People Power

Pagkatapos ng 7 taon mula ng Edsa 2, tila ayaw ng bumalik ng tao sa Edsa. May People Power Fatigue na daw ang tao. Sawa na sa paulit-ulit na pagpapalit ng pinuno at nahihiya na sa mundo.

Ako rin, makailang ulit nang tinanong kung kailan ako sasama sa mga malilit na pagtitipon o kaya naman pilit kinukuha ang aking opinyon. Pabiro ko namang sinasabi na masama sa negosyo ang pagbabago. Status quo na lang.

Hindi ako burguoise at wala akong negosyo, wala lang talaga akong maisip na dahilan. Pero alam ko rin na hindi maaaring mawalan ako ng paninindigan, gaya nga ng sinabi ni Martin Luther King Jr. “The hottest place in Hell is reserved for those who remain neutral in times of great moral conflict.”

Nais ko ituwid ang ilang mga persepsyon na sa tingin ko ay hindi totoo: hindi ako naniniwala na may People Power Fatigue. Sa tingin ko ay ipinapakalat at inimbento lang ito ng mga taong nakinabang na sa People Power at natatakot na matanggal ng isa pang People Power. Sa bansang gaya natin, walang hari at reyna na magsasalita at paniniwalaan kung sakaling ang pamahalaan ay nagkukulang maliban sa tao. Tayo ang pinakamakapangyarihan sa bansang ito at tayo ang magsasabi kung nararapat na nga bang palitan ang nanunungkulan. Totoong may proseso ng eleksyon at may proseso ng pag-aalis ng pangulo subalit ang mga ito ay kinakailangang gawin kung ang mga institusyong nagsasagawa nito ay may kredibilidad pa. Sa atin, ilang ulit na nga bang nadawit ang Comelec at Kongreso sa kontrobersya. Sa wari ko ay wala na tayong aasahan sa kanila.

Arroyo : The World will not Forgive another People Power.

Sobrang kompyansa sa sarili at iniisip niyang kakatigan siya ng mundo. Minsang kinampihan ng Amerika si Marcos pera wala silang nagawa sa isang People Power. Natitiyak kong mas hahanga ang mundo sa kakayahan nating magpaalis ng pangulong may mataas na pinag-aralan at kinikilala sa ibang bansa sapagkat para sa atin, hindi lang ang kahusayan at pinag-aralan ang basehan ng mabuting panunungkulan bagkus kasama rito ang kredibilidad na nagmumula sa matinong pamumuno; walang bahid ng pandaraya at korupsyon.

Unti-unti ay binubulag tayo ng mga propaganda ng pag-unlad mula sa iba’t-ibang datos at estadistika, subalit ang sukatan ng pag-unlad ay hindi lamang ang mga ito bagkus kasama ang edukasyon, kapayapaan, kalagayan ng pulitika at pananaw ng mga tao. Dito matitiyak natin na tao mismo ang magsasabing hindi ganap na umuunlad ang bansa. Habang nananatiling nanunungkulan ang mga nasa pamahalaan, mapapansing unti-unting nasisira ang kredibilidad ng iba’t-ibang institusyon, nawawalan ng pagpapahalaga ang mga tao sa mga ahensya nito. Nakakalungkot na nawawalan tayo ng tiwala sa mga pulis, sundalo, mambabatas, mamamahayag, simbahan at ilan pang nasa pamahalaan sapagkat ito ang diskarte ng pamahalaan. Ang wasakin o hatiin ang mga ito upang walang buong grupo ang makapagsasama-sama at mapanatili silang matatag.

Hindi ako sumasama sa mga kilos protesta sapagkat alam kong may mga pulitikong magsasalita rito, silang mga naging bahagi rin ng korupsyon. Sila lang ang dahilan at hindi ang pagtitiwala ko sa lakas ng tao o ng People Power. Maaaring totoo si Jun Lozada, at ilan pang gaya niya na naglakas loob na magsalita, pero hindi sana sila magamit ng iilan. Mabuti na lamang at inaalalayan sila ng simbahan – gaya nila Fr. Broderick Pabillo. Sa kanila ako mas nagtitiwala.

