bestfriend

Sabi ko sa facebook ko last Friday, may gusto akong ishare, kaso sensitive ang topic. Bago matapos ang gabing  yun, naayos ang lahat – parang miracle! Babala lang,  Rolller coaster ang pakiramdam ko kaya baka maramdaman mo rin.

Hindi ako nagkukwento tungkol sa lovelife, wala naman kasi talaga, pero merong isa na akala ko natabunan na kaso hindi pala.

 

2004 nung pinakilala sa’kin ng kaibigan kong hotline counselor itong ka chat nya sa yahoo messenger. Naghahanap daw ng ka date. That time nasa workshop ako sa Cagayan de Oro, sabi ko pag-uwi ko ide date ko sya meantime nagchat na lang kami. NGO worker ako nun. Medyo kabado, sya ang ikatlong idedate ko sa buong buhay ko. Late bloomer ako. 24 years old  na ko nung nakipagdate. Nakipagkita ako sa Glorietta. Dahil NGO worker, sanay ako sa komportableng damit gaya ng maluwag na batik na pants at souvenir shirt. Nakakatawa yung unang meet up namin kasi gusto nya sa timezone kami magkita. Hindi naman ako marunong sa mga video games. Parang nag slowmo nung humarap – ang gwapo potah! Gwapo sya in person, naka corporate attire. In short pakiramdam ko waley ako! Tinapos nya yung game, then kumain kami. Konting kwentuhan tapos uwi na. Walang pag-asa sa loob-loob ko.

Next day nagtext sya, kung pwede daw kaming magdinner ulit. Hala kumabog ang dibdib ko. Syet, hindi na nga ako kumapit sa konting pag-asa pero sya na ang nag initiate. May good karma talaga sa mga gumagawa ng mabuti!

At ang date na iyon ay nasundan ng isa pang date hanggang sa ilang-araw na kami nagkikita. Sinasamahan ko syang magshopping, kumain at  dinala nya ko sa Malate. First time ko sa gay scenes. Naalala ko nasa launching kami ng OUT, show for LGBT ng GMA 7. Kinakabahan ako nun na makita sa tv pero sya walang pakialam.

Nakakapagod ang 2 weeks na exclusive dating. Araw-araw kami nagkikita kaya  sabi ko medyo busy kaya di muna ako makikipagkita nung gabi na yun, nasa bahay lang ako at nagbukas ng laptop. Nag bukas ng messenger at nagbalik sa discreet mens room ng yahoo messenger kung saan kami tambay ng mga friends ko. Nakita nya kong nag-online at galit na galit. As in English ang mga murang lumipad sa kin. Malandi daw ako. Hindi ko gets kung bakit ganun ang galit nya – e pwede naman talagang magkaroon ng kwentuhan at mga friends dun, malay ko ba na ang tingin nya ay hook up room lang yun.

Ilang buwan din kaming hindi nag-usap.  Tapos nung tinry ko, civil lang sya pero nakikipag-usap na rin. Bago na ang work ko. Pareho na kaming corporate work at nagkita kami ulit. Kinilig na naman ako, mas gwapo sya this time at may dinedate. Naging close kami ulit sobrang close na pag may ka date sya pinapakilala nya. Ang problema lang, kami ang nag-uusap pag  may ka  date sya. Kaya minsan, nabubwisit yun ka date nya. Syempre,sino namang matutuwa na kasama ng ka date mo ang ex date nya.

Naging very close friend kami –  Best friend. Yun yung label na least mong gugustuhin sa taong mahal mo. Pero ibang bestfriend ‘to, medyo domineering. Pati career mo pinaplano; yung age na dapat ganito na salary mo, yung age na dapat manager ka na, yung age na dapat may sasakyan at age na may condo ka na. Everytime na may goal sya, ikukwento nya tapos tatanungin ka nya ng goal mo. Dapat pareho kayong may goal. Sya rin ang nagdala sa kin sa mga clubs kung saan sya tumatambay. Kung nasan ang mga PLU o people like us. Sa kanya ko natutunan yun.

 

Dumalang ang pagkikita namin dahil nagwork sya sa ibang bansa. Pero tuloy pa rin ang chat. Halos lahat ng issue nya sa trabaho, sa kaibigan at sa buhay-buhay ay nakukwento nya.  At nakikita ko na lang sa fb nya ang isa-isa nyang pagtupad sa kanyang bucketlist at nakailang boyfriend din sya hanggang sa mahanap nya ang kanyang The One. Pinakilala nya sa’kin ang kanyang The one. Nakita ko kung gano sya kasaya at gano nila kamahal ang isa’t-isa. Ako naman busy rin sa work, sa advocacy, sa bucketlist dahil sa deadline ko. Gusto ko kasing gawin lahat bago ako mag 35 years old. Ang alam ko kasi mamamatay ako at the age of 35, medyo weird pero pinaghahandaan ko yun. Actually nagbabantayan kami ng goals. Meron pa ngang isa na sya ang tumulong sa kin na matupad ko. Isang dream vacation.

Nagkita kami ulit nung nagbakasyon sya, masayang-masaya sya nun pero sobrang busy nya rin. Hinatid ko sya sa airport, sabi nya goodluck, next year na tayo ulit magkikita. Sabi ko sana nga, 35 na kasi ako, may deadline ako. Sana umabot pa ko sa 36th birthday ko. Sabi nya sa’kin, “siraulo, ako ang mamamatay at hindi ikaw. Sagot ko na yun.” Kinilabutan ako. Wag sana.

Ilang buwan lang ang nakalipas ay nasa ospital na sya. Magkachat kami. Ramdam ko ang kaba nya. At umabot sya ng ilang linggo.  Sa ospital na rin sya nagbagong taon. Tumatawag sya pag may mga gustong itanong nang mabilisan kasi hirap na syang mag type. Sabi ng doctor, may cyst na sya sa brain. Lumalabo na ang kanyang mata. Pinipilit nyang magtype pero mali-mali na ang spelling. May mga research syang pinapagawa, may doctor syang pinakausap sa Pilipinas para kausapin ang doctor nya sa ibang bansa. Pero bawat araw pahina siya nang pahina. Sabi niya sa kin gusto pa nyang mabuhay. Sobrang bigat sa dibdib nung araw na yun. Sabi nya rin na sana nakinig na lang sya sa kin.

Limang taon na syang may HIV at sinabi nya sa kin yun nung nalaman nya agad. Nakakafraustrate na hindi ko sya makumbinsing uminom ng gamot, itinago nya iyon. Ayaw nyang malaman sa opisina nya dahil baka mawalan sya ng trabaho, ayaw nya ring malaman ng pamilya nya at mga kaibigan nya. Sabi ko sa kanya, aminin na sa boyfriend nya na may sakit sya. Hindi nya kasi iyon pinagtapat. Sasabihin daw nya pero sasabihin nya na ngayon nya lang nalaman, ayaw kasi nyang isipin ng boyfriend nya na naglihim sya. Na niloko nya ito. Takot sya. Plano niya kasing alukin ng kasal ang boyfriend nya at takot syang magkahiwalay sila. Nagdesisyon syang sabihin sa boyfriend nya, pero bilin nya sa’kin na kung hiwalayan sya ng boyfriend nya ay puntahan ko sya sa ibang bansa at iuwi sya sa Pilipinas. Nangako ako na gagawin ko yun – bestfriend nya ko at ako ang huling taong tatalikod sa kanya sabi ko. Next day, magaan na ang loob nya, tanggap sya ng boyfriend nya. Wala daw magbabago. Tama ako, siya ng ang The One.

