Feb 7 Last Two Pages

Nung nagkakilala tayo, wala pang masyadong laman ang kwento ng love story natin. In fact, sinubukan natin gumawa ng love story pero saglit na saglit lang yun. Wala pang isang buwan nung nagpasya ka na ‘wag na lang.

Bata pa tayo nun at dahil less than a month, walang sakit.

Yun pala nasa dulo, nasa paglipas ng mahigit isang dekada ng pagiging magkaibigan.

Dinorowing natin ang ating mga pangarap at recently, binalikan yun. Ang saya lang natin, binobola natin ang ating mga sarili na successful na tayo sa edad natin.

Makailang ulit kitang kinulit, sinubukang kumbinsihin ka na baka pwedeng maging tayo. Pero sabi mo nga, best friend tayo. I’m too good for you. Sabi mo pa, pinaka espesyal ako sa lahat. Kasi ang dami na nilang nawala, pero dahil bestfriend tayo, hindi ako nawala.

Awkward nga di ba? Nakikipagdate ka na kasama ako. Madalas tayo ang nag-uusap at naiiwan sa ere ang kadate mo. Kaya sabi ko, next time kayo na lang, kawawa naman sila.

Ako rin ang sumbungan mo pag nag-aaway kayo o ng mga nakarelasyon mo.

Hanggang sa mapunta ka sa malayong lugar.

Pero hindi nawala ang communication at constant updates. Ang mga masasayang picture, travel goals, career goals at relationship goals.

Para tayong may exchange of diaries. Hanggang sa kaya na nating lumipad parehas. Pumunta ka dito at ako naman – dyan.

Sa t’wing umuuwi ka, may pasalubong ka palagi at may regalo din ako sayo.

Hindi tayo, take note. Pero alam nating mahal natin ang isa’t-isa.

May pinili ka at masaya ako sa pinili mo. Dahil masaya rin ako sa buhay ko ngayon.

Pero parang saglit lang pala yun.

 

Pagaling ka. I swear to God, kung pwedeng magshare ng life parang sa mga games sa apps na nilalaro natin, gagawin ko.

Malayo ka, pero walang malayo sa panalangin. Walang malayo sa Pagmamahal.

Pinagdadasal  kita at ng mahal mo na nag-aalaga sayo ngayon. Nag-uusap kami at nararamdaman ko ang bigat na nararamdaman nya habang nakikita ka nyang nakikipaglaban.

Gagaling ka. Maniwala ka.

May natitirang dalawang pirasong papel ang diary natin. Pilitin nating dagdagan.

Advertisements

Feb 6 Kapag Mahal Niya

Wala namang rule sa love na Finders Keepers pero may tinatawag din na delicadeza.

Kapag alam mong mahal niya, ‘wag mo nang singitan lalo pa’t kaibigan mo sya

o kahit landian lang, no commitment, tikiman

dahil nga kaibigan ka.

At pag ginawa mo iyon, nagpasya kang handa kang mawala ang pagkakaibigan.

Lalayo ka, may distansya sa gusto nya, gaya ng gusto mong pag distansya ng mga tao o kaibigan mo sa karelasyon mo.

May boundary tayo na itinatakda, common sense ang nagdidikta nun at syempre ng values mo. Kung ano ba ang pinapahalagahan mo.

 

Maikli lang ang post na ito

simple lang naman kasi ang pamagat, hindi kinakailangan ng mahabang dahilan.

Kapag Mahal niya at sinabi niya sayo, igalang mo iyon.

May tamang panukat; at lagi mong maiisip iyon na may sinadya kang saktan. May sikreto kang kinuha at may nakakita nun.

Alam mong tama ang pag-ibig kung ginagawa ka nitong mabuti.

 

 

 

Feb 5 Kapag Ex ka…

Dalawa lang yan,

  1. Maglaho ka sa kanya nang tuluyan
  2. Maging okay kayo na parang magkaibigan

Alin ang mas madali?

