24

Alas diyes pa lang ng umaga ay may tawag na. Pupungay-pungay at kinuha ang number nang nagpapareturn call. Tinawagan ko naman, interview daw mamayang 2:30 ng hapon. My god, short notice, paano na ito at wala akong isusuot kaya tinanong ko agad ang consultant, Ma’am I have a very naïve question, do I need to come in a formal attire? Tumawa siya. No hindi naman, smart casual lang. Ah ok, smart casual. Aktwali, hindi ko rin alam kung ano yun. Hehehe pero syempre explain ako, kasi NGO work ang pinanggalingan ko kaya hindi uso sa akin ang formal. Ok lang daw. Sa bagay, baka bagsakan kita ng telepono, short notice na nga irerequire mo pa ako magsuot ng formal. Paghang ng phone- nagbrown out. Lechugas na araw! Nang-iinis. Tawag ako agad sa meralco at isang oras lang, may kuryente na. Buti na lang charming ako.

Matino naman ang bihis ko. Ito ang natira sa dati kong sinusuot noong wala pa ako sa NGO. Parang pang opisina. Yung iba kasi ay pinamigay ko nang magtrabaho ako sa NGO, mala-St. Francis! Very accommodating naman siya at interesado daw sa resume ko dahil sa NGO experience ko. Naikwento nya na Gabriela pala siya nung college. Itinanong ko ang school at sabi niya sa Miriam daw. Gusto ko sanang sabihin na Gabriela rin ako hahaha! Baka magunaw ang mundo niya. Honorary member, bakit ba?

Pinapapunta niya ako sa QC the next day para daw sa second interview. This time with their client, recruitment agency pala sila. hay, kakapagod. Sakit na ng paa ko maglakad sa Makati. Wala pa naman akong sapatos na leather. Huling suot ko kasi sa sapatos ko noong 2005 pa nang minsang bihis na bihis ako; nakalongsleeves at slacks at sapatos na parang dinilaan ng aso sa kintab! Graduation kasi ng isang paaralan ng mga katutubo. Naroon ang alkalde at bise alkalde kaya kailangan kong pumormal kahit alas diyes ng umaga ang programa at katirikan ng araw. Wala namang bubong sa pinagdausan. Nang dumating ako, para akong bisita at nagtitinginan ang mga magulang ng mga magsisipagtapos. Akalain ko bang magdadaster lang ang mga iyon na parang wala lang. Sa bagay, mahirap lang ang mga tao roon at mas pinapahalagahan ang pangunahing pangangailangan. Maya-maya pa’y dumating na ang alkalde at bise alkalde – naka t-shirt at maong! Anak ng tipaklong, at nakarubbershoes. Oo nga naman, bakit nga ba sila magpopormal e nasa itaas ng burol ‘yan. At nang magpicture taking, syempre kasama ako, nakasimangot habang ang leather shoes ko ay ngiting-ngiti, siguro kung may dila ang sapatos ko ay lumawit iyon sa pag-akyat sa burol!

Pagkatapos ng interview, tumawid ako sa Ayala papuntang Paseo para kuhain ang contract ko sa consultancy work na ginawa ko. Ayoko naman kasing humingi ng certificate of employment dahil hindi naman nila ako employee in the first place. Just in case lang na hanapan ako ng proof na may trabaho nga akong ginawa sa company na iyon. Swerte naman at kasabay ng pag-abot ng contract ko ay pwede na daw kuhain ang last check ko sa kanila. Mag-4PM na, bukas pa ang bank of commerce na hanggang alas-kwatro talaga ang transaction. Hinabol ko agad ang oras at saka nagpapalit unfortunately hindi tinanggap ang tseke ko dahil hindi ko napansing ang tseke ko pala ay Security Bank! Naisip ko, bakit nga kasi ako pupunta dun sa Bank of Commerce e eversince, ang sa akin ay sa security bank at ang kasama ko ang sa Bank of Commerce. Hindi naman ako napahiya dahil walang tao at pangalawang beses na itong nangyari nang minsan magpapalit ako sa union bank ng tseke ng UCPB dalawang taon na ang nakakalipas. Ngumiti lang ang teller matapos akong humingi ng paumanhin. Well, charming naman ako. Last time na binayaran ako ng tseke, 3:15PM na at di na aabot sa Security bank but still pinapasok ako ng guard kakapilit ko. Tinuturo nya ang sign na closed pero di ako pumayag dahil gusto ko ay kinakausap ako. Kinawayan ko siya na ang ibig sabihin ay lumabas siya, bumukas ang bibig na parang may sinasabi at itinuturo ang karatula, pero kahit alam kong sinasabi nyang sarado na ay nagbingi-bingihan ako kaya lumabas siya. Sa pagkakataong ito ay sinabi nyang sarado na. Well, sinabi ko lang na kailangan kong makuha ang pera, importante lang dahil malayo pa ang uuwian ko at sa kanila ako lagi nagpapapalit. Nung tinanong niya ang company ay napilitan na rin siya dahil sa kanila nakikipagtransact ang company na iyon. Katulad ng paulit-ulit kong sinsasabi charming ako. I use my Charm then my Harm.

