kasi teacher ka

kung lalagyan ng plot ang buhay mo, kulang ang isang libro para idetalye ang mga ginagawa mo. Isang kurso ang kinakailangan para pag-aaralan kung paano ka kikilalanin at kung paano ka uunawain. alam mo ng mahirap ang kursong yan at hindi mataas ang pagkilala sa ganyang propesyon, itinuloy mo pa rin. alam mo ring mahirap ang trabaho at paulit-ulit mong sinasabing huling taon mo na ‘to, sa huli… ikaw rin ang tumatawad at nanghihingi ng isa pang pagkakataon upang unawain ang kinalalagyan mo ngayon. nasasaktan ka ng paulit-ulit at halos ayaw ka ng pakinggan ng mga kaibigan mo dahil sa mga litanya mo, pero natututunan mo pa ring pakinggan ang nilalaman ng puso mo. may pagkakaton naman na mag-iba ng trabaho pero nakikipagmatigasan ka at sinasabing hindi lang trabaho ang hanap mo kundi kabuluhan.

nakikita mo ang kabutihan sa pinakamasamang estudyante mo kahit sa huli, kalaban mo na ang lahat ng co-teacher mo, ang taas pa rin ng pananalig mong magbabago ang batang yan. Minsan pa, pati ikaw tinatabla. hanggang sa wala ka ng balikat na maiyakan dahil alam mong isa lang ang sasabihin nila, “sinabi ko naman kasi sa’yo!”

makakasalubong mo ang dati mong kamag-aral at kaibigan, makinis ang balat, maayos ang damit, nakaporma at ikaw nagpupumilit na maging maayos kahit hindi na makabili ng damit. ayos ng plantsado ang damit, nakasuklay o may kaunting pabango, pinagpapalit-palit mo na lang ang pares para kahit papaano ay makasabay sa uso.

pipilitin mong harapin ang makulit na magulang at paliwanagan. diplomasya. pilit mong ipapaunawa ang sistemang kahit ikaw ay alam mong may pagkukulang. ipagtatanggol mo ang paaralan o kasamang guro kahit alam mong ikaw ang unang-unang hindi sumasang-ayon.

pipilitin mong itago ang nararamdaman, ang pausbong na pag-ibig ay hindi dapat pagbigyan.

pipiliin mo ang mga salitang bibitawan at tila krimen ang makapagsabi o makapagpakawala ng nararamdaman kahit ito’y expression lamang.

daramhin  mo ang iyak ng mga magulang, aalamin mo ang laro ng mga mag-aaral, ipapaliwanag  mo sa kanila ang nangyayari sa lipunan at ipararanas mong maganda ang mundo.

sasabihin mong may pag-asa. kukumbinsihin mong nasa kamay nila ang pagbabago hanggang sa mapaniwala mo ang lahat at wala ka ng maisagot sa mga tanong na paano.

daraan ang panahon, masaya ka sa paulit-ulit na pagharap, pakikinig, pagmamasid, pagpapaalala, pagtuturo, pagwawasto, pakikipamuhay at pakikiisa hanggang sa sumamplataya ka sa kakayahan ng mga batang tinuturuan mo.

hanggang sa maharang ka isang araw at di makilala.

hanggang sa muling pagkirot ng puso at muling pagtanggi sa sakit

hanggang sa muling pagtanggap na ang buhay ng guro ay hindi naghahangad ng pagkilala bagkus bukas-pusong pagbabahagi…

ang puso mong nasaktan ay agad maghihilom matapos niyang maunawaan na nagampanan na niya ang kanyang tungkulin at naging bahagi sa pag-unlad ng kanyang mag-aaral.

at kung maalala mong nauubos na ang iyong sandali upang tahakin ang landas kung saan ikaw naman ang uunlad gaya ng batang nakita mo ngayon…

muli mong iisipin na ito ang landas mo, na ang pag-unlad mo ay katumbas ng pag-unlad ng mga batang minsan mong kinausap at tinuruan.

kung magpasya ka namang lumayo at angkinin ang personal na kaligayahan, tutuksuhin ka ng iyong sarili, at paulit-ulit nitong ipapaalala na ikaw ay guro… ‘san mang dako, ‘san mang panahon… ikaw ay guro.

mula sa friendster blog account ko noong november 20, 2006

http://bernardumali.blog.friendster.com/2006/11/kasi-teacher-ka/

Advertisements

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s