Ang maglaho. Tuluyang putulin ang nakaraan at ang ugnayan dahil pag naging magkaibigan pa kayo, asahan mo, hindi ka makakaligtas sa mga pahapyaw at malisya. Hindi magagarantiya na hindi magiging isyu na naging kayo, hindi mapapalagpas ang dahilan ng paghihiwalay nyo at hindi mabubura ang alaala at pakiramdam nung panahong nagmahalan kayo sa t’wing may magpapaalala nito gaya ng pinili nyong musika, palabas, pagkain, lugar na pinupuntahan o kahit anong bagay na may alaala ng masayang nakaraan.

Hindi rin mabubura na kapag ex ka, may intindihan pa rin. May pasintabi, may tingin na pasyensya na sakaling kaharap ka ng kasalukuyang minamahal.

Pag ex na, may review pa rin gaya  nang; nung tayo dati ganito ba yun? naramdaman mo rin ba na ganito etc etc

May paalala pa rin na “Basta wag sya ha,” o kaya “Alam mo naman na importante ka at di na mawawala yun, concern lang ako pero dapat…”

‘Pag kaibigang Ex ka, may yakap na may tagal at may hawak ng kamay na may higpit. Mayroong mga body language na nag-uusap na nagpapaalala na “Huy, alam ko naiintindihan mo ko, na ang sandaling ito ay tungkol sa atin”

Hindi kaya ‘pag may ganun sa mag Ex, inilalapit mo lang ang sarili mo sa tukso? O muli ka nitong binabalik at nililito? Hindi ba pag nagdesisyon na kayong maghiwalay; dapat wala ng pakiramdaman at complete the lines. Wala ng yakap, buntung hininga, tapik sa balikat, pisil sa braso o hagod sa ulo na nagsasabing “minsa’y naging tayo.”

Hindi ko sinasabing maging kaaway ka, ang sinasabi  ko lang, maging patas ka sa kasalukuyan mong karelasyon. ‘Wag mo ng bigyan ng pagkakataong gisingin pa at guluhin ang mga pusong nagdesisyon nang maghiwalay.

Ang ultimate goal ng Ex ay hindi maging kaibigan kundi mag move on. Hindi ang hanapin ang nawala kung hindi maghanap ng bago. Ex, tapos  na. Basic naman di ba? One is to one, pag meron na, maghanap ng bakante.

Alam nating lahat na ang mas kinakatakutan ng isa sa relasyon ay hindi ang bago kundi ang Ex dahil may advantage na sya. May alam na sya sa pagkatao ng mahal mo.

I-flirt lang ang ex kung wala syang karelasyon. Pero ‘pag taken na, walang dudang may mali na. Tigilan ang pagpapayo, dahil ang ex ay laging suspect sa hiwalayan. Hindi mo namang gustong mangyari yun.

Isa pa, sa kwento ng hiwalayan, cliche na at mababa ang simpatya sa ex. Kontrabida ang Ex na nagmamabida. Ayaw  mo naman sigurong hiniwalayan ka na, lumalabas pa nawrecker ka.

Ang ex na nakamove on, nagbloom, happy at naging successful ang may mataas na value. Sila ang formula sa mga soap opera at pelikula. Itaas mo ang value mo bilang Ex.

 

 

 

Feb 4 Sumpaan

Ang pamilya ko, parang kalawakan. Ang tatay ko ang araw at ang nanay ko naman ang buwan.

Hindi sila nagtatagpo pero sa maghapon, nariyan ang araw at sa gabi, nariyan ang buwan.

Hiwalay kasi ang mga magulang ko. Pero hindi sila nagkulang sa’kin. Andyan ang tatay ko pag kailangan ko sya at ganun din ang nanay ko.

Ako bilang mundo, nakatanaw naman sa kalawakan. Iniisip ko, sa dami ng mga planeta sa langit, ilan kaya dyan ang may araw at buwan.