The next day, umagang-umaga pa lang, nasa bus station na, nakasuot ng longsleeves, kahit mainit, sige tiis lang. Client ang kakausapin ko. Chinese daw. Istrikto sa oras ayon pa sa consultant. Puro ordinary bus ang dumadaan. Ayokong sumakay. Paano na ang buhok ko. Sayang naman ang dalawang beses kong pagpahid ng bench hair cream para disenteng tingnan at hindi tikwas. Karamihan nakatingin, parang awkward ang feeling. Bakit nagtitinginan ang mga taong ito- dahil mukha akong aatend sa graduation? O dahil ayoko pang sumakay? Iniisip kaya nila na maarte ako dahil ayokong sumakay sa ordinary bus? Karamihan sa kanila naka t-shirt, maong, o kaya yung iba naka short. Siguradong walang interview na pupuntahan. May ilan naman na naka pang opisina at makalipas halos ang tinatayang mga labinlimang bus ay may isang aircon bus na dumating. Karamihan sa mga nakapang-opisina ay dito sumakay. Gulat ko pagsakay sa bus, naroon si Rainer, Pops at Mystica, sa kanilang lahat, isang lalaking ang minumukhaan ko dahil tila minumukhaan din ako, tama siya si Shaider! Totoo! Dahil bababa ako agad, gusto kong maupo sa aisle seat kaso ayaw umusog ng lalaki kaya mapipilitan ako sa window seat. Ang siste ayaw nyang tumayo para padaanin ako kaya ipinagpilitan ko ang sarili ko papasok. Lintsak ang ayoko sa lahat ay ng pumalatak siya. Pasensya sya kung nasanggi ko siya, ayaw nyang umusog at ayaw nyang tumayo. Nagbayad siya at sa Ayala siya bababa sabay tingin sa akin, nagbayad naman ako at sa Mantrade ako. Napangiwi na lang siya. Akala niya yata mauuna siyang bumaba kaya ngayon mapipilitan siyang tumayo dahil kung hindi ay babanggain ko siya este mababangga ko siya ulit.

Sumakay ako ng escalator ng mrt nang may nagmamadaling umakyat. Nang makaakyat siya ay napansin kong nasa likod pala si Shaider. Dahil may tiket ako ay tuloy-tuloy ako at di na pumila. Maya-maya ay may tumabi sa akin at bumulong, “pwedeng malaman kung anong oras?” Pag tingin ko ay si Shaider. Nang marinig ko ang boses na iyon, nagduda ako kung siya si Shaider o si Annie. Muntik ko ng masabing pasensya na, hindi ako si Fuma Lay-r.

