Sayaw sa Tag-Ulan

Guest Blogger 1. Fr. Rhett Sarabia

 

Para sa ikawalong taon ng blog na ito, ang Hibang ay nag anyaya ng mga piling bloggers na magsusulat at tatanggap ng hamon ng pagbablog.

Partikular na pinili natin ang mga nagsipagwagi ng Unang karangalang BlogGaling ng Saranggola Blog Awards mula 2009 – 2012.

Ang mga Guest Bloggers natin ay tumanggap ng mga hamon sa pagsusulat kung saan may larawan o musika na gagamitin at paghuhugutan ng damdamin at imahinasyon.

Malaya silang magbablog ng kung anumang pumasok sa kanilang isipan matapos makita ang mga ipinadala sa kanila.

Ang unang  guest blogger natin ay si Fr.  Rhet Sarabia. Nagwagi sya noong 2009 sa kategoryang Tula.

ang ibinigay natin sa kanya ay ang awiting A Certain Sadness ni Astrud Gilberto.

narito ang awitin:

Ang awiting ito ay madalas kong kuhaan ng inspirasyon. Sa mga hindi nakakaalam, madalas ay nakikinig ako sa musika, tumitingin sa larawan o nanonood ng paborito kong clippings ng pelikula para humugot ng damdamin.

Ang awiting ito ay ginamit ko rin sa blog post ko na The Music of the Night na sinulat ko noong 2009.

Kung paanong humagod ang kantang ito sa damdamin at imahinasyon ni Fr. Rhett ay tunghayan natin sa kanyang blog na ito:

—-

 

SAYAW SA TAG-ULAN

 

Mabelyn S. De Dios. Ito ang nakasulat sa application form na hawak-hawak ko. Imposible ito.  Pero habang isa-isa kong binabasa ang mga information, tugmang –tugma ito sa isang kakilala ko matagal nang panahon ang nakakalipas. Hmmm…ang lalim ng aking buntong-hininga habang pinagmamasdan ko ang info sheet na hawak ko. Imposible talaga. Thirty years….thirty long years.

 

Ferdie! Hoy! Ferdie, halika ka silong ka sa payong ko. Madilim na kalangitan. Unti-unting pumapatak ang ulan. Eh, di nakisilong, kaw ba naman ang tawagin ng crush mo.Magiging choosy pa ba ako? Kilig much talaga. Kabog, ang lakas ng kabog ng dibdib ko. Hiyang-hiya nga ako, pakiwari ko dinig na dinig nya ang kalabog ng puso ko. Hmm, ganun pala sya kabango sa malapitan. Winner to! Para akong nanalo sa sweepstakes. Lakad, minsan bumibilis, minsan mahina. Ewan ko ba, wish ko sana mahaba pa ang daan pauwi.

 

Ano ba yan, pre…takna ka ng tokneneng! Ito ang bulalas ni Angelo. Bestfriend ko since elementary. Wala ka man lang nasabi..e yun na yun oh!..kayo…kayong dalawa lang sa iisang payong, wala ka man lang nasabi? Eh, sa naunahan ako ng kaba eh. Bestfriend naman, opportunity na yun oh, pinalagpas mo pa. Next time, hayaan mo maghahanda na ako.

 

Next time ba kamo? Wala. Kasi simula na ng summer. Ewan ko ba, buong summer naman na nagningning ang haring araw. Walang ulan, walang sukob-sukob sa payong. Uso ang tuli pag summer, kaya hayun nagkayayaan kaming magpipinsan. Dalawang linggo rin akong natigil sa bahay. Isang araw napadaan si crush ko, Hoy Ferdie, maliligo kami sa ilog, sama ka? Eh, kasi..Anong kasi, halika ka na! Di pwede! Sayang ….hays, sayang talaga! Gabi-gabi di makatulog ng maigi, noong una akala ko dahil sa maalinsangan na panahon, pero ang totoo sa kakaisip kay Maybelyn. Insan,…ano yan? Tanong ni Bert. Yaaks! Tagyawat sa ilong! Ows…umiibig na sya. Sabay halakhak na nang-aalaska! Na conscious tuloy ako. Dumaan pa ang isang araw, waah…pulang-pula na sya at ang laki. Ferdie! Ferdie! Boses ni Maybelyn. Pupunta kami sa ilog, sama ka? Sumagot akong patago. Hindi pwede! Ano , hindi na naman pwede? At bakit nagtatago ka, ha? Basta hindi pwede ngayon.