Habang lumalaki, sinasabi ko sa sarili ko nasa kabila ng aking karanasan, hindi nito maaapektuhan ang konsepto ko ng pag-ibig. Posibleng mag-asawa at hindi maghiwalay. Iba ako sa karanasan ng mga magulang ko.

Pero syempre sinasabi ko lang yun. Ang totoo, naaapektuhan ako. Kung ano ang sasabihin ng magulang ng mapapangasawa ko. Hindi rin ako padalos dalos sa pakikipagrelasyon. Isa pa nga lang ang nakakarelasyon ko. Pero ang tinahak ng relasyong iyon, walong taon.

Iba ang karasanan sa bawat taon. Hindi pare-parehas.  Hindi smooth sailing. Walang taon na hindi kami nagtatangkang maghiwalay. Madalas nagiging isyu ang pagkakaiba namin ng gusto at ayaw. Contrast talaga. Kaya nga mahirap magtagal ang ganitong relasyon.

Hindi mo  gusto na mag-anak agad. Career person ka kasi. Ako naman, mas maaga tayong magkaanak, mas mabuti para maaga tayong makakapagpatapos ng kolehiyo, maaga nating muling masosolo ang isa’t-isa.

Nakailang relasyon ka nga ulit? 5? Samantalang sabi ko nga, wala akong point of comparison dahil ikaw lang ang nakarelasyon ko at wala ng iba.

Kinasal tayo. At ang walong taon ay mabilis na pinalitan ng buhay mag-asawa. Yung kasunod na pitong taon bilang mag-asawa, hindi rin naging madali. Biniro mo ko na dapat pala, naging sign na ang walong taon bilang mag boyfriend / girlfriend, na hindi talaga tayo compatible. Dapat hindi na natin sinubukan pang magpakasal.

Gusto ko sanang sabihin sayo na hindi totoo yan. Hindi man naging maayos ang ating pagsasama – pinahalagahan ko yun. Minahal ko ang anak natin, minahal kita sa kabila ng differences natin, at hindi ko kayang palitan ang mahabang taon na iyon ng iba ang kasama. Ikaw lang talaga. Kung uulit-ulitin, ikaw pa rin ang pipiliin kong makasama.

Pero nauna ka nang nagdesisyon. Inihain mo ang annulment. Nakipaghiwalay ka. At bukas, haharap ang anak natin sa judge para papiliin kung ako o ikaw.

Pakiusap, maging araw at buwan tayo. Palakihin natin ang ating anak na may magulang. Iyon lang ang hinihingi ko. Malaya ka, binigay ko iyon, at binigay ko rin ang kalayaan ng anak natin dahil alam kong ikaw ang pipiliin nya. Pero may mga bagay na hindi dapat pinapapili, ang karapatan ng magulang na mahalin ang anak.

Hindi siya sayo at hindi rin siya sa’kin. Pero dalawa tayong itinalaga para alagaan sya, gabayan at ipakilala ang kahulugan ng pagmamahal at kabutihan.

 

email to my wife.

 

 

Feb 3 – Admirer

Si Joy. Very Charming, high school crush ng tropa. Student Council President din at Class Valedictorian.

Volunteer ako nun, sa isang relief operation na inorganize ng Student Council para sa mga nasalanta ng bagyo sa Bicol. May dala silang merienda, sabi nya “Kumain muna kayo.” sabay abot ng coke at yum burger. Nadampian ng daliri nya ang daliri ko. Yun ang closest encounter ko sa kanya. Aaminin ko, nakuryente ako, natulala at dinoble nya ang tibok ng puso ko. Mula noon, nagbago ang lahat. Mula sa pagiging nerd, lousy at dugyuting istudyante, natuto akong humarap sa salamin, nang matagal.

Kinilala ko ang sarili ko, inisip ko kung paano nya ko ulit mapapansin. Kung pwede ko lang hingin na magkaroon ng kalamidad para magpatawag ulit ng relief operation kaso hindi naman tama yun. Ang masakit, may kalamidad na nagaganap sa pagkatao ko. Gumuguho ako dahil hindi ko alam kung paano ako mapapalapit sa isang perfect lady. Ako na hindi gwapo, hindi katalinuhan, hindi mayaman, hindi kilala at hindi perfect man para sa isang perfect woman.

