Pari Magpakailanman

Nagising ako sa tugtog na Pamasko, oo nga naman – saan pa nga ba ipinagdiriwang ang pinakamahabang Pasko sa buong mundo kundi dito sa ating bansa.

Ang ibig sabihin ng September 1 sa atin ay ber month na, ibig sabihin magpapasko na naman. Mas ito ang naalala, pangalawa na lang ang Octoberfest at para sa akin, pangatlo ang Foundation Day Ng Philippine Normal University (PNU -Sept. 1 ). Sa atin, ang pasko ay ang pinakagrandiyoso, pinakamalaki at pinakamagarbo sa lahat ng piyesta, at dahilan ng iba’t – ibang okasyon tulad ng family reunion, reunion ng magkakaibigan, outing, iba’t-ibang christmas party, pagbisita sa mga ninong at ninang, pagbabahay-bahay, pangangaroling, pagsisimbang gabi, party sa kalsada, pagandahan ng paputok dahil nalalapit na bagong taon at lahat ng okasyon na magpapasaya. basta ito yung panahon na ang emosyon ay maemote; kung hindi masayang-masaya ay madrama. Lahat ng tao bumabait, lahat ng kaaway binabati at kung hindi handa, may ceasefire bilang paggalang sa okasyon.

Nung iniisip ko ang Pasko, ang sumagi sa akin ay yung panahon na gumigising ako ng madaling araw at sinusundo ang pari na magmimisa sa aming munting kapilya. Noong bata ako, nahihiwagaan ako sa mga pari, ang taas ng tingin ko sa kanila. Kahit maraming panahon ko silang nakasama, Tanging kabutihan ang nakikita ko sa kanila: Cultured, mabait, magaling magsalita, mala-anghel ang mukha ( eto ay yung panahon na marami sa kanila ay anak mayaman – hehehe), tila tama ang lahat ng sinasabi, marunong umunawa, makisama in short – napakalapit sa langit at waring mga santo sa lupa.

Para silang mga celebrity kapag napaunlakan ka nila na pumunta sa bahay nyo at makikain kung kaarawan mo, masaya ka kapag nakatanggap ka ng munting regalo sa kanila; kahit nga isang istampita basta may pirma nila. At ang istampitang ito ay ilalagay mo sa wallet mo o kaya naman sa altar nyo. Madalas ang istampita ay larawan ng iniidolo nilang santo o kaya naman ay ang santo o simbolo ng kanilang Kongregasyon. Hanggang sa ang mga pari na nakilala ko ay dumami, mas naging aktibo sila sa gawain hindi lang sa simbahan bagkus sa lipunan. Nagsasalita na tungkol sa mga mainit na usapin; waring bumaba sila sa langit at nakipamuhay – gaya ni Kristo.

Madalas, sa sobrang pagkakakilanlan o pakikisalamuha, nagiging tao rin sila (bagamat tao naman talaga sila), nakararanas ng iba’t-ibang emosyon, naaapektuhan at minsan, hindi tinatanggap o ang masaklap ay hinihiya pa nga. Ito ang buhay nila sa tuwing lumalabas sila at nakikisalamuha. May pagkakataong nagagalit sila at hindi nauunawaan. May mga proseso silang pinagdadaanan, mga damdamin at tanong na namimili ng pagsasabihan. Hindi sila sinlaya natin.

Umiiyak rin sila, nagagalit at nakakatikim sa isang malupit na mundo – gaya ng karanasan ni Kristo.

Sa kanilang mga reaksyon, may mga pari na hindi maisip kung bakit naging pari. May ilan na nagkaroon ng pamilya, naintrigang nagsusugal, nangmolestiya, nagpayaman at iba’t-iba pang akusasyon. May totoo at may gawa-gawa lamang.

May mga pari na kinamuhian ko rin. Nakasamaan ng loob at may ilan pa nga na nakaaway ko.

Hindi biro ang buhay ng isang pari. Mas lalong hindi biro ang maging pari sa panahon natin na waring ang insulto at masasakit na salita, paghuhusga ay hindi namimili. Na maraming magagaling at hindi na kumikilala sa kapangyarihan ng lumikha.

Mahirap maging pari, tumayo sa altar at humarap sa mga nagsisimba na madalas tumatagos ang tingin sa abito… nangingilala kung ang alay o donasyon sa simbahan ay ligtas sa bulsa ng pari.

Na pati ang koleksyon ay pinakikialaman ng mga pulitiko at pinapagpaliwanag kung bakit kailangan ng second collection.

Na ang mga nasasakupang miyembro ng simbahan, ang mga Kristianong Katoliko ay nagsisimba at nananampalataya dahil sa personal na dalangin, mga hiling at hindi bilang pakikiisa sa Selebrasyon ng Misa, bilang kaisa ng simbahan.

Makalipas ang mahabang panahon na wala ako sa simbahan, naisip ko na hindi biro ang kanilang kinaroroonan – ang kanilang piniling bokasyon, ang tawag na kanilang inoohan. Nanumbalik ang paghanga ko sa kanila. Humahanga ako at patuloy na gumagalang sa mga pari – silang mga alagad ng simbahan na handang tumalikod sa makamundong gawain sa kabila ng komportable, malaya at makasariling handog ng mundo.

Gayundin, nagkamali man sila at nakaalitan ko minsan, ang pari ay mananatiling Pari Magpakailanman – may basbas ni Kristo, tinatawag at nakinig at higit sa lahat… ang hindi natin kayang gawin – ang tumalikod sa kasalanan.

Isang panawagan para sa paggalang, pag-unawa at patuloy na respeto sa mga alagad ng simbahan. Kung nagkamali man, hindi panghuhusga bagkus panalangin at isang makakristiyanong aksyon din kung kinakailangan bilang pagprotekta na rin sa kasagraduhan ng ating simbahan.

Maligayang Pasko sa ating lahat!

Advertisements

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s