 

Mabilis na lumipas ang summer. Umpisa na naman ng tag-ulan. Sa iskul namin kanina pa ako nagmamasid, pawang may hinihintay. Ah, baka absent lang nawari ko. Second, third day…natapos ang linggo walang Maybelyn. Pre,….pre…sambit ni Angelo. Kasi sina Maybelyn lumipat na pala sa Maynila. Parang sasabog ang puso ko sa aking narinig. Di ko alam kung sasabog nga talaga. Pero sa sa pakiwari ko hindi ako makahinga. Patakbo kung tinungo ang kanilang bahay. Kasabay naman noon ang pagbuhos ng malakas na ulan. Lakad, takbo, lakad ulit…sa gitna ng ulan. Di ko antala ang lakas ng ulan. Ni hindi ko napansin ang pag-agos ng aking luha.Wala na akong susukubang payong. Wala na si Maybelyn. Unang ranas ng hapdi dahil sa ngalan ng walang kamuwang-muwang na pag-ibig. Natanong ko lang noon kung bakit may mga bagay na kailangang magtapos na hindi man lamang lubusang nakaniig at samsamin ang tamis nito. Para bagang sayaw na kung saan unti-unti mo nang nasasabayan at  siya naman natatapos ang saliw ng tugtog nito. Ulan! Bakit kung kalian ka pumapatak, sabay namang pumapatak ang luha ng dalamhati.Minsan nasabi ko sa aking sarili sana di ka na lang papatak muli.

 

Twenty five years old na ako ngayon. Binata pa rin  Correction Single for life. Congratulations, Pare! Ito nga pala misis ko si Anabel, at ang anak naming si Mardel. Say hello to your tito. Ikaw kailan ka naman mag-aasawa? Sabay tawa! Itong besfriend kong si Angelo alaskador pa rin. Ngayon pa! Hindi na noh, sagot ko naman sa kanya. Di ba si Sir Marco, yun…para naman hindi tumanda. Engr.  Mariliza de Guzman, oo ako nga si Isay Santos, De Guzman na ngayon. Salamat po Mang Andres at nakarating kayo. Si Mang Andres dating dyanitor namin sa highschool. Napagod ako sa maghapong iyon. Ang daming bisitang dumating. Mag-aalas otso na ng gabi ng huling umalis ang mga bisitang kamag-anak. Pagkasara ko ng pintuan ay siya namang buhos ng malakas na ulan. Isang kabanata na naman ang muling nabuksan sa landasin ng aking buhay. Kasabay ng pagpatak ng ulan, nasambit ko sa aking sarili, this time around di na luha ng pighati, datapwat merong sense of fulfillment at contentment. Hindi naman pala na sa bawat pagpatak ng ulan kalungkutan ang dala. Kailangan lang sigurong marunong kang makisayaw sa bawat saliw ng  musika nitong dala sa iyong buhay.

 

Good morning, Sir! I’m Maybelyn S. De Dios. Ferdie? Ferdie delos Santos? Yes, I am Father Ferdie delos Santos. Matagal kaming nag-usap. Pero minsan wala akong nauunawaan sa kanyang sinasabi. . Pilit kung ninanamnam ang halimuyak na hatid ng muling pagtatagpo. Lumilipad ang aking diwa at kaisipan. Ang unang pagsukob sa ulan. Ang bilis ng kabog na aking nararamdaman ng mga panahong iyon. Ang tagyawat sa ilong. Ang alaala ng kahapon, yun ang muling nabuksan at nilakbay ng aking diwa. Ang tagal kitang hinintay at hinanap. Sa mahabang panahon na ginugol ko sa Maynila, nagbakasakali akong isang araw ay makita kitang muli. Bawat tag-ulan. Bawat may magkasintahang magkasukob sa iisang payong, dasal ko parati sa Diyos na sana tayo ang magkasukob.

