Ang A B C D ni Nanay at Tatay

Walo kaming magkakapatid at ni isa, walang nagpre-school.  Hindi ko na naabutan yung panahon na pwede ka ng mag grade 1 kung kaya mo ng abutin ng kanang kamay ang kaliwang tenga mo. Kasi naaalala ko, para makapasok ng grade 1, dapat ay kaya mo ng isulat ang alphabet at ang  pangalan mo.

Totoo nga, napaka importante ang pangalan, unang araw ko kasi sa grade 1, iyak ako ng iyak, hindi ko naiintindihan ang mga pinaggagagawa namin. Gusto ko ng umuwi at for the first time, gusto ko ng matulog sa tanghali. Uuwi ako at matutulog na lang kahit dati ay ayaw ko.  Sabi ng teacher namin, ang unang pauuwiin ay yung makakasulat ng buong pangalan at apelyido sa papel – back to back. Agad akong nagpasa pero sabi ni teacher, back to back daw, hindi ko naiintindihan ang ibig sabihin ng back to back kaya pinaliwanag ni ma’am, namilog ang mata ko at halos lumubo ang sipon ko sa pagpipigil sa nagbabadyang pag agos ng luha.  Pagbalik sa upuan upang muling isulat ang pangalan ko, nanginginig ang kamay ko, nakita ng kaklase ko na hindi ko kaya, kaya sya na ang gumawa nun para sa akin. Kung hindi ako nagkakamali Melchor ata ang pangalan nun, matangkad at magtetake ng acceleration exam para maging grade 4. Sya ang unang anghel sa buhay- paaralan ko. Mula noon, naintindihan ko ang kahalagahan ng pangalan! Ang ikalawang anghel ay si Aling Maria, ang naghahatid sa akin sa paaralan. Sa huling subject at mag uuwian na, mula sa bintana ay iaabot nya sa akin ang papel na may pangalan ko – back to back, sulat iyon ng nanay ko!

Smart Kid daw ako. Kaya nga laking pagtataka ng lahat nung maging iyakin ako sa school. Hindi pala ako ready. Gayunman, looking back, hindi man ako naging handa sa elementary days ko, naging handa naman ako sa totoong buhay. Dahil iyon sa A B C D na tinuro ng magulang ko.

Acknowledge

Ang success, laging may pinanggagalingan. Laging may inspirasyon. Mula sa maliit na bagay hanggang sa pinakamalaking tagumpay, dapat pong pasalamatan at ipakilala kung sino ang tumulong sayo. Kaya nga unang-una sa Alphabet na ito, gusto kong sabihin na hindi ako magiging ako kundi dahil sa magulang ko.

Bawang

Alam nyo ba kung ano ang nagpapasarap sa luto? Syempre Bawang. Kahit anong ulam ata may bawang, pati nga kanin na sinangag nilalagyan ng bawang.

Dapat daw maging flexible kami, magtiis-tiis. Sabi nga, kung maikli ang kumot, matutong mamaluktot.

Dapat kaming maging bawang. Masanay sa lahat. Magbigay lasa, mapakinabangan. Pwede kahit saan. Maririnig mo rin sa kanila na, huwag mamili ng trabaho, magpakitang–gilas muna, patunayan mo muna ang sarili mo.

Catalyst of change

Hindi kay John F. Kennedy ko unang natutunan ang “Ask not what your country can do for you; ask what you can do for your country.”  Tatay ko ang madalas magsabi nito. Pilipino ang tatay ko at hindi kaanu-ano ni Kennedy. Ang pagbabago daw ay hindi inaasa sa gobyerno, naku ang tatay ko, galit na galit sa mga nagkikilos-protesta o sa mga humihiyaw sa kalsada. Sasabihin nun “Magtrabaho kayo e kami nga walang mataas na pinag aralan nakabuhay ng malaking pamilya!” Impernes sa magulang ko, ayaw nilang maging pabigat sa iba at ayaw nilang may masabi ang ibang tao sa kanila. Conscious na conscious yun sa iisipin at sasabihin ng iba. Sila na ang ma Pride.