Nag Mascom ako, kahit Biology ang gusto kong kurso. For obvious reason, Mascom kasi ang kinuha ni Joy. Syempre gaya ng dinidikta ng telenobela, langit sya putik ako. Oo, putik ako sa paningin nya. Nag-iba si Joy, instant celebrity sya. Bida agad sa college, pasok sa mga VTR at  commercial model na.

Sa isang production nagkasama kami, nagkaroon ako ng pagkakataong masolo sya – kinakabisado nya ang linya nya habang ngumunguya ng biscuit, tumingin sya sa akin,  inalok nya ko at tinanong nya ako “Kumain ka na, late na ah kanina ka pa di ba?”

Nakuryente ako. Sa pangalawang pagkakataon ay naramdaman ko ang ganong kuryente.

“Alam mo ba na sa pagkain tayo unang nagkakilala. High School tayo ng inalok mo ko ng pagkain, sa relief operation. High School tayo.”

Ngumiti sya. Ngiting nagtataka, parang nagbibiro.

“Ano ba, ang daming relief operations ang ginawa ko noon at ang dami kong nameet. Hindi ko na maaalala yun.”

“Ah oo nga. Natuwa lang ako”

“Talagang naalala mo pa yun?”

“Oo” namumula kong sagot. Bumalik ang tingin nya sa script. Nafocus na naman sya.

Iyon na pala ang ikalawa at huling encounter namin. Sinubukan ko kasi syang i add sa facebook pero hanggang follow na lang pala dahil 5000 friends na sya at hindi na kayang magdagdag.

Minessage ko sya pero walang reply. Iniisip ko baka napunta sa Others ang message ko at hindi nya binubuksan yun since marami syang natatanggap na message – mga mensahe ng paghanga.

Humingi na ko ng tulong sa kaklase kong direktor. Sabi ko, bala pwedeng itanong kung kilala nya ako. Ginawa naman nya iyon.

“Pre, pasensya na, ‘wag na lang. ‘wag na lang sya.”

“Bakit naman, nakausap mo ba? Ano bang sabi nya.”

“Ngumiti lang sya.  Sabi niya, mas maaappreciate ka daw nya kung hindi mo sya kukulitin. Syensya na pre ha, pero tingin ko, wag na lang sya. Alam mo namang  mahirap abutin yun”

“Yun ba ang opinyon mo o yun ang sinabi niya”

“Gusto mong marinig ang totoo?”

“Ano ba ang totoo?”

“You’re not his type at ayaw daw nyang maging kind sayo para hindi ka na umaasa at gumawa pa ng move. Masakit syang magsalita pre. Bitch sya. Angel Face lang pero impaktita.”

Iyon na pala ang huli kong kuryente. Hindi ko rin natapos ang Maskom. 2 years lang. Hindi ko na naipagpatuloy ang pag-aaral. Napilitan akong tumayong ama-amahan sa mga kapatid ko, namatay kasi ang tatay ko at walanamang makuhang trabaho ang nanay ko.

Maaga akong pumasok sa trabaho, toxic dahil sabado. Maraming pupunta sa mall, maraming kakain dahil weekend. May birthday party pa na may 200 guests.

Pagkatapos kong sumayaw, masigabong palakpakan.

Maya-maya pa ay natulala ako, si Joy, kinalabit ako. Dinikit nya ang kanyang balikat sa dibdib ko. Nagselfie sya kasama ako. Nalusaw ako sa ganda ni Joy. Nakuryente ako sa ikatlong pagkakataon. Abot tenga at nangingilid ang luha habang nakaharap ako sa camera. Nilagay naman nya ang braso nya sa bewang ko at muling nagpakuha ng picture. Ang laki ng ngiti ko.

