Mitzel

Madalas kong makita si Mitzel, nakangiting mag-isa. Parang laging may kausap sa isip, tatangu-tango, nakatingin sa malayo, minsan nanlalaki ang mata at nakatingala sa alapaap na para bang namamangha. Bata pa siya noon, patpatin, maikli at manipis ang buhok, kayumanggi at laging suot ang pudpod nyang tsinelas.

Mabilis syang tumakbo, mailap na parang ibon subalit di gaya ng mga langay-langayan sa himpapawid, madalas ay sya lang mag-isa. Kahit nga kasama ang kanyang mga kamag-aral, kalaro at kahit sa gitna ng umpukan nilang magpipinsan, wari siyang nag-iisa, abala sa kanyang iniisip, sa sarili niyang munting isip.

Minsan ko siyang tinabihan, tumingin siya sa akin at nagsimulang magkwento.

Madaldal pala siyang bata, sabik na nagkwento ng kanyang mga napapanood. Hindi ko malilimutan kung paanong namimilog ang kanyang mata at hindi maawat sa pagsasalaysay ng kanyang mga hinahangaang palabas. Ang butterfly catch ni Voltes V, ang paghati ni Shaider sa waterfalls gamit ang kanyang espada at ang mga kamay na nag-aapoy – ang ora ng maskman. Ginagawa nya iyon ng paulit-ulit, hinihintay niyang umapoy rin ang kanyang kamay at makailang ulit ko siyang nakikitang nakapikit, nagcoconcentrate na mailabas ang enerhiyang iyon gaya ng kanyang mga napanood.

Sa tuwing magagawi ako sa kanila, hindi lahat ng oras ay maliksi sya, nakikita ko rin siyang tahimik at tila ba nagmumukmok, basa ang mata, nagpapabula ng laway sa bibig, nagsusulat sa lupa gamit ang daliri at pumupukol paisa-isa ng mga bato sa tabing sapa na malapit sa kanila.

Tag-araw noon, habang abala ang mga batang gaya niya sa paglalaro at pagsasamantala sa panahong walang pasok; nakita ko siyang nasa kumpulan ng mga bata – nakikipaglaro ng tumbang preso. Napalakas ata ang pagtira ng tsinelas kung kaya’t lumipad ang lata at tumama sa binti niya. Nakita ko kung paano siyang napaupo sa sakit, agad na namaga at nagkulay ube ang bahaging iyon ng kanyang binti. paika-ika siyang umupo sa kawayang nakapako sa dalawang puno. Sinamahan ko siya, tinanong ko agad kung ayos lang siya. Hindi siya kumibo. Maya-maya ay nagsalita siya
“Marunong ka bang gumawa ng saranggola?”
“Oo” sagot ko naman.
“Igawa mo naman ako, yung ginawa ko kasing saranggola, nagpapagewang-gewang sa hangin”
“Aba, oo naman, dadalhan kita bukas” pangako ko naman. Babalik na rin ako sa amin kaya inisip kong souvenir na lang ang saranggolang ibibigay ko sa kanya.

Kinaumagahan ay hinanap ko agad siya, wala sa mga batang naglalaro ng kalog, wala rin sa may patubig, wala sa barangay hall kung saan sila nagpapatintero at nagtutumbang preso. Doon ko siya nakita sa tabi ng sapa, nakaupo sa balsang nakatali sa may puno. Inabot ko ang saranggola, tumingala siya sa akin at ngumiti.
Nagbago ang kanyang mukha, nasiyahan siya sa kanyang nakita, sinuri niya ito, ang pisi, ang kulay, ang kapal at tibay ng stick na ginamit.
“Matibay yan” wika ko
Narinig kong tinatawag ako ng may-ari ng bahay na tinutuluyan ko kaya umalis na ko agad at iniwan ko sa kanya ang bago niyang laruan.

Hapon noon nang maalimpungatan ako, narinig kong tila nagkakagulo sa labas. Nawawala daw si Mitzel!