 

Father Ferdie?…Ok lang kayo? Hmmm, yes. Pagod lang siguro ako. Miss De Dios, pakiproceed na lang sa HR Department. And by the way, congratulations, magsisimula ka na this school year at our Cebu branch as per your request. Pakikamusta na lang ako sa family mo, at saka …ano nga pala name ng son mo? Ferdie…yun ang name nya…pinangalan  ko yun sa isang taong minsan kung minahal. Hindi ko na naramdaman ang pagpinid ng pintuan ng aking opisina. Malayo ang aking tingin, para bang may hinahanap ako sa nakaraan ng aking buhay.Pilit may binabalikan Saan ba ako nagkulang? Hinanap kita. Parang eksena lang sa pelikula. Pag andon ako sa eksena wala ka, pag nandon ka naman ako naman ang wala. O  sadyang ang tadhana ang syang nagbadya ng ating kapalaran. Bumuhos na naman ang ulan. Malakas na malakas ito. Kasabay nito ang pag-agos ng aking luha. Bakit tuwing umuulan, pinupukaw nito ang mga alaala ng nakaraan? Di ba sya pwedeng umulan na lang na walang sinasagasaang dahilan.

 

2013. Malayo na ako sa Pilipinas. Bagong assignment, bagong buhay, bagong panimula. Kahit dito sa malayong lugar umuulan pa rin, kasabay ang pagpukaw nito sa mga  alaala ng aking nakaraan. Ngayon ko lang napagtanto: My first love was meant to be my only and last love. Hays! Kilig much?  Nope, this time around, thankful, kasi minsan dumating ang pag-ibig , este ang sinaunang pag-ibig ng buhay ko.. Habang sinusulat ko ito humihigop ako ng mainit na kape sa saliw ng awitin ni Aiza Seguera..entaytol, Anong nangyari sa ating dalawa? Umuulan na naman. Sana naman walang basagan ng trip. Sige na,  bumalik ka na lang bukas Mister Ulan. Please!

 

 

 

Bluguy.

 

April 8, 2013

 

Rome, Italy

 

 

Sino si Fr. Rhett?

 

Si Bluguy o Rhett Ruiz Sarabia ay ipinanganak noong Marso 23, 1964 sa bayan ng Kalibo, Aklan Nagtapos sa samu’t-saring kurso: BSC major in Accounting sa Adamson University, Manila; Philosophy units sa San Carlos Seminary, Makati; BS in Sacred Theology sa Don Bosco Center of Studies ( Bene Probatus),Manila; BS Education (Magna cum Laude) sa Salesian Pontifical University, Rome, Italy; at Licentiate in Education major in Methodological Pedagogy .II (Magna cum Laude) sa Salesian Pontifical University, Rome, Italy.
Nakapagtrabaho sa Metro Bank sa Makati ng mahigit isang taon bago naisipang tahakin ang bokasyon sa buhay relihiyoso. Pumasok sa seminaryo pagkatapos ng EDSA rebolusyon. Inordenahan sa pagkapari noong 1996. Naging formator sa seminaryo, educator (St. Alexis Center of Studies at Laguna Northwestern College) at Vicar Provincial ng St. Peregrine Philippine Vicariate ng Order of Servants of Mary. Kasalukuyang naglilingkod dito sa General curia OSM, Rome, Italy bilang isang General Councilor ng aming Orden. Mahilig magsulat at makisalamuha sa mga OFW dito sa Italya.

 

Puntahan ang kanyang blog na bluguy

http://blurosebluguy.wordpress.com/

 

Maraming Salamat Fr. Rhett Sarabia – katukayo, dahil parehong blue ang nickname natin – sa  pagpapaunlak sa aking imbitasyon.

