school bus

namamaos na ang aircon sa kabubuga, halata na sa maingay at gasgas nitong tunog. Gayundin, ‘wag idalanging malubak at papatak ang tubig mula bunganga nito. Maswerteng nakakuha ng upuan sa tabi ng bintana ‘ngalang hindi pwedeng sumandal. Naglilimayon ang maliliit na ipis na padaan-daan at tumutulay sa bintana. Gabi na, madilim at makapal ang usok sa labas mula sa mga tambutso ng sasakyan. Walang matanaw at kung mayroon man, nahaharangan ng mga sulat Hapon o Intsik na nasa kulay pula. Matagal na ‘tong nakapaskil at nakikita sa mga bintana ng bus ngunit hanggang ngayo’y walang makapagsabi ng kahulugan. Minsang naiisip na lang na baka ang nakasulat dito ay Hudas not pay or God Bless our trip. Pwede rin sigurong basta driver sweet lover. Sa bawat gilid ng bintana ay may pindutang hindi naman gumagana. Kahit hindi nauunawaan ang nakasulat, natitiyak na ang tinutukoy rito ay pindutin kung bababa.

Heto na ang kundoktor kaya’t kanya-kanyang diskarte. Kung may id ng senior citizen o school id, mas tipid pero kung wala may magtutulug-tulugan, may mamumulot ng tiket at minsan may sabwatan pa nga- pasahan ng tiket. Pwede rin naman ang tsapa kahit malinaw na nakasulat na badge not honored (if without gun). Pwede namang magbayad hanggang Bicutan kahit sa Alabang ang totoong bababaan.

Sa loob ng bus; may nagrorosaryo, may nagbabasa ng dyaryo, naghaharutang mga magkakabarkada na ginagawang tambayan ang loob ng bus. Beer na lang ang kulang at yosi.

Lampungan din ang lugar na ito. Habang may nananalanging makauwi ng maaga, ang mga ito naman ay nananalanging matrapik pa sana. Kahit mabilis pa ang bisikleta sa binabyahe ng bus.

May ulong susuray-suray at sumayaw sa indayog ng bus. Maaaring lasing at may ilan ding nagmumukhang lasing sa tindi ng pagod. Kasabay ng pagpatak ng tubig mula sa bunganga ng aircon ay syang paglawa ng mga laway.

Halos bumaliktad ang sikmura sa amoy ng sukang idinuwal ng isang bata. May sanggol namang kipkip ng ina at walang patid ang pag-usal na sana’y bumaba ang lagnat ng bunso.

May amang bitbit ang pasalubong sa anak na binalot pa sa lumang dyaryo at panay pa rin ang kwenta upang mapagkasya ang inuwing kwarta.

Isang binata ang abot-tenga ang ngiti bitbit ang report card na ipinangako sa sarili, para sa pamilya.

Mayroon ding malulungkot na mukha. Mukha ng kasawian. Maaaring iniwan ng asawa, o naglayas o may dinaramdam.

May ilang sumakay at walang tiyak na patutunguhan.

wala nang nakakapansin sa nagpapapansing radyo

sitsiritsitsit…

bakit kaya nagmamadaling umuwi ang dyowa mo…

siguro kasi…

nagtatae….

(kailangang pa bang i-memorize ‘yan, buhay natin talagang ganyan!)

Sa likod, may mga tinginang waring nagkakaintindihan. May kanya-kanyang buhay ang kamay at nagbabyahe patungong langit.

at may tinginang mas makahulugan

isang kisapmata…

nakabibinging tunog…

isang kislap…

hanggang sa magpasyang gumarahe ang bus

Advertisements

One comment on “school bus

  1. nung nabasa ko ang huling sentence ng entryng ito ay naalala ko ang isang nakakatawang kuwento ng isang dating kaopisina, si Bang. si bang ay taga-Fairview at ang aming opisina ay nasa Makati. minsang nag-overtime at ginabi na nga sa pag-uwi, nakatulog siya sa bus. nung magising siya, laking gulat niya dahil hindi na umaandar ang bus. nakagarahe na pala, at ang driver at ang konduktor ay nagkukuwenta na ng kinita nila sa araw na iyon. biglang tayo si Bang at dali-daling lumabas. dahil nakapwesto sa likod at marahil ay nakasubsob na nga dahil tulog, hindi nila alam na may sakay pa ang bus na nakagarahe na. para silang nakakita ng multo ng lumabas sa bus si bang. tawa ako ng tawa nung ikuwento niya ito sa akin.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s