Sana ay magkaroon ng mga taong haharap at magsisimula ng pababago na hindi kakikitaan ng personal na interes gaya nila Governor (Fr.) Eddie Panlilio, Corazon Aquino, ilang miyembro ng civil society. Ilang mga bagong mukha na may malinis na pangalan at tanging hangad ay pagbabago.

Hindi hawak ni Gloria Macapagal Arroyo at mga tao niya ang kaunlaran ng bansa. Hindi nangangahulugang ang pagtutuwid ng mga pagkakamali ay makasasama sa ekonomiya. Ang pagsasabi ng tama at pagnanais na maituwid ay mas makabubuti. Sa ngayon, mas nakatatawang isipin at nakahihiyang aminin na binabalot tayo at hinuhusgahan ng mundo sa pag-aakala nating ang pangulo lang ang makapagdadala sa atin sa kaunlaran. Masyado na nating minamaliit ang ating kakayahan.

Sa mga nagtatanong kung sino ang ipapalit kay GMA, kung susundin ang batas, ang ikalawang pangulo – bilang paggalang na rin sa labinlimang milyong bumoto sa kanya. Unang-una, hindi naman ang ipapalit sa pangulo ang isyu, ang unang isyu ay kung bakit kinakailangang alisin ang pangulo. Kung nagugutom ang sanggol, hindi mo pakakanin ito ng panis na gatas kung may tubig naman. Mas makabubuti ang pansamantalang lunas kesa sa walang lunas. Sundan ng paghahanap ng alternatibo – mas mahabang proseso at usapin iyon na nangangailangan ng pag-aaral at pagsisiyasat sa mga naisa-institusyonal na paraan ng korupsyon.

Malawakang pagbabago ang kinakailangan – totoong hindi lang ang pag-aalis sa pangulo. Subalit ang natitiyak ko rito, sa pag-aalis ng pangulo, kasamang matatanggal ang mga tao niyang mas nakikinabang sa pera ng pamahalaan.

Sa huli, kung sakaling hindi gumagalaw ang People Power, natitiyak kong ang pinakamalakas na kapangyarihan ay nasa itaas. Anumang panahon, ang lakas ng nasa itaas ay magaganap sapagkat hindi Siya namimili ng anak, panahon at mamamayang tinutulungan – anuman o sinuman ang kanilang pinaniniwalaan.

Hanggang sa susunod na pagtatagpo – sa Edsa, Mendiola o Ayala.

Advertisements

7 comments on “People Power

  1. FOOBARPH: The world wants to forgive the Queen Hobbit but it can’t. ^_^

    ________________________

    PLUGGING: ei guys! available na po pala ang kabanata 6 ng walang paglagyan series sa tagalog online pocketbook. medyo natagalan yung iba kaya feel free to jump in na lang (i remember yung jumper na movie! gusto ko gumawa ng fan fiction. lolz!)

    eto pala yung URL. saka kung may mga mini button kayo para sa mga website nyo kagaya nung sa akin, feel free to send it over and i li link ko kayo through that.

    you can also link us through our button na rin if possible para added pogi looks sa page nyo. (nasa ilalim ng kalendaryo yung mini button. ahehe)

    that’s all for now for the plugging, thanks!

    http://tagalogonlinepocketbook.wordpress.com/2008/03/08/kabanata-6-walang-paglagyan/

    (for sure marami akong barok/wrong spellings here, feel free to point it out. kung sino may pinakamaraming corrections, isasama ko sa series. ahehe. [series na ipapakain sa leon, nyahaha!])

  2. tama ka, ang tunay na makapangyarihan ay ang nasa taas 😀 umaasa akong darating din ang araw na aangat ang tunay na pinoy. sa totoo lang, gusto na naming sa pinas mag-lagi, kasi nga, alam kong malapit nang gumanda sa atin 😀

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s