Paruparong City

Kwento ng Paruparong Bukid na may marudbod na obsesyon sa lungsod

Sa isang malawak, mapuno at magubat na lupain sa tabi ng lungsod matatagpuan ang isang natatagong hardin. Dito sumisibol ang iba’t-ibang uri ng halamang namumulaklak, naging tahanan din ito ng mga higad na nangangarap maging isang paru-paro. Dito ipinanganak si Madam Butterfly.

Si Madam Buttefly.

Mataas ang pangarap. Isa lamang siyang pangkaraniwang higad na mabilis na naging paruparo. At dahil pangkaraniwan, walang espesyal na katangian nang siya’y magmetamorphosis – from higad to butterfly. Gayunman, sinisiguro niyang ang lahat ay espesyal kung kaya nga dokumentado ang kanyang pag-evolve. Hindi pa nauuso ang mga sex scandal ay detalyado niyang kinukuhaan ng video ang sarili at sinisiguro niyang napapanood ito ng daan-daang higad. Mahilig siya sa musika, sa katunayan, best in soundtrack, sound editing and musical scoring ang video documentary na ito. Ito ang kauna-unahang Indie film sa buhay ng mga paruparo. Minsan na rin itong naipalabas sa National Geographic at sa Amazing Video.

Taliwas sa kanyang inaasahan, hindi lahat ay humanga pagkat hindi naging makulay ang kanyang pakpak. Ang naging asset niya lang ay ang malalaki niyang pakpak, proportion naman sa haba ng kanyang katawan. Manipis na mahaba ang kanyang katawan, at nang simulan niyang ikampay ang kanyang pakpak ay maririnig ang lakas ng hampas ng hangin. Kung daraan siya at ipipikit mo ang iyong mata ay iisipin mong may manananggal na nagdaraan. Kung napanood mo ang pelikulang shake rattle and roll 1 na pinagbidahan ni Herbert Bautista, actual na tunog ng pagkampay niya ang ginamit. Ang lakas di ba?

Maraming nagtaka sa biglang pagkawala niya; nang maging paruparo siya at ikampay ang kanyang pakpak na naging dahilan ng pagkaputol ng ilang sanga ng mga halaman ay hindi na siya nagparamdam ulit. Umalis siyang parang bagyo sa daming bulaklak ang nalagas, mabuti na lamang at matitibay ang mga puno at hindi nabali sa lakas ng hanging sanhi ng kanyang pagkampay. Nabalitaan na lamang na naglagi siya sa lungsod. Doon ipinapamalas ang kanyang makapangyarihang pakpak. May pagkashowbiz ang paruparong ito, minsan nga ay naging celebrity siya nang maging bahagi sa isang sikat na programa sa TV. Gusto niyang makilala kung kaya’t sinubukan niyang mag-artista, nag-audition siya at nakuha sa Pinoy Big Brother. Natatandaan mo pa ba ang Celebrity Edition? Siya ang paruparong dumapo kay Rustom Padilla. Dahil sa cameo role na ito ay nagkaroon siya ng instant title, The Star for All Revelation! Tinalo niya si Melanie Marquez bilang Bathaluman ng mga Vaklush.

Balik tayo sa hardin.

Hindi inaasahan ang pamumukadkad ng mga bulaklak. Iba’t-ibang kulay. Mabangong-mabango ang paligid. Humalimuyak ang bango hanggang sa labas ng hardin. Umabot ang bango sa city. Naging mabili ang mga bulaklak upang gawing pabango, sa katunayan nga ay naging sangkap ito sa ilang fabric softener at dito pa nga ginawa ang ilang commercial ng comfort, downy at ang pinakabago nga ay ang Surf. Maraming maliliit na paruparo ang nabigyang hanapbuhay ng mag extra sila sa commercial.

