Byaheng Panghimpapawid – Isang Simpleng Hiling

Nuong bata ako, ang pagsakay sa eroplano ay isang pangarap lang. Sa katunayan, isa itong hiling na matagal kong pinangarap. Lagi kong iniisip kung ano ang pakiramdam pag nasa itaas. Pilit kong iniisip kung ano ang hitsura ng lupa mula sa ibabaw, kung anong mayroon sa ulap, kung umuulan rin sa itaas, kung may kasabayan akong ibon na makikilipad, kung may traffic light din at marami pang kung.

Taong 2000 nang isama ko sa aking 101 wishes na sana makasakay ako sa eroplano (kasama ang hiling na Erap resignation), ganito ako kapursigido. Taong 2003 ng pumunta kami ng ate ko sa Palawan para mamasyal at ang pangarap na pagsakay sa eroplano ay biglang naisakatuparan. Ganun pala ang pakiramdam, palinga-linga ako at halos lahat ng nakasulat sa safety reminder ng eroplano ay binasa ko. Masinsinan kong pinanood ang video recorded instruction ng Philippine Airlines. Hinagilap ko ang mga exit at hinanap ang lifevest. Nginuya ang snack na biskwit at pilit hinanap ang kaibahan ng lasa sa biskwit sa sari-sari store. Unti-unti natauhan ako, naunawaan ko na ang eroplano ay hindi sasakyang ginagamit sa mga theme park, naunawaan kong ito ay sasakyang panghatid tulad ng tipikal na sasakyang bus o tren.

2004 ng mapadalas ang mga byahe ko sa Mindanao. Tulad sa Bus, isang eroplano ang kinagiliwan ko. Ang mga attendants ay mistulang mga kundoktor na personal ang pakikitungo sa bawat pasahero. May oras na parang mga vendor ng mani, tubig at chiklet nang magsimula silang magbenta ng unan, mug at cap. May kantahan at mga laro. Parang isang eksena sa bus ng mga nagfifieldtrip na mga estudyante.

Sa mga byahe ko sa Mindanao, madalas ay namimiss ko ang aking kabataan, ang simpleng hiling ng pagsakay sa eroplano; na sana sumasakay ako sa eroplano dahil curious ako, na ang eroplano ay parang isang ferris wheel  na aakyat at agad ring bababa. Sa mga byahe ko ngayon, wala na ang mga tanong na iyon. Mas mabigat ang tanong sa aking isip sa tuwing magbabyahe. Sino ang dadatnan ko? Paano ko kakausapin ang mga miyembro ng tribu? Ano kaya ang solusyon sa problema nila? Paano ko pakikitunguhan ang mga tribal leaders? Paano ako haharap sa mga Mayor o Governor? Bakit nila ito nararanasan? Maaaring sa kanila, ang mga tanong na ito ay tanong pa rin ng isang bata. Sa totoo, bata pa ako sa gawaing ito. Subalit ang kabataang ito ang mas nagpapaalimpuyo sa aking damdamin na mas maging matapang, nag-uudyok sa aking magpakatatag ng loob. Ngayon, nagbabyahe ako hindi upang maranasan ang makasakay sa eroplano o matanaw ang himpapawid o pagmasdan ang lupa. Nagbabyahe ako upang makisakay sa byahe ng katutubo, makilakbay sa kanilang pakikipaglaban, tanawin hindi lang ang lupa bagkus ang  ancestral domain at mga isyung bumabalot dito. Nagbabyahe ako dahil kailangan kong tawirin ang karagatan ng mas mabilis upang mabilis ring matuunan ng pansin ang sugatang sitwasyon ng mga katutubo.

Gayunpaman, may pagkakatulad noong bata ako at ngayon, Ang pundasyon ng byaheng ito ay pangarap na sintaas ng alapaap at gaya noon, alam kong mararating at makakamit ito.

Advertisements

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s