Alamat ng Bituin

Sa simula, may tatlong dambuhalang lumulutang sa kalawakan; ito ang araw, ang buwan at ang daigdig. Sa umaga, ang araw ang tumatanglaw sa daigdig at buwan naman sa gabi. Maliban sa buwan, madilim na ang kalawakan kung kaya’t may pagkakataong binabalot ang daigdig ng dilim sakalaing malamlam ang buwan o di kaya ay nagkukubli ito sa makapal ulap.

Sa umaga, ang lahat ay nagtatrabaho, abala sa paghahanap ng pagkain, pagtatayo ng kubo na masisilungan at kahoy na ipanggagatong sakaling dumating ang malamig na gabi.

Gayundin ang mga bata, sa umaga ay masayang naglalambitin sa mga sanga ng puno, lumulukso sa mga halaman, nagtatampisaw sa ilog at agad ding nagsisiuwian pagkagat ng dilim.

Madalas ang umpukan sa gabi, sa gitna ng apoy; magkakasama ang mga bata at matatanda. Sa ganitong okasyon maririnig ang tinig ni Tala. Siya ang pinakamatanda sa nayon, pinakikinggan ang kanyang mga payo sakaling may hindi pagkakasundo sa mga miyembro ng pamayanan. Paborito rin siya ng mga bata dahil lahat ng tanong nila ay nasasagot nito; kung saan nagmula ang isda, bakit asul ang kulay ng langit, saan nagtatago ang bahaghari at marami pang kasagutan tungkol sa pagkamangha nila sa daigdig. Hindi rin siya nauubusan ng mga kwento na kapupulutan ng aral. Siya ang nagsisilbing gabay sa kanilang pamayanan.

Isang gabi, nagbalik sa umpukan ang mga bata at matatanda upang makinig kay Tala, subalit hindi siya dumating. Gayundin ang nangyari sa mga sumunod na gabi.

Nagpasya silang puntahan si Tala at nakita nila ito sa kanyang tahanan na mahinang-mahina. Agad nila itong pinainom ng tubig at pinakain. Nagpatawag din sila ng manggagamot. Bahagyang naginhawan si Tala subalit di gaya ng dati, hindi na siya madalas makadalo sa gabi ng mga pagtitipon.

Sa bawat gabi, iba-iba ang nagkukwento sa mga bata, iba-iba rin ang tumatayong tagapagbati at tagapayo kaya lang hindi nagkakasundo ang mga miyembro ng pamayanan. Hindi rin nasisiyahan ang mga bata sa mga sagot sa kanilang tanong.

Lumala ang mga away at di pagkakasundo, nabalitaan ito ni Tala na kanyang labis na ikinalungkot.

Pinatawag ni Tala ang matatanda at magulang  sa kanyang tahanan. Sapagkat labis na syang mahina at hindi na kaya ng kanyang katawan ang lamig ng gabi, t’wing hapon siya nagkukwento at sumasagot sa mga tanong na hindi nila masagot. Nag-aral sila kay Tala. Sa gabi naman, ang matatandang nag-aral ang nagkukwento at nagiging gabay sa pamayanan.

Isang gabi, sa kabila ng kahinaan ay nagpasya si Tala na samahan ang mga nag-aral sa kanya. Nalaman ito ng lahat ng miyembro ng pamayanan kaya naghanda sila ng masarap na salu-salo, batid nilang bihira ng mangyari na makakasama nila si Tala sa gabi ng pagtitipon.

Matapos ang masarap na hapunan at mapakinggan ni Tala ang mga matatandang nag-aral sa kanya ay nagsalita siya.