Huli daw itong nakita sa tabi ng sapa. Nawawala rin ang balsa. Kinabahan ako. Nanlamig at butil-butil na pawis ang lumabas sa aking noo at pisngi. Agad akong lumabas at nanghiram ng bisekleta, binaybay ko ang palayang malapit sa sapa. Sa di kalayuan ay nakita kong lumilipad ang saranggolang binigay ko kay Mitzel. Tinunton ko kung saan ito nanggaling, at hinala ko ay nagmumula ito sa may sapa. Walang anu-ano’y nakita kong gumegewang-gewang ang saranggola at bumubulusok pababa. Agad kong pinuntahan ang direksyon kung saan ito pabagsak at nakuha ko itong lumagapak sa may bukid. Tangan ang saranggola, nagbisikleta ako pabalik.

Sa di kalayuan ay nakita kong kumpul-kumpol ang mga bata sa bintana nila Mitzel. Habang papalapit ay naririnig kong ang galit na galit nyang ama at ang iyak ni Mitzel.

“Pasaway naman kasi talaga ang batang yan, hindi nag-iisip” ang narinig kong komento ni Aling Sally, tiyahin ni Mitzel.
“Ano po bang nangyari?” tanong ko naman.
“Hayun, nagsaranggola sa gitna ng sapa, akalain mong tinangay ang balsa ng walang kaabug-abog. Hindi mo alam kung anong naisip at sa lawak ng kalsada dito e sa gitna ng sapa naisip magpalipad ng saranggola. E nagbubuwis kaya ng buhay dyan sa sapa na yan.”
“Ganun po ba? Buti po at hindi naman napano ang bata”
“Hindi nga napano, napalo naman” singit ng kapwa batang kalaro niya sabay tawanan at pulasan mula sa bintana papuntang barangay upang muling maglaro.
“Kanino ba yang tangan mong saranggola?” tanong sa akin ni Aling Sally
“Ah, wala po, napulot ko lang sa daan.” saka ako umalis.

Araw ng Linggo, huling araw ko roon, nagpaalam na ako. Sa istasyon ng bus, nakita ko si Mitzel kasama ang kanyang ina na may dalang malaking bag, tila pauwi rin sa Maynila.
“Uuwi na rin po pala kayo?” Tanong ko sa nanay ni Mitzel
“Oo, isang buwan lang kami dito, ngayong Mayo kasi e maraming gawain sa simbahan, kailangan kami doon.”
“Sige po, ingat po kayo.” Paalam ko. “Mag-aaral kang mabuti MItzel” bilin ko pa
ngumiti lang siya. Walang galit sa mata, parang walang nangyari. Maya-maya pa’y lulan na sila ng bus, umandar ito at sa bintana, natanaw kong malayo ang tingin niya, nakangiti.

Wala na akong balita mula noon, subalit minsan ay nagbabalik sa aking gunita ang araw na binigay ko ang saranggola sa kanya. Araw kung saang nilayag niya ang balsa at pinalipad ang saranggola. Hindi ko alam kung paano niyang nagawa iyon. Kung paanong napalipad ang saranggola habang nasa balsa. Pero alam kong posible iyon sa kanyang isip, gaya ng paniniwala niyang kaya nya rin ang butterfly catch, mahahati niya rin ang waterfalls, at mag aapoy ang kanyang palad gaya ng mga ora ng maskman.

Advertisements

2 comments on “Mitzel

  1. naiyak ako.. promise.. :-“( mababaw ang luha ko pagdating sa kaibigan.. at pag hihiwalay..

    hmn.,. sobrang ganda ng pagkakakuwento nio..

    ngayun nakita ko kung gaanu kaimportante sa iyo ang salitang sarangola.. 🙂

    at mas lalo akong naiyak dahil si maskman ang huling salita sa post na ito.. 😀

    nyahahaha!! (konek?)

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s