Destiny

Laging tinitingnan ng tatay ko ang mga palad namin. May sinasabi daw ito sa kanyang kapalaran. Hindi ko alam kung binobola lang kami, madalas kasi sasabihin nya, “anak, lalaki kang matalino” o kaya naman “yayaman ka anak.” Minsan sasabihin din niya, “sadyang matigas ang ulo mo, kitang-kita sa guhit ng palad mo.”

Puro positive naman ang nakikita nya, kaya tama si Madam Seva,  “ Hindi hawak ng mga bitwin ang ating kapalaran, gabay lamang ito, mayroon tayong free will, gamitin natin ito.”

Naging gabay nga ang mga guhit ng palad na iyon sa amin. Itinakda akong maging matalino at mayaman at gagamitin ko ang aking free will para matupad iyon. Echos!

Education

Sa’ming magkakapatid, walang hindi nag uwi ng medal. Walo kami, Paramihan ng award. Kaya nga ang parents ko, may walong award, walong college diploma mula samin. Isang nurse, 3 veterinarian, isang dentist, isang industrial pharmacist, isang computer engineer at isang teacher. Lahat kami may degree, sabi kasi ng magulang ko, kahit ang nanay ko ay 2nd high school lang ang natapos at vocational course naman ang tatay ko, kaya daw nila kaming itaguyod dahil yun lang ang kanilang maipapamana sa amin.

Friendship

Pumili ng mabuting kaibigan. Sila ang pamilya mo sa labas. Naaalala ko, ilang beses nabugbog ang kuya ko dahil sa pakikipagbarkada sa mga tirador ng gulay sa palengke. Natigil lang ang pagbugbog sa kuya ko ng ang maging barkada nya ay mga youth leader sa aming barangay. Hindi naman ako naging mapili sa kaibigan, obvious naman sa facebook friends ko di ba?

God-fearing

Lumaki kami sa simbahan. Ang unang memory ko sa simbahan ay nang isama ako ng tatay ko sa simbahan sa Alabang. Hindi pa kami nakakalayo ay natanggal ang pagkakatali ng sintas ng sapatos ko, sabi ng tatay ko, malaki na ko kaya itali ko daw, takot ako sa tatay ko at ang sabi nyang iyon ay parang utos sa kin kaya naitali ko. First time. First achievement out of fear. Ang tatay ko ay God – mala old testament nga lang. Pag ang nanay ko naman ang kasama ko sa simbahan, may baon akong cloud 9, kakainin ko yun pag naka komunyon na sila. Ang nanay ko ay God din – sa new testament

Nung umuwi ako mula sa simbahan, tinanong ako ng ate ko kung ano ang natutunan ko sa simbahan – sabi ko Si Kristo ay namatay, si Kristo ay nabuhay si Kristo ay babalik sa wakas ng panahon. Nagpalakpakan sila. Nakaranas ako ng saya. Parang First Honor! At sabi nila, magpapari daw ata ako. Mula noon, ako na si mabait. Ako na ang umaattend sa simbahan at charismatic, ako na ang choir, lector, commentator, animator, katekista, taga sundo ng pari at naging member ng Parish Youth council.  Tila itinakda nilang magpari. Para akong batang artista, inuubos ang oras sa pagtatrabaho sa simbahan, sa pagpapakabait, sa pag-aaral-

Ang daming bawal, ang daming hindi magawa, at gaya ng maraming naging active sa simbahan – naging backslider ako. Ewan ko ba, kahit backslider, what a relief ang feeling! Hello World ako bigla!

Honesty

Kahit anong katumbas, dapat laging nasa tama. Totoo dapat ang sinasabi, bawal magsinungaling. Maging tapat sa lahat; may nakatingin man o wala. Ewan ko ba, ilang beses na rin ako pinahamak ng honesty na ‘to. Nung elementary – para akong makapili na walang bayong! Ako ang tagasulat ng noisy sa klase. Nung 1st year high school, unang death threat ko ng isumbong ko ang 4th year high school dahil sa pagnanakaw ng isang box ng rosary sa store. Nung iniabot ko naman sa adviser ko ang isang poison letter na nakuha ko sa ibang group ng mga teachers – the next morning, may rally ng mga teachers. At marami pang pagkakaibigan at pakikisama ang nasira. Sabi kasi dapat honest. Buti na lang, natutunan ko ngayon si indifferent at dedmatology.  Kiber ko sa inyong lahat. Sabi nga ni Asunta de rossi sa pelikulang Jologs “ Ang eepal nyong lahat!” Kaya ngayon, pag hindi ko issue, bawal ang scene stealer. Kanya-kanyang moment yan. Mahirap maging bayani. Di ko carry. Okay ang honesty pero hindi ang madead ng early.