Inakbayan ko sya at natuwa sya, kinikilig at humingi pa ng sandali para magpaselfie. Tuwang-tuwa ako habang naririnig sa isip ko ang mga katagang yun…

“You’re not his type at ayaw daw nyang maging kind sayo para hindi ka na umaasa at gumawa pa ng move. Masakit syang magsalita pre. Bitch sya. Angel Face lang pero impaktita.”

Umalis na ko. May gagawin pa ako. Pagdating sa quarter, inalalayan na nila ako, hinubad ko na ang costume. Salamat Jollibee. Akala ko masarap maging mascot dahil marami kang batang mapasasaya, at hindi ko inakalang hihilumin nito ang puso kong sinaktan. Ibinalik nito ang kumpyansa ko sa sarili.

Tinanaw ko si Joy, pero hindi na bilang admirer, sa pagkakataong ito, bilang isang celebrity na hinangaan nya.

Feb 2 -Wrong Timing

Sumikat at nakailang cover na ang kantang Where Do Broken Hearts Go? Siguro nga ay napanood mo pa ang indie film na’to, na LSS ka at baka nga umakyat ka pa ng Sagada.

Sapul ka e. Yun bang pamagat pa lang, alam na alam mong makakarelate ka. Ikaw ang tinutukoy; na broken hearted ka na kasi at tinatanong kung saan ka pwedeng pumunta. Saan o kanino ka hihingi ng saklolo. Ang liwanag ng pamagat, very personal na capture lahat pero ang totoo, hindi lang naman ikaw ang na-broken hearted. Halos lahat! Yun lang pag usaping sawi, akala mo ikaw lang. Naka pokus ang ilaw sayo, moment mo ‘to.

Spot Light! Wasted. Umiinom. Nasa table. Umiiyak. light slowly fading. flashback. music cue

“…We said we needed space
But all we found was an empty place
And the only thing I learned
Is that I need you desperately…

So here I am
And can you please tell me… oh

[Chorus:]
Where do broken hearts go
Can they find their way home
Back to the open arms
Of a love that’s waiting there
And if somebody loves you
Won’t they always love you
I look in your eyes
And I know that you still care, for me”

May mga hiwalayan na madaling malimutan pero meron ding sumusugat hanggang kaluluwa. ‘Pag ito ang naramdaman mo, alam mong true love. Maiisip mo na ikaw ang pinakamabait na tao sa mundo at hindi mo deserve ‘to.

Kaso nangyari na.

Pero merong mas masakit… yung wrong timing.

Yung wala kang makwentuhan dahil busy sila. Dahil sinabihan ka na nila dati pero hindi ka nakinig at mapapahiya ka pag inamin mong wala na kayo o niloko ka n’ya.

Wrong timing yung nagcecelebrate sila ng birthday, new year, promotion o kung anumang dahilan para magparty tapos hindi mo kayang basagin ang kasiyahan nila.

Wrong timing kasi malayo ka at minsan ka lang tatawag o makikipag chat, tapos break up pa ang topic. Samantalang ang kakausapin mo ay pagod na sa trabaho o di kaya magkaiba kayo ng oras dahil nasa magkabilang panig kayo ng mundo.

Wrong timing dahil busy ka at hindi mo na mapagkasya sa oras mo ang paghagulgol dahil ang bawat segundo mo ay kinakain ng trabaho o ng pag-aaral mo.

Aping api naman ang puso mo! Na pati sarili nyang katawan ay ayaw umayon, ayaw makinig at ayaw makidalamhati.

At gusto mong sumigaw ng utang na loob, may right timing ba sa pakikipaghiwalay! Pwede bang i set yun, na “uy, pag hindi na tayo okay, hiwalay na ha, sabay tayong ma fall out of love. Sabay tayong magdesisyon na hanggang dito na lang, o kaya sabay natin maramdaman na may mahal na tayong iba!”

Pakisama lang please. Mag va valentines e. Wrong Timing!

