Telenovela at iba pa

Hindi ako sigurado kung saan aabot ang blog entry na’to, kung sinu-sino ang makababasa o kung may papansin man lang. Gayunman, magbabakasakali akong dito hilingin ang matagal ko nang inaabangan sa TV. Hindi ito tungkol sa kung anumang telenovela na sumikat sa Mexico, Korea o Taiwan.

Nitong nakaraang sampung taon ng pagbabago ng telenovela sa Pilipinas, mula pagpasok ni Marimar (1996) sa Pilipinas at siya ngang paglaganap ng Mexican soap opera na nagpabilis naman sa takbo ng mga telenovela sa bansa hanggang sa nakalusot ang mga astig na Meteor Garden at ngayon nga ay ang mga Koreans, unti-unti ay binago nito ang panlasa ng mga Pinoy kasama na ang pagkatuto sa iba’t-ibang kultura.

Nakatutuwang isipin na kung mayroon mang telenovela na humakot ngayon ng mataas na audience share ay walang iba kundi ang mga programang tumatalakay sa kasaysayan, kabayanihan at kultura gaya ng Jewel in the Palace, Jumong, Princess Hours at iba pa. Dito ako nagbabakasakali.

Kung tinatangkilik natin ang mga programang gaya nito, na ang kwento ay nakasalalay hindi sa mga artista (dahil hindi naman sila sikat) bagkus ay sa istorya, marahil panahon naman upang magkaroon tayo ng sarili nating telenovela na tatalakay sa yaman ng sarili nating panitikan.

Ang tinutukoy ko ay ang pagsasadula ng Noli Me Tangere, El Filibusterismo at isama na natin ang Mga Ibong Mandaragit. Natitiyak ko na tatangkilikin ito hindi lang sa ating bansa bagkus maaaring pati sa ibang bansa. Kilala ang mga novelang ito bilang isang makapangyarihan at mapagpalayang akda na nagbago at gumuhit ng ating kasaysayan.

Nasasabik akong makita ang kasuotan, ang mga linyang matalinghaga at ang  marubdob na damdaming nagpapahayag ng pagmamahal sa kapwa at sa bayan. Hindi ba’t ganito rin naman ang mga telenovelang napapanood natin? Hindi ba’t hindi naman isyu na sa atin ang malalim na pagkakasalin sa Filipino ng mga wikang ginagamit sa dubbing?

Nais ko sanang makita sa dalawang higanteng istasyon na nagsasabing responsable at nagtataguyod ng pagkamakabansa ang pangunguna sa paglikha ng ganitong mga programa sa halip na ibida ang mga Fantaserye o pagbili ng karapatang-ari sa pagpapalabas at pagkopya ang mga metal heroes ng mga dayuhan.

Kung ang pelikulang Rizal ni Marilou Diaz-Abaya ay tinangkilik, kumita at humakot ng parangal, masasabi nating tatangkilin din ang ganitong mga telenovela kung maipapakita lang ang sinseridad sa pagkakagawa at pagpapanatili ng pagkasining nito. Ang nakakatakot lang ay kung gawin ang mga novelang ito at pangunahan ang manonood, at gawing komersyal.

Hinihintay ko ang araw na tatanghod tayo sa telebisyon, susubaybayan ang tatlong Makapangyarihang novelang ito, pag-usapan sa bawat opisina at iugnay sa kasalukuyan nating panahon. Hindi ba’t ito ang totoong paglilingkod?

—–

Kung may telenovela akong sinusubaybayan araw-araw, walang iba kundi ang balita. Nakakagimbal ang bawat paggalaw ng mga tauhan lalo na kung pulitika ang pinag-uusapan.

Mahaba-haba pa ata ang tatakbuhin ng telenovela ng ating bansa, habang nangamamatay ang mga sundalo at matapat na tinutupad ang tungkulin sa bayan, nananatiling ganid ang mga nasa katungkulan sa kapangyarihan.