Ang bango at pamumukadkad ng mga bulaklak ay dulot ng masisipag na mga higad at paruparong nakalikha ng sariling formula kung anu-anong halaman ang icocross breed o cross pollination. Ang mga higad na ito ang pinakamahuhusay na chemical engineer. Pinag-aaralan nila ang komposisyon ng mga halaman upang makalikha ng mga bulaklak na mababango. Very scientific. Ilang kilalang pabango sa buhay natin ang nalikha nila, mula sa forrest interlude, sweet honesty, Brute, drakkar, charmis, Johnson baby cologne (all brand) hanggang sa pinakabago; ang kris ng bench, aficianado the official pabango ng PBB housemates at ang pinakalatest ay ang lewis and pearl brand. Pati nga efficascent oil dito nanggaling. Tunay ngang nalikha nila ang iba’t-ibang scent na naging bahagi na ng ating buhay. Ngunit hindi sa lahat ng panahon ay payapa ang buhay. Gaya ng isang Fairy Tale, laging may kontra bulate.

Ang Pagbabalik.

Wala namang naiulat na namumuong bagyo si kuya Kim subalit walang anu-ano’y lumakas ang hangin. Sa lakas ay may ilang higad ang nalaglag sa sanga, may mga talulot ang tinangay ng hangin at kasama ng malakas na hangin ang isang nakabibinging ingay na mula sa trumpeta. Natuwa ang bantay ng hardin sa paparating kaya dali-dali niyang binuksan ang gate ng hardin na malajewel in the palace sa laki. Grand entrance ang isang makulay at nakasisilaw na paruparo. Nakasuot ito ng trench coat in rainbow colors. Mula sa itaas ay nagsalita siya. Ako si Madam Butterfly. Simula ngayon ay magkakasama tayong muli. Ako ay nagmula sa isang malawak, mabango at maunlad na hardin sa city. Bitbit ko ang formula na magpapalago at magpapahalimuyak sa inyo.

“Huaawat!” pagkabigla ng mga higad at paruparo

May mga kasama siyang maliliit na paruparo, kung hindi mo tititigan ay mapagkakamalan mong mga gamugamo. At habang nagsasalita siya ay inawit ng mga paruparong ito ang Hallelujah na sinulat ni Handel. Sinanay ang mga paruparong ito ng mga naging kaibigan ni Madam Butterfly na musician. Si Ryan Cayabyab ang tumugtog sa Piano at si Gerald Salonga naman ang kumumpas. Nasa tono ang mga bitbit niyang paruparo. Mula sa pag-awit hanggang sa pakikipag-usap sa kanya, laging iisa ang tono. Opo! Tama yan! Magaling! Masusunod Po! Ang lahat ng Parangal at papuri ay sa Iyo! At kung anu-ano pang magpapaligaya kay Madam Butterfly.

“Hindi na ako iba sa inyo, kung kaya’t sa halip na tawagin niyo ako na Madam Butterfly ay tawagin niyo na lang akong Mother Butterfly. Para ko na rin naman kayong mga anak.” Walang nagbago sa kanya maliban sa kahanga-hanga nyang line of clothing. Very fashionable, experimental and dramatic! Minsan nga lang ay tila tinatalo niya si pananamit si Ariel and Maverick sa ka OA-yan.

At totoo nga. Bitbit niya ang Formula. Isang araw ay pinulong niya ang lahat ng higad at paruparo upang ipaliwanag ang kanyang magandang balita. Inilatag niya ang formula ng isang mabangong bulaklak. Ang lahat ng proseso nito upang mapabilis ang pamumulaklak at mas maging mabango. Hinikayat niya silang lahat na makisama, maniwala at ‘wag matakot sumubok.

Bulto-bultong sako ang dumating. Mga pataba sa halaman. Binili ito ng mga dayuhang paruparong kasama ni Mother Butterfly.

“Para saan iyan?” Tanong ng higad

“Pataba yan para sa mga halaman.” Sagot ng gamugamu este paruparo.

