Bangkang Papel

Sa tuwing uulan, sa halip na matulog upang namnamin ang lamig ng paligid, kasabay ng paghehele ng tigatik ng ulang tila uyaying mabilis magpahimbing, agad akong tatakbo kay itay.

Pupunit siya ng kaputol na piraso ng dyaryo, tutupiin hanggang sa magpantay ang bawat gilid. Tiklop, tupi, tiklop tupi at sa isang iglap, mayroon na akong bangkang papel.

Sa bahagyang pagtila ng ulan, lalabas ako at tatapat sa bintana, doon ko sisimulang paglakbayin ang bangkang papel. Hihipan ko siya upang makapagsimula sa paglalayag, Susundan ko ang noo’y pinakamahal kong laruan, iiwas sa mga alulod upang di madurog sa pagbuhos ng naipong ulan.

Malayang-malaya ang bangkang papel. Kinakaya niya ang malakas na agos ng tubig, kaya niyang magpasikot-sikot sa daang binungkal ng ulan. Kung mapapadausdos at sasayad sa makapal na lupa, muli ko itong hihipan. Ako at ang bangkang papel. Binubuhay ko ang bangka sa ihip samantalang pinaliligalig niya ako sa kasiyahang nararating nya ang landas patungo sa mas malawak na dagat.

Ang hininga ko ang bumubuhay sa barkong ito. Hindi lang kamay, hindi rin ang malinaw na mga mata, bagkus alam kong ang bawat paghinga ko ang nagpapaandar sa dambuhalang sasakyang pandagat na ito. Bilang kapitan ng barko, hininga ko ang katumbas ng bawat landas na dapat naming marating. Ang bawat pasahero’y may kani-kanilang daungan, pananagutan kong dalhin sila sa kanilang mga tahanan.

Pauwi na rin ako. Sa wakas ay ako naman ihahatid ng barkong ito. Marami-raming pangarap na rin naman ang natupad nito, kasabay ng pangarap ko.

Gaya ng bangkang papel na nagpagiling-giling sa makikipot na landas, nasuyod ko ang buong mundo. Nakita ko ang iba’t-ibang tanawing sa larawan lang ng ilan nakikita.

Naipangako ko sa mag-ina ko na sila naman ang dadalhin ko sa pinakamagagandang lugar sa mundo. Ipinangako naman ng anak ko na siya ang maghahatid sa amin.

Ako ang nagturo sa anak ko na lumikha ng eroplanong papel. Sa mga pagtupi at pagtiklop na iyon, naabot niya ang mas mataas na pangarap. Ang makapagpalipad ng eroplano. Mula sa kalawakan, namamasdan niya ang payapa kong pagguhit sa dagat.
Pareho naming inabot ang mundo; ako mula sa dagat at siya mula sa kalawakan. Sa pagitan namin, ang panalanging ibinubulong sa hangin ng asawa ko na siyang umaalalay sa anak na nasa himpapawid at asawang nasa karagatan upang alalayan at balutin kaming mag-ama ng kaligtasan at mapayang paglalakbay.

Advertisements

11 comments on “Bangkang Papel

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s