Introspection

Pag-isipan mong mabuti. Yan lagi ang sinasabi ng magulang ko pag nagtatanong ako o humihingi ng payo. Narealize ko nga, hindi mahilig magpayo ang magulang ko, lagi nilang sinasabi, ikaw bahala, o kaya pag isipan mo. Minsan naman sinasabi nila  “malaki ka na, alam mo na ang tama at mali”

Sa hirap ng buhay na dinanas namin, marami akong tanong na hindi ko masagot. Lagi akong nag-iisip, pilit kong inaalam ang sagot. Lagi akong tulala. Sa hangin , naaapuhap ko ang sagot.

Jack-in-the-box

“Bulaga!” very common ‘to pero lagi kong nagagamit. Bukod sa mahilig akong manggulat (itanong mo pa sa mga officemates ko na halos atakihin sa puso), hilig ko talaga ang mag surprise. life is full of surprises ika nga at madalas walking jack-in-the-box ako. Gusto ko palagi kumawala sa ordinary, gusto ko lagi -more.  Dapat bago, dapat unique, dapat nakakagulat, dapat original, dapat exciting, dapat Bulaga! Kasi nung bata ako, sa hapon, pag nagpapahinga, dahil wala naman akong masyadong maraming laruan, inaaliw  kami ng nanay ko sa pamamagitan ng pagbubulaga! At tatawa ako nun, paulit-ulit, simple lang naman ang kaligayahan kasi noon, masaya na ako sa iiiiiittttt…. Bulaga! Langit ang mga oras na iyon.

Kindness

Malinaw na malinaw ang konsepto ng langit sa amin, kahit bata pa kami. Lahat ng ginagawa dapat tama, dapat mabuti. Kasi nga, ang batang mabait, pinagpapala ng langit. At dahil gustong  gusto kong makarating ng langit, kinarir ko ang pagiging mabait. Hindi man ako valedictorian, ako naman ang best in Christian living. Akalain mong Values Education pa ang tinapos ko sa kolehiyo and again modesty aside, cum laude.  Pero syempre, mahirap pangatawanan kaya hindi na ako nagturo hehehe Ang totoo, mas madaling aralin ang pagiging mabait kesa isabuhay. Tinigil ko na ang pangangarir sa kabaitan na yan dahil pakiramdam ko, nasa boundary na ko ng pagiging mabait at uto-uto.

Life

Love life. Obvious naman di ba, walo kaming magkakapatid. So mahal na mahal talaga ng magulang ko ang buhay. Pero bukod dun, ang lahat ng may buhay ay dapat ginagalang. Kaya nga siguro ang mga kurso naman ay may kinalaman sa buhay. Pag pumatay ka ng langgam, naku sasabihan ka nun na “inaano ka ba nyan at pinipisat mo, hayaan mo sila!” Ewan, weird lang talaga, pati ata mga abubot may buhay ang turing nila. Mula resibo hanggang sa lumang notebook, lahat yun iniingatan – baka daw magamit balang araw. Minsan nga pakiramdam ko, lahat ng basura sa bahay ay mabubuong isang nilalang at pangangalanan ko syang Sentita! Short for sentimental value ng aking ina.

Mission

Sabi ng tatay ko, misyon lang nila na buhayin kami, bigyan ng magandang edukasyon at pagkatapos nun ay uuwi na sila sa Bulacan. Nakauwi na nga sila, naghaharutan siguro sila dun ng nanay at tatay ko. Buti na lang at menopause na ang nanay ko. Sya nga pala, Demetrio ang pangalan ng tatay ko at ang ibig sabihin ng pangalan nya ay prolific. Saktong-sakto. Ako naman ay may misyon din sa buhay. Misyon ko na bigyang kahulugan ang buhay.

