Sangandaan

(Mga nagkrus na emosyon sa pagtatapos ng 2008)

Eto na naman ako, pinagkakasya ang mga nasa sa isip sa espasyo na ito.  Magtatapos na naman ang taon kaya siguro sentimental, paunang babala : siguro sa mga naghahanap ng kasiyahan at mataas ang energy, hindi ito ang blog para sa’yo.

Nitong mga nakaraang araw, nakapokus ako sa NGAYON. Natutuwa ako sa mga ngayon, sa bawat ngayon na dumarating, lalo kong napapahalagan ang bawat araw.

Nilingon ko ang kahapon, ang haba – 28 taon ang kahapon ko. May mga paulit-ulit subalit may ilan na talagang nagmarka.

Noong isang araw napakaswerte ko ng masilayan ang gabing nakangiti.

smiley-philippines_1124654c2

minsan lang ito mangyari at tanging ang may panahon lang na tumingala ang maswerteng nakakasaksi, akalain mo yun, ngayon ko lang ito nasilayan sa loob ng 28  walong taon.  Maraming minsan lang na naging saksi ako.

Minsan lang na mapunta dito si Pope John Paul 2. Grand event ang World Youth Day sa Pilipinas. Isa sa napakahalagang kasaysayan na nadaluhan ko, umasa akong magbabalik pa nga sa Pilipinas ang Santo Papa pero hindi na naulit iyon.

Ang 100 years ng kalayaan ng bansa, 1998. Hindi ang nagkakahalagang 5 milyon na kwitis ang naiwan sa alaala ko, kundi ang pagkamangha na isang daang taon na pala mula noon, subalit hindi pala kasingkahulugan ng kalayaan ang kaunlaran.

Hindi ko man maalala ang kamatayan ni Ninoy, malinaw sa alaala ko ang Edsa 1. Natatandaan kong nagkakagulo noon, may takot at kahit kami’y mga bata pa,  alam namin na may kaguluhan. Kulay dilaw ang suot namin matapos iyon. Nagpunta kami ng Manila zoo kasama ang kaibigang kapitbahay. Ang alam ko lang, masaya kami kasi namasyal kami at dumalaw sa probinsiya. Hanggang doon lang ang alam ko sa idinulot ng Edsa 1.

Nang nagkaroon ng Edsa 2, araw-araw nasa Ortigas ako, kasama sa mga martsa, sa aming pamantasan patungong Edsa, Edsa patungong Mendiola. Bahagi ako nito. Noon, mahalaga iyon, pakiramdam ko ay bahagi ako ng isang makasaysayang yugto ng bansa, ngunit kung makabuluhan nga ba, hindi ko na masagot ngayon.

Nakasaksi rin ako ng isang krimen. Bata pa ako nang makita ko kung paanong inarmalite ang kamag-anak ko, sabi nila, malayong kamag-anak ko rin daw ang pumatay. Nakakatakot ang araw na iyon,  Martes Santo pa nga ata ng maganap ang krimen.  Malinaw at tila nag iislow motion pa nga sa alaala ko kung paanong itinutok ang armalite at pinaputok. Kung paano siyang tumumba at pinaputukan ulit.  Matapos iyon ay sumakay na siya sa sasakyan niya papalayo, kami naman sakay ng tricycle ay humarurot din.

Actually, marami pang mga personal na alaala na hindi ko maibahagi. May malungkot, may masaya, may patas lang, iba-iba ang pakiramdamam.

Sana may youtube na pwede kong balikan, panoorin at tukuyin kung alin ang pwedeng ulitin, ano ang dapat matutunan para hindi na maulit.

Kaso hindi youtube ang buhay. Hindi ko maiidokumento ang lahat.

Ang tanging dokumentasyon ng lahat ng iyon ay ako. Kung ano ako ngayon.

Kanina nabasa ko na hindi naman daw masamang magkamali. Kaparehas ng sinabi ng isa naming boss sa opisina, ang mahalaga daw ay matuto sa pagkakamali. Iyon daw ang pinakaimportante. Kasama daw sa imbensyon iyon, tinitingnan ko nga ang sarili ko. Gusto kong isulat ang resume ko ulit. Gusto kong alamin kung isa na ba akong mahusay na tao. Isa na ba akong magandang imbensyon sa dami ng pagkakamali ko.

Natututo naman ako. Hindi ko nga lang masabi na isa na akong makabuluhang nilalang. Kung may gamit na ba ako o hanggang ngayon ay raw material.

Hindi ko rin alam at hindi ko iniisip ang bukas. Baka matakot lang ako.  Sa ngayon, masasabi ko na nagiging makabuluhan naman ako (para sa akin lang).

Sa nalalapit na pagtatapos ng taon na ito, gusto kong tapikin ang balikat ko at sabihing  good job, kahit na may sablay lumalaban ka pa rin, natututo at hindi nahihiyang aminin na nagkakamali.

Sa mga taong naapektuhan sa aking pagkakamali, pasyensya na at sa mga natutuwa naman sa akin, naging bahagi ng kasiyahan at maliliit na tagumpay, salamat sa pagsuporta. Hindi mabubuo ang mga taon na iyon kung hindi rin dahil sa inyo.

Sa paghakbang ko ulit para buuin ang mga ngayon, sana ay laging maging makabuluhan iyon.

Hindi ko pa masabi kung mahaba pa ang lalakarin ko, o kung mas marami pang liku-liko, pero sana kung ang maabutan ko ay sangandaan, mapili ko ang landas kung saan ako magiging maligaya – yung kaligayahan na magmumula sa kaibuturan ng puso ko. Sapat para simulan ko ang bawat araw – ang bawat ngayon.

Nais kong ibahagi ang isa sa paborito kong awit. (maaari ring pakinggan / panoorin ang pag-awit ni Noel Cabangon, mula sa youtube)
Sangandaan

(pete lacaba/ding achacoso)
mula sa pelikula na Sister Stella L

walang komplikasyon sa buhay mo noon
kalooban mo’y panatag,
kalangitan ay maliwanag
ang daan ay tuwid at patag
sa buhay mo noon.

ngunit bawat pusong naglalakbay
dumarating sa sangandaan
ngayong narito ka,
kailangang magpasya
aling landas ang susundin ng puso?
saan ka liligaya?
saan mabibigo?
saan ka tutungo?

kay daling sumunod sa hangin at agos
aasa ka na ang dalangin
gagabay sa ‘yong damdamin
ngunit saan ka dadalhin
ng hangin at agos?

alam mong bawat pusong nagmamahal
dumarating sa sangandaan
ngayong narito ka,
kailangang magpasya
aling landas ang susundin ng puso?
saan ka liligaya?
saan mabibigo?
saan ka tutungo?

Advertisements

2 comments on “Sangandaan

  1. Sabi nga ni Forest Gump: Ang buhay ay parang isang kahon ng chocolate, di mo alam kung ano ang makukuha mo pagbukas mo nito. Keep on the strength, have faith!

    blue : korek, sa kin ang nakuha ko ay goya yung adrk mint. ang sarap. hehehehe

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s