Isang araw hindi na sya sumasagot sa mga chat ko, kinakabahan na ko. Minessage ko ang boyfriend nya, hindi na raw sya nakakakita. Ilang araw lang nagmessage na ulit ang boyfriend nya, ihanda ko daw ang loob ko dahil sabi ng doctor, hindi na sya magtatagal. Napasugod ako sa baclaran church. Ganun pala yun, hahanap ka talaga ng hihingan ng milagro – mapapatakbo ka sa simbahan kahit ang tagal mo ng hindi nagpupunta ng simbahan. Iyon ang pinaka sincere na pakikipag-usap ko sa Diyos. Sabi ko sa kanya baka pwedeng iextend nya ang buhay ng bestfriend ko.

Sabi ng boyfriend nya good news daw. Lumakas siya. Nagising. Kinakausap nya at nakikilala naman daw sya. Nagvideo kami, kumaway sya, hindi sya nakakapagsalita pero parang nakilala  niya ko. Hindi ko na siya nakita pa mula nun. Tatlong buwan ang naidugtong sa kanya at saka sya bumitaw.

Inuwi ang labi nya sa Pilipinas. Una kong nakausap ang kapatid at magulang nya. Nagtanong sila kung may alam ako, kung alam ko ang sakit niya. Sabi ko oo, marami silang gustong malaman pero hindi ko kayang ikwento lahat dahil bilin niya yun. Pero napilitan akong sabihin na matagal na nyang alam na may sakit sya. Ang alam kasi nila, nito na lang nya nalaman, nung nasa ospital na sya. Hindi ako umiiyak. Nalilito ako nun. Dumating din ang boyfriend nya. Pinatuloy ko sya sa condo ko. Iniiwasan kong magkwento, hinayaan kong ang alam nya ay yung mga kwento sa kanya. Minsan nagtatanong sya pero sinasagot ko naman. Para hindi naman masyadong malungkot ang boyfriend nya ay dinala ko sya sa club kung saan ako dinadala ng boyfriend nya.

Nailibing na sya. Hindi ako pumunta. nakauwi na rin ang boyfriend nya sa ibang bansa.

Hindi ako nakapag mourn. Hindi ko alam kung paano. Nasa isip ko, may mali akong nagawa. Para saan pa ang pagiging counselor ko kung hindi ko sya natulungan? Bakit hinayaan kong mangyari yun.  Bakit parang ang dami nyang ginawa para sa’kin pero hindi ko natumbasan yun? Hindi nya ko boyfriend pero ginawa nya kong bestfriend.

Kinakausap ko sya palagi. Iniisip ko na habang nagdadrive ako e katabi ko sya.  Humihingi ako ng sorry. Sinasabi ko paulit-ulit na sorry at sana tanggapin nya yun. Sana magparamdam sya. Minsan habang nagkakalkal ako ng mga files sa laptop, may nakita akong isang file. Nung inopen ko, saved conversation namin. Hindi ko alam kung bakit nasave yung conversation namin, nung humingi sya ng mga study about hiv cases sa pilipinas. Yung araw na sinabi niya na positive sya. Hindi ko alam kung bakit kailangan kong makita yun. Galit ba sya? Hindi ko alam. Gusto ko syang makausap pero di naman sya nagpapakita sa panaginip. Napadalas ako sa club na pinupuntahan namin, gusto ko syang maramdaman. Gusto kong mapatawad nya ko, binabasa ko rin yung mga fb conversation namin. Chinecheck ko kung ilang beses ko syang pinaalalahanan, baka sakaling mapatawad ko sarili ko. Ang malungkot ay pag nagsisink in sa isip ko na baka hindi na nga kami ulit magkita. Wala nang kasiguruhan. Wala na siya. Tinotoo nya na sya ang mamamatay at hindi ako.

Nitong nakaraang linggo, nagkakaroon ako ng anxiety. Pinili kong bawasan ang pag-inom. Pinili kong mamasyal. Magdrive nang mas malayo. Mag-isip. Pero hindi ko alam kung paano malulunasan ang nararamdaman kong kalungkutan at kung paano pa ito masosolusyunan. wala na siya e at may kanya-kanya ng buhay ang mga tao sa paligid nya. nakamove on na sila, ako na lang ang hindi.

Nitong biyernes, nagpost ako, sinabi ko na may gusto akong sabihin. Para kasing sasabog yung damdamin ko. At nung gabi ring iyon, minessage ako ng boyfriend nya. Weird. Nangangamusta. Inamin ko ang totoo na depress ako dahil sa nangyari. Sabi nya siguro kaya nya ko minessage ay dahil may mensahe ang boyfriend sya. Pinagtapat ko sa kanya na matagal nang may sakit ang boyfriend nya. Nagsorry ako. Hindi nya daw alam pero okay lang dahil  hindi naman magbabago ang pagmamahal nya sa boyfriend nya. Isang milagro din na negative sya. Sabi ko nga, kinuwento niya na naging maingat sya para hindi sya makahawa. Sabi nya sa kin, pinapatawad nya ko sa pagtago ng impormasyon, kung andito daw sya ay yayakapin nya ko dahil nararamdaman nya ang bigat ng pakiramdam ko. Humagulgol ako. Yun pala ang gusto kong marinig. Ang mapatawad ako.

Nakawala ako, natapos ang dinadala ko.  Naisip ko rin, baka kailangan ng bestfriend ko ang sandaling iyon para makalaya rin sya. Baka gusto nya ring aminin at marinig iyon sa boyfriend nya. Pareho kaming nagtago ng impormasyon. Pareho kaming nagkamali. Sa ngayon, magaan na ang pakiramdam ko, makakapagmove on na ko, I think natapos na rin ang kabanata na ito at makakapagpaalam sa bestfriend ko. Magsisimula ako dito sa lupa at im sure magiging mas masaya na sya sa langit.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Advertisements

fill in the blanks

isusulat ko ito ngayon upang ipaalala sa akin bukas na mapalad ako.

‘pagkat nabuhay akong pinili ang magmahal

magpakitang buti at iwaksi ang kasamaan.

 

Sasabihin ko bukas na tama ako

sa paghihintay at paniniwalang magbubunga ang binhi

uusbong at lalago mula sa matabang lupa

na dinilig ng kabutihan at pagmamahal.

 

Gabay ang sulat na ito para bukas

sa mga manghihingi ng payo kung paano nabuhay

at naging matagumpay;

kung anong marapat na gawin.

 

at magsilbing paalala sa sarili

na ‘wag bibitiw, ‘wag mabubulid

o masisilaw

‘pagkat ‘di ang ningning ng bitwin o kariktan ng araw

bagkus ang lalim ng kapit sa lupa

ang sukatan ng tayog ng puno

upang ituring s’yang dakila.

 

ang buhay ay buod ng kwento

na hinabi mula sa iba’t-ibang karanasan at  mga pagkakataon

na s’yang kailangang tugunan

at ang bawat tugon ay taya

para sa isang magandang katapusan.

