Patrick Mitzel

nakailang tulog at gising
nakailang panaginip na rin
subalit ‘di pa rin tumitila ang ulan
bihag ako ng aking kama
kung kailan kailangan ng kasama
ang tikatik ng ulan at ang kulog
ay nagpapahintulot buksan ang alaala ng nakaraan
akala ko’y hindi na magtatagpo
ang kahapon at ang ngayon
pero kahit anong lalim naibaon
sa baul ng alaalang nakaangkla
sa pinakamalalim na karagatan
ay masisisid at mapapalaya
at maghaharap ang ikaw at ang ikaw
saka mo sasabihing ikaw na ang bahala
ang nakalipas ay nakaraan na’t napagwagian
at magpapaalam sya nang nakangiti’t may kapayapaan.

fill in the blanks

isusulat ko ito ngayon upang ipaalala sa akin bukas na mapalad ako.

‘pagkat nabuhay akong pinili ang magmahal

magpakitang buti at iwaksi ang kasamaan.

 

Sasabihin ko bukas na tama ako

sa paghihintay at paniniwalang magbubunga ang binhi

uusbong at lalago mula sa matabang lupa

na dinilig ng kabutihan at pagmamahal.

 

Gabay ang sulat na ito para bukas

sa mga manghihingi ng payo kung paano nabuhay

at naging matagumpay;

kung anong marapat na gawin.

 

at magsilbing paalala sa sarili

na ‘wag bibitiw, ‘wag mabubulid

o masisilaw

‘pagkat ‘di ang ningning ng bitwin o kariktan ng araw

bagkus ang lalim ng kapit sa lupa

ang sukatan ng tayog ng puno

upang ituring s’yang dakila.

 

ang buhay ay buod ng kwento

na hinabi mula sa iba’t-ibang karanasan at  mga pagkakataon

na s’yang kailangang tugunan

at ang bawat tugon ay taya

para sa isang magandang katapusan.

 

mapalad ako ‘pagkat naranasan  kong makita ang ganda ng mundo

nakilala ko ang iba’t-ibang tao na tumulong sa akin

at nakita ko ring mas kaibig-ibig tingnan ang mabuti

kaysa sa kasamaan.

mapalad akong piniling talikuran ang galit

at ipagwalang-bahala ang tukso ng mga pananakit

sapagkat walang mabuting idudulot ito sa akin.

 

sa bawat panghihila paibaba

ay tinutumbasan ng takbo papalayo

sapagkat hindi man nakikita

alam nating may hantungan sa dulo

na kailangang marating upang ituring kang panalo.

 

mapalad ako bukas

‘pagkat ngayon pa lang  ay pinili ko nang magwagi sa karera ng buhay.

 

Kodak Moments

Mamaya, titingnan ko ang paglubog ng araw at magpapaalam – para sa taong 2010.

Nakailang-tanaw din ako sa paglubog ng araw.  Perfect!

Alam mo kung ano ang perfect dun?

Yung sandali na inaabangan mo siya – bilog na bilog, mapula at dahan-dahang lumulubog hanggang sa tuluyang maglaho. Iyon ang perpektong sandali.

Hindi ka makakurap,  naririnig mo ang tibok ng dibdib at halos walang nagsasalita maliban sa musikang iyong naririnig dyan sa isip mo.

At paglubog ng araw, ang tila nakahintong mga tao, sasakyan o maging oras ay muling gagalaw.

Panibagong araw na naman, panibagong taon.

Siguro isang guhit sa noo ang madadagdag, o kaya dagdag timbang.

 

Dati pag magbabagong taon, ang hiling ko, sana magkaroon ng perfect job, perfect love, perfect friends at perfect life.

Kaso ni isa walang nangyari. Hindi perpekto ang buhay.

Pero kahit ganun, masaya pa rin. Gumigising pa rin ng nakangiti. May halakhak na naririnig. May kinang ang mata, may dahilan para mabuhay at mamangha.