May ilang pag-asa rin naman akong nakikita gaya ng paghatol sa dating Pangulong Estrada, gayunman, hindi rito natatapos ang kasaysayan. Usigin naman ang ilang nasa kapangyarihang may dapat panagutan – hindi lang si Estrada.

Sa ngayon, iniinis pa rin tayo ng mga kontrabida sa telenovela, gaya ng kaliwa’t kanang paglusot at pagmamaliit sa kakayahan nating magsuri.

Ngayon ay kwento ng isyu ng ZTE na mistulang away ng mga batang hindi nabalatuan. Panakipbutas dito ang hinahabing kwento ng Pardon para kay Estrada. Unti-unti ay napapalampas naman ang ilang nagsanga-sangang kwento ng Marcos Wealth chapter 296, ang JPEPA chapter 364, ang Hello Garci chapter 310, Charter Change chapter 213, Jose Pidal chapter 187  at sandamakmak na kwentong hindi natapos o lihim na tinatapos.

Ito ang century-old storyline ng ating pambansang telenovela. Naiisip ko tuloy, kaya paulit-ulit na nangyayari ito ay dahil pinapanood natin. Tinatangkilik natin. Hanggang doon lang.

Sa blog na ito, gagawa ako ng sarili kong telenovela. Papalitan ko at babaguhin ang mga paulit-ulit na kwento ng pulitika, kahirapan at korupsyon. Sigurado akong sa dami ng blogger sa Pilipinas, kayang-kayang baguhin ng mga ito ang kasalukuyang kasaysayan ng ating bansa.

Advertisements

7 comments on “Telenovela at iba pa

  1. tama ka…

    naalala ko dati na parang may palabas na Noli Me Tangere sa telebisyon…

    Maganda marahil yung ganun para sa mga estudyante. Or, maganda rin kung agahan ang mga public affairs programs para maraming nakakapanood. kadalasan kasi alas dose na ng gani naipapalabas ang mga iyon…

  2. ehrm….maganda ang suggestion na isadula ang mga historical texts natin. pero sa tingin ko,hindi masyadong tatangkilikin or didingin ng mga telivision giants ang ganitong proposal. hindi lahat ay nakakappreciate ng mga tulad nito. naisip ko marahil ito ay dahil sa hindi na gaanong makakrelate ang ibang tao. aside from that, marami ang magiiisip na corny ito. siguro mas maganda kung adpatation na lang. yung hindi rip-off talga from the noli, but at least, change some events…parang sa states, when they adopt stories for tv or play, they do not copy it directly.minsan masyadong tamad magisip ang mga producers and screenwriters ng sensible twists sa plot…and thus nagiging predictable which is so boring to watch. so there.

  3. ako favorite ko talaga ang “MGa Ibong Mandaragit.” (wala masabi lang.)

    sa telenovela naman, maganda ang iyong proposition mo although ko type ang mga binaggit mo foreign telenovela. actually, magiging mapangahas sila kung gagawin iyon, as in kailangan nilang mag-invest ng pera at wag umasa sa mga advertisers.

    In my opinion, Filipino viewers watch those series because they are curious with other cultures and at the same time in korean mania. before this f4,korean, mexican and even anime invasion, local TV stations have already caters chinese old style drama series. naaalala ko nung elementary ako, may mga chinese series sa 13, 9, 5 na may mga nakasuot ng tulad ng napapanood natin ngayon sa mga epic series na lipad ng lipad sa ere ( like din sa crouching tiger hidden dragon) pero di ba hindi siya gaanong kinagat? Kinalangan na pukawin mo na sila ng isang teenybopper meteor garden para mahumaling…well malay natin di ba, saan ba nagsimila ang fantaserye sa isang “Marina” na type lang eh maiba ang labas ni Claudine. malay natin may sumubok at maging hit!
    mabuhay sa iyo!

    blue : yup, kung usaping kakagatin, hindi siguro o walang garantiya na panonoorin iyon – hindi siya komersyal pero kadalasan kung ano ang hindi komersyal ay siyang maganda at tumatagal.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s