Tahan na

Doon siya lumaki, natuto at nagdalaga. Bagamat nakaranas mangibang bansa, umuwi siya sa tahanang kanyang kinalakihan. Malawak, maaliwalas, mababakas ang kasaganaan. Payak na bahay ngunit nakaririwasa sa pamumuhay. Sa tokador makikita ang mga larawan, kuha ng paglaki at ng mga magagandang alaala – tanda ng mahusay na pagpanday sa buhay. Hindi nagkulang ang kanyang magulang sa pagpapalaki, sa pagpapangaral, sa pagpapaliwanag kung paanong lumaban, makipagtunggali at mahalin ang buhay.

Dito niya napiling mabuhay; ngayon kasama ng kanyang asawa’t anak. Nais niyang palakihin ang anak gaya ng pagpapalaki ng kanyang ina. Nais niyang iparanas ang pagmamahal at ulitin ang masaya niyang alaala.

Subalit ang buhay na ninais niya ay iba sa kanyang kinahaharap. Sadyang walang dalawang buhay na maaaring maging isa. Siya at ang kanyang anak ay hindi magkatulad. Tama, iisa ang pinagmulan subalit mag-iiba ng landas.

Hindi matitiyak ng bahay na iyon ang katiwasayan ng kanyang pamilya gaya ng kanyang kinagisnan.

Bahay lang iyon, hindi iyon ang tahanan. Sa iisang bahay na iyon, may ibang tahanang pilit sinasalba. Pilit man niyang gayahin ang pagmamahal ng kanyang ina sa ama, hindi niya matulad sa kanilang pagsasama. Kung saan nagkulang, hindi niya rin alam. Hinahanap niya sa opisina, sa kaibigan, sa anak subalit hindi niya matukoy ang sagot. Inakala niyang nakita niya ang sagot sa puso ng iba. Madalas, paulit-ulit, oo nga’t mali. Maaaring sa tingin ng iba ay kasalanan subalit hindi nakakakita ang pusong nangungulila sa pagmamahal. Binabalot ito ng hapdi, masakit ang makatagpo ng pag-ibig sa hindi tamang tao lalo pa’t parehong nakatali na sa kani-kanilang pamilya. Masakit na biro ang pagtagpuin ang dalawang pusong bagamat nakatali ay nangungulila sa pagmamahal.

Ang dating tahanang iyon na bukas sa pag-uusap, sa masayang kwentuhan ay naging bilangguan. Nawalan ng komunikasyon, tila sa pag-aasawa niya sinarhan ang pagbubukas ng puso sa magulang.

Ang kwadro sa dingding, larawang pinagmamasdan na ngayo’y dinaraanan, hindi na nakakakuha ng sulyap ng mga mata sa mga naninirahan doon. Ngayo’y nakaririnig, pilit inuunawa ang bulong, ang kahulugan ng paghikbi. Sa kabila ng dingding na iyon nagtatago ang damdamin. Bumubulalas ang luha, tinatangay ang lalim ng emosyon, kagat labing pilit inilalabas ang sakit ng nararamdaman. walang nakaririnig maliban sa mga dingding at sa larawang nagtatangkang magpaliwanag ng buhay.

Ang sakit na iyon ay hindi nagmumula sa mga nabitawang salita ni hindi sa konsyensya o husga ng iba. Mas lalong hindi dahil may nasaktan kang anak, asawa, magulang, kaibigang nadamay o pamilya ng iba. Nagmula ang sakit sa pagkakabatid na nagmamahal ka subalit hindi ka malayang mahalin siya – na tila walang saysay ang pag-ibig na nararamdaman lalo pa’t pinili niyang talikuran ang nilikha ninyong tahanan.

Kung kailan titigil ang pagtangis, kung kailan hindi na makararamdam ng sakit at kung kailan ka makahaharap sa salamin ng hindi mo hinuhusgahan ang sarili, hindi madaling masabi.

Gayunman, titigil din ang pagluha, tatahan din pagdaramdam at ang puso ay sadyang makahahanap ng tahanan.

Iiyak mo lang, may mag-aabot ng braso sa’yo, hindi man pag-ibig ang alok, makararanas ka ng pagtahan. Isama mo ang lahat ng iyan sa pagbuhos ng ulan. Matapos niyon, mahuhugasan ang sakit at gigisingin ka ng sariwang daigdig. Bagong tahanan.

Advertisements

4 comments on “Tahan na

  1. Siya at ang kanyang anak ay hindi magkatulad. Tama, iisa ang pinagmulan subalit mag-iiba ng landas.

    – hay oo nga panu kung ako naman ang magkaron ng anak? sanamabigay ko ang buhay na meron ako or higit pa… mahirap ata un kasi im not sure lang kung magkakaanak me…

    iyak mo lang, may mag-aabot ng braso sa’yo, hindi man pag-ibig ang alok, makararanas ka ng pagtahan. Isama mo ang lahat ng iyan sa pagbuhos ng ulan. Matapos niyon, mahuhugasan ang sakit at gigisingin ka ng sariwang daigdig. Bagong tahanan.

    – i love this paragraph… tama lang na umatungal ka sa iyak… talagang sa bawat problema at sadness dapat ilabas lahat… para lahat ng sakit at baggage wala na fresh start na..

    GALING KUYA…

    blue : yeah word for the day… fresh!

  2. maganda ang pagkaka-himaymay ng damdaming nakapaloob sa sinulat mo… mr. tagos.

    soul reader ka ata e. ewan ko bigla me nalungkot.. naalala ko kasi family ko. yung mga pangyayari sa buhay namin. masasabi kong 70% don traumatic. para syang kalye na paliku-liko at lubak-lubak. dami ko ding naging nanay..basta ganun.. peo sa isang banda thankful din ako at swerte kumpara sa iba na wala.

    blue, censya ka na ha. senti lang talga kong tao. baka nakukulitan ka na. hehheeh

    blue : hehehehe btw,kilala ba kita? wala ka bang work? mukhang enjoy ka sa blog ah lol.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s