“Para saan ang pataba?” Tanong ng isa pa

“Siguro pampasexy, duh! E di pampataba. Para mabilis na lumaki ang halaman at mamulaklak agad.” Masungit at sarcastic na sagot ng paruparong sagigilid. Paruparong sagigilid ang tawag ng mga higad sa mga bagong dating na paruparo.

“Hindi nila kailangan ng pampataba, delikado ang kemikal sa katawan ng mga halaman.Hayaan mong ang mga tuyong dahon ang magsilbing pataba. Ito ang natural na proseso. Hindi makabubuti ang paglalapat ng kung anu-ano sa halaman.”

“Old school? Ito na ang makabagong paraan ngayon! Ikaw sige, gusto mo bang maghintay ng matagal bago ka mapromote sa pagkaparuparo? Hindi ba’t kailangan mo rin ng malalaki, masusustansyang dahon para madali kang maging paruparo?” Hindi nakapagsalita ang higad na tila napaisip.

Ito ang pangako ng mga bagong paruparo. Ang mapabilis na pagpapabulaklak, maparami at mapatamis ang nectar ng bulaklak na masisipsip nila at kasama nito ang mas mabilis na metamorphosis.

Pinatawag ni Mother ang ilang mga paruparo na sumusubaybay sa pagkilos ng higad at kasamahang paruparo. Sa dami ng mga higad, kailangan kasing may grupo ng mga paruparo na gagabay at titingin sa kalidad ng gawain ng mga higad at paruparo.

Natutuwa ako sa paraan ng inyong pangangalaga sa inyong mga kasamahan. Gusto ko sanang ipakilala sa inyo ng personal ang mga kasama kong paruparo upang matulungan kayo sa inyong gawain. Kung may mga suhestiyon kayo ay sabihin niyo lang upang magawa natin.

At patuloy nga ang paglalobby ni Mother Butterfly sa kanyang mga proyekto kasama na ang pagbubuild-up ng reputation ng kanyang mga kasamang paruparo. In fact, nakarating siya sa Congress, Senate at Malacanang para sa paglolobby. May mga kuha nga siya ng ilang kilalang opisyal ng pamahalaan.

Sa pulong ng mga bitbit niyang paruparo

Kailangan ko ang sandaang porsyento ng inyong galing at loyalty. Marami tayong aayusin. Maraming lumang paraan ang dapat baguhin. Nararamdaman kong maraming paruparo ang hindi kumakatig sa atin, siguro ay takot sa pagbabago. Sabihin ninyo ang matatalinong obserbasyon at datos na dapat bigyang pansin. Kailangang masunod ang ating mga plano. Pagpasensyahan nyo na sila sapagkat hindi pa sila nakararating sa City, di gaya natin kaya iba ang kanilang pamumuhay at diskarte.

Mother, napansin kong maingay ang musikang kanilang pinapagtugtog, dapat ay klasikong musika ang maririnig para hindi nakakahiya. Ano na lang ang sasabihin ng mga mapapadaan sa atin, masyado tayong jologs. Kung klasikong musika, handa po akong maghandog ng sayaw. Mahusay po akong magsayaw.

Ako naman mother napansin ko na water can pa rin ang gamit nila na pandilig. Dapat bumili na tayo water sprinkler na tulad ng gamit sa golf course. Kung gusto nyo naman po, yung hose gamit sa carwash, paro mas malakas ang tubig at pihado lahat maaabot nito.

Napansin ko po na iba-iba ang kulay ng paso, ang sakit sa mata, walang harmony.

Yung ilang paruparo po, kupas na ang kulay. Dapat mag trench coat din sila.

Malamok mother. Sobrang maraming lamok. Nakakatakot, ayoko magkadengue. Dapat ay nagfufumigate tayo.

Hindi laging nadidiligan ang halaman. Dapat lagi silang basa. Pati dahon dapat laging basa para mukhang sariwa!

