High School Life

sa burger king dyan sa glorietta, tumambay muna ako. kung nagtitipid kasi, dito na ko nakiki wi-fi. Dinner and internet in 1.

sa sulok ng 2nd level ako sumiksik, para naman hindi nakakahiya na mag open ng mail at magbasa ng blog. Habang nagpapakahi-tech ang mga tao sa kani-kanilang laptop, halos lumabo naman ang mata ko sa liit ng lcd screen ng cellphone ko.

hindi ako makaconcentrate sa pagbabasa dahil sa ingay ng mga tao sa kabilang mesa. pinukol ko ng tingin at tumambad sa akin ang mga binatilyo at dalagitang parang ngayon lang nakakain sa burger king. Kung titingnan ang kanilang porma, mukhang mga High School. Hindi sa nanlalait ako, in fact iniingatan ko nga ang gamit ng mga salita kaya kanina pa ako nag-eedit dito, basta ang alam ko ay ang ilan ay hindi mariwasa ang pamumuhay. alam ko rin na ang araw na iyon ay espesyal sa kanila. maaaring pinag-ipunan nila ang panggimik. Siguro bago kumain ay nanood pa sila ng sine. Iba ang tawanan nila – mababaw pero alam mong may lalim. alam mong totoo. Makikita mo sa mukha nila na masaya sila sa isa’t-isa. Kaya nga ang inis sa pang-iistorbo nila ay napalitan ng saya sa akin. Parang nakikini-kinita ko ang ang sarili ko sa isa sa kanila.

Noon ang Jollibee na ang sukatan ng kayabangan. Ibinibida agad sa mga katropa na noong weekend, nagjollibee kami. Kung ngayon, baso ng starbucks ang status symbol, noon baso ng 7-eleven. Tinitiis ang brain freeze ng slurpee.

Usong-uso rin ang mga ligaw-ligawan at tuksu-tuksuhan. ang bumigay talo. mabuntis drop-out kung di kick-out. halata mo ang mga tinginan na may tensyon, kunwa’y aayaw-ayaw sa pagsasama sa mga group work pero dasal naman na mabunot ang pangalan sa bunutan.

Uso rin ang mga code name para hindi makilala o mapag-usapan. lahat may code name. Pati teacher. yung iba parang alien. iba ang salita. nilalagyan ng -ga. Halimbawa, sa halip na sabihing sino siya?, sinasabi nila na sigi nogo sigi yaga. Code daw ito. Ang pinagtataka ko lang, paanong naging code yun e lahat ng mga magkakaklase, alam yun.

madalas seasonal ang kabaliwan nuong High School. Pag opening ng klase, lahat bago. Mula notebook hanggang sa id lace. dapat may design. dapat may tatak at dapat unique. yung dating payat nagpapataba at yung dating mataba ay binibidang nagdadiet. siguro mga dalawang linggong ungusan at yabangan. in fairness, walang nangungutang pag ganitong panahon… kasi nga, minus pogi / ganda points.

Kung nung simula ng klase ay umaalingasaw ang mga cologne ( pinakamahal ata noon ang charmis at patok naman ang johnson na niña – yung puti) pagdating ng Agosto ay magdurugo ang ilong mo sa antot ng mga kaklase mo. lahat busy lalo na sa pagpapraktis ng sabayang bigkas. hala, bilad na sa araw, ang init at ang kati pa sa katawan ng costume.

syempre, lahat ata may purgatoryo, bago matapos ang setyembre, unti-unti kayong babawasan. may makikick-out. may ibabagsak. may isyu ng pangongopya at meron ding leakage. Isa-isa ring nabibisto ang mga miyembro ng frat-fratan. kung saan hinuhubog ang sputnik gang at batang city jail. dito bibo ang mga sigang row 4.

bago mag Nobyembre, sandamakmak ang napopossess. malapit na kasi ang todos los santos. lahat, nagkakaroon ng third eye. lahat may unique encounter sa maligno, aswang, multo, mangkukulam, mangbabarang at kung anu-ano pa. maya’t-maya ay may hinihimatay. Hindi kaya kasi kalahati na ng school year at naghihirap na sila… marami na ang walang makain o sadyang nagtitipid dahil magpapasko na?

at siyempre pag pasko, mawawala ba ang carolling, ang contribution para sa pagkain na madalas ay pinagkakakitaan ng ilang (ooops… hindi naman karamihan, ilan lang ang sabi ko) mga guro? biktima ata kami rito. dito makakaipon ka ng panyo, sabon, picture frame, photo album, key chain at siyempre, ang burden ng mga nagkakaya-kayahan sa buhay ay ang bumili ng expensive na regalo para sa ka-exchange gift niya at sa lahat ng guro niya! whew!