Nature lover

Magsasaka noong araw ang mga magulang ko. Lumaki sa piling ng palay at kalabaw. Kung ang ambiance na gusto ko ay sa coffeebean and tea leaf, sila sa ilalim ng puno, nagkakape at binabati ng isang magandang umaga ng araw at mga ibon sa kalangitan! Kaya maiintindihan mo sila pag sinabi nilang ubusin nyo ang kanin dahil hindi birong anihin yan. Sobrang namiss ata nila ang Bulakan kaya kahit sa Bicutan na kami lumaki, ginigising kami ng mga alaga naming tilaok ng manok, gutom na baboy, pusa, aso, kuneho at isda. Isama mo pa ang kinahilagan ng bunso kong kapatid na gagamba at omang (eto yung parang suso na may kamay, creepy na nilikha ng Dyos o should I say isinumpa ng Dyos kaya nakulong sa shell). Hay! Ang mga hayop sa bahay, mas marami kesa sa amin. Kung may mga kaluluwa sila at kabilang sila sa kaharian ng Diyos, pihadong aabot ang kaluluwa namin sa langit ng walang kaabug-abog. Kaya wag kang magtanong kung bakit 3 ang beterinaryo namin?

Opportunity

Kung meron mang regret ang nanay ko, yun ay nang hindi nya matapos ang kanyang high school dahil nga mahirap ang buhay. May pagkakataon din syang makapag-aral noon sa ibang bansa bilang scholar pero ayaw ng lolo ko. Kaya nga sabi nya, hangga’t may pagkakataon, kapag may oportunidad, subukan agad. Bukod sa pagsisikap ng mga magulang ko, kung sinu-sino din ang tumulong sa aming magkakapatid para makapag-aral. Kanya-kanyang scholarship, ang hindi ata alam ng magulang ko, nakakuha din ako ng scholarship nung college. Ang tuition ko lang noon ay P315 lang ata sa isang semester sa Philippine Normal University, pero dahil umuulan noon ng scholarship sa PNU, nag exam ako at nakakuha ng P5000 a year. Yun ang pinambibili ko ng damit, sapatos at pinanggigimik ko noon.

Patriotism

Gawin ang lahat ng makakabuti sa bayan. Sobrang masunurin ako sa batas. Halos malate ako at hindi makasakay ng jeep nung High school dahil sa pagsunod ko sa batas dahil sa pagpila ay nauubusan ako ng jeep. Kahit balat ng kendi, ilalagay ko yan sa bag.Lahat ng rules sa school ay sinusunod ko. Isa ang Kupal na mag-aaral na hindi nagpapakopya, at nagtatakip ng papel na para bang nanakawan ng sagot.

Mataas ang respeto ng mga magulang ko sa mga bayani natin. In fact pati kay Marcos. Isama mo na si Erap. Bagamat minsan ay magkaiba kami ng prinsipyo tungkol sa bayan – minsan may katwiran sila. Minsan akong tumawag sa bahay at kinamusta ko sila nung nasa boarding house ako, impeachment ni Erap nun, sabi ng tatay ko, naaawa sya kay Erap. Sabi ko naman ay sasali ako sa EDSA 2. magkakaharap daw kami sa Malacanang biro nya. Nanalo ako nun, napatalsik si Erap, pero sa mga nangyari sa panunungkulan ni GMA,  narealize ko, may punto ang tatay ko.

Quack – quack – quack – quack (masyado namang common pag Quality ang ilagay ko dito, creative nga ako di ba?)

Sa dami namin, buti na lang at hindi napraning ang nanay ko sa t’wing umagang sisigaw kaming  lahat ng “Nanay, nasan medyas ko, nanay nasan bag ko, nanay nasan ang baon ko. Nanay san mo nilagay ang uniform ko, nanay… nanay.. nanay….

Ang medyas, iitsa ng nanay ko sa akin, ang bag iaabot nya, ang uniform, isusuot nya sa’min, lahat ng yun hahanapin nya pero sabay sabing, “huwag puro bibig anak, maghanap naman kayo!”

