Paunang Salita

Maalinsangan.
Katatapos lang ng uplate, 2:10 am nang isalang ko ang mga damit sa washing machine. Matapos kong ilagay ang ariel at downy sa container, sumibat na ako at umakyat sa kwarto ko. Minsan lang dumating ang ganitong pagkakataon, yun bang malikot ang isip mo, nagkalat ang mga ideya pero hindi mo masimulang magsulat. Hindi mo alam kung saan magsisimula.
Ang totoo, isang sulat ang naapuhap ko mula sa mga salansan ng memoribilia. Sabi sa sulat, sir, bakit ka pa aalis e’ sikat na sikat ka rito. ( modesty aside, kailangan ko lang talagang isulat ito para mailarawan ko kung saan ako nagmumula o kung bakit kailangan ko na namang talakayin ito). Napailing na lang ako. Ang totoo, ayoko ng balikan ang mga araw na ‘yun, yung panahong gustong gusto mo ang propesyon mo pero kailangan mong umalis para panindigan ang isang paniniwala (na nauwi ‘ata sa wala).
Maalala ko lang ang mga araw na ‘yun, kumukunot ang noo ko. Isang salita ang paulit-ulit na tumatatak sa isip ko – ang salitang TRIP (operational use – napagtripan, sinet-up ka o yung values mo, sinukat ang hangganan ng katinuan mo) . Alam mo ba ‘yung pakiramdam na para kang napagtripan at pakiramdam na makatanggap ng death threat. Pakiramdam na ang mga nangyayari ay hinahabi lang para sa’yo. Yun bang parang may multo na nagpapakita sa’yo, ‘ngalang ang problema, sa’yo lang nagpapakita. Kaya kahit ipagsigawan mo na may masamang espiritu sa paligid, mahirap patotohanan.
Naipit ako sa pagitan ng tama at mali – o kung ano ang tama at mali. Ang pakiramdam ko, gaya ng mga damit na nakasalang ngayon sa labahan; pinipihit, paikot-ikot at pabalik-balik. Ang masama, ako na mismo ang nagduda sa mga nangyayari, ako na ang nagdalawang-isip sa sarili ko; kung tama ba ang values ko at mga natutunan ko sa sinasabing bulok na pamantasang dapat ng sunugin ayon sa multong nakakaharap ko. Naroong magpakalbo ako, magpakunsulta sa pranic healer at sa dulo, napagdesisyunan ko na ngang umalis na lang.
Umalis akong bitbit ang kalat-kalat na detalyeng sinulat ko. Mga petsa ng pangyayaring makatutulong sakaling kailanganin.
Kung mayroon mang tamang nangyari, isa lang ang natitiyak ko – ang umalis sa mga panahong iyon. At muli, gaya ng nakasalang kong labada, handa na ito sa tubig na bumubuhos sa kanya para sa mas matinding sabunan.
Maraming nangyari, may kasamang pagbabago, para akong sinabon. Dalawang taon ang nakalipas. Handa na akong banlawan sa mga duming nagmantsa.
Nauwi ako sa pagsusulat.. Itutuloy ko ang pagsusulat. Gusto kong mag-iwan ng akdang kahit papaano ay tatatak sa mga guro – kwento ng buhay ng guro. Ngayon nag-iisip ako ng magandang pamagat, dito ako mahina, sa pamagat. Narito ang mga pamagat na kanino pa labas-masok sa isip ko : Nang Makatawid ang Langgam sa Aking Sampayan, Ang Alamat ng Christmas Light, Sapin-Sapin at Samalamig : mga sinangkutsang karanasan, Ang pagpapatuloy ng kwento ni Puti : ang bakang mataba, bakang maputi, Amorseko, sinong ina mo?, GMA cares, yeah right, even care bears care, at marami pang pamagat na tila hindi tumutugma sa nais kong isulat. Sige na nga, ito na lang ang uunahin ko – ang Paunang Salita.
Naririnig kong pumipihit na ang aking labada. Halos tuyo na ito. Ilang saglit pa, narinig ko na ang buzzer. 3:15 am nang hanguin ko para isampay ang aking mga nilabhan -nang bumuhos ang malakas na ulan.
Maliligo na muna ako.
Advertisements

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s