Hibang

Kahit saan sigurong panahon, kahit sa malayong nakaraan,
gagawa ako ng balsa at hindi matatakot
papalaot ako’t aalamin ang hangganan ng karagatan
lamunin man ako ng dagat
o mahulog sa dulo nito
titiyakin kong masasaksihan ko
mahahagkan ang anumang nakaamba’t nakasalo

at kung naroon ang bahaghari
sasampa ako’t yayakapin ang mga kulay
bibitbitin at ihahasik sa mukha ng daigdig
nang kuminang ang lupa, ang mga halama’t bulaklak
lalaganap ang ngiti, ang lupa’t langit ay sisigla
walang kwadrong paglalagyan ng gayong tanawin
ni hindi magkakasya sa mata ang walang hanggang kagandahan

sasalok ako ng hamog at ibubuhos ang bango ng umaga
huhugasan nito ang bawat nilalang
lilinisin ang kaloobang may batik o mantsa
walang kalungkutan, pangamba, pangungulila o kawalang katiyakan
papawiin nito ang uhaw; sa pagkalinga, sa katotohanan at sa pag-ibig
babasbasan nito ang mga kaluluwa’t ibabalik ang dati nyang samyo
dadaloy muli ang buhay, titining at magiging dalisay

sisisirin ko ang kalaliman ng aking isip
bubungkusin ang tagni-tagning ideya
hangga’t kaya pa nitong bigyang kahulugan ang buhay
bungkalin ang misteryo at gawan ng kwento
habang nakakikilala pa ng mga salita, anyo at kulay
palalayain ang kamalayan at aahon sa sisidlan
ng aking hangganan, ng aking katawan

sasabay ako sa pag-ikot ng daigdig
ang kanyang pisngi ang aking entablado
iindayog sa kanyang galaw, sa saliw ng kanyang indak
sasayaw ako kasabay ng buwan, araw at mga bitwin
malayang-malaya, magaan na magaang umiindayog
habang nakalutang at nakasaliw sa musika ng kalawakan
ang tibok nitong puso’y makikibahagi sa orkestra ng daigdig

sa itaas ay mga talang kumukurap
mga kulay na naglalaro
sumasabay sa ritmo
at sa dulo’y magliliwanag
dala ng mga nagliliyab na tala
at mga kometang nagdaraan
upang ipagdiwang ang huling sayaw

at matutulog ako ng mahimbing
mananaginip habang dinuduyan ng hangin
ilalapat ang ulo sa malambot na ulap
makikiliti sa panaka-nakang patak ng ulan
sa huli’y muling makakapiling ang pamilya
nang maihatid sa kanlungan ng inang buwan at amang araw
tahanan.

Advertisements

4 comments on “Hibang

  1. Deep. Cerebral even. Ü After hours of deciphering…one realizes how your post is simply beautiful, sincere and moving. Nurture your gift of eloquence and imagination. Thank you for sharing this with me. Merry Christmas ol’ chap. Ü

    blue : hi landon lol. nosebleed ba? naks salamat sa comment and nice words – beautiful, sincere, moving and gift of eloquence. totyal 😉

  2. grabe naman tong nabasa ko, talagang na feel ko siya, para siyang about sa art and something that is very deep.. merry christmas ^^

    blue: hi cindy merry christmas, syensya na medyo kumakawala ang imahinasyon.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s