Patrick Mitzel

nakailang tulog at gising
nakailang panaginip na rin
subalit ‘di pa rin tumitila ang ulan
bihag ako ng aking kama
kung kailan kailangan ng kasama
ang tikatik ng ulan at ang kulog
ay nagpapahintulot buksan ang alaala ng nakaraan
akala ko’y hindi na magtatagpo
ang kahapon at ang ngayon
pero kahit anong lalim naibaon
sa baul ng alaalang nakaangkla
sa pinakamalalim na karagatan
ay masisisid at mapapalaya
at maghaharap ang ikaw at ang ikaw
saka mo sasabihing ikaw na ang bahala
ang nakalipas ay nakaraan na’t napagwagian
at magpapaalam sya nang nakangiti’t may kapayapaan.

Advertisements