Ngayon na solo ako at piniling mabuhay mag-isa (cue : music intro – all by myself, ‘till fades) wala na akong nanay na tatawagin sa umaga. Syempre, nakatatak sa isip ko na kailangan mag excel, kailangan kumita para sa comfort. Kaya ngayon, tatawag sa phone, “Hello  papick up na ng laundry, I need it by tuesday”  “Hello, padeliver po ng lunch” “Manang, Sunday, 2PM, palinis ng bahay”  at syempre tatawag kay ate, “’te, pawire transfer, wala na kong pera, bayaran ko next week, promise” bwahahahaha

Respect

Tanda daw ng may pinag-aralan ang paggalang sabi ng tatay ko. Kahit sino, kahit hindi ko kilala dapat igalang. Sa’ming magkakapatid, madalas ay kinakapos ako dito. Gusto ko sanang sabihin na pagbigyan nyo na ako ‘tay, tutal hindi naman ako ang pinakamatalino nyong anak kaya hindi rin ako ang pinakamagalang.

Ang totoo, kung meron man akong malaking pagkukulang na naaalala ay ito yung nag-away kami ng tatay ko noong October 24, 1995. Hindi ko malilimutan yun kasi may solar eclipse. Hindi ko na rin alam kung bakit sumabog ang loob ko at namura ko ang tatay ko. Yep, ako na nga ang pinakamasamang anak ng mga oras na yun. Kaya sa tatay ko na hindi nagbabasa ng blog, im sure makakarating naman ‘to dahil ang mga kapatid ko ay avid readers ko. Sorry po sa aking kapangahasan at kawalang-galang. Bata pa po kasi ako noon at siguro ay litung-lito o hirap na hirap sa buhay, isama mo na ang pagkalunod ko sa panonood ng mga soap opera at  teen programs sa tv kaya naging madrama ang buhay ko.

Hindi man namin nasasabi, mahal mahal namin kayo at abot langit ang Respeto namin sa inyo. Kung nirerespeto kami dahil sa aming pinagtapusan at naabot sa buhay, lahat ng iyon ay dahil sa inyo. Hindi lang naman edukasyon ang dahilan sa pagkakamit ng respeto, mas higit ang buong buhay na sinakripisyo ninyo para buhayin at itaguyod ang ating masayang pamilya. Ang totoo, noong magkakasama tayo sa Bicutan, madalas ay nahihiya ako, nakatungong naglalakad sa labas dahil hindi ko maabot ang standards na kabutihan ninyo. Dahil nga sa magkakapatid, ako yung black sheep nyong anak. Pero noon yun, kasi ngayon, hindi na ko black sheep, isa na akong butterfly!  At hindi basta basta butterfly, rare kind ako – blue butterfly! bwahahahaha

Simplicity

Mas simple, mas maganda. Lumaki kaming ang suot lang ay damit at short.  Kung aalis, nakasapatos at medyas. Walang relo, walang belt, walang singsing at walang kwintas. Sa mga ate ko, bawal ang make-up –  pulbos lang. Ayaw ni tatay ng maraming kolorete. Ang alam ko nga, nag tatrabaho na ko ng magsuot ng brief. Kasi nga, hindi ko ma take  na naghihiraman pa kami ng brief noong bata kami. Kaya wag ng magbrief!

Masarap din ang simple. Magaan. At pag magaan, mas madaling makakaakyat sa langit!

Time

Kapag marunong ng magbilang, dapat matuto agad tumingin sa oras. Bukod sa blackboard na may orasan sa upper left corner, lagi kaming may orasang kundi yari sa paperplate ay yari sa kahoy. Yun naman ang inaaral namin. Mahalaga kasi ‘to sa min, kasi nga may oras ng gising. Pag ala syete na ng umaga, dapat ay nasa Tanyag na at nagpapaigib ng tubig. Ala una, nasa bahay at at papasok ng alas Dos. Nang lumaon, may umoorder ng tubig na isang tangke ang lalagyan, 45 minutes para mapuno yun. Dapat bantayan din ang oras. Naalala ko noon, sinasama ko ang bunso kong kapatid sa may riles sa may palengke sa Bicutan, inoorasan naming mapuno ang tangke, tinuturuan ko syang magbasa ng orasan. Hindi ata sya natuto, siguro alam nyang katumbas ng pagkatuto ng oras ay magbabantay na rin sya sa gripo. Maswerteng bata! High school palang ay scholar na sa SouthRidge kaya hindi nya nadaan ang pagpapaigib ng tubig!