Hanggang sa marerealize mong pag nagmahal ka pala, sadyang personal, na ang tanging makakapitan mo ay ang sarili mo. Kahit marami kang kaibigan, kahit sila ang nagbuyo sayo at nagmatch making, sila ang nagpakilala at nagpakilig at nagpapaniwala sayo na may True Love. Sa huli, ikaw ang magdedesisyon kung paano ka babangon.

Pag tinanggap mo ang salitang Love – tanggapin mo ng buo pero pag nasira, yung relasyon lang ang hayaan mong mabasag, yun lang ang kasama ng love nung inalok sayo. Huwag mong hayaang mabasag ang pagkatao mo. Buo ka naman kasi bago pa dumating ang love.

Kung hinahanap mo pa rin ang sagot sa tanong na Where do broken hearts go? 

Ang sagot? Sa pag-iisa. Dahil sa pag-iisa mo mahahanap ang sarili.

 

 

February 1, Pag-ibig sa loob ng isang Buwan

Mahirap pangatawanan ang pag-ibig,

gaya ng 29 na araw ng Pebrero na minsan lang sa apat na taon.

Gaya ng blog na ito na susubukang sumulat ng 29 na iba’t-ibang akda na may paksa tungkol sa Pag-ibig.

Ganyan ang Pag-ibig.

Masarap isipin, masarap simulan subalit mahirap panindigan.

 

Ito, para sa unang araw ng buwan ng pagmamahalan.

———————————————————————-

Anonymous

 

Shower na ko

okay, may towel dun.

Got to go. Richard pala.

 

napangiti. sabay abot ng kamay

 

shakehands? seriously? pwede namang goodbye kiss.

 

goodbye kiss na may 3 seconds at  hawak sa baba

 

nakakatawa ka. sige na. text na lang.

 

malagkit na tingin, humahagod, palabas ng pinto at isa pang balik na tingin.

 

pangkaraniwan na ‘yang one night stand. wala naman talagang rules pero sa conversation sa taas, pag inanalyze mo, parang hindi pa ending.

usually  walang palitan ng pangalan.

walang goodbye kiss. pag tapos na; ligo o kaya bihis agad sabay alis.

at walang habol na tingin.

Pero higit sa lahat, pag one night stand, wala dapat analysis.

So gusto mo ba talaga i stalk si Richard?

how?

You have his number?

yup.

check mo sa facebook.

ang alin?

yung number. i search mo sa facebook.

ah pwede yun?

yup, kung nilagay nya number nya sa facebook.

kailangan ba talaga?

aba malay ko, ikaw ang di mapakali e. bakit ba, gusto mong maulit or curious ka lang or may tama?

honestly, parang may something. parang gusto kong malaman, bitin e. there’s something in him na gusto kong madiscover.

okay wait,

 

tinype sa search ang number

 

ayan, we couldn’t find anything daw.

ay! so waley. end of story na pala sa ‘kin.

uy nagriring phone mo.

ah si mommy nagvaviber

 

ma,

anak tinatawagan kita kagabi pa, uuwi ka ba sa birthday ng dad mo, sana makauwi ka

yup mom. dont worry i’ll be there. ako na bahala sa cake. inassign sa kin ni ate.

okay sige and yung picture na nakaframe ha para sa dad mo.

opo, okay na last week pa.

good. okay see this weekend.

 

end. namilog ang mata. nakatingin sa phone.

 

oh my God! Oh my God!

huh? bakit

Wechat!

may wechat sya?

lemme see wait, aha!  hindi Richard ang name. Carlo Garcia

Carlo Garcia? common name, mahirap i search sa FB

 

namutla

 

Bakit?

 

pinakita ang wechat profile

 

Ohhh okay

shit! nagkasala ba ko?

hindi mo ba alam.

i have no idea. ONS nga di ba?

e yun naman pala. move on na.

 

Carlo Garcia. Married with 2 kids.

Tara, Obar na lang ulit. makakalimutan mo rin si Richard este Carlos pala!

 

—end—