 

mapalad ako ‘pagkat naranasan  kong makita ang ganda ng mundo

nakilala ko ang iba’t-ibang tao na tumulong sa akin

at nakita ko ring mas kaibig-ibig tingnan ang mabuti

kaysa sa kasamaan.

mapalad akong piniling talikuran ang galit

at ipagwalang-bahala ang tukso ng mga pananakit

sapagkat walang mabuting idudulot ito sa akin.

 

sa bawat panghihila paibaba

ay tinutumbasan ng takbo papalayo

sapagkat hindi man nakikita

alam nating may hantungan sa dulo

na kailangang marating upang ituring kang panalo.

 

mapalad ako bukas

‘pagkat ngayon pa lang  ay pinili ko nang magwagi sa karera ng buhay.

 

draft

isang bote para sa mga nagmahal nang may sabit

tunay na love

bawal na kilig

dahil nga taken

at hindi makapag commit.

isang bote para sa pantasya

na malapit sa katotohanan

nahahawakan, nararamdaman

pero hindi pwedeng angkinin

dahil pag-aari ng pangarap

nang kasikatan.

isang bote para sa pwedeng pag-ibig

unang subok, unang sugal

subalit inangkin sya ng pag-ibig

na hindi nya kayang angkinin

dahil sya ay kabit at kinaya nyang lumayo

ngalang

kailangan ng panahon

upang sya ay makalaya

at makaahon.

isang brandy

sa kabit-kabit na kwento ng pag-ibig.

cheers!

Hotel Lobby

Hindi katulad ng ibang hotel, iba ang lobby nito.

Mabango, maaliwalas, malaki at mamahalin ang ilaw.

Ngayon lang ako nakapasok sa ganito kalaking hotel.

Mas lalong nagmumukhang maluwang ito dahil kakaunti lang ang tao.

International Standards. Iba-ibang lahi rin ang nagchecheck-in.

May pamilya, pero madalas solo – nag-iisa.

Iba rin ang itsura ng mga tao, maaliwalas ang mukha, lahat nakangiti

at alam mong natutuwa sa ganda ng hotel.

Matapos akong kumuha ng picture sa mga ilaw

paintings, at accessories ng lobby

nagpasya na akong lumapit sa frontdesk.

Hiningi ang aking ID, “Pinoy ka?” tanong ko.

“Opo Mr. Umali. Im Lourdes, taga Manila ako.”

Tiningnan niya ang papers ko

ngumiti siya at sinabing “we upgraded your room from deluxe to suite.”

Wow! tuwang-tuwa ako.

Mababaw lang kasi ako.

Pakiramdam ko, ang pinakamasayang araw ko ay nung mula economy ay nilipat ako sa business class ng isang airline for free.

Sumunod dito ay nung nilipat din ako sa isang suite sa isang hotel sa Cebu.

Swerte ata talaga ako sa mga upgrades.

Excited na ko.

Kung makikita mo ko, para akong batang inabutan ng candy. Literal na hanggang tenga ang ngiti ko.

Wala nang sasaya pa sa libre.

at syempre walang katapusang pasasalamat sa front desk officer.

Dahil class ang hotel, card din ang gamit sa elevator.

carpeted ang lalakaran mula mula lobby, elevator at hall way.

Hinatid ako ng butler sa aking kwarto at pinaliwanag nya ang oras ng breakfast, kung saan matatagpuan ang mga amenities

ganun din ang oras ng meeting ko. Pati ang isusuot ko sa ka appointment ko binilin niya rin.

Kung may kailangan daw ako ay tawagin ko lang siya.

Personalize daw ang service ng bawat room.

1 butler is equal to 1 guest. Sosyal di ba?!

Napangiti ako. Di ko kinaya ang buhay na ito.

Mula sa teacher na naging NGO worker na napunta sa real estate.

Napaisip ako, sabi ko napakaluho naman

pero parang nabasa niya ang sinabi ko at sinabi nyang

“the best things in life are free”

nawala naman ang konsyensya ko.

“Enjoy your stay Mr. Umali”

at umalis siya.

Pagpasok ko, nanlaki ang mata ko.

meron pa bang mas wa wow sa wow?

Hindi ‘to hotel room. Para syang isang napakalaking 2 Bedroom Condo unit.

May living area, may CR, may isa pang akala ko ay guest room yun pala ay business room.

May kitchen area rin. Syempre dahil bata ang puso ko, sinilip ko ang laman ng ref.

Punong-puno ng dark chocolates at coke hihihihi

Pinasok ko ang bedroom ko -ang laki ng kama!

Tapos may walk-in closet papunta sa CR na nasa loob ng room.

Bongga, dalawa ang CR; meron sa living room at meron dito sa bedroom at may Jacuzzi pa!!

Sa vanity counter ng CR may iba’t-ibang klase ng pabango syempre ayaw kong buksan baka may bayad.

Binuksan ko rin ang closet at tanaaannnnn!!! May mga damit! may mga suit at infairness sukat sa kin!

Ako na ang prinsepe ng Pilipinas!

Narinig kong nag riring ang telepono.

“Hello?”

“Hi Sir, chinicheck ko lang po kung okay na po ba kayo?”

“Hi Lourdes, yes okay na okay ako. Ganda ng room! Question, nasan ang price nung mga food na nasa bar?”

“Everything is free sir.”

Alleluia!

Parang ang laki ng kabutihang ginawa ko at pinagpapala ako ng ganito!

“Wow! Thank you thank you!”

Pagkatapos ng conversation ay pumunta ako sa Ref at kumuha ng Coke at chocolate.

binuksan ko ang TV at napatigil ako sa pinapalabas

parang slideshow.

pictures ko nung bata ako, video…

ako.

mga larawan na wala sa photoalbum ko.

Mga kuha ko, video ko. umiiyak, gumagapang, inaalalayan ng nanay ko

tumatakbo, nakikipaglaro sa mga kapatid

unang simba kasama ng tatay ko

unang pagpasok sa school, nung unang beses na napaaway ako, graduation…

mga byahe naming magkakabarkada

mga pasyal at byahe ko

teaching days

pag iyak ng mga bata, pakikipaghabulan

storytelling, fieldtrips,

parents day

teachers day

NGO work,

pakikipag usap sa community

sa mga katutubo

unang pag-ibig

unang pagkabigo

tawanan sa opisina

conventions

flashback…

flashback…

ang buhay ko, napapanood ko.

tawa, iyak, hagulgol, halakhak

masarap pa lang panoorin ang pelikula ng buhay mo.

Mamaya isusuot ko ang pinakamagarang suit at gagmitin ang pinakamahal na pabango.

Haharap ako sa pinakaespesyal na ka Appointment ko.

+

Ang Sabi ng Puso

Hindi ako naniniwalang may isang itinadhana para sa atin.

Bullshit  yun. Sa t’wing makakakita ako ng foreigner

naiisip ko, ano yun, majority ng itinadhana magkakalahi?

‘Pag Pinoy ka malamang ang katadhana mo ay Pinoy din?

Sinadya ni tadhana para hindi ka mahirapang maghanap?

Hindi ba nya naisip noon na magkakaroon ng Facebook,

ng chat o kaya ng promo fare? Nakakalokah!

Nagugustuhan mo ang isang tao dahil sa comfort.

