Feb 3 – Admirer

Si Joy. Very Charming, high school crush ng tropa. Student Council President din at Class Valedictorian.

Volunteer ako nun, sa isang relief operation na inorganize ng Student Council para sa mga nasalanta ng bagyo sa Bicol. May dala silang merienda, sabi nya “Kumain muna kayo.” sabay abot ng coke at yum burger. Nadampian ng daliri nya ang daliri ko. Yun ang closest encounter ko sa kanya. Aaminin ko, nakuryente ako, natulala at dinoble nya ang tibok ng puso ko. Mula noon, nagbago ang lahat. Mula sa pagiging nerd, lousy at dugyuting istudyante, natuto akong humarap sa salamin, nang matagal.

Kinilala ko ang sarili ko, inisip ko kung paano nya ko ulit mapapansin. Kung pwede ko lang hingin na magkaroon ng kalamidad para magpatawag ulit ng relief operation kaso hindi naman tama yun. Ang masakit, may kalamidad na nagaganap sa pagkatao ko. Gumuguho ako dahil hindi ko alam kung paano ako mapapalapit sa isang perfect lady. Ako na hindi gwapo, hindi katalinuhan, hindi mayaman, hindi kilala at hindi perfect man para sa isang perfect woman.

Nag Mascom ako, kahit Biology ang gusto kong kurso. For obvious reason, Mascom kasi ang kinuha ni Joy. Syempre gaya ng dinidikta ng telenobela, langit sya putik ako. Oo, putik ako sa paningin nya. Nag-iba si Joy, instant celebrity sya. Bida agad sa college, pasok sa mga VTR at  commercial model na.

Sa isang production nagkasama kami, nagkaroon ako ng pagkakataong masolo sya – kinakabisado nya ang linya nya habang ngumunguya ng biscuit, tumingin sya sa akin,  inalok nya ko at tinanong nya ako “Kumain ka na, late na ah kanina ka pa di ba?”

Nakuryente ako. Sa pangalawang pagkakataon ay naramdaman ko ang ganong kuryente.

“Alam mo ba na sa pagkain tayo unang nagkakilala. High School tayo ng inalok mo ko ng pagkain, sa relief operation. High School tayo.”

Ngumiti sya. Ngiting nagtataka, parang nagbibiro.

“Ano ba, ang daming relief operations ang ginawa ko noon at ang dami kong nameet. Hindi ko na maaalala yun.”

“Ah oo nga. Natuwa lang ako”

“Talagang naalala mo pa yun?”

“Oo” namumula kong sagot. Bumalik ang tingin nya sa script. Nafocus na naman sya.

Iyon na pala ang ikalawa at huling encounter namin. Sinubukan ko kasi syang i add sa facebook pero hanggang follow na lang pala dahil 5000 friends na sya at hindi na kayang magdagdag.

Minessage ko sya pero walang reply. Iniisip ko baka napunta sa Others ang message ko at hindi nya binubuksan yun since marami syang natatanggap na message – mga mensahe ng paghanga.

Humingi na ko ng tulong sa kaklase kong direktor. Sabi ko, bala pwedeng itanong kung kilala nya ako. Ginawa naman nya iyon.

“Pre, pasensya na, ‘wag na lang. ‘wag na lang sya.”

“Bakit naman, nakausap mo ba? Ano bang sabi nya.”

“Ngumiti lang sya.  Sabi niya, mas maaappreciate ka daw nya kung hindi mo sya kukulitin. Syensya na pre ha, pero tingin ko, wag na lang sya. Alam mo namang  mahirap abutin yun”

“Yun ba ang opinyon mo o yun ang sinabi niya”

“Gusto mong marinig ang totoo?”

“Ano ba ang totoo?”

“You’re not his type at ayaw daw nyang maging kind sayo para hindi ka na umaasa at gumawa pa ng move. Masakit syang magsalita pre. Bitch sya. Angel Face lang pero impaktita.”

Iyon na pala ang huli kong kuryente. Hindi ko rin natapos ang Maskom. 2 years lang. Hindi ko na naipagpatuloy ang pag-aaral. Napilitan akong tumayong ama-amahan sa mga kapatid ko, namatay kasi ang tatay ko at walanamang makuhang trabaho ang nanay ko.

Maaga akong pumasok sa trabaho, toxic dahil sabado. Maraming pupunta sa mall, maraming kakain dahil weekend. May birthday party pa na may 200 guests.

Pagkatapos kong sumayaw, masigabong palakpakan.

Maya-maya pa ay natulala ako, si Joy, kinalabit ako. Dinikit nya ang kanyang balikat sa dibdib ko. Nagselfie sya kasama ako. Nalusaw ako sa ganda ni Joy. Nakuryente ako sa ikatlong pagkakataon. Abot tenga at nangingilid ang luha habang nakaharap ako sa camera. Nilagay naman nya ang braso nya sa bewang ko at muling nagpakuha ng picture. Ang laki ng ngiti ko.

Inakbayan ko sya at natuwa sya, kinikilig at humingi pa ng sandali para magpaselfie. Tuwang-tuwa ako habang naririnig sa isip ko ang mga katagang yun…

“You’re not his type at ayaw daw nyang maging kind sayo para hindi ka na umaasa at gumawa pa ng move. Masakit syang magsalita pre. Bitch sya. Angel Face lang pero impaktita.”

Umalis na ko. May gagawin pa ako. Pagdating sa quarter, inalalayan na nila ako, hinubad ko na ang costume. Salamat Jollibee. Akala ko masarap maging mascot dahil marami kang batang mapasasaya, at hindi ko inakalang hihilumin nito ang puso kong sinaktan. Ibinalik nito ang kumpyansa ko sa sarili.

Tinanaw ko si Joy, pero hindi na bilang admirer, sa pagkakataong ito, bilang isang celebrity na hinangaan nya.