Kasi sa bawat imperfection, may mga taong andyan palagi. May surprises, handang makinig, nakikikulit, nakikitawa at nakikiyak kahit sa sinehan.

Hindi rin perfect ang buhay nila.

Hindi na rin nila hinahanap ang perfection, masaya sila at naniniwala na hindi kailangang maging perpekto ang mundo para mabuhay at maging masaya.

Dahil kapag kasama mo sila, parang perpekto na rin ang bawat sandali.

Yun ang dahilan kung bakit sila andyan.

Bukas tuloy pa rin ang buhay,

para sa mga hindi perpektong gaya ko.

Gawin nating makabuluhan ang panibagong taon!

magkaibigan

Kahit ang dagat na iyong dinaanan, nahati’t

tila nasaktan, sa iyong paglisan.

Inihatid ka ng aking kaway, huli na marahil

bagamat hindi mo nilingon,

balewala pagkat nakatanaw ka sa malayo

tila gusto mo ngang lumaya o lumimot agad.

Gayunman,  hiling ko ang iyong kaligayahan

at kaligtasan, kasabay ng hanging aking binulungan

at ginabayan ng mga ibong nauna ng kumampay upang

iyong sundan.

Paalam.

Huwag mo sanang isipin na ikaw lang ang nasaktan,

o sinadya kitang saktan

dahil pareho tayo, nabigo.

Hindi ko hinihiling na maging tayo pa,

sana lang ay magkapatawaran, kahit magkalimutan

matanggap lang natin sa isa’t-isa,

maamin

na hindi naman talaga natin sinasadya

mabuti tayo.

Magtiwala ka

na hindi laging ganito,

na maaring sa iba

totoong mas maging maligaya ka.

Kung sa malayong lugar piliin mong tumigil

at hindi na magparamdam

hindi kita hahanapin upang mabawasan man lang ang iyong sakit

kahit sinasabi ng puso ko na wala akong pagkukulang.

Yun ang mas mabuti

hangad kong mapabuti ka

ngunit sana maintindihan mo

na maaaring laro ito ng buhay.

at hindi ito titigil hanggat ipinapakita mong mahina ka

hangga’t hindi ka nagwawagi sa sakit

dahil mauulit at mauulit ito

pagkat hindi ka lang ngayon luluha.

Masakit ang umibig,

kasama yan, dahil sinusukat ang puso

hindi sa dami ng galos

kundi sa makailang ulit kang umibig

muling naniwala

sa pagmamahal

at mangyayari yun

kung pakakawalan mo ako

sa pag-aakalang ako ang may sala

at ako lang ang dahilan.

Kung masasalubong mo ako

at hindi mo pansinin

na tila hanging nagdaan

malulungkot ako, nang sobra

sapagkat hindi ka pa nakakawala,

ngayon kung nais mong makalimot

makaahon sa sakit na iyong dinaranas

titigil ako, maghihintay

isa pa, sa huling pagkakataon

magyakap tayo, yakapin mo ko

hayaan nating ang ating puso ang mag-usap

nang sa gayon ay makalaya ka

at makapagsimulang muli

dahil yun lang ang paraan.

Mas mabuting magwakas

kung paano tayo nagsimula.

Magkaibigan.

scratch ideas

Pabalik-balik ka na naman sa ospital, check up dito check up doon. May nararamdaman ka pero alam mo ang magiging resulta, wala naman. Bata ka pa papansin na yang puso mo, kumikirot, hindi pwedeng mabigla, hindi pwedeng laging puyat dahil mahihirapan kang huminga, bibilis ang tibok, ibabudget mo ang labas pasok na hangin dahil pag napasobra, parang mapipigtal ang ugat. Pati paghikab o paghatsing. Pero hindi nila maipaliwanag kung ano yun.  Basta may sakit ka, kung anuman yun, walang eksaktong sagot.