Kaya ko ‘tong paamuin, gusto ko ‘to, swak kami,

nagkakaintindihan kami. Good vibes kami. Okay kami.

Hindi kumplikado, hindi magastos, masaya ang puso ko,

panatag ako sa kanya – komportable ako sa kanya.

Noong medyo bata pa ako, hindi ko iniisip ang pag-ibig.

Wala akong pakiaalam.

Abala ako sa paaralan, sa organisasyon,

sa mga gawaing panlipunan.

Magpatuloy sa pagbasa

8th blog anniversary.

Habang tumatagal, nababawasan naman ang dalas ng pagbablog ko.

Kahit marami akong gustong isulat, yung iba hindi ko maexpress.

Isa pa, dahil na nga siguro sa paikli na paikling attention span ng mga readers.

Pansin mo ba na minsan mas nahu hook ka sa mga status message at tweets?

 

Pakiramdam mo mas maraming nag cocomment sa FB status message mo o kaya sa tweet mo kesa sa blog mo.

Pero syempre babawi ako.

Ngayong ika-8 anibersaryo ng blog ko.

Ang mga susunod na ipopost ko ay tiyak na de-kalibre at babasahin ng marami.

Dahil nag imbita ako ng mga guest bloggers,

Tama!

Inanyayahan ko ang mga Saranggola Blog Awards winners mula 2009 – 2012 na maging bahagi ng aking blog.

Ito ang unang pagkakataon na magkakaroon ako ng guest bloggers. Syempre blog ko ‘to kaya gusto ko ay ako ang nagsusulat.

Pero kung tulad naman nila ang magsusulat, why not di ba? It’s an honor.

Kaya naman nagpapasalamat ako sa mga tumugon sa aking paanyaya;

silang mga piling nagsipagwagi ng unang karangalan- BlogGaling ng SBA.

Syempre para maiba naman, hindi basta-basta sila magpapadala sa’kin ng blog entry.

Ito ang hamon:

Binigyan ko sila ng mga inspirasyon.

Kung hindi nyo naitatanong,

minsan ay hindi ako nakapagsusulat ng tuloy-tuloy o mula sa imahinasyon ko.

Minsan ay gumagamit ako ng mga larawan o kaya musika kung saan hinuhugot ko ang aking obra.

At ito nga ang pinadala ko sa kanila.

Mga larawan at musika na gagamitin nila.

Ano kaya ang kalalabasan ng inspirasyong iyon?

Maaari kasing hindi madaling gamitin ang mga inspirasyon / midyum na iyon dahil wala naman talaga iyong kinalaman sa buhay nila.

Kaya mula April 24,

sunod- sunod n’yong mababasa ang mga ginawa nilang blog entry.

ABANGAN!

 

 

 

May Gusto Akong Sabihin

Naging takbuhan ko na ang pagsusulat.

Pag marami akong naiisip, may gustong sabihin o kaya may magandang nangyari,

sinusulat ko agad yun sa diary ko nung bata pa ako.

Hanggang sa ang mga sulat na iyon ay nauwi sa mga salita.

Nahilig akong magkwento.

Kahit sa klase ‘pag walang teacher, ako ang tatayo sa harap,

nung High School ako, para akong guidance counselor sa mga kaklase at kaibigan ko.

Gift ko daw ang pagsasalita.

Kaya nga siguro ako naging teacher.

Pero dahil saglit lang naman ako nagturo,

bumalik ako sa pagsusulat.

Salamat sa Blog.

Kaya sa trabaho, hindi nawawala yun,

yung pagsasalita.

Lagi akong may kwento

pero dumalang ang pagsusulat.

habang tumatagal pakiramdam ko

parang nalilimitahan ko na ang mga pwede kong isulat.

Ang mas mahirap, minsan kahit pagsasalita

o mga sasabihin mo

kailangan mo ng piliin.

Kung hilig mo ang magsulat at magsalita

hindi biro ang pigilan ang sarili

pero alam mong ito ang tama.

May panahong hihinto ka,

wala namang magsasabi sayo

pero desisyon mong ‘wag magsalita

at magsulat.

May kapangyarihan ang mga salansan ng mga titik.

Binuo ang mga salita para may mangyari.

At dapat kong matutunan na may sukdulan ang mga salita.

Hindi lahat sinasabi, hindi lahat sinusulat.

May gusto akong sabihin

pero hindi pwede.

Balut

Kadaraan lang ng magbabalut, ganitong oras, past 12 midnight – Makati.

Worth writing? Yes. Dahil minsan na lang ‘to, at anytime soon, magiging history na rin ang paglalako ng balut.

Marami ng phase out na minsan, maiisip mo na ganun ka na pala katanda.

Tulad ng brick game, game and watch, cassette at kung anu-ano pa na siguradong may listahan ka rin.

Pero ang mas interesante ay kung paanong parang naghahabol ka sa bilis ng mga pangyayari at mga bagay na ni sa hinagap ay hindi mo maiisip na mangyayari.

Gaya ng bumili ka ng tubig na naka bote.

Mineral Water?  Tanggap na natin ‘to pero di ba big deal?

Basic ang tubig pero kailangang bilhin sa halagang mas mahal pa sa load.

Kape sa halagang P160 isang baso.

At  ang mas masakit ay tanggap natin.

Kaya sasabihin mong, anong point ng blog na’to e matagal nang hindi isyu ang sinasabi ko.

Wala lang, gusto ko lang mangalabit ng mga isip, patirin gamit ang sapot ng gagamba,

Baka sakaling may mga taong bukas pa ang kamalayan at makadama.

Pasado na ang RH bill.

15 years  in the making.

Hindi ko sasabihin kung Pro RH ako o Anti RH.

Walang bearing yun.

Nalungkot ako sa simbahan.

Bilang dating aktibo sa aming parokya

naisip ko, anong nangyari?

sa mga pari, obispo, madre at mga lingkod nito.

Na miss ko si Pope John Paul II

Naalala ko kung gaano kasaya at kaningas ang damdamin ng mga kabataan noon

na nangakong ipagpapatuloy ang pagpapalaganap ng aral ng simbahan.

Kung gaano kaaktibo ang bawat pamilya sa pakikibahagi hindi lang sa misa bagkus sa mga gawain nito.

Namiss ko ang mga kapwa kabataan na nagseminar at inihanda ang sarili sa pagdating ng Santo Papa.

Namiss ko ang relasyon ko sa aking simbahan.

Kung buhay si Pope John Paul ngayon, ano kayang status message nya sa FB.

siguro “watching Phil Congress debate re RH Bill – lols!”

Nung isang gabi magkakasama kami – magkakabarkadang 30’ish.

may something in common, single at  buhay single.

Successful naman sa mga trabaho, pero hindi sa relationship.

Dapat sa ganitong edad biro nila, bumababa ang standards.

Kaso walang gustong mag compromise.

Lumitaw si “estado sa buhay”

kailangan ganito, dapat ganyan, etcetera etcetera

may qualifying,

may matching,

may standards,

may norms,

resulta

zero lovelife.

akala ko habang nagkakaedad;

nagmamadali ka

hindi pala.

sa tingin nila

madalas may halaga, may presyo, may value

hanggang sa irationalize mo na kayo ang bagay

base sa future and economic opportunity nyo.

nung christmas

ang dami kong natanggap na regalo

ang ganda ng mga kahon

pero ang obvious

nagtatago ang mga regalo sa

its the thought that counts.

na ja justify ng brand ang halaga ng regalo

o kaya ng packaging,

sayang nga

kung nakaisip sana ako ng

magandang packaging

magreregalo ako ng balut.

