Doon Po Sa Amin

para sa kaarawan ng isang Australyanong kaibigan na si Jarrah – kasamang nakipamuhay sa piling ng mga katutubo.

Nagkaroon ng pagtitipon ang mga katutubong guro na naninirahan sa Luzon. Ang mga nagsidalo ay ang mga Ayta ng Botolan Zambales, Ibaloi at Kankana-ey ng Benguet at mga Guilayon ng Kalinga. Ang pagtitipon ay naganap sa Quezon City noong Mayo taong 2005. Layunin ng pagtitipon na makabuo ng sariling kurikulum ang mga katutubo; mga aralin na angkop sa kanilang pamumuhay at tumutugon sa kanilang pangangailangan.

Hinati sa dalawang pangkat ang mga guro, ang unang pangkat ay grupo ng mga Ayta at ang ikalawang pangkat ay grupo naman ng mga taga Cordillera (Ibaloi, Kankana-ey at Guilayon-Kalinga). Sama-samang silang nakinig, nagplano, bumalangkas at naglahad ng kanilang nagawa.

Isa sa mga paksang pinag-usapan ay ang katutubong paniniwala. Binigyan sila ng pagkakataon na itala ang kanilang mga pinaniniwalaan. Matapos makapagtala ay oras na para ibahagi ang kanilang napag-usapan. Ako bilang facilitator o tagapagdaloy ay sensitibo sa ganitong gawain sapagkat alam kong ang ilang katutubo ay maramdamin kaya maingat ako sa pagsasalita at pagtalakay. Iniiwasan kong salungatin ang kaisipan at paniniwala ng katutubo sapagkat ang anumang paniniwala nila, maging ito’y sinauna at taliwas sa personal kong pinaniniwalaan ay dapat tanggapin sa talakayan. Gayundin, kung sakaling may mga pagtatalong nagaganap ay sinisiguro kong maingat sa paggamit ng mga salita ang mga kalahok at sinusubaybayang maigi ang talakayan.

Napag-uusapan ang paniniwala, nagbahagi ang mga taga Cordillera na sa kanilang lugar, kung sila ay naglalakad at may ahas na dumaan; kailangan silang huminto, suriin ang direksyon at ayos ng ahas. Kapag ang ahas ay patungo sa kanilang pupuntahan ay maaari silang tumuloy sa paglakad subalit kung ito ay nakaharang ay kailangan nilang bumalik sa kanilang pinanggalingan sapagkat malas ito at nagsasabi sa kanilang iwasan ang lakad na iyon maging gaano man ito kahalaga. Nang mapakinggan ito ay agad na nagtaas ng kamay ang isang Ayta at tumayong nagwika, “naku sa amin ay iba, kapag kami ay naglalakad at may ahas na dumaan, agad kaming hihinto at huhulihin ang ahas. Swerte ito dahil sa aming mga Ayta, ang ibig sabihin ng ahas ay pagkain! Makakain namin ito.”

Nagngisngisan ang ilang kalahok at kahit ako, hindi ko alam kung ano gagawin sapagkat nakakatuwa ang gayong komento subalit sa ibang tribu ay nakakainsulto kung kaya’t sinabi ko na lang na may kanya-kanya talaga tayong paniniwala kaya nga mabuting may ganitong pagkakataon at nagkakabahaginan naman tayo. Pandagdag kaalaman ‘ika nga.

Ang Aytang nagsalita kanina ay sya namang nagbahagi ng paniniwala, “sa amin kapag kami ay nangangaso o nagkakaingin lalu na sa loob ng gubat at napuna naming kami ay naliligaw, ang ginagawa namin ay binabaligtad namin ang aming damit, matapos naming baligtarin ang aming damit ay nahahanap na namin ang daan palabas.” Matapos siyang magsalita ay agad na nagtaas ng kamay ang lalaking nagbahagi kanina na taga Cordillera at sumabat na “Sa amin, pag kami ay naliligaw sa loob ng kagubatan ay inaakyat lang namin ang puno at nakikita na namin kung saan ang daan palabas!” Sa pagkakataong ito hindi ko na napigilan ang sarili at tuluyan ng natawa kasabay ng mga guro.

Advertisements

One comment on “Doon Po Sa Amin

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s