Paglikha

nagsasalitan ang pala at pagpapalitada, dumadagundong ang kalsada sa t’wing uusad ang mga traktorang huhukay sa lupa habang ang martilyo, lagare at piko ay nagsasagutan. ito ang ritmo na naririnig ko madalas. ito ang orkestrang bumibingi sa akin.

kunwa’y abala ako at walang naririnig, nagpapanggap na tulala sa kanbas na nabubuo sa aking isipan. isisilang na ang isang bagong bayan – nagbibihis na ang kalunsuran.

hayaan na ang alikabok, anupa’t ang pulbos na ito’y mapapalitan ng mga pinturang lilikha ng masiglang mundo.

hayaan na ang peklat sa lupa, sa huli’y magpapadulas ang mga rumaragasang sasakyan.

may nasasagasaan at  may magsasakripisyo. may paglilipatan naman. matagal na silang nakinabang sa lupa ng ilan, mabuti nang mailipat upang maiiwas sa haring bakal na magmamadali, magbabalik na ang dating hari.

at hindi na tayo maiinitan…ang matatayog na gusali ang pananggalang sa init at ang mga tulay, silang mga tulay ang tuwirang kukubli sa liwanag.

nakikita ko ang bagong bayan; salamin, semento at bakal.walang init sa loob. may malamig na hanging susundot sa laman.

at walang  pulubi. pagkat walang pulubing makatatagal sa init sa labas na kinukulong ng mga dambuhalang haligi.

at nagaganap na nga ang matagal na panahong inaasam ng bayang ito.

ang matutuklasang hindi ang pinangarap niya at inasam-asam ang  kahulugan ng kanyang kaunlaran.

muli siyang makararamdam at maghahanap ng kabuluhan.

at magigising siyang abala sa pagsasaliksik ng panibagong pangarap na tatahakin. at lalabas siyang muli.

at masasarhan na naman ang kanyang loob.  kaya’t paulit-ulit na magbibihis ang bayan sapagkat paulit-ulit itong naghahalo ng isang baldeng putik.

Advertisements

One comment on “Paglikha

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s