12 for 12

Sabi ko ay dadalasan ko na ang pagbablog. Para sa unang entry ngayong taon, narito ang una kong post. Ang labindalawang gabay sa buhay. Siguro, naging maganda ang taong 2011 dahil sa mga sumusunod na patakan ko sa aking buhay

1. “Ang buhay ay parang isang malaking Quiapo…”

kung iniisip mo na ang kasunod ay “maraming snatchers”  – nope mali ka dun. 1. “Ang buhay ay parang isang malaking quiapo, puno ng panaginip, mecca ng mga pangarap.

Bawat mag-aaral na nagsisimba o napapadaan, bawat magulang, mga pumapasok sa simbahan, mga driver na nag aantanda ng krus, kahit mga bata isama mo na ang mga mandurukot, lahat sila tumitingala, bumubulong, nangangarap at nagdadasal.

Syempre hindi mo kailangang pumunta ng Quiapo. Ang kailangan ay UNA may pangarap ka at PANGALAWA may lugar kung saan mo ito isasabit o titingalain. Maglagay kahit sa kwarto o sa computer ng larawan ng iyong pangarap. Araw-araw mong dasalan, tingnan at mangyayari yan. Gaya ng Quiapo. IKATLO, mag-ingat sa magnanakaw. Huwag mong hayaang nakawin ng iba ang iyong pangarap. Ilagay sa lugar na hindi mawawala, safe itong ilagay sa puso mo.

2. “I Should have been informed”

Meron tayong mga Christopher Lao moment sa buhay natin. Yun bang magulo isip mo tapos kailangan mong magdecide at magtake ng risk. Ang masakit, hindi pala yung risk na ginawa mo ang magbibigay sayo ng lesson kundi ang comments at hindi mo makontrol na opinyon ng mga tao. Yun tipo bang ipapanalangin mo na sana nalunod ka na lang sa baha!

Gaya ng baha, huhupa din yan. Let it Flow. Let is passes by. Today’s News is Tomorrow History ikaw nga. Dadaan ang intriga sa buhay mo. Rule number ONE. Do NOT entertain. Rule number TWO. MOVE on. Kaya nagiging madrama ang buhay at lumalaki ang isyu e dahil pinapatulan. Habang naaapektuhan ka, natutuwa ang mga umiintriga sayo. Rule number THREE, ang taong maisyu, nilalapitan ng isyu. Kaya wag ka ring mang intriga ng kapwa.

Kapag nagdasal ka sa gitna ng problema, be careful with what you wish for. Baka mataranta ang langit at maibuhos ang hinihiling mo. Tulad ng “I should have been informed”  O di ba? lahat tuloy ng tao; may kinalaman man sa buhay mo o wala, nilecturan ka.

3. Oh Wow, Oh Wow Oh Wow!

Wonder! Discover beautiful things. Discover Life. Live your life. No words can explain Life.  Speechless!

4. “hindi ko mabigay sa kanya yung kailangan niya.”

      Acceptance man, acceptance. Know thyself. May mga bagay naman na sadyang hindi para syo and believe me, mas makakabuti sayo yun. So wag ng i-insist teh.
     Sa ganitong sitwasyon, find your focus. Concentrate, do the basic breathing exercise, 1, 2, 3, smile.
     Desire is the root of suffering sabi ni Mang Sid. Kaya pag-aralan lagi ang minimithi ng iyong puso. Ito ba ay makakabuti sayo? makakabuti sa iba? May masasaktan ba?
5. “Hindi hawak ng mga bituin ang ating kapalaran. Gabay lamang sila. Meron tayong free will, gamitin natin ito”
     May tinatawag na Heaven Luck, May Earth Luck at Man Luck. Ito ang bumubuo sa ating Feng Shui. Madali namang intindihin, kahit sa Psychology, Anthropology o maging Sociology, iisa ang sinasabi. Merong Divine, Society at Free Will. Sa Madaling Salita; Diyos, Kapwa at Sarili. Lahat yan ay nakakaapekto sa atin. Iyan ang uniberso. Bahagi tayo nyan.
     Totoo ang kantang “Walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang” Mas mabilis ang pag-unlad kung hindi lang sarili ang iniisip. Kailangan ding isipin ang kapakanan ng iba.
     Ang Formula, simple din. Gumawa ka ng ikabubuti mo: may isang babalik sayo. Gumawa ka ng mabuti sa kapwa o komunidad;  buong komunidad ang magbabalik sayo. Gumawa ng kabutihang ikatutuwa ng langit, biyaya ng langit ang bubuhos!
     Kaya dapat kasama sa investment form for the year ang gawain hindi lamang para sa sarili.
6 . “Ikaw na”
     Appreciate people. Habang naglalakad at may masasalubong, isipin lagi na may like button sa noo ng makakasalubong. Hanapin ang likeable sa isang tao, at kung walang makita, wag  ng magcomment. Pwede naman. Tingnan ang kaharap na parang facebook at hindi youtube. Para peaceful ang life,  dapat walang dislike button.
7. “I think that people just have this core desire to express who they are. And I think that’s always existed.”
     Express yourself. Ilabas ang creativity. Sumigaw, tumalon, humalakhak, pagtawanan ang sarili, umiyak, mag emote,  ilabas ang nangangating damdamin sa dibdib. Maging bata ulit, magdrama sa harap ng salamin.
8.Not one of us is better than all of us!”

     Its about collaboration. Hindi laging competition. Dapat walang pa-star. Alam mo naman kung saan ka magaling, alam mo ang talent mo, pero ang hindi mo alam ay ang talent ng iba. Discover stars around you. Malungkot ang langit kung isa lang ang bitwin, puno naman ng pag-asa kapag may karagatan ng tala!
     Mas masarap pag mas marami kayo. Ito ang success ng Social Network. Ang makita, makilala, maging saksi, makatulong at maging bahagi ng pag-unlad ng bawat isa.
9. “No cure for the insecure”
     Pag maraming sinasabi, pag may effort gumawa ng mali at kung makasalamuha ka ng taong sa pelikula mo lang napapanood – ito yung hindi takot gumawa ng kwento, magkalat ng tsismis, manira ng kapwa, magpalapad ng papel at manggamit ng ibang tao – walang gamot dyan.

Iwasan, wag patulan at wag hayaang madumihan ang kamay. May Karma. Maniwala.  Again, that’s Karma, Bitch!