Alamat ng Bituin

Sa simula, may tatlong dambuhalang lumulutang sa kalawakan; ito ang araw, ang buwan at ang daigdig. Sa umaga, ang araw ang tumatanglaw sa daigdig at buwan naman sa gabi. Maliban sa buwan, madilim na ang kalawakan kung kaya’t may pagkakataong binabalot ang daigdig ng dilim sakalaing malamlam ang buwan o di kaya ay nagkukubli ito sa makapal ulap.

Sa umaga, ang lahat ay nagtatrabaho, abala sa paghahanap ng pagkain, pagtatayo ng kubo na masisilungan at kahoy na ipanggagatong sakaling dumating ang malamig na gabi.

Gayundin ang mga bata, sa umaga ay masayang naglalambitin sa mga sanga ng puno, lumulukso sa mga halaman, nagtatampisaw sa ilog at agad ding nagsisiuwian pagkagat ng dilim.

Madalas ang umpukan sa gabi, sa gitna ng apoy; magkakasama ang mga bata at matatanda. Sa ganitong okasyon maririnig ang tinig ni Tala. Siya ang pinakamatanda sa nayon, pinakikinggan ang kanyang mga payo sakaling may hindi pagkakasundo sa mga miyembro ng pamayanan. Paborito rin siya ng mga bata dahil lahat ng tanong nila ay nasasagot nito; kung saan nagmula ang isda, bakit asul ang kulay ng langit, saan nagtatago ang bahaghari at marami pang kasagutan tungkol sa pagkamangha nila sa daigdig. Hindi rin siya nauubusan ng mga kwento na kapupulutan ng aral. Siya ang nagsisilbing gabay sa kanilang pamayanan.

Isang gabi, nagbalik sa umpukan ang mga bata at matatanda upang makinig kay Tala, subalit hindi siya dumating. Gayundin ang nangyari sa mga sumunod na gabi.

Nagpasya silang puntahan si Tala at nakita nila ito sa kanyang tahanan na mahinang-mahina. Agad nila itong pinainom ng tubig at pinakain. Nagpatawag din sila ng manggagamot. Bahagyang naginhawan si Tala subalit di gaya ng dati, hindi na siya madalas makadalo sa gabi ng mga pagtitipon.

Sa bawat gabi, iba-iba ang nagkukwento sa mga bata, iba-iba rin ang tumatayong tagapagbati at tagapayo kaya lang hindi nagkakasundo ang mga miyembro ng pamayanan. Hindi rin nasisiyahan ang mga bata sa mga sagot sa kanilang tanong.

Lumala ang mga away at di pagkakasundo, nabalitaan ito ni Tala na kanyang labis na ikinalungkot.

Pinatawag ni Tala ang matatanda at magulang  sa kanyang tahanan. Sapagkat labis na syang mahina at hindi na kaya ng kanyang katawan ang lamig ng gabi, t’wing hapon siya nagkukwento at sumasagot sa mga tanong na hindi nila masagot. Nag-aral sila kay Tala. Sa gabi naman, ang matatandang nag-aral ang nagkukwento at nagiging gabay sa pamayanan.

Isang gabi, sa kabila ng kahinaan ay nagpasya si Tala na samahan ang mga nag-aral sa kanya. Nalaman ito ng lahat ng miyembro ng pamayanan kaya naghanda sila ng masarap na salu-salo, batid nilang bihira ng mangyari na makakasama nila si Tala sa gabi ng pagtitipon.

Matapos ang masarap na hapunan at mapakinggan ni Tala ang mga matatandang nag-aral sa kanya ay nagsalita siya.

