sapang-amarillo

dilaw ang kulay ng langit, kaya dilaw ang tubig.

natatandaan mo ‘to? kasama kita nung tinanong natin kay Nana Ponce kung bakit amarillo ang tawag sa sapang ito.

bihira daw na ang kulay ng langit ay gaya nito, madalas, kundi bughaw ay kulay rosas, pero dito sa atin – amarillo.

dito sa tabing sapa tayo unang namangha, dito rin tayo unang nagtanong.

Natatandaan mo pa ba ang mga habulan? Ang pag-ugoy ko sa yo sa duyan sa may puno ng akasya? Marami-raming isda rin ang nabitag ng mga maliliit na lambat na inilatag natin sa tuwing mababaw ang tubig at umaagos ang sapa. Halos dito na tayo nagkamalay, ‘di ba dito mo rin natutunan kung paano mamingwit at kung paano magluto ng isda. Sa sapang ito tayo nabuhay. Akala ko noon, dito tayo habambuhay.

Ito ang punong ipinangako ko sa’yo. Dinidiligan ko – araw-araw. Siguro sa isa sa mga ugat nito nakasuot ang singsing na yari sa dahon ng buko na hinabi natin. ang isa ay sukat sa daliri mo at ang isa ay sukat sa daliri ko. Tanda ng ating pagkakaibigan. Ang totoo, malalim na pagkakaibigan. sa mga singsing na iyon inihabi ko ang pag-ibig ko sa’yo. lihim iyon. ayokong masira ang pagkakaibigan nating inalagaan buhat pa noong tayo’y mga bata.

Matapos nating buuin ang mga singsing, sinabi mo na itanim natin ang maliit na uhay ng mangga, at ilagay sa mga ugat nito. Nakakatawa ka, kasi ang drama mo, pero sabi mo nga, tanda iyon ng pagkakaibigan natin. Kaya nga matapos iyon… matapos kong marinig mula sa iyo na pupunta ka na ng Maynila para ituloy ang pag-aaral at pagkokolehiyo, inalagaan ko ang punong ito.

Lumaki ang puno pero di ka na nagpakita. Inalagaan ko pa rin at inasahang matitikman mo ang tamis ng bunga nito. Pero lumipas ang maraming taon, wala na akong narinig mula sa iyo.

Ang masayang kulay ng amarillo ay nabigyan ng ibang kahulugan. Malungkot ang amarillo- pighati ang tunog ng tubig, tila ang agos nito’y mga bulong na tumatawag sa pangalan mo.

Umalis na rin ako. Sapat na ang tubig sa sapang-amarillo upang maalagaan ang punong minsang naging saksi sa bata kong pag-ibig. Pinalago ito ng pag-asa, hanggang sa tuluyan akong mapagod at magpasyang hanapin ang sarili kong kaligayahan.

Mula Amerika ay nais kong makauwi ako agad sa sapang-amarillo nang mabalitaan kong muling magkikita-kita ang mga kaibigan natin. Ikaw raw ang nagpatawag nito. Mayaman ka na siguro at kaya mo ng magpakain ng halos isang buong baranggay sa dami ng anak ng mga kababata natin.

ngunit naantala ang pagdating ko, hindi ganun kadali ang pag-uwi sa ating bansa lalo na’t may amo akong hindi nakauunawa sa wagas na pagmamahal.

Huli na ng makarating ako sa tagpuan natin. Naroon ka. sa Tabi ng puno na ating itinanim. Nakatanaw sa sapang-amarillo. Ang tangi ko lang na maiaalay ay ang mga bulaklak na ito. mula sa mga tangkay na pinaghabi-habi gaya noong araw, noong mga bata pa tayo. Nawa maalala mo ang masasayang araw na naglalaro tayo, naghahabulan, nagtatanong tungkol sa buhay. Sa payapang buhay na kinaroroonan mo ngayon, sana’y maramdaman mo ang wagas na pag-ibig ko. asahan mong dito, sa tabi mo, sa tabi ng punong inalagaan natin, magkasama nating pagmamasdan ang sapang-amarillo.

Advertisements

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s