Ang oras ay katumbas ng trabaho. Kaya nga nung nagkatrabaho ako, inangkin ko ang oras. May allergy ako sa oras kaya ata lagi akong late. Sa ngayon ay natututo akong sumunod sa oras. 10 minutes cardio sa threadmill, 10 minutes sa stepper, 3 sets ng ibat-ibang workout. Ayan, payat na ko ulit.

Ulam

Syempre, ang unang bati namin ay “Anong Ulam?” Hindi ko alam kung napintasan ba namin ang ulam na niluluto nyo, ang totoo walang sasarap sa lutong bahay! Kahit bilang ang porkchop (pero syempre laging may sobrang isa para kay Alvin na never kumain ng gulay)

Hindi rin naming madalas na masabi, Salamat po sa masarap ng ulam! Hindi namin namamalayan, masarap umuwi dahil sa luto nyong ulam. Ang ulam nga ba ang namimiss namin o ang kadaldalan ni nanay!  Tama! Parang sinasarapan ni nanay ang ulam para kakain kami sa bahay at may instant audience sya. Mahilig kasi yun magkwento! Ma- opinion sa buhay! Naipon ko na nga ang mga nakakatawang opinion ng aking nanay, oopps wag mong ideny, nanay!

–       Minsang binalita sa tv na nabihag na naman ng mga piratang Taga Somalia ang mga Pilipino, sabi ng nanay ko, ang kulit kulit daw kasi ng mga Pilipino, bat daw dun pa daan ng daan, hindi na lang mag eroplano! – “nanay, seaman sila!”

–       Sabi ng nanay ko, “kumain ka nga ng kanin, mamamatay ka nyan sa ginagawa mong diet!” sumagot naman ako “Nanay bakit ang mga amerikano, hindi kumakain ng kanin, hindi naman namamatay?” at syempre may opinyon na naman sya. “E amerikano sila anak, Pilipino ka! Magkaiba kayo! Bakit, amerikano ka ba?”

–       Nagleave ako para asikasuhin ang aking passport. “ba’t di ka pumasok?” tanong ng nanay ko “Pupunta akong DFA para sa passport ko”  at sumagot ang nanay ko “Ay oo nga pala anak, pupunta ka nga palang Boracay!”  syempre nawindang ako “Nanay, nung nagpunta ka ba ng bohol, hiningan ka ng passport”  at sumagot sya sa sarcastic kong tanong “Anak, bohol yun, e ikaw sa Boracay ka pupunta!”

–       Umuwi galing Japan ang kapatid ko, iskolar sya para sa kanyang graduate course. Sabi ng nanay ko, “Ang bait talaga ni Doktor Katoh (ang mentor ng kapatid ko sa Japan), pagbalik mo dun dalhan mo sya ng pagkain” sumagot ang kapatid ko. “Maraming pagkain dun, ano naman ang dadalhin ko dun?” “Di ba mahilig sila sa noodles, dalhan mo ng yakisoba o kaya lucky me!”  winner ang nanay ko!

Namimiss ko talaga ang nanay ko pag kumakain akong mag-isa!

Villasenor

Yan ang middle name namin. Konti lang kaming Villasenor. Natutuwa akong sabihin na Villasenor ang middle name ko. Tunog mayaman kasi. Parang sosyal. Sa A B C D, pag V  na, Villasenor agad ang nasa isip ko. Hindi ko alam kung nagpapataasan ng ere ang nanay at tatay ko, basta pag tinanong kung saan kami nagmana ng katalinuhan, sasabihin ng nanay ko na matatalino ang angkan nila. Ang pinsan ko daw valedictorian din, ang lolo ko marunong magsalita ng espanyol, basta nasa angkan daw nila ang matatalino. Nito ko lang nadiskubre na ang kahulugan pala ng apelyidong iyan ay old place, pwede rin lugar ng matatanda. Siguro nga, sa Villasenor nanggaling ang talino naming (modesty aside), dahil wisdom ang dala ng matatanda.

Waldas

Ito ang kailanman ay hindi ko maiwasan. Syempre hindi naman lahat dito natutunan ko na. Kasi kung natutunan ko na lahat, ako na ang president, ako na ang santo, perfect na masyado. E hindi pa nga, mga 95% pa lang ang perfection ko. Joke!

