hikbi sa bukang liwayway

isang baso ng malabnaw na kape
magpapainit sa sikmurang nangangate
hayaan na sa walong anak ang bigas na sangtakal
at sabaw ng sinaing sa bunsong nangangatal.
“Hamo anak, wag masanay sa ligalig,
hindi lahat ng panahon tayo’y tigib
sa dusa’t pang-aaba, tayo’y manalig
sa Pintakasi’y may katarungan, may awa at pag-ibig.”
Hindi ba’t sa kamay natin nadudurog ang lupa,
mga braso ang humatak sa lambat ng biyaya
balikat ang pumapasan sa gahiganteng edipisyo
at yaring paa ang nagdala ng kalakalan sa ibayo?
Anu’t ang iilan ang syang nagpapakasasa?
yaring mga anak ang napapako sa wala
kung kaming maralita’y nagtiis at nagpaubaya
‘wag sasalingin ang mga anak naming puso ng aming tula!
Mga ina, mga kapatid at mga amang maralita
timplahan yaring buhay na sa lasa’y maanta.
Sa pagsilang ng araw sa gawing silangan
susulong tayo, sisigaw at maninindigan!
Pagkat tayo ang utak at lakas ng bayan
sama-sama nating abutin ang kapakinabangan
Iguguhit ang makabayang paggising sa kasaysayan
at yaong nang-aba’y bibitbitin ng uwak sa kanluran!
——-
tugon sa panawagan ng kaibigang Maggie mula (dati) sa Urban Poor Associates, Buhay Maralita-Radio Veritas. Ang tulang ito ang nagkamit ng Unang Gantimpala para sa 2005 Song, Poem and Short Story Writing Contest.
Advertisements

One comment on “hikbi sa bukang liwayway

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s