Bukal

“Tulungan ko na po kayo” bati ng binata sa isang matandang may bitbit na mga panggatong.”Wag na amang, kaya ko na ito.” Tanggi ng matanda. Mga pitumpu’t-limang taon na ang matanda. Puti na halos ang lahat ng kanyang buhok.

“Tirik na tirik ang araw, anong ginagawa mo rito?” usisa ng matanda.

“Gusto ko pong makita ang bukal, masarap daw po ang tubig sa bukal.” “Naku, sigurado ka ba? Malayo ang bukal at mapanganib sa mga batang tulad mo. Mukhang hindi ka sana’y makipagbuno sa mga mababangis na hayop?”

“Ho, maraming hayop doon, naku gusto ko po iyon!”

“Sige, ikaw ang bahala, sadya yatang mapupusok ang mga kabataan ngayon.”

“Natikman nyo na po ba ang tubig sa bukal?” usisa ng binata.

“Sa palagay mo ba tatanda ako ng ganito kung natikman ko na ang tubig sa bukal?” mahiwagang tanong ng matanda.

“Ano po?” tanong ng naguguluhang bata.

“Hehehe. ehemm, (napapaubong tawa ng matanda) para mong sinuong ang pintuang magbubukas sa iyo sa maraming lugar,” napakamot na naman ang bata habang pilit na minamasdan ang mukha ng matanda na kailanman ay di tumingin sa kanyang mukha at nakatanaw sa malayo. “Ang tubig na iyon ang inaasam ng marami, iyon ang tubig na magbibigay ginhawa sa pagal na katawan,  hapung-hapo na ang katawan ko at iyon ay matagal ko ng ninais na matikman. Subalit sadyang hindi yata para sa akin ang kaginhawan.”

“Maraming tubig po dito, hindi po ba masarap ang tubig  dito?”

“Hindi mo nauunawaan, ang tubig sa bukal ay tubig na magdadala sa akin sa buhay… sa dati kong buhay…. Sa totoong buhay”

“Huh? Ang gulo po!”

“Makinig ka, ang hinahanap mo’y hindi ang iyong sadya. Hindi bukal ang nais mong makita. Hindi tubig ang nais mong mainom.” Pahayag ng matanda na sa kauna-unahang pagkakataon ay humarap sa kanya.

Tila namatanda o nahipnotismo ang bata, mabilis na pumasok sa kanyang isip ang iba’t-ibang pangyayari sa kanyang buhay. Naalala niya ang mga  nangyari sa kanya noong siya ay maliit pa. Napapailing na lamang siya na nagsalita.

“Paano nyo nalaman ang dahilan ng pagpunta ko dito sa gubat?” tanong niya sa matanda.

“Hindi bukal ang dahilan kung bakit narito ka, hinahanap mo ang gusto mo, pero hindi ang bukal.” Matalinghagang wika ng matanda ” ang mabuti pa’y sumama ka muna sa akin at doon mag-isip-isip.

Isang kubong iniilawan lamang ng gasera sa gitna ang tinitirhan ng matanda. Wala ni isang gamit. Wala ni papag o unan. “Banig lang ang dala ko. Ito lang ang kailangan ko. Kung saan ako abutan ng gabi, doon ako. Ang pagkain ko ay bigay ng kagubatan. Lahat ng kailangan ko ay matatagpuan dito.” Wika ng matanda na tila nababasa ang isip ng bata.

“Gusto ko na pong magpahinga. Pagod na po ako” nawika na lamang ng bata.

“Ikaw nga, ikaw nga. ” nasasabik na tugon ng matanda. “Alam kong ikaw ang hinahanap ko, at nasa akin ang hinahanap mo. Makakapagpahinga ka lamang kung makakapagpahinga ako.” Ang pahayag na iyon ng matanda ay tila isang sumpang nagpagalaw sa mga puno. Umihip ang malakas na hangin at tila nasabik ang lahat ng puno at hayop sa paligid. Maingay ang paligid bunga ng tunog ng mga hayop. Walang anu-ano’y kumulog ng malakas at dahan-dahang pumatak ang ulan. Walang hinto na tila magkakadugtong ang bawat patak nito.

“ano pong dapat kong gawin?” wika ng bata na tila nauunawaan ang sinasabi ng matanda.

“Puntahan mo ang bukal, dadalhin ka ng mga paa mo patungo sa bukal. Sumalok ka gamit ang lalagyang ito at agad mong dalhin sa akin.” Waring ipu-ipong tinungo niya ang pusod ng gubat. Wala ni isang mabangis na hayop ang nakaharang sa kanyang daan. Inabot niya ang bukal bago pa man kumagat ang dilim. Tila walang buhay ang bukal, ni walang pagkibot ng agos. Kinuha mula sa kanyang likod ang bumbong ng kawayan na paglalagyan ng tubig. Nang maisalok ang tubig sa bumbong ay mistulang nangusap ito sa kanya. Ang dakong kanyang pinagkuhaan ng tubig ay lumalim na parang hinigop ng kung anong bukal sa ilalim nito. Hindi na siya nagtagal pa at tinungo ang kinaroroonan ng matanda. Maputik at madulas ang daan dulot ng malakas na ulang bumuhos. Sinikap niyang hindi mahaluan ng ulan ang tubig mula sa bukal. Pagdating sa kubo, naroon ang matandang naghihintay. Kitang-kita ang kasabikan sa kanyang mata. Bago pa man niya iabot ang bumbong na naglalaman ng tubig ay inabot na ng matanda ang isang paso sa kanya. Ang kalahati ng tubig ay ibuhos mo rito sa paso. Nang maibuhos niya ay inilapag ng matanda ang paso at saka kinuha ang kawayang iyon ng tubig. Itinusok ng matandang iyon ang kawayan sa lupa. Dahan-dahang umakyat ang tubig palabas sa kawayan at ng ang mga paa ng matanda’y madampi ng tubig ay humalo ito at naging tubig. Nahati ang lupa at dumaloy ang isang buhay at umaagos na ilog. Samantala maya-maya pa’y may lumabas  na halaman sa kanyang paso….

Marso, 2004

Ikalimang Baitang, Filipino

Para sa Ikatlong Markahang Pagsusulit

Advertisements

4 comments on “Bukal

  1. ang galing, naglalakbay isip ko habang binabasa ito.. nsan na ang karugtong?

    very interesting!

    blue: hehehe pambata yan. la ng karugtong.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s