Ang layo ng kailangang lakarin. May tricycle naman pero ayaw akong isakay dahil malapit lang daw yun. Pero sa dalawang suson ng medyas na suot ko para sumikip sikip at magkasya ito sa sapatos na leather na hiniram ko sa tatay ko kasama na ang tig-pisong inilalagay ko sa sapatos para hindi ako kabahan (walang kokontra dahil para sa akin totoo ito), ang sakit-sakit na ng paa ko. Buti na lang at may mp3 player ako kaya nawawala ang kaba at nako-conditon ako sa t’wing makadarama ng kaba. Pinaghanadaan ko talaga ang oras na ito. May lipbalm sa bulsa, ballpen at papel na tinupi at nilagay rin sa bulsa sa polo. Lagi akong may papel dahil madalas habang nagbabyahe ay nagsusulat ako ng mga ideya na pumapasok, mahirap na dahil baka makawala pa at hindi maalala. Nararamdaman ko ring nakakapit ng maayos ang aking buhok. Naalala ko tuloy ang pabaon ng tatay ko nang makita ang buhok ko, lagyan ko daw ng langis. Ang tinutukoy niyang langis ay ang langis na pinagkatasan mula sa niyog na siya ng iniinom kahit uso na ang VCO! Buti na lang at ibinili siya ng ate ko ng VCO dahil may kolesterol ang langis na hindi nasasala at dumaraan sa tamang proseso.

9:30 pa lang ay nasa opisina na ako. Naghihintay. Saktong alas diyes ay ako naman ang kinapanayam. Mabait naman si Mr. Chinese. Pero sa tantsa ko ay nakukulangan siya sa skills and experiences ko. Hindi ko ugaling iinsist ang sarili ko sa trabaho. Para sa akin, hindi ko ibabargain ang sarili ko, ‘yan ako e, pag hindi qualify ok rin lang. Mahalaga ang trabaho at mahalagang mapunta ito sa totoong makagagawa ng mahusay. Hindi ko sinasabing hindi ko kaya pero sa tono ng salita niya ay kumplikado talaga ang trabaho at kailangan ko pang magpakita ng certificates at mga ID na magpapatunay na involve ako sa isang organization na may kakayahan sa ganong trabaho. Naisip ko lang, parang wala namang samahan para sa ganon pero sige lang. Sa isip ko, napatatanong na lang ako kung bakit ganon na lamang kakomplikado ang hinahanap nila. Tinanong niya ako kung kilala ko si Dean Almario ng UP, tinanong ko kung ang tinutukoy niya ay related kay Virgilio Almario, sabi niya I think so. Pagkatapos ay winika niya na yun ang dating gumagawa ng trabahong nabakante. BIGAT! Sa pagkakatong ito, naintimidate ako, pakiramdam ko, kung matanggap man ako, siguradong napakataas ng inaasahan / expectations sa akin lalo pa’t dalubhasa ang nagsimula ng trabahong kailangang ipagpatuloy.

Natapos ang panayam at umalis akong hindi na umaasa na tatawagan pa muli para sa ikatlong panayam. Dahil sa Libis iyon, nakita ko ang mga sunod-sunod na baba sa taxi ng mga empleyado ng kol center, hindi ko gustong magtrabaho rito, I have nothing against call center pero bukod sa mahina ako sa ingles ay hindi ko talaga matatagalan ang ganitong trabaho. Madalas ‘pag may tumatawag sa bahay para sa call center ay nagtataka sila ‘pag sinasabi kong hindi ako marunong mag-ingles gayong slang pa nga pag kausap ko sila – sa totoo lang, praktisado na ako sa araw-araw na tawag at pangungulit nila. Iisa lang naman ang sinasabi ko. hehehe

Bumalik ako sa Makati para magpapalit sa bangko at sa pagkakataong ito ay nakuha ko na ang tseke. Salamat na lamang at may pera na ulit ako. Nabayaran ko na ng full ang credit card kaya wala ng manghaharass sa telepono. Nabayaran ko na rin ang utang sa isang kaibigan.

2:30 ng hapon ay naisip kong dumaan sa Carlos Palanca para kumuha ng form, baka maisipan kong lumahok sa patimpalak. Baka dito, may karir ako. Ang problema lang, contest ito at hindi pwede ang charm.

(isang taon na ang nakalipas ng makita ko ulit ito sa dati kong blog na ngayon ay idedelete ko na ng tuluyan. hamong ipost ko ulit dito.)

Advertisements

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s