Kung bakit 7 PM ang fireworks sa Intramuros

Akala ko sa pelikula lang pwedeng mangyari yun. Halos sumabog ang dibdib ko at nautal-utal pa nga. Hindi ko alam kung paano ko sasabihin sa’yo na mahal na kita. Pero nung mga oras na yun, kinalimutan ko ang hiya, sinubukan kong sabihin sa’yo hindi lang para hingin ang sagot mo kundi pati saklolohan mo ko. Magkaibigan tayo di ba? Nasa krisis ako ngayon. Isang malaking krisis ng buhay ko ang ibigin ka.

Tahimik tayo parehas matapos kong ipagtapat ang niloloob ko. Nagpasya tayong maglakad. Siguro para makasagap ng sariwang hangin o para makahanap ng ingay at posibleng mapag-uusapan para pagtakpan ang nakabibinging katahimikan. Wala tayong salitaan matapos iyon pero ang mga kabog ng dibdib natin, ang kaba o ang hiya; walang patid at dumadagundong. Dinaig pa ang mga tambol at sayawan sa Intramuros.

Madilim na. Wala pa ring sagot. Ang kaninang magkakadugtong at tila walang katapusan nating kwentuhan ay nagpapatlang ngayon. Iba-ibang paksa. Kung bakit ko pa kasi sinabi ang nararamdaman ko. Pero kailangan. Ngayon lang ako naging ganito katapang o ganito kakapal.

Sumabog ng liwanag sa kalangitan. Ang fireworks display ang nagsabing tama ang ginawa ko. Sakto at parang sinulat ang bawat sandali. Ang liwanag na yun ang lalong nagpatingkad sa’yong mukha. Ang liwanag ding yun ang nagsabi sa’kin na sa kabila ng lahat, ano man ang sagot ay panalo na rin ako. Isang maliwanag na sagot sa pagkabagabag ko.

Sa taxi pagkahatid ko sa’yo, sinubukan kong ibalik ang usapan, napangiti ka lang at isang birong hampas ng bote ng mineral water na walang laman ang natanggap ko sa ulo, ngumiti ka, sinabi mong hindi mo napansin o naramdaman iyon. Sinabi mo ring ingat.

Advertisements

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s