“Hindi po nakaarrange ang mga halaman. Dapat magkakasama ang magkakatulad. Natutunan ko yun kay kuya Bodjie” sabi naman ng pinakamalaking paruparo na ang kulay ay parang bahay at sumbrero ni Pong Pagong.

Mahusay, marami kayong naiisip. Tama ang pagsama ko sa inyo. Tawagan ninyo ang ilang paruparo na naiwan natin at isama na rin natin dito.

Sa isang iglap, napuno ang hardin ng mga bagong paruparo. Paruparong iba ang laki, kulay at lipad.

Kinaumagahan ay pinatawag ni Mother ang paruparong tagapagsubaybay at nagagalit ito dahil sa sumbong ng kanyang bitbit na paruparo. Hindi daw tinutulungan ng mga tagapagsubaybay ang mga paruparo at hindi nakikiisa sa kanyang mga plano. Inihalintulad niya ang pagsasalansan sa mga bulaklak. Bakit daw may tanim na saging. Pinintasan din nito ang tanim na iyon na lubhang napakaliit. Bakit daw kailangang mag-eksperimento at paliitin ang saging. Nagtaka ang tagapagsubaybay kung paanong nagkaroon ng saging. Nang kanilang usisain ay napagkamalan ng grupo ni Mother Butterfly na saging ang birds of paradise.

Tumahimik na lamang si Mother Butterfly. Muli nitong pinatawag ang tagapagsubaybay at kinukuwestiyon ang pagkakaroon ng halamang palapad ang dahon. Matagal na daw itong naoobserbahan ng mga paruparo niya na hindi ito namumulaklak. Hindi daw epektibo ang mga tagapagsubaybay dahil hindi napapabulaklak ang mga dahong malalapad na iyon. Napakamaot ng ulo ang tagapagsubaybay at ipinaliwanag na ito ay ponsetya. Humirit muli ang napahiyang Paruparo at sinabing bakit hindi ito kulay pula. Ipinaalala ng tagapagsubaybay na buwan pa lang ng Hunyo at imposible mamula ang mga dahon nito. Sa halip, namula ang pisngi ni Mother Butterfly sa pagkapahiya.

Ipinagpalit-palit nga niya ang ayos ng mga halaman ayon sa kulay. Hindi niya kabisado ang lahat ng bulaklak subalit nagprisinta siyang siya ang magpapaliwanag sa lahat Inisa-isa niya sa mga paruparo ang mga bulaklak. Nagtaka ang mga paruparo kung bakit kailangang gawin iyon ni Mother Butterfly samantalang kabisado naman nila ang mga bulaklak.

“Mahilig talaga ako sa bulaklak. Sa katunayan ay kung hindi ako paruparo, malamang ay isa akong bulaklak. Paborito ko ang lahat ng nakatanim rito. Inisa-isa niya ang mga rosas, rosal, sampaguita, carnation, sunflower at daisy.” Naghagikgikan ang mga paruparo ng ituro niyang bulaklak ang mamula-mulang dahon ng boungavilla. Tinawag niya ring ponsetya ang antorium. Sinabi niyang sa husay ng patabang dala nila ay napapula niya ang dahon kahit hindi Disyembre. Lalong napalakas ang tawanan ng sabihin niyang napakagandang tingnan ang yellow bell samantalang bulaklak ng kalabasa ang itinuturo niya.

Ito ang araw-araw na buhay nila. Pinalalampas na lamang nila ang mga bagay na iyon. Kung gusto naman nila ng kasiyahan ay iniisa-isa nila ang mga kapalpakan ng mga bagong paruparo o di kaya ay umaattend sila sa pulong sa t’wing pinatawag sila ni Mother Butterfly.

