Pamamaalam ng Matandang Puno

Isang matandang puno ang tahimik na nabubuhay sa pusod ng hardin. Sinasabing nabuhay ng gayon katagal ang puno sapagkat dumadaloy roon ang batis. Bagamat matagal ng nabuhay, hindi ito sintikas ng ibang puno. Ang kanyang balat ay makunat at may bahaging marupok. Ang kanyang paana’y pinamahayan na ng mga antik, maging mga anay. Mataas na ang punso’t kinatatakutan. Sa loob ng katawan nito’y mistulang kwebang kinasisilungan ng mga paniki. Bihirang sibulan ng panibagong daho’t madalas ay ang unti’unting paglagas pa nga ang matutunghayan. Malakas na patak ng ula’y nalalagas maging mga bagong sibol na dahon.

Gayunman, hindi kinakitaan ng takot ang punong ito. Tahimik siyang gumigising, ang buong araw ay waring ginugugol niya sa pakikipag-usap sa Maylalang. Bagamat kulubot ang kanyang balat,  waring inukit dito ang kanyang kasiyahan. Ang bawat lamukot at pitak ay tanda ng kanyang kasaysayan.

Mula sa itaas ay naaalala niya ang masayang kabataan. Wala ng nakababatid sa kanyang tapang. Ni hindi niya ito ipinagyayabang sa mga bagong sibol na punong abala sa pag-aalaga ng kanilang balat. Wala ng nakarinig sa kwento ng kanyang pakikidigma sa kulog at kidlat upang ipagtanggol ang malilit na puno. Wala ni isang puno ang umusisa kung saan siya nagmula.

Isang gabi, maalinsangan at may kahabaan. Nangagsiyuko ang lahat sa waring trahedyang nakaamba. Walang buwan ni kusot ng mga bitwin. Walang hangin. Walang kasiguruhan.

Isang bulong ang narinig, umuusal ang puno – ang matandang puno’y waring nagdarasal. Ang tahimik niyang pag-usal ay naramdaman sa buong kagubatan. Sa gitna ng gabi, nagliwanag sa pusod na iyon, binalot ng mga alitaptap ang puno. Sumilang ang liwanag – nagbaga ang paligid mistulang pinalalakas ng mga alitaptap ang puno at ilang sandali pa’y nakabibinging ingay ng kulog at nakamamatay na buhos ng ulan.

Mapangwasak ang gabi. Ang mga ula’y waring patalim na wawasak sa sinumang tamaan nito. Gayunman, tanging ingay ang maririnig, nahaharangan ang pusod ng gubat ng matandang puno at ang digmaang iyon ay nagwakas sa  isang matalim at nakamamatay na kidlat na sinalo ng matandang puno.

Nagliyab ito at ni ang matatalim na patak ng ula’y hindi sapat upang patayin ang lagablab. Nagliwanag ang pusod ng hardin.

Nagising ang araw, wala na ang matandang puno. Walang ni isang nasaktan, nalinis ang paligid at nakabubulag na luntian ang tumambad sa paningin. Isang bagong umaga na lilikha ng panibagong mandirigma.

Tinangay na hangin ang abong nilikha ng gabi, walang natira maliban sa paanang binalot ng punso.

Advertisements

3 comments on “Pamamaalam ng Matandang Puno

  1. grabe to, may something tong post na ito, it’s like every rain there is a rainbow afterwards.. ^^ thanks for sharing!! just keep it up!

    blue : hey thanks. series ang stories na to under Mga Kwento sa Hardin 😉

  2. sa may bahay ang aming bati merry xmas na malwalhati!!! Mamamasko po!!!!!

    wala munang diet-diet.. let go and let’s eat!!!!
    wala munang galit-galit… forgive and forget!!!!
    wala munang malungkot… sit back, relax and enjoy..

    dahil Birthday ni Papa Jesus!!!

    HAPPY BIRTHDAY BJ (baby jesus)!!!
    cheers;p-glesy the great

    blue : maligayang pasko!

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s