Proud Pinoy ka ba?

Noong 2001, ako na ata ang pinakamayabang na tao sa mundo. Nobel Peace Prize Awardee ata ‘to. Gusto ko nga sanang umattend noon sa EDSA para makitanggap ng award pero siyempre, sino ba ang dapat tumanggap bilang kinatawan ng bansa kundi ang Pangulo.

Kung tutuusin mas mataas sa Nobel Peace Prize ang award, ito yung special award na binigay ng The Nobel Peace Prize Laureates Foundation (Nobel Peace Foundation). Para ito sa ating special gift sa mundo … ang Wonderful gift of the Spirit. Pagkilala ito sa Edsa 2.

Bahagi ako ng kasaysayan nang mapatalsik si Erap. Sa’twing mapapadaan ako sa EDSA, hindi ko maiguhit sa isip kung paanong ang bahaging iyon ng EDSA ang siyang naging pamantasan ko sa loob ng apat na mahahabang araw. Sa huli, balewala ang antok, puyat at gutom ng sugurin namin ang Malakanyang. Sa isang iglap, napalitan ang pangulo, naisulat ang bagong kasaysayan.

2001 ng magtapos ako sa kolehiyo. Pero ang 2001 ay hindi taon ng aking tagumpay sa pag-aaral kundi taon ng tagumpay ko bilang isang Pilipino. Alam kong may naiambag na ako sa bansa, hindi man buwis mula sa kita bagkus oras, lakas at tapat ng pag-ibig sa bayan. Masarap maging Pilipino. Masarap mapabilang sa lipi na punung-puno ng yaman. Higit sa yaman sa kalikasan ay yaman sa uri ng tao. Hindi matatawaran ang talino, talento at higit sa lahat, pakikipagkapwa-tao. Hindi matutumbasan ang labis na paggalang sa kapayapaan. Ang pagtatamo ng kalayaan sa mapayapang paraan. Hindi ba’t ito ang dahilan ng maparangalan tayo ng Nobel – Ang naiibang paraan natin ng pagbabago. Pagbabago sa mapayapang paraan.

Nitong mga nakaraang araw, ninais kong kumuha ng passport para sa isang di-maluhong bakasyon sa karatig-bansa. Napaisip lang ako, dadalhin ng pasaporte ko ang liping pinagmulan, na ako ay Pilipino. Maipagmamalaki ko pa ba na Pilipino ako?

Ang ating mga institusyon; paaralan, pamahalaan at maging nagdaang pangulo ay hindi na pinalalampas sa dayuhang programa sa telebisyon. Ginagawa na tayong katatawanan. Hindi ito big deal sa akin. Alam kong hindi ito totoo at maraming Pilipino ang tutuligsa sa pangungutya ng mga dayuhan.

Ang hindi ko masakyan ay kung paanong hinahayaan ng mga Pilipino ang pagmamalabis ng kapwa niya Pilipino. Kung paanong pikit-matang tinatanggap na madungisan ang kanyang pagkatao na ang may kagagawan ay kapwa niya Pilipino.

Paanong hinahayaan nating paglaruan tayo ng mga pulitiko. Kung paanong ang lantarang pandaraya, pangungurakot at pagsagip sa sarili katumbas ng pagpapalaya ng nahatulan ng hukuman ay malayang naisasagawa sa ating bansa. Paanong nawawalan ng gana ang mga Pilipino na makilahok, makialam at ipagtanggol ang karapatan?

Kung nasa kolehiyo pa siguro ako ay laman na naman ako ng kalsada. Pero sadya bang ang hangganan ng pakikipaglaban ay ang pising naghihiwalay sa pagitan ng pamantasan at ng trabaho? Wala na nga ba akong gagawin? Kaya ba walang mga mag-aaral na nagpoprotesta ay dahil bakasyon na o sadyang hindi nila nakikita ang kahalagahan ng pagpoprotesta? Naiidlip ang sambayanan at kinakailangang sabuyan ng malamig na tubig bago pa tuluyang bangungutin. Wala sa kamay ng iilan ang kapangyarihan. Nasa kamay natin ang kapangyarihan.

Wala na nga daw sa kalsada ang labanan. Kung gayo’y nasaan? Paano tayo makaaasa sa mababang kapulungan kung ang nakararami ay ang siyang mas nakikinabang.

Ngayon ay eleksyon na naman. Kung paanong huhubuging maging makasarili, mangungurakot at mandaya ang iilan ay depende na kung paano natin hahayaang maganap ang mga pamamalabis na ito. Manariwa sana sa atin na ang pinakamakapangyarihan at minahal ng nakararami ay nagawang husgahan sa proseso ng batas. Na matalino na tayo sa pagpili at alam nating ang kapangyarihan ay nasa atin. Minsan pa, huwag tayong matakot na ipagtanggol at pangalaaan ang mabuting tingin sa atin ng mga dayuhan.

Sana ay muling magising ang spirit na ito na kinilala ng Nobel Foundation.

Advertisements

2 comments on “Proud Pinoy ka ba?

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s