Pagpapalaya

(huling bahagi)

Para sa inang naulila sa kaisa-isang anak, walang lalalim pa sa galit at hinanakit na naiwan sa kanyang puso. Lumalatay sa kanyang alaala ang mga sandaling unti-unting panghihina ng anak, pagkaubos ng luha at pagkawalan ng pag-asa.

Sa silid na iyon kung saan niya pinaghele, inaruga at tinuruan hanggang sa maging isang ganap na dalaga, nasaksihan niya ang pinakamasakit na kabanata sa kanyang buhay – ang maabutan ang isang anak na nagkitil ng buhay.

Leo, hindi kita kailanman tatawagin na Fr. Leo, patawaran ako ng Diyos pero sasabihin ko sa’yo na hindi ka nararapat dito. Wala kang karapatan na mapabiling sa mga alagad ng simbahan. Ikaw pa rin ang naging dahilan ng pagkamatay ng anak ko. Naiintindihan mo ba ‘yon? Naiintindihan mo ba na namatay si Tess dahil sa’yo?

Nakaya ni Leong tanggapin ang masasakit na salita, ni hindi niya na ipinagtanggol ang sarili. Wala siyang nakikitang dahilan upang gawin pa iyon subalit sa loob-loob niya, wala rin siyang nakikitang dahilan para magalit sa sarili.

Sa mahabang panahong naglingkod si Leo sa simbahan, naging mabuti siyang pari. Paminsan-minsan ay sumasagi sa isip niya ang trahedya ng kanyang pag-ibig subalit ipinapasa-Diyos na lang niya ang lahat.

Matapos ang pag-uusap na iyon ay nagpasya ang mga magulang ni Tess na mangibang bansa. Napagtanto niyang ang sulat na natanggap niya noon ay isang suicide letter na ipinadala na lang ng ina nito matapos mabatid kung saan siya naroroon.

Makulimlim ang paligid, may bahagyang lamig na pumapasok sa kanyang silid, katatapos lang ang pagbuhos ng ulan at mamasa-masa pa ang lupa, kinuha ni Leo ang maliit na kahon sa kanyang ulunan at binuksan. Dito naihimlay ang mga alaala ng kanyang kabataan. Sa muling pagsulyap sa kahon, nakita niya roon ang huling sulat ni Tess, ang tulang iyon na naghihintay ng sagot – ng pagpapalaya.

Sa pagpikit ng kanyang mata – dinala siya sa kanyang kabataan, sa kanyang paboritong tambayan, sa kanilang paaralan hanggang sa makarating doon sa dati nilang tagpuan. Tuyo na ang mga dahon, natitigang ang lupa at may kadiliman gawa ng makapal na ulap. Sa upuang bato na nasa tabi ng mga nakahilerang puno niya natanaw ang isang babaeng nakatanaw sa malayo. Naroon nakaupo si Tess.

Nagmamadali siyang lumapit kay Tess, hindi ito kumikibo.

Tess, alam kong naiintindihan mo ako. Naging mabuti ako sa’yo pati na sa pamilya mo. Hindi ko ginustong saktan ka pero Tess, may dahilan ang Diyos sa lahat ng nangyayari sa atin. Pinili kong malingkod sa kanya hindi upang saktan ka kundi upang paglingkuran Siya.

Hindi natitinag si Tess. Nakaupo pa rin at nakatanaw sa malayo na tila nawalan ng bait.

Patawarin mo ako Tess. Patawarin mo ako kung nagkamali ako sa desisyon ko, kung hindi ako nagpaliwanag, kung hindi ako nagpakatao sa’yo. Mahal kita Tess at alam kong hindi ako naging karapat-dapat sa pagmamahal na iyon. Patawarin mo ako kung nasaktan kita at patawarin ako ng Diyos kung nasaktan ko ang mga taong nagmamahal sa’yo. Alam kong malaki ang idinulot na iyon sa buhay mo, sa buhay ninyo.

Unti-unting humarap si Tess sa kanya, walang kibong tumulo ang luha sa kanyang mata hanggang sa mapalitan ng kaginhawaan ang babaeng tigib ng dusa. Lumiwanag ang palagid sa paglayo ng makapal na ulap. Tumayo si Tess at naglakad papalayo. Naiwan doon si Leo.

Tinanaw niyang papalayo si Tess. Walang salitang iniwan. Walang bakas kung napatawad siya nito maliban sa pagliwanag ng paligid.

Nang hindi na maabot ng kanyang tanaw si Tess, naupo siya at muling pinagmasdan ang kanilang tagpuan. Bumalik ang ganda nito, ang halimuyak ng bulaklak, ang hanging dumadampi sa kanila at ang masasayang mga ibong noon ay kapiling nilang naglalaro. Tila bumalik sa pagkabata, may kasiyahan sa kanyang mukha. Naroroon ang sigla subalit di gaya ng dati, wala roon si Tess.

Tumayo siya at iniwan ang tagpuan. Nagpasya siyang lumakad papalayo gaya ng isang batang iniwan ng magulang, gaya ng dati, hinanap niya ang daan kung saan siya makasusumpong ng kaligayahan.

Advertisements

2 comments on “Pagpapalaya

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s