10. “Happiness is your birthright”
     Ang totoong kaligayahang mula sa puso ay nakukuha sa iba.  Oo nga, masaya ka na may nabibili kang gamit, panay shopping, pero  saglit lang yun. External lang ang source nun mula sa 5 senses. Iba yung mula sa loob. Nanggagaling sa puso.
     Iba ang kaligayang mula sa pagtangi ng iba. Yun bang naramdaman mong espesyal ka, minahal ka.
     Gaya ng sanggol na tumatahan kapag binubuhat at niyayakap. Nakararanas sya ng pagtangi.
     Karapatan mong maging maligaya, gayunman  kasalanan mo ring maging miserable. Hindi mo dapat hinahayaang depress – depressan ka dahil sa iba.
11. “I know the market because I am the market.”
     Bata pa tayo, ilang beses na nating sinulat ang “Sino Ako?” Ilang recollection, retreat at theme paper na ang nagawa natin para sa paksang yan. Tama naman na maging humble tayo sa lahat ng panahon, pero kung tungkol sa sarili mo at kinakailangan mong ipakilala ang sarili mo, sabihin mo rin ang totoo lalo pa kung hinihingi ng pagkakataon. Importante ‘to lalo na sa trabaho, kaya ka nag-aral at naghirap para magkaroon ng trabahong ieenjoy mo.
     Remember, masarap ang pakiramdam pag LiFTeD. eto yun LFTD : Look good, Feel good, Think good and Do good!
     Kaya dapat Always LiFTeD!
12. “Remembering that you are going to die is the best way I know to avoid the trap of thinking you have something to lose. You are already naked. There is no reason not to follow your heart.”

     Walang permanente at walang nakakaalam ng bukas. Ang tiyak hanggang sa kasalukuyan ay ang hangganan – ang kamatayan. Hindi ito nakakatakot at hindi rin ito nakakalungkot. Paalala ito. Memento Mori.
     Lahat ng gagawin ko ngayon ay mga bagay na hindi ko pagsisisihan, mga bagay na masarap alalahanin. Yun bang mapapangiti sila pag naalala nila.
     At ano ang lagi kong gagawin? Parang pelikula yan : Eat, Pray and Love.
     San mo naririninig ang pinakamasayang kwentuhan? Habang nagkakainan!
     Kailan mo nasasagot ang mga tanong sa isip mo? Sa katahimikan ng iyong puso. Habang kumokonek ka sa Kanya at sinusuko mo ang sarili mo, inaamin mong hindi mo alam ang sagot, “answer naman dyan please.”
     Paano mo nasusukat ang kahalagahan mo? Kapag alam mong nagmamahal ka. Kapag naipakita mo na gumana ang puso mo at nagbigay pagmamahal sa iba. Kapag may taong naramdamam na may nagmamahal sa kanila, na importante sila.
Masagang Bagong Taon sa ating lahat!
PS:Ang mga quotation ay hindi sa akin. Ito ay mula sa iba’t-ibang taong sumikat noong 2011. Hulaan nyo kung sino sila! Ipost sa comment section kung sino sila!

salamat 2011!

Salamat sa bagong feature ng Facebook – ang  Timeline. Madali kong nabalikan at nareview ang taong 2011.

Medyo maraming pahabol na hindi magandang nangyayari ngayon na ibinabalita, kaya nga nagpapasalamat ako at naging mabait sa’kin ang 2011.

Itong taon na ata ang pinakamaraming byahe na nangyari sa buhay ko.

1. Tatlong beses akong nag Boracay ngayong taon. At kung may panahon pa sana, babalik ako at mag bi beer party sa lahat ng bar ng boracay.

2. Tatlong beses din na nag Cebu.  Mas naappreciate ko sya nung 3rd visit ko nitong October. Mas naikot ko ang mga gimikan. Magpatuloy sa pagbasa

Si Anonymous Blogger

Gaya ng marami, nakikisabay lang ako. Nakikibasa, nag a update, nakikipagkulitan and in fact mas madalas pang mag comment kesa sa magpost. Hindi naman ako hardcore blogger. Online shopper pwede pa, isama mo na ata ang forum shopper pero ang blog, hindi ako to. Hindi gaya nya na dekalibreng blogger.

Sya yung pag nag post, wow wala pang isang oras tadtad na ng comment at like. Si anonymous talaga. Hindi ko alam kung saan nya kinukuha ang ganun karaming ideya. Ang creative! Hindi nakakasawa at ang blog nya lang ang shinishare ko once nagpost sya. Nakasubscribe ako kaya updated ako sa kanya at syempre nakikibase sa pagcomment.

Nakikipagkulitan din sya sa readers kaya nga nagiging thread ang comment section. Iba rin ang pakiramdam pag nakiki interact sayo ang idol mo kahit sa comment man lang. Magpatuloy sa pagbasa

Blue’s Room

Puti ang napili kong kulay.

Sabi ko, para madaling linisin. Kita mo agad kung madumi.

Para tipid sa ilaw, sadyang maliwanag ang buong paligid.

Para kahit anong kulay ang gamit, pwede kong bilhin, wala namang hindi babagay sa puti.

Puting-puti rin ang ilaw. Gusto ko yun, yung nakakasilaw.

Maaliwalas.

Sabi ng iba, mukha daw ospital.

Oo nga, napansin ko rin.

Ilan na nga ba ang naconfine dito.

May  nagkasakit at nakituloy,

May inabutan ng ulan.

May nakipaghiwalay sa asawa at nagpaampon pansamantala.

May mag-a outing at aalis ng maaga.

May  mga  kaibigan na dumalaw.

May nananghalian

Nag-inuman

At naging tambayan.

Hanggang sa unti-unting nagsara ang pintuan.

Nakakapagod din palang mag-abala.

Masarap yung umuwi  ng walang inintindi.

Kundi matulog at gumising at magblog at matulog at gumising,

Daraan ang weekend na walang labasan.

Dito lang, kapiling ang TV, ang computer, makikinig ng music

Kung bored na, magbabasa,

Mag eeksperimento ng luto.

Magsusulat.

Mag-iisip ng bagong gagawin.

Isang taon na pala!

Hindi pa man nagsisimula e puno na ng mga bagong gagawin.

bagong grupo

bagong libro,

bagong trabaho

mga bagong pagkakaabalahan para sa bagong taon

at syempre

panahon na

na lagyan ng kulay

ang kwarto.

Maligayang Pasko!

Blue’s Room 

Puti ang napili kong kulay.

Sabi ko, para madaling linisin. Kita mo agad kung madumi.

Para tipid sa ilaw, sadyang maliwanag ang buong paligid.

Para kahit anong kulay ng gamit, pwede kong bilhin, wala namang hindi babagay sa puti.

Puting-puti rin ang ilaw. Gusto ko yun, yung nakakasilaw.

Maaliwalas.

Sabi ng iba, mukha daw ospital.

Oo nga, napansin ko rin.

Ilan na nga ba ang naconfine dito.

May  nagkasakit at nakituloy,

May inabutan ng ulan.

May nakipaghiwalay sa asawa at nagpaampon pansamantala.

May mag-a outing at aalis ng maaga.

May  mga dating kaibigan na dumalaw.

May nananghalian

Nag-inuman

At naging tambayan.

Hanggang sa unti-unting nagsara ang pintuan.

Nakakapagod din palang mag-abala.

Masarap yung umuwi  ng walang inintindi.

Kundi matulog at gumising at magblog at matulog at gumising,

Daraan ang weekend na walang labasan.

Dito lang, kapiling at TV, ang computer, makikinig mg music

Kung bored na, magbabasa,

Mag eeksperimento ng luto.

Magsusulat.

Mag-iisip ng bagong gagawain.

Isang taon na pala!