Ito ang dapat iwasan. Ang magwaldas ng pera. Prinsipyo ko kasi sa buhay, theres no tomorrow. Enjoy now. Life is about now. Ano kinalaman nun? Wala, nagdadahilan lang ako.

X is for rejection

Para sa isang patpatin at lelembot-lembot na batang kagaya ko na lumaki sa isang kapita-pitaganang pamilya,  hindi madaling lumaki at mabuhay. Ang weird ng pamilya ko. Ang mga ate ko, bibihisan ako ng damit pambabae, pupulbusan, memake-up-an. Masaya sila sa ginagawa nila sa akin. Ako ang manika nila. Ang kuya ko naman, kung hindi kutos, pingot e sigaw ang  sasapitin ko. Pag nagkamali ako ay palo ang aabutin ko sa tatay ko, syempre ayaw nyang makakarinig sa kin ng mga expression na “graveh”, “Oh my gawd” “bongga” “mind your own business, scratch your own galis (sabay irap)”  at “I can feel it.. pwet” (rotate ng left shoulder saka kekembot ng pwet)   samantalang lalambingin ka naman at aabutan ng pera, chocolate o isasama ka ng nanay ko sa Baclaran bilang pagsuyo.

Iba ang lalaki at iba ang babae.

At mas lalong iba ako.

Kinukwento ng nanay ko sa mga kaibigan ko at maging sa mga kapitbahay namin “naku nung pinanganak ko yan, may lalaking nagwawala sa kabilang kwarto. Nagagalit at babae daw ang anak nya, kinakausap daw ang nurse at gusto daw na ipalit ako sa anak nya, buti hindi napalit kundi kawawa naman, mabubugbog lagi ‘tong anak ko!”

Natutunan kong mahalin ang rejection. Natatandaan ko pa kung kailan ako tumigil ng pag-iyak. Nung kausap ko ang isang kaibigang pari. Nung sinabi ko lahat ng sama ng loob ko. Nung napaliwanagan ako na lahat tayo ay anak ng Diyos.

Natutunan ko ang ibig sabihin ng “ang pag-ibig ay unconditional.” At nawala ang trauma ko sa salitang rejection.

Yelo

Bukod sa balot na dahilan kung bakit ako balbon, pinaglihi daw ako sa yelo kaya matigas ang ulo ko. Nung buntis ang nanay ko, nginangata nya ang yelo. Kaya nga habang lumalaki ako, naaamaze ako sa yelo. Ang tubig, tumitigas, lumalamig at natutunaw muli. Ang galing ng cycle.  Nung bago ang ref namin, ako ang naglalagay ng tubig sa icebox tapos oorasan ko kung kailan magyeyelo. Nagagalit ang nanay ko dahil bukas daw ako ng bukas ng freezer. Sayang daw sa kuryente! Sabi pa nya, “ang tigas ng ulo mo, isisilid kita dyan sa Ref! “ Alam kong hindi totoong may aswang sa loob ng ref gaya ng pelikula ni Janice de Belen sa Shake Rattle and Roll, kaya sige lang, tuloy pa rin ang pagbubukas ko ng freezer. Minsan, nilagay ko ang jelatin at sa sobrang tigas, hindi na ‘to makain. Nilagay ko rin ang gagamba kasabay ng langgam, paunahan silang manigas. Nahuli lang ako ng nilagay ko ang dagang kosta namin sa freezer kaya nabuhay. At  minsang wala na akong mailagay, nilagay ko ang dila ko sa freezer, 1 , 2, 3, 4, 5, 6, 7, 8, 9, 10 sabay hila, pumatak ang dugo sa freezer, naiwan ang mga papillae (butlig-butlig sa dila)! Totoo nga! Napatunayan kong matigas ang ulo ko!

Zero

Okay lang na ipanganak na mahirap, kasi pag yumaman ka at mawala ulit lahat sayo ng naipundar mo, hindi ka mahihirapan, kesa naman ipanganak ka ng mayaman, mas mahihirapan ka pag nawala ang yaman mo.

Mula kami sa wala.

Walang pangalan.

Walang yaman.

Pero pinagsikapan ng magulang ko na magkaroon kami kahit ng pangalan, ng dignidad at ng pinag-aralan.

