Taong Labas

October 4, 2004 – Botolan Zambales

Mag-aanim na buwan na akong pabalik-balik sa lalawigang ito subalit sa lahat ng pakikipamuhay ko, naiiba ngayon. Isinama ko ang bago kong katrabaho. Isang taon siyang magtatrabaho bilang volunteer sa Pilipinas.

Sa bahay ng kapatid ng isang gurong ayta kami nakitira. Madalas kapag gumagabi, simula ito ng huntahan; kwentuhan ng buhay ng ayta. Mga kakatawang kwento na madalas nilang ibinibida. Bagamat pinipilit nila kaming pasayahin, iba ang pakiramdam ko. May halong kaba at malakas ang kabog ng dibdib.

Sa isang silid ng mag-asawa kami pinagpapahinga, sinabi kong huwag na silang mag-abala at kahit sa labas ng sala o sa papag na nasa bakuran ay maaari kaming magpahinga. Pero hindi nila kami pinayagan. Tinanong ko kung saan sila matutulog at sinabi nilang sa sahig sa sala. Babantayan daw nila kami. Tinanong ko kaagad kung bakit subalit pinilit nilang itago ang dahilan. Sinabi na lamang nilang ugali ng Ayta na bantayan ang bisita. Tumahol ang aso, nasundan pa ito hanggang sa umalulong ang maraming aso. Nagkagat labi ang maybahay at tumibay ang pakiramdam ko na may ibang nangyayari. Tinanong ko kung maaari ba akong lumabas, nais ko sanang magyosi pantagal sana ng kaba. Sinabi nilang huwag na at delikado. May hinala na ako kaya ako na mismo ang nagtanong. Marami pong bang neps dito? Umamin ang ama ng tahanan, Oo, marami ngang taong labas pero hindi natin alam ang dahilan ng pagtahol, pwedeng gawa ng sundalo.

Kinabahan ako lalo.

9:30 ng gabi. Lumalagabog ang dibdib ko nang ang kahol ay papalapit nang papalapit hanggang sa huminto ang mga aso. Malayo na sa loob-loob ko. Tinuloy nila ang pagkukuwento hanggang sa naramdaman kong lumilinga-linga at di mapakali ang kasama ko. Don’t worry, you’re safe. Nasabi ko na lang sa Australiano kong kasama. Are they NPA, leftist? Tanong nya. Probably. Sagot ko na lang. “Im sure im safe here” wika nya sabay ngiti sa may-ari ng bahay na para bang nagsasabi na huwag nyo po akong alalahanin.

Naging mas masaya ang mga sumunod na kwentuhan hanggang sa pagpatak ng ikasampu ng gabi, tila may humihila sa bubungang yero. May ingay na nililikhang bihira kong mapakinggan hanggang sa gumalaw ang lupa at nayanig ang paligid. Nagtilaukan ang manok, nag ungulan ang aso at ang iba pang hayop sa paligid. Sumabay ang mga ungol na panalangin ng mga ayta para kay Apo Namalyari. Lumilindol.

Mahiwaga ang gabi.

Kinaumagahan, matapos makapananghalian ay sasadyain sana namin ang mga magulang ng mga batang nag-aaral upang kumustahin ang mga bata. Subalit nang magawi kami sa tabi ng ilog na dinaraanan ng lahar ay nagkayayaang magtungo sa secret love ang grupo. Ito raw ay nakatagong ilog na tinutunguhan ng mga sikretong magsing-irog. Suot ang batik na padyama, binaybay namin ang ilog at mabatong lupa marating lang ang lugar na iyon. Tahimik ang paglalakad sapagkat maaari itong makatawag pansin sa mga tao. Mahirap na at may kasama kaming dayuhan. May ilan kaming nasalubong na matalim ang tingin sa amin, tila nanunuri pero dumaan kaming tila walang nakita. Mapangahas ang ginawa naming ito, kung sakaling may mangyayaring hindi maganda ay ako ang sisisihin.

Malamig ang tubig, mababaw at mahinahon. Mabato ang ilalim nito. Sapagkat hindi ako mahilig lumangoy ay pinipili ko na lamang umupo sa batuhang silong nito.

Sa pag-uwi namin, iba na naman ang aking pakiramdam, nilalamig ako. Nagtitinginan ang mga Ayta, tila may inililihim. Nauna kami sa paglalakad at nahuhuli ko silang nagbubulungan. Tila may mahalagang bagay na pinag-uusapan. Nang marating namin ang daang maraming kabahayan at mga aytang nakatambay ay nakahinga ako ng maluwag. Siguro dito ay mas ligtas na kami at walang sinuman ang maaaring gumawa ng kasamaan. Malapit na sa bahay nang malaglag ang kaha ng aking cellphone, inabot ko ito nang may natanaw ako sa bahaging ibaba ng aking padyama na nakausli. Dito napansin kong ang padyama ko pala ay punit at nakasambulat ang aking puwit habang paminsa-minsan ay kumakaway ang aking lawit.Nagngisngisan ang mga kasama kong Ayta ng mapansin nilang alam ko na ang kanina pa nila pinagbubulungan. Hindi pala ang mga taong labas kundi ako na taong labas ang pwet.

Bago umuwi kinaumagahan, hinabilinan kami ng kagawad na huwag madadala sa mga ayta at huwag magsawang bumalik, sinabi kong mapapadalas ang aking pagbabalik at huwag na nila akong ituring na iba dahil ako ay isa na ring Ayta. Kabilang sa mga taong labas ang pwet. Naghagikgikan kami sa katatawa.

Advertisements

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s