Hindi pa man nagsisimula e puno na ng mga bagong gagawin.

bagong grupo

bagong libro,

bagong trabaho

mga bagong pagkakaabalahan para sa bagong taon

at syempre

panahon na

na lagyan ng kulay

ang kwarto.

Maligayang Pasko!

Sayang

Nakapila papasok  ng langit, hindi makilala ni San Pedro ang isang babaeng umaasang makasama sa libro ng buhay.

Ineng, kanina pa kita pinagmamasdan, pero hindi kita mamukhaan. Sino ka ba?

Betty po?

Betty? Anong tunay mong pangalan Magpatuloy sa pagbasa

Nang dahil sa SM

Balik posting after makapaglaunch ng Saranggola blog awards.

magbaliktanaw tayo…

naaalala nyo ba nung panahon na patok na patok ang mga sari-sari store?

Noon: Kapag may bagong bukas, inaabangan ng lahat ang mga kung anu-anong nakasabit na paninda.

Ngayon sa SM : sinusuyod lahat ng mall sa loob

Noon:  unti-unti, nagkakaroon ng sariling pangalan o signbooard ang mga sari-sari store. Pagandahahan ng pangalan, may nakakatawa, may tungkol sa pangarap tulad ng saudi juice store para sa tindahan ng isang buko juice na ang ama ay nasa saudi, meron pang tindahan ni aling sharon variety store na fan ng megastar,

ngayon mas naeexcite tayo pagnakakita tayo ng SM signboard

Noon lahat nakatambay sa harap. kwentuhan, tsisimihan. Doon nabubuo ang bonding. Ang mga gang. Doon din nagkakaligawan.

Dahil sa SM, nagkaroon na ng tambayan pero hindi ng magkakapitbahay. Kanya-kanyang tambay, nagpapalamig, minsan mo na lang makasama ang mga kapitbahay at madalas, mga malayong kaibigan ang sinasama mo. Magpatuloy sa pagbasa

May Learning

Mga natutunan ko nitong buwan ng Mayo.

  1. Ang Corregidor pala ay parte ng Cavite at hindi ng Bataan.
  2. Mayroon palang tinawatag na Jabidah Massacre, nakakapanindig balahibo.
  3. at may plano palang bawiin ng Pilipinas ang Sabah noon!
  4. Hindi naman pala maliit ang isdang butete
  5. Ang sea horse ay ang nag-iisang lalaking  hayop na nabubuntis
  6. Ang ecstacy at absolute mineral water ay mainam na pampagana.
  7. Hindi bagay ang bandana kung nakahubad.
  8. Mahirap makipagrelasyon sa marunong mag lypo. Para ka lang nilalypo!
  9. Mas importante ang issue ng sex scandal kesa sa isyu ng mga isla sa Kalayaan! Magpatuloy sa pagbasa

101 Ways to Kill Boredom

1.      Wag ngatngatin ang kuko, instead kulayan na lang. lagyan ng glitters o kaya ay lagyan ng tattoo!

2.      Tumawag sa radio station, makigulo, makibati at maki- can I pass the phone. Hintaying mapikon ang DJ sa haba ng babatiin mo.

3.      Kung ang wrists watch mo ay nasa kanan, ilipat mo sa kaliwa.

4.      Magpagupit ng buhok. Pwede ring pakulayan, i-rebond, pakulot, pa-istraight… bahala ka na sa style. Kung kinakailangang mag wig, why not!? O kaya magpakalbo. Magpatuloy sa pagbasa

Ang Buhay sa Hardin

Nag-iisa ang hardinero, sa mahaba-habang panahon na pag-uukol niya ng oras at lakas sa mga tanim, natutunan na niyang pakisamahan at ituring itong pamilya. Sa gayon, hindi na niya nararamdaman ang pangungulila.

Sino nga ba ang mangungulila sa kaabalahan niya sa loob ng hardin.

May oras ng pagtatanim, ng pagpupunla.

Kinakailangan niya ring mangahoy upang gawing tukod sa lumalagong halaman at puno.

May panahon ng pagpapataba.

Hindi nakaiinip ang paghihintay sa pamumunga sapagkat masaya niyang pinagmamasdan at hanggang ngayo’y nagdudulot pa rin ng pagkamangha ang mga uod na nagiging paruparo, ang pamumulaklak at pagbunga. Magpatuloy sa pagbasa

Pamamaalam ng Matandang Puno

Isang matandang puno ang tahimik na nabubuhay sa pusod ng hardin. Sinasabing nabuhay ng gayon katagal ang puno sapagkat dumadaloy roon ang batis. Bagamat matagal ng nabuhay, hindi ito sintikas ng ibang puno. Ang kanyang balat ay makunat at may bahaging marupok. Ang kanyang paana’y pinamahayan na ng mga antik, maging mga anay. Mataas na ang punso’t kinatatakutan. Sa loob ng katawan nito’y mistulang kwebang kinasisilungan ng mga paniki. Bihirang sibulan ng panibagong daho’t madalas ay ang unti’unting paglagas pa nga ang matutunghayan. Malakas na patak ng ula’y nalalagas maging mga bagong sibol na dahon. Magpatuloy sa pagbasa

Ang Balete

Naulinigan ng hardinero ang ingay sa kanyang hardin. Napagtantuhan niya ang pinagmumulan ng ingay – sa bahaging iyon ng hardin sumibol ang balete. Mabilis na yumayabong ang punong ito, bawat araw – napapalaki nito ang kanyang katawan na di gaya ng ilang mga puno. Dahil rito, nagpasya ang mga halaman na ipetisyon siya, isa siyang panganib sa buhay ng maliliit na halaman. Magpatuloy sa pagbasa

Sangandaan

(Mga nagkrus na emosyon sa pagtatapos ng 2008)

Eto na naman ako, pinagkakasya ang mga nasa sa isip sa espasyo na ito.  Magtatapos na naman ang taon kaya siguro sentimental, paunang babala : siguro sa mga naghahanap ng kasiyahan at mataas ang energy, hindi ito ang blog para sa’yo. Magpatuloy sa pagbasa

Alamat ng Bitwin

malawak daw ang entablado, sinlawak ng mundo, lahat ay may ginagampanan, kanya-kanyang papel. May ilan na may malalim na karakter, may ilan na mababaw, mayroong maikli subalit makabuluhan. Ito raw ang buhay; hindi sinusukat sa haba o iksi bagkus sa ginampanan.

Hindi rin pinag-uusapan kung sinong pinalakpakan, kinikilala at kinamuhian. Naiiwan sa manonood ang paghatol. Kung kanino sila nakaugnay.

Tumingala ako sa langit, napansin kong maraming bitwin. Magpatuloy sa pagbasa

Akasya

Ngayong umaga, bitbit ko ang lagaring kahoy at hagdan upang akyatin ang malaking puno  ng akasya. Sa laki nito ay kinakailangan ng putulin ang sanga upang hindi makaabala sa paglago ng katabing puno.

