Dear Nora,

Aaminin ko sayo, mas maraming pelikula ni Vilma ang napanood ko.Nora-Third-Eye

Hindi dahil sa mahilig ako sa mestiza, ang acting kasi na nakasanayan ko e yung nangingisay. yung hysterical.

Iba ka kasi. Iba ka.

Nakakagawa ka ng pelikula na mata lang ang puhunan.

Isang iyak sa kaliwang mata.

O kaya pelikulang walang salita. Tingin lang.

Akalain mong nag best actress ka dun habang ang mga kalaban mo ang tataas ng energy.

 

Alam ko kung bakit mahal ka ng mga Pilipino.

Dahil sa nakaraan mo. Dahil mahirap ka dati.

Dahil sa naging trabaho mong paglalako mo ng tubig sa riles bago maging artista.

Dahil sa boses mo na narinig sa Tawag ng Tanghalan.

Dahil sa hindi mo perpektong buhay, hindi perpektong lovelife

hindi perpektong pamilya,

dahil ang buhay mo, yun ang pelikula ng totoong buhay.

 

Nasa balita ka na naman.

Dalawa lang yan,

kung hindi dahil sa pelikula,

dahil sa kontrobersya.

noong mga nakaraang taon,

pagdarating ka mula sa ibang bansa

syempre sa walang tulugan ka unang dadaan.

Konti lang ang audience nun

mas marami pa ata sa mga comedy bar

na ang nagtatanghal e mga comedian na ikaw naman ang ginagaya.

 

Pero ngayon

Boom!

Sikat ka na naman!

Hindi dahil sa utang, hindi rin tungkol sa boyfriend.

Dahill sa award!

At kelan pa naging kontrobersyal ang award sa iyo?

Sanay na kasi ang mga Pilipino na pag ikaw ang nominado,

wala na.

uwian na.

ikaw na ang panalo.

E kaso, hindi Noranian ang pangulo.

Hinusgahan ka nya.

Nagdroga ka daw.

Hindi raw nararapat ibigay sayo ang karangalan.

Sino ka ba talaga Nora Aunor?

Bakit ginugulo mo ang mga Pilipino ngayon?

Wala ka namang luxury cars, mukhang wala ka ring luxury bags

hindi ka rin sangkot sa PDAF at DAP

pero ikaw ang issue of National Importance!

 

Alam mo ate Guy,

alam ko namang kung magbabago ng isip ang pangulo

e hindi mo na rin tatanggapin ang karangalan na yan.

Dalawang taon na lang naman siya.

Hindi rin yan kabawasan sa pagkatao mo.

Isa ka ng Nora Aunor!

Tao na ang nagluklok  sayo sa kinaroroonan mo ngayon

Pati ibang bansa, kumikilala sa galing mo.

 

Magpapalit ang nanunungkulan

baka nga pati gobyerno mapalitan

pero hindi ang pagkilala sayo

at pagmamahal ng mga Pilipino.

 

Nora Aunor ka na

e sila?

huhusgahan pa lang.

 

Ang swerte mo Ate Guy,

dahil ikaw ang Himala

sa puso ng mga Pilipino.

 

Payo lang

wag ka ng magsalita

wag kang magmamakaawa

dahil hindi yan ang hinihingi ng script.

 

Kung nagyoyosi ka pa

bumunot ka ng isang stick

humithit, wag pakawalan

tumingin sa kawalan

tumingala sa alapaap

pakislapin ang mata

na parang nakikita si Maria

dahan-dahang ibuga

ang usok

at ngumiti.

lumakad.

 

hindi magsasara ang telon mo, Bb. Nora Aunor!