10 taon sa ilalim ng makapal na ulap

1997 nang magdesisyon akong hanapin ang sarili kong landas. Tambayan ko noon ang tabi ng riles. habang binabagtas ko ito, pilit kong binibilang kung ilang makakapal na kahoy na ang tinutuntungan ko. ito ang hinahakbangan ko upang makarating sa tambayan. nakatutuwang isiping kinakaya ng mga kahoy ang tone-toneladang treng gumuguhit padausdos sa mahabang riles. kabisado ko ang oras ng pagdaan ng tren, alam kong may aksidente kung sakaling naantala ito. namamangha rin ako sa gahigante nitong makaninang waring nangangakong magdadala sa mga pangarap ng mga nakaangkas dito.

Noon, madalas kong iniisip kung may hangganan din ba ang riles, kung may istasyon sa dulo nito. ang tren… ang kamanghaan ko… ang riles at kahabaan nito, ang aking palagay sa mundo at sa buhay na walang hanggan, waring hiblang magkapulupot, magkatugma.

Ngunit di gaya ng tren, kumawala ako sa riles. nagsimula akong mamulot ng kahoy na aapakan. tinawid ko ang daang maputik. binagtas ko ang daang di-tuwid. iniisip kong walang istasyon sa dulo, na ang patutunguhan ko ay nakasalalay sa mga kahoy na ilalatag ng aking kamay, sa mga paang ihahakbang patungo sa nilalatag kong daan.

Ito nga ang buhay na pinili ko. sampung taon sa ilalim ng makapal na ulap. walang kasiguruhan. walang araw na kinikilala.

pasikut-sikot man, nasisiyahan ako sa tinahak kong landas. maaaring minsa’y may kalungkutan, totoong minsa’y walang kapanatagan o sadyang mailap ang kapayapaan subalit nababagtas ko ang bawat sandali sa paraang nais ko.

totoong may mga sandaling nakakahilo, paliku-liko subalit sa mga sandaling ito, nakikita ko ang aking tapang. ang kinang ng aking isip, ang husay ng aking kakayahan.

bagamat pinapatapang ako sa paglalakbay na ito, aaminin kong may ilang sandaling naduduwag ako. habang kasuyo ang sarili, may ilang pagkaantig ng damdamin. may mga nasalubong akong manlalakbay na muling nagpapaalala ng aking kamusmusan, nagpapaalala na maganda ang daigdig, na may mga daang nakahanda na para sa akin, na nangungusap na waring tumatagos sa aking puso. kung bakit at kung paanong pinagtatagpo ang aming landas, kung paanong nalalaman nila ang kahinaan ko ay hindi ko na alam… o sadyang tinatanggihan kong malaman.

Maaaring bumuhos ang malakas na ulan kasunod ng sampung taon, hinahangad ko na hugasan nito ang buo kong pagkatao. kahit hindi na malinis na malinis, mahugasan man lang ang makapal na putik sa aking talampakan.

Advertisements

One comment on “10 taon sa ilalim ng makapal na ulap

  1. “Maaaring bumuhos ang malakas na ulan kasunod ng sampung taon, hinahangad ko na hugasan nito ang buo kong pagkatao. kahit hindi na malinis na malinis, mahugasan man lang ang makapal na putik sa aking talampakan.”

    very well written.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s