Ano ang gagawin mo sa akin? Tanong ng Akasya

Kailangan ko ng tagpasin ang iyong sanga, sa gayo’y hindi nito masasanggi at mahahadlangan ang nakatakdang paglago ng katabi mong puno. Magpatuloy sa pagbasa

Lucky Me

Lumaki ako sa Maggi. Bukod kay Kuya Bodjie at ate Sheena, si Tita Maggi ang pinaniniwalaan ko noon. Minsan may nagtangkang umagaw sa atensyon ko, naglabas sila ng mga noodles na alphabet at iba’t-ibang hugis pero dahil masyadong maalat at mahal, balik ako sa Maggi. Magpatuloy sa pagbasa

Nang magising ako kahapon

Iba-iba ang mga kwento natin noong nasa kolehiyo tayo. Daming alaala na minsan naiiwan o natatanim sa isip mo pero pag binalikan mo ang kwento kasama ng mga dati mong kamag-aral, malalaman mo na ikaw lang ang nakaalaala. Yun bang napakahalaga sa’yo pero sa iba pala ay walang dating.

May kanya-kanya tayong kwento hindi man pare-pareho pero madalas magkakarugtong. Magpatuloy sa pagbasa

Celebration of Life

At last, nakakita na naman ako ng sandali para mag update, magsulat at buuin ang nasa sa isip ko. Bihira ito mangyari, madaling mag-isip at magsulat subalit mahirap maghanap ng oras. Marahil sa sobrang kaabalahan. Gusto kong magsulat ng positibo sa pagkakataong ito. Yun bang celebration ang feeling. Magaan. Magpatuloy sa pagbasa

Itim na Lobo

Sa harap ng simbahan, isang batang ayta ang nakatingin sa bawat batang naglalakad kasama ng kanilang mga magulang. Nagkalat roon ang mga nagtitinda ng mga sorbetes, manyika at lobo. Upang makakuha ng atensyon ang nagtitinda ng lobo na may iba’t-ibang kulay, nagpapalipad ito ng lobo, sa gayon ay nasisiyahan ang mga bata at pinipilit ang kanilang magulang na bumili. Magpatuloy sa pagbasa

Bangkang Papel

Sa tuwing uulan, sa halip na matulog upang namnamin ang lamig ng paligid, kasabay ng paghehele ng tigatik ng ulang tila uyaying mabilis magpahimbing, agad akong tatakbo kay itay.

Pupunit siya ng kaputol na piraso ng dyaryo, tutupiin hanggang sa magpantay ang bawat gilid. Tiklop, tupi, tiklop tupi at sa isang iglap, mayroon na akong bangkang papel. Magpatuloy sa pagbasa

Ano sa palagay mo?

desaparacidos. kung totoong sundalo ang gumagawa ng gayong uri ng krimen, anong edukasyon ang nakukuha nila upang manguna sa dahas, tanggaping matatamo ang kapayapaan at katiwasayan sa pamamagitan ng paglikha ng karahasan sa itinuturing pa lang nilang banta sa bayan – samakatuwid, ano ang pinagkaiba nila sa kanilang kalaban? Magpatuloy sa pagbasa

Para kay Potpot,


Pasyensya ka na kung mag-isa ka na namang naglalaro. Wala pang nakukuhang yaya ang mommy mo o ewan ko nga kung may plano pang kumuha ng yaya yun. Mahirap ang buhay ngayon, malilipat na naman sila ng project at medyo bababa ang sweldo nila. Pansamantala, kami muna ang titingin sa’yo. Ang tita mo medyo busy sa pag-aaral, mahirap naman talaga ang ECE. At saka, andito sya para mag-aral, hindi para mag-alaga sa’yo. Mahirap na at baka isipin ng mga pinsan ko sa Bulakan ay inaalipin namin siya dito. Kaya nga sa twing aalagaan ka nya, ‘wag ka ng masyadong makulit. Buti nga at inaalagaan ka pa nya kahit na ginigising mo twing madaling araw, inaapakan, kinakagat at pag hindi nagising ay kinukuha mo ang cellphone nya sa ilalim ng kanyang unan at saka mo inihahagis, maswerte kung hindi sya tamaan. Malas kung bumukol at paghinalaan kami ng mga magulang nya na minamaltrato sya. Hindi naman sila maniniwala na kahit 1 taon at kalahati ka pa lang ay masyado ng mabigat ang mga kamay mo. Hindi naman nananakit sa Barney di ba? Kanino mo natutunan ‘yan. Magpatuloy sa pagbasa

Ako at ang Little Prince, Ako ang Little Prince

The ONE Campaign!

Hindi ko alam kung paano ko ipapaliwanag ang pagkakataong nagkatugma-tugma ang tila dibuho ng aking kasaysayan. Sa isang aklat ng mga kaarawan, napagtanto ko na si Hellen Keller ay ipinanganak sa parehong araw ng aking kapanganakan. Natuwa ako.

Nagulat din akong malaman na ang Litle Prince (Antoine de Saint Exepury) ay may kaugnayan sa amin, sa aming buhay. (ayon sa aklat) Magpatuloy sa pagbasa

Laing

BAYONG NG 2007

Walang bago sa bagong taon. Naisip kong ituloy ang nasimulan ko na sa halip na magbago na naman ng plataporma sa buhay. Hindi ako gobyerno o trapo na walang inatupag kundi magpalit ngplano

. Hindi ko man natapos o nagawa, pwede ko namang ituloy. Ang mahalaga, may nasimulan na at may tatapusin. Magpatuloy sa pagbasa

Blue Jeans

Nandidito kami ngayon Nagsusumikap sa araw-araw
Kayod nang kayod hanggang sa mapagod Maagapan ang natatanaw

motivation. sa ngayon, wala ako nito. sa dami ng theories on motivation, ni isa ay di ko madigest. unlike before. Magpatuloy sa pagbasa

Paunang Salita

Maalinsangan.
Katatapos lang ng uplate, 2:10 am nang isalang ko ang mga damit sa washing machine. Matapos kong ilagay ang ariel at downy sa container, sumibat na ako at umakyat sa kwarto ko. Minsan lang dumating ang ganitong pagkakataon, yun bang malikot ang isip mo, nagkalat ang mga ideya pero hindi mo masimulang magsulat. Hindi mo alam kung saan magsisimula. Magpatuloy sa pagbasa

Temporarily Unavailable

ATM, telepono, Internet site, cable channel etc.

Broken, may damage o minsan kailangan lang i upgrade

Underconstruction

2 things:

nakakalungkot, nakakainis kasi inaccessible lalu na pag urgently needed Magpatuloy sa pagbasa

Unang Istasyon

Iba’t-ibang sasakyan sa iba’t-ibang panahon, patungo sa iba’t-ibang landas na tumahak ng iba’t-ibang daan; may paliko, may baku-bako, may malubak at minsan rin ay may patag, may tuloy-tuloy,  may maluwang pero meron ding makipot, may matirik at mapanganib gayunman, pinakamahirap tahakin ang daang nagkrus. Madalas sa mga byaheng ito, walang balikan, subalit maaaring huminto kapalit  ang bawat pagpihit ng oras. Pwedeng pumili ng sasakyan o minsan maaaring maglakad. Mainam na nakasapatos o kahit anong panyapak subalit may landas na mabuting tahakin nang nakapaa habang hinihimod ng talampakan ang bawat batong nakahambalang sa nilalarakaran. Mas matimyas sa damdamin ang makarating sa patutunguhang dinanas ang hirap. Sa pakikipag-isa ng balat sa lupang tinukuran, walang mas mananaig na kaligayahan. Magpatuloy sa pagbasa