Ang sweet nila. Buti pa sila.

Kung hindi ka nagseryoso sa buhay mo, ano ka ngayon? Nakita mo naman yung mga kaklase mo sa facebook, mga dating kalaro. Akalain mong may mga anak na. Nag-aaral na nga yung iba. Iniisip ko tuloy, noong panahong hirap na hirap ako sa statistics, paggawa na ng bata ang pinaghihirapan nila? Nasan ka nun? Siguro nga naenjoy ko naman ang buhay, pero come to think of it, may life investment na sila.

Iniisa-isa mo ang ang class picture na tina tag nila sa yo at inaalam mo kung saan sila nag wowork, Pagtanda mo, iisa-isahin mo ang facebook friends mo, pero di gaya ngayon, siguro iisa-isahin mo rin at sasabihin mong eto patay na, ito patay na rin, ito kamamatay lang, ito naman, nasa ospital. Elimination round na.

Sasalpok ka na naman sa pader na tila walang lalagusan. Hanggang dito na lang ba ako? The usual, kapag wala akong maisagot, kukuha ako ng coin at ihahagis, hinahayaan ko ang hangin, ang langit o sinumang ispiritu na magdecide kung saan ako, kapag tihaya, dito ako, kapag taob eto naman. Kinabahan ako paghagis ng barya, ano kaya, tihaya o taob, hanggang sa bumuhos ang napakaraming barya mula sa langit. Marami pa palang option. Akala ko dalawa lang.

syet, ang sweet talaga nila.

Payo ng buhay na natutunan sa tabi-tabi…

Life is not about sex.  (sige na nga, it is about lovemaking)

Huwag kang makikipag-away kung hindi ka legal.

Huwag ka ring mag-assume kung hindi ka assumptionista (specialy kung USTe ka)

Piliin mo yung madiskarte kahit hindi mayaman, kasi siguradong mabubuhay ka. Wag ka nga lang maselan, at wag mong itatanong kung paano at saan sya dumiskarte!

mean machine…

Bakit ayaw mo siya?   mahirap kasi siya.

Bakit ka niya inaaway? dahil hindi niya ko nakuha

Bakit ba may issue sya syo?  dahil nagagawa ko ang gusto ko at wala siyang means gawin ang gusto niya. kasi nga isa siyang mahirap na promdi!

O, bakit tahimik ka? Ano ang nasa sa isip mo ngayon?

Maghiwalay ang dalawang yan, OA sa ka-sweetan.

Ano ng key idea ng lahat ng ito?

Iniisip ko lang kung bakit may isang bagay na hindi ko kayang gawin. Bakit hindi ko kayang  magcommit?

tumatanda na ang puso, puti na ang buhok niya, kulubot at hingal na sa pagtibok. Sana lang kaya ka pa niyang maaninag sakaling dumating ka.

just got a message. back to square one. f*ck!

Ang Sarap ng Buhay!

Hindi aapaw ang batis sa buhos ng rumaragasang talon sapagkat nakaabang ang sinapupunan ng dagat na magsisilang ng mga butil ng hamog; paakyat pababa, hahalik sa pisngi ng langit at kakawalang mga ulan.

Anupat ang dampi ng ulan ang paalala ng isang magandang buhay.

Pinagdurugtong nito ang lupa at kalawakan. Inaabot nito ang hangganan ng imahinasyon. Waring hinuhugasan nito ang maruming isip at nililinis ang kaluluwa ng sinumang madampian at makadama. Magpatuloy sa pagbasa

Magic

Habang pinagmamasdan ang gagambang gumawa ng bahay.

ang paglipat ng apoy mula sa posporo patungong kandila.

Sa mabilis na paglubog ng araw sa manila bay

mga tao sa divisoria; palinga-linga, hindi nauubusan ng pera.

Ang mabibili ng P1000 sa divisoria

Kanin at star margarine Magpatuloy sa pagbasa