“Balewala ang lamig ng gabi sa mainit nating pagsasalo. Sa mga ganitong okasyon, nawawala ang takot, ang alinlangan, napapanatag ang agam-agam at nabibigyang sagot ang ating mga katanungan.” napatigil si Tala at tumingin sa bawat isa, humugot ng malalim na hininga at muling nagsalita

“Ipagpatuloy ninyo ang ganitong mga pagtitipon, hindi na ako makadadalo sa mga susunod na araw, gagabayan kayo nila” at saka itinuro ang matatandang nag-aral sa kanya

“Saan po kayo pupunta” gulat na tanong ng isa

“Mahina na ang aking katawan at alam kong hindi na ako magtatagal” sagot ni Tala

“Subalit nariyan po ang magagaling na manggagamot, pagagalingan po nila kayo?” wika naman ng isa

“Hindi kayang gamutin ang hangganan ng ating katawan subalit ang mga aral na iniwan ay maaaring magtagal. Isabuhay ninyo ito at tungkulin nyong ibahagi sa iba. Ang mga aral na iyon ay siyang magiging gamot upang pawiin ang kalungkutan sa mahabang gabi, sa oras ng pag-aalinlangan at sa takot na bumabalot sa inyong isipan.”

“Naging gabay po namin kayo sa pagpapalaki sa aming mga anak at nagpapasalamat po kami” naluluhang wika ng isang ina

“Saan po ba napupunta ang isang taong namamatay?” mapangahas na tanong ng isang binata na agad namang ikinagalit ng isang matanda “Hindi pa mamatay si Tala”

“Ang kamatayan ay dapat harapin ng may kasiyahan at hindi dapat katakutan.Katawan lamang ang namamatay subalit ang ispiritu nitong pinagningas noong siya ay nabubuhay ay magiging kabahagi ng inyong ispiritu. Mananatili siya rito hanggang sa mapagpasyahan ninyong isabuhay ang kanyang aral. Ang salita ay ang ispiritu at ipasa nyo ito sa inyong mga anak at kaapu-apuhan.Doo’y makikita ninyong nagniningas ang ating pamayanan” pagpapaalala ni Tala.

Ilang sandali pa’y lumakas ang hangin at nabalot ng maitim na ulap ang buwan. Ipinasya nilang ipasok si Tala sa kanyang tahanan. Bumuhos ang malakas na ulang tila nagngangalit, walang maririnig kundi ang patak ng ulan at hambalos ng hangin. Sa tahanan ni Tala na sila nagpatila. Muling binalot ng ingay ang tahanang iyon ng makita nilang wala ng buhay si Tala. Waring tinangay ang kanyang buhay nang nag-aalimpuyong hangin. Isang mahabang gabi ng pagtangis, ang katahimikan ng gabi ay manaka-nakang binubulabog ng bawat paghikbi. Bago pa pumutok ang araw, inilibing na nila si Tala kung saan sila nagsisiga ng apoy tanda ng liwanag na binigay ni Tala.

Nang sumunod na gabi, gaya ng ipinangako ng matatanda na nag-aral kay Tala, sila naman ang nagsalita. Nagbigay-aral at sumagot sa mga tanong ng mga miyembro ng pamayanan. May mga bitbit din silang kwento. Naputol ang pag-aaral na iyon ng magsalita ang isang batang may napansin sa langit.

“May liwanag! May munting liwanag sa langit!”

Tumingala sila at naroon nga ang isang bagong liwanag sa langit

“Si Tala! Naroon si Tala! Ginagabayan tayo ni Tala” natutuwang nilang pahayag.

At sa bawat pagdaan ng panahon, bawat matatandang nag-iiwan ng aral, bawat magulang na gumagabay sa kanilang mga anak at mga gurong nagbabahagi ng salita, isa-isa silang nagiging Tala.

Pinaniniwalaan nilang mas maningas ang butil ng tala depende sa dami ng aral na kanyang nabahagi, mga  batang natuto at buhay na ginabayan. Ang kalawakan ng langit ang syang naging tahanan sa kabilang buhay. Kung kaya nga’t naging misyon nila ang maging gabay dito sa daigdig upang maging maningas na tala sa kabilang buhay.

Add to DeliciousAdd to DiggAdd to FaceBookAdd to Google BookmarkAdd to RedditAdd to StumbleUponAdd to TechnoratiAdd to Twitter

Advertisements

6 comments on “Alamat ng Bituin

  1. Wow.. it’s a lovely story… 😀 it always makes sense why some people are following the stars to get some guidance… (like in voyage, astrology, signs for love, etc… ) kulet ngah .. this really makes sense ..

    I sure love this post!

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s