Dahil sabi niya, ang buhay sa mundo, mawawala rin, ang dapat pag-ipunan ay ang kabutihan para sa buhay na walang hanggan.

Advertisements

18 comments on “Ang A B C D ni Nanay at Tatay

  1. Ang galing!!!
    At ang haba ng entry na to… Hehehehe….
    At dahil sa haba, di ko alam kung paano sisimulan ang isang matinong comment…

    Natawa ako sa pagpasok ng bawang – but it makes sense… 🙂 At sa simplicity, kasi “kapag magaan, mas madaling makakaakyat sa langit.” Hehehehe… Your mom’s sense of humor is sincere and lovable…

    And perhaps the main theme for this entry is gratefulness. I honor you for being grateful to your parents and for giving them due recognition for all your achievements…

    Reading your post while I’m at home with my siblings and parents added a strong poignancy to the reminder that I also have not achieved much if not for, according to Bette Midler’s song, “the wind beneath my wings” or if I haven’t, according to Newton, “stood on the shoulder of giants.”

    God bless our parents!

  2. Sir Bernard, kahit sobrang bihira kang mag post, talaga namang malaman when you do. This is one good ABC para sa napakaraming aral lalo na yung mga principles ng mga magulang mo.

    Magandang araw sa lahat!

  3. Flabbergasted by this article! Mixed emotions ako while reading this (natuwa, napatawa, nalungkot atbp.)..

    At ang daming pickup lines na I considered kapupulutan ng aral. Pde na ito sa MMK Sir.

    At this point, parang speechless ako. Ewan ko nga ba, pero ang daming realizations ang naisip ko after reading this, especially yung Honesty….

    Nagustuhan ko ito:
    “Tinigil ko na ang pangangarir sa kabaitan na yan dahil pakiramdam ko, nasa boundary na ko ng pagiging mabait at uto-uto.”

    Kudos Sir Bernard…Worth-reading!

  4. Magandang umaga 🙂

    Sobra lang akong natuwa sa entry na ito mo po. Habang binabasa ko sya, lubos yung paghanga ko sa mga magulang mo at sa pamilya nyo. Hindi lahat at bihira na lang sa ngayon, mahirap man tanggapin, ang anak na pinapahalahagan ang mga bagay na natutunan nya sa kanyang mga magulang.

    Waaa. Ako na iyakin habang nagbabasa :lll

    “Namimiss ko talaga ang nanay ko pag kumakain akong mag-isa!”

    Ito yung bagay na iniisip ko pa lang na malapit ng mangyari eh parang hindi ko na kinakaya :ll Ayokong mag-isa, hindi pala, ayokong mamiss ang mommy ko. Pero kailangan ko yun para sa personal growth at para sa kinabukasan ng buong bayan. Ay nagdrama dito e no 😀 hehehe.

    Andami kong natututunan sa mga entries mo Sir 🙂

    Mabuhay! ^^

  5. Ang ganda nitong ABC ng pamilya mo… Tignan mo nga naman narating mo… Simula sa iyaking may nagpapasa sa kanya ng back-to-back na pangalan, hanggang sa naging smart ka na sa overall na buhay. Si BAWANG nakuha atensyon ko haha! Pero totoo naman, ang mahalaga e kung pano ka sa overall na pamumuhay mo… Love LIFE nga. 🙂 At ang mga opportunities nga naman… Marami yan, basta marunong tumanaw at gamitin sa tama. 🙂 Proud of you po! 🙂

  6. nakakatuwa nmn po ang entry nio Sir Bernard.. kinarir ko talaga ang pagbabasa… ang ganda…ang daming moral lessons… ching! parang hiraya manawari at bayani lang.. lels!…

    Two Thumbs Up! 😀

  7. hi pres. bern, kakahanap ko ng website ng dental clinic ng ate mo, eto ang nabasa ko. i think ur talking about gaspar? ung kapatid ni melchor, na pinsang buo ni ate vilma. hahaha.btw, i really love ur blog, funny yet so inspiring.

  8. Hi blue… 😀
    I am james. It was very nice reading ur blogs. I was once a student writer back in college, and reading ur masterpieces brings me back to those years.

    Continue writing. You’re an inspiration. 😀

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s