Ploning

Napadpad ako sa mall para panoorin ang pelikulang 2 linggo ko nang inaabangan. Ewan ko ba kung bakit ako masyadong naintriga sa pelikulang ito at dahil huli na ng malaman ko na exclusive for SM malls pala ito, dali-dali akong tumakbo mula Ayala Mall patungong megamall para habulin ang last full show ng first day nito.

Hindi naman ako nabigo, sa halip nalunod ako sa panonood.

Gaya ng mga karakter sa pelikula, makikita mo na lang ang sarili mong bahagi nito; naiintriga kay Ploning. Mararanasan mo ang paghahanap sa kanyang pagkatao, gusto mong mabihag ang mailap nyang damdamin at unawin hindi lang ang kanyang isinasaisip bagkus ang tinitibok ng kanyang puso.

Hanggang sa unti-unting mabunyag ang nilalaman nito. Hindi maikakaila na ang lahat ng naroroon sa sinehan ay naapektuhan sa kani-kanilang reaksyon. Maririnig mo ang mga katagang Oh My God! Ang mga pagsinghot at mga pagpunas ng mata. Mapapansin mo na lang na mamasa-masa na ng luha ang mga matang kanina lamang ay bukas na bukas sa kasabikan at nahahalina sa ganda ng Cuyo.

Sino nga ba si Ploning? Isa siyang simpleng babae na may makapangyarihang pagkatao na pilit sinusundan, inaalam at nilalapitan upang hingan ng lakas. Sa kanyang katahimikan natagpuan ng kanyang mga kababayan ang kani-kanilang sarili. Sa kabila ng katahimikang ito ang misteryong maghuhubad sa kanyang pinanggagalingan. Sa huli, mas lalo siyang hahangaan sa dakila niyang puso.

Walang hindi maaapektuhan pagkat lahat ay nakaranas ng pag-ibig. Iba’t-ibang anyo ng pag-ibig. Sa kaibigan, pamilya at kasintahan.

Hindi rin matatawaran ang husay ng mga nagsipagganap. Unang hahangaan ang batang Digo na hindi ko kilala, at ngayon ko lang siya nakita. Napakagaling ng Direktor upang mahugot ang gayong emosyon sa batang ito. Gayundin ang kanyang kuya at ang binatang Digo. Sila na wala pang puhunan kundi ang galing sa pag-arte.

Gayundin, masasabing ang pelikulang ito ay sadyang para sa sining sa pagkakaroon ng mga artistang gaya nila Tessie Tomas, Gina Pareno, Mylene Dizon, Eugene Domingo, Tony Mabesa, Ces Quesada, Ketsup, at Meryl Soriano. Hindi ko alam ang pangalan subalit mahusay rin si Tsuy at syempre pa, ang pagganap ni Judy Ann Santos na masasabing naglagay na ng kanyang pangalan sa kasaysayan ng pelikulang Pilipino dahil sa obrang ito. Kung aalalahanin siya sa kanyang mga nagawa, ito ang pelikulang maiuugnay sa kanya
at naghanap ng kanyang landas sa espasyo ng entablado.

May mga eksenang hindi makakawala sa iyong alaala kahit nakauwi ka na.

Ang pakikipagsayaw ni Judy Ann sa lalaking nabigo sa pag-ibig.

Ang pagtuturo ng kuya ni Digo kay Digo na lumangoy upang maging ganap na Cuyonon

Ang pagtatanong ng batang si Digo kung kailan mamamatay ang kanyang ina at pagluha ng kanyang ina habang kumakain.

Ang bugtungan sa buhay ng apat na babae (Ces, Mylene, Judy Ann at Meryll) habang kinukuha ang buto ng kasoy.

Ang pagbubukas ng puso ni Celesta kay Ploning at pagtalakay nito sa kahalagahan ng palayaw.

Ang pagsasayaw ng mang-ama (Tony at Judy Ann – walang pusong hindi kikirot).

Ang pag-abot ng larawan ni Digo kay Celine (Tessie Tomas)

Ang pagbuhos ng ulan at pagkalusaw ng mga asin – madadala ka sa emosyon ni Gina Pareno, isang eksenang tama lang na ibinigay sa kanya sapagkat mahusay niyang binuksan ang pelikula sa tinatagong lihim nito,

Ang misteryo ng puting damit sa paghahatid sa huling hantungan ng ama ni Ploning.

At ang pamamaalam ni Digo kay Tsuy.

Ang pagkakatagpo ni Digo sa kanyang kuya

Sa kabuuan, ang panonood ng pelikulang ito ay isang karanasan na waring iniwan ka sa isang isla at nakisabay sa paghahanap; isang paglalakbay sa sarili kasabay ng pelikula hanggang sa unti-unti mong matagpuan ang hiwaga ng buhay, ang ganda ng daigdig gaya ng Cuyo at ang kapangyarihan ng Pag-ibig.

Advertisements

14 comments on “Ploning

  1. kaka intriga naman…mapanuood din kaya to next week..he he he….

    blue: maganda sya. panoorin mo agad baka hindi magtagal. bihira kasing panoorin ang ganitong pelikula.

  2. parang gusto ko na ring panoorin. gusto ko ang mga pelikulang hindi ka magkakaroon ng ideya sa kung ano ang istorya kapag napanood mo ang trailer. sana ay hindi matabunan ang pelikulang ito ng pelikula nina aga muhlach.

    blue : sana nga hindi matabunan pero kung sa dami ng manonood, malamang na mas maraming manood ng pelikula ni Aga, pero kung pag-uusapan nag substance o pelikulang maaalala after years, no doubt na ito yun.

  3. para sa akin, isa itong classic na palabas. at ang naging reaksyon ko na lang sa huli ay, “maganda… sana mapanood din nila.”

    blue : kaya nga ginagawan natin ng ingay. Minsan kailangan nating sumuporta sa maliit na paraan para sa mga ganitong klaseng pelikula.

  4. 😦 gusto kong panoorin kaso sabi mo kakaiyak.

    blue : totoong nakakaiyak, pero hindi iyak na masakit sa dibdib. Iyak na sa huli, alam mong may natutunan ka, na marerealize mo na may mga tamang gawin kahit hindi ito maintindihan ng iba.

  5. inaabangan ko din ang pelikulang ito dahil sa tingin ko e isang matinong pelikula ni Judy Ann, at sabi nga ng kaibigan ko matinong pelikula nga .. kaya baka panuorin ko sya this weekend

    blue : yup. ulitin ko nga siyang panoorin bukas. hehehe

  6. makahiram nga ng movie na yan sa hiraman sa kanto 😀

    blue : hahaha sana nga meron ka makuha sa kanto, uy yung hindi pirated ah.

  7. galing. naipon mo talaga ang mga memorable scenes. BTW. sa SM mega rin namin sya napanood. Saturday nga lang.. kahapon. hehehe

    blue : yep, talagang nag stick sa memory ko.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s