Pag January lahat kami ay magtataas ng kamay para tingnan ng guro kung kumpleto pa ang mga daliri. Pag natiyak na kumpleto na ay ilalabas na ang pangontra sa kwentuhan tungkol sa mga christmas activities. dapat daw ay maging creative kaya kailangan namin itong isulat sa formal theme at sa Filipino ay sa Sulating Pormal. Dalawang Linggo ata namin ‘tong gagawin, mula sa burador hanggang sa sulating di pormal at maging sulating pormal.

Syempre, hindi matatapos ang taon ng hindi nagkakabistuhan kung sino ang mga crushes kaya sandamakmak na love letter ang gagawin dahil walang pambili ng hallmark at walang maipagawa ang mga guro. siyempre sa ganitong panahon din, mararamdaman ng mga guro ang halaga nila sa mga mag-aaral. ang iba, factor ito kung aalis ba o mag-istay sa paaralan. depende sa dami ng natanggap na valentine card o depende sa dami ng sipsip at naghahabol na makapasa.

at magwawakas ang taon. nagkacram hindi lang sa mga exam kundi sa paggawa ng slumbook o dedication book. gasgas na gasgas ang kantang Farewell. mag-iiyakan, hihingi ng sorry sa nakasamaan ng loob.

Noong High School ako nagsipag magsulat. hindi pa uso ang blog, araw-araw akong nagsusulat sa diary. High School din ako nakitaan ng talento sa pagsasalita. madalas akong sub pag wala ang teacher. kaya siguro ako naging teacher na trainer na ngayon.

Pana’y gimik ako noon every weekend. pumapasok ako pero bago umuwi, lahat ata ng iskinitang madadaanan ko ay papasukin ko. tambay sa kaibigan, sa kaibigan ng kaibigan, sa malayong simbahan, sa memorial park, sa lahat ng mall. at pag-uwi, mag aakting-aktingan na sumasakit ang ulo sa group work at brain storming.

Mula sa pagiging aktibo sa simbahan ay unti-unti akong nagpaalam. Naging agnostic.

mula sa mga resibo, stamp at lahat ng mga bagay na kinokolekta ko noon, nadala ko iyon hanggang ngayon.

High School ako nang magkainteres sa photography dahil sa vocational course noong 4th year HS, sa subject na iyon ko nadiscover ang Philippine Normal University. Napadpad ako sa Manila para kumuha ng mga still life, moving at kung anu-ano pa. Hanggang sa nakapag-aral ako sa PNU. At nakahiligan ko na ang pagkuha; sandamakmak na negative ang naubos ko, napadpad sa quiapo para magpadevelop nang marealize kong maghihirap ako sa Kodak. At kahit hanggang ngayon ay camera phone na lang ang gamit ko. (ang mahal e)

Sampung taon mula ng makatapos ako ng High School, hindi ko na sila nakikita. ang ilan, nasa friendster pero marami ang hindi ko na mahanap. yung mga babae, nagsipag-asawa na at iba na ang apelyido kaya mahirap hagilapin. ang iba naman, katext pa rin. May ilan na miyembro na ng sindikato, may ilang mayaman na, may nakapag-ibang bansa, may nakapag-asawa ng teacher, maraming propesyonal at maraming hindi nakatapos. May ilan ding alaala na lang at sumakabilang-buhay na.

Ang mga iyon, dala ko ang malaking bahaging iyon sa pagkatao ko. Hinubog ako ng masasaya, malulungkot, masasakit at nakatutuwang alaala. Masarap alalahanin ang buhay na pinagdaanan, masarap maging High School.

Advertisements

5 comments on “High School Life

  1. hay naku.. sarap isipin ang nakaraan. lalo na ang high school life.
    sarap din ng malaman ang isang bernard umali na kaklase ko ng high school ay isa ng magaling na writer at guro.
    saludo ako sayo.. hope pagbalik ko ng pinas get together tayo ng mga ka batch natin.. reunion na sana. hehehe

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s