming dinaraanan. Halos halukayin ang mga putik at makipagpatintero sa mga bangin. Bagamat may daan, tanging ang gulong lamang nito ang makakayang sumuong sa masukal na pamayanan ng mga katutubo.

Makailang ulit na akong nagtulak ng sasakyan. Sandamukal na putik na rin ang sumambulat sa mukha at nanguya ng pumihit at magpumilit ang gulong nito habang aming tinutulak. Ilang lupa, bato at putik ang hinalukay ng kamay ko. Ilang kusot o mga pinigtas na mga tuyong dahon na rin ang madaliang ginapas para isaboy sa putikan at nang hindi madulas ang mga gulong.  Ilan na rin ang naatrasan nito subalit wala pa namang napatay-salamat na lamang. Hindi nga biro ang tumawid patungo sa kanilang pamayanan, hindi nga biro ang kanilang kalagayan. Nauunawaan ko ang mga gurong hindi na bumalik sa ganitong pamayanan.

Ilang hakbang sa pagbabago ang naisip na ng mga Municipal Planning Officer. Sa pagdalaw namin sa mga sitio, mapupuna ang mga daang sinemento subalit bakante sa gitna. Sa una ay nagtatanong ako kung bakit kailangang ang gitna ng daan ay damuhan at gilid lamang ang sementado. Hanggang sa mapagtanto kung sadyang ang bahaging nadadaan lamang ng gulong ang sinesemento upang makatipid at ang sementong dapat sa gitna ay idudugtong na lang upang makarating sa mga sitio.

Kung minsan kahoy o tabla ang pandugtong pag walang-wala ng semento, minsan naman ay mga dinurog na bato. Munisipyo lamang ang may 4X4 na nakararating sa sitio. Dumarating itong makisig at tila may pangakong hatid, subalit minsan sa Apayao, nabahag ang buntot nang ang ilog ay tumaas. Sa gilid lamang tumayo ang 4X4 at tumanaw na lamang sa kabilang sitio tulad ng mga sakay nito. Kadalasan nga, tumatanaw na lamang ang mga tao sa kalagayan ng kanilang kababaryo.

Pinalad kaming maihatid ng 4X4 sa isang sitio sa Kalinga upang makipagtalakayan sa nakatatanda at magulang tungkol sa proyektong pagpapatayo ng paaralan. Nang dumating kami roon ay ginulat kami sa dami ng dumating. Ang inakala naming makikipagtalakayan ay inasahan pala nilang ganap na proyekto. Bitbit ang kanilang mga resume at nagbabakasakaling makakuha ng trabaho. Ilang lisensyadong guro ang dumalo at naghahanap ng bakanteng posisyon. May ilan namang ang hanap lang ay pagkalooban sila ng aklat o mga reviewer dahil hindi sila makapasa-pasa sa Licensure Exam for Teachers. May inhinyero, Computer technician at marami pang iba ang nakinig at humihingi ng pwesto. Subalit wala kaming magawa, sadyang paaralan lamang ang hatid namin at hindi hanapbuhay para sa lahat.

Sa Benguet, isang matapang na tanong ang bumungad sa amin. Kami raw ba ay mga makakaliwa, nang sabihin naming hindi ay walang kurap niyang sinabing kung makakaliwa kami ay tatanggapin nila kami, ang mahalaga ay matulungan sila. Hindi niya sinino ang kasama naming taga munisipyo at tila mas pinaramdam niya dito kung gaano kapilay ang pamahalaan sa pagtulong sa kanyang nasasakupan.

Hinatid na rin kami ng 4X4 sa tuktok ng Atok. Halos hindi namin matanaw ang lalawigan sa kapal ng tila ulap na sumasagi sa aming mukha. Ang bawat bahay ay binabalot ng lamig at masayang namumunga ang mga bulaklak at gulayan. Bagamat malamig at puno ng gulay, ramdam ko ang kalungkutan sa bahaging iyon ng Atok. Tila may kulang. May paaralan subalit ang bawat saglit ay para lamang pinalalagpas. Hindi sapat ang araw na ginugol ko upang magbigay puna ng ganito, subalit ramdam ko pa rin ang kalungkutan.

Natuklasan din ng 4X4 ang nagtatagong proyekto ng DPWH sa halos pusod ng kagubatan. Isang paaralang hindi tapos at anim na taon ng nakatiwangwang. Sayang ang mga bakal at posteng naitayo na, naghihintay lamang ng dingding at bubong at plasada. Ilang ganitong proyekto kaya ang ikinubli ng ahensya ng pamahalaan.

Mabuti pa ang 4X4, may tapang na sumuong kahit pakikipagpatintero sa peligro ang kinahaharap, marami diyan, nagkukubli sa komportableng garahe huwag lang magalusan.

Advertisements

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s