“Balewala ang lamig ng gabi sa mainit nating pagsasalo. Sa mga ganitong okasyon, nawawala ang takot, ang alinlangan, napapanatag ang agam-agam at nabibigyang sagot ang ating mga katanungan.” napatigil si Tala at tumingin sa bawat isa, humugot ng malalim na hininga at muling nagsalita

“Ipagpatuloy ninyo ang ganitong mga pagtitipon, hindi na ako makadadalo sa mga susunod na araw, gagabayan kayo nila” at saka itinuro ang matatandang nag-aral sa kanya

“Saan po kayo pupunta” gulat na tanong ng isa

“Mahina na ang aking katawan at alam kong hindi na ako magtatagal” sagot ni Tala

“Subalit nariyan po ang magagaling na manggagamot, pagagalingan po nila kayo?” wika naman ng isa

“Hindi kayang gamutin ang hangganan ng ating katawan subalit ang mga aral na iniwan ay maaaring magtagal. Isabuhay ninyo ito at tungkulin nyong ibahagi sa iba. Ang mga aral na iyon ay siyang magiging gamot upang pawiin ang kalungkutan sa mahabang gabi, sa oras ng pag-aalinlangan at sa takot na bumabalot sa inyong isipan.”

“Naging gabay po namin kayo sa pagpapalaki sa aming mga anak at nagpapasalamat po kami” naluluhang wika ng isang ina

“Saan po ba napupunta ang isang taong namamatay?” mapangahas na tanong ng isang binata na agad namang ikinagalit ng isang matanda “Hindi pa mamatay si Tala”

“Ang kamatayan ay dapat harapin ng may kasiyahan at hindi dapat katakutan.Katawan lamang ang namamatay subalit ang ispiritu nitong pinagningas noong siya ay nabubuhay ay magiging kabahagi ng inyong ispiritu. Mananatili siya rito hanggang sa mapagpasyahan ninyong isabuhay ang kanyang aral. Ang salita ay ang ispiritu at ipasa nyo ito sa inyong mga anak at kaapu-apuhan.Doo’y makikita ninyong nagniningas ang ating pamayanan” pagpapaalala ni Tala.

Ilang sandali pa’y lumakas ang hangin at nabalot ng maitim na ulap ang buwan. Ipinasya nilang ipasok si Tala sa kanyang tahanan. Bumuhos ang malakas na ulang tila nagngangalit, walang maririnig kundi ang patak ng ulan at hambalos ng hangin. Sa tahanan ni Tala na sila nagpatila. Muling binalot ng ingay ang tahanang iyon ng makita nilang wala ng buhay si Tala. Waring tinangay ang kanyang buhay nang nag-aalimpuyong hangin. Isang mahabang gabi ng pagtangis, ang katahimikan ng gabi ay manaka-nakang binubulabog ng bawat paghikbi. Bago pa pumutok ang araw, inilibing na nila si Tala kung saan sila nagsisiga ng apoy tanda ng liwanag na binigay ni Tala.

Nang sumunod na gabi, gaya ng ipinangako ng matatanda na nag-aral kay Tala, sila naman ang nagsalita. Nagbigay-aral at sumagot sa mga tanong ng mga miyembro ng pamayanan. May mga bitbit din silang kwento. Naputol ang pag-aaral na iyon ng magsalita ang isang batang may napansin sa langit.

“May liwanag! May munting liwanag sa langit!”

Tumingala sila at naroon nga ang isang bagong liwanag sa langit

“Si Tala! Naroon si Tala! Ginagabayan tayo ni Tala” natutuwang nilang pahayag.

At sa bawat pagdaan ng panahon, bawat matatandang nag-iiwan ng aral, bawat magulang na gumagabay sa kanilang mga anak at mga gurong nagbabahagi ng salita, isa-isa silang nagiging Tala.

Pinaniniwalaan nilang mas maningas ang butil ng tala depende sa dami ng aral na kanyang nabahagi, mga  batang natuto at buhay na ginabayan. Ang kalawakan ng langit ang syang naging tahanan sa kabilang buhay. Kung kaya nga’t naging misyon nila ang maging gabay dito sa daigdig upang maging maningas na tala sa kabilang buhay.

Add to DeliciousAdd to DiggAdd to FaceBookAdd to Google BookmarkAdd to RedditAdd to StumbleUponAdd to TechnoratiAdd to Twitter