Minsan, nagpanic ang mga higad at paruparo, unti-unti ay nauubos na raw ang imbak na tubig dahil sa labis na pagdidilig. Hindi masugpo ang ilang pesteng insekto at dumarami ang mga lamok dahil sa laging basa ang lupa. Marami ang halamang nalulunod. Marami rin ang nalalanta dahil sa fumigation. May halamang namukadkad agad subalit hindi na naulit dahil sa nalason na sa pataba. May mga nagkasakit na higad at mga paruparo. Unti-unti ay nawawalan ng lakas ang mga insekto.

Dumating ang hardinero. Kilala niya ang hardin. Alam niya kung may nabago. Alam niya kung kailan ito masigla o kung kailan ito matamlay. Hindi siya nagkakamali. Ang karunungan sa paghahalaman ay pinanday ng kanyang eksperyensya sa haba ng panahong ginugol sa hardin. “May sakit ang mga halaman. May nagbago sa aking pamamaraan.” Pinagmasdan niya isa-isa at nakita niya na may bagong breed ng paruparo. Nakita niya ang pagkahina ng mga tangkay. Sinuyod niya ng tingin ang buong hardin. Pinulong niya ang mga paruparo. Sa mahabang panahon, ngayon lang nakitaan ng galit ang hardinero. Muli niyang nilinaw ang kanyang patakaran sa hardin.

“Tama ako ng hinagap. May nagbago sa natural na proseso. Hindi tayo kailanman gagamit ng kemikal na pataba. Hahayan nating umusbong ang mga halaman at mamulaklak sa tulong ninyo at ng organikong pataba. Natutuwa ako sa pagdagsa ng mga paruparo sapagkat katibayan ito na mabango at namumukadkad ang aking hardin alam kasi nilang mabubuhay sila rito. Gayundin, kaakibat ng pagdagsa nito ay ang pag-iingat na masigurong malulusog ang mga bagong papasok. Kung sakaling may sakit ito, maaari pa nilang mahawa ang aking mga alagang higad at paruparo. Dapat ding maunawaan ninyong lahat na ang pagbabago ay dapat nagmumula sa loob, pinag-iisipan o pinag-aaralan. Ang mabuti sa iba ay hindi garantiyang makabubuti sa atin. Lalong hindi natin kokopyahin ang paraan nila ng pag-unlad bagkus ay pag-aaralan natin ang sitwasyon natin upang mapayabong kayo sa inyong paraan, angkop sa inyong katangian at pangangailangan.”

Kinausap ng sarilinan ng hardinero si Mother Butterfly. “Alam ko kung saan ka galing at alam ko rin ang iyong nakaraan. Bago ka pa makabalik dito ay alam ko na ang naging bahagi mo sa kabilang hardin. Pinagbigyan kita pagkat minsan ka nang nanggaling dito, ayoko sanang isiping totoo ang sinabi nila sa akin tungkol sa kalidad o uri ng iyong serbisyo doon, subalit kailangang mong matuto. Mula ngayon ay hindi ka gagalaw o makikialam ng hindi humihingi ng permiso sa akin. Minsan mas makabubuting pag-aralan ang harding iyong gagalawan bago ka magsalita o kumilos. Kilalanin mo ang aking mga halaman, kasama na ang aking mga higad at paruparo. Kilalanin mo sila upang kilalanin ka rin nila. Ngayon, kung hindi ka makasusunod ay malaya kang humanap ng harding magagalawan.”

Sumusunod naman si Mother Butterfly sa hardinero habang hinihintay niyang makalipat sa ibang hardin. Ang mga kasama naman niyang paruparo ay nag-aabang na rin sa magiging desisyon ni Mother Butterfly.

Sapagkat ang hardin ay nabago na, kinakailangan ang proseso ng paghilom. Sinisikap ng hardinero na ibalik sa dati ang hardin. Isang pamayanan ng mga bulaklak, higad at paruparo na may likas na paraan ng pagyabong at may natatanaw na magandang kinabukasang dadaig sa harding nasa lungsod.

Advertisements

3 comments on “Paruparong City

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s