Paano umabot ng Trenta?

Isa na ata ito sa pinaka challenging na blog na gagawin ko, ang isa-isahin at ikwento ang aking lifeline. Syempre selective historian ako, pipiliin ko lang ang mga bagay na pwedeng ipost dito.
Challenging ang pagsusulat na ito dahil challenging din ang kabataan ko.
Narito ang 30 mahalagang natutunan ko sa buhay
1. Totoong the child is the father of the man.
Halos lahat ng ginagawa ko ngayon, natutunan ko noong bata ako. Natutunan kong maging maligalig, makulit at kengkoy sa maraming tao, pero natutunan ko ring dapat ay icing on cake lang yun, malalim ako at maraming alam, huwag ko lang ipapahalata. Ilabas lang kung kinakailangan para hindi mataas ang expectations.

2. Nature and Nurture
Na between nature or nurture, mas nature ang katigasan ng ulo ko. Pinaglihi ako sa yelo at balot. Imaginin mo kung gano katigas ang yelo na nginangata ng nanay ko at alam naman nating makunat ang bato ng balot, syempre eto rin daw ang dahilan kung bakit ako balbon. Isa pang proof na nature ang katigasan ng ulo ko – ayon sa birth certificate ko na ngayon ay kinocontest ng magulang ko, pinanganak ako na 10lbs!

3. Totoong ang buhay ay parang gulong, mamimili ka lang kung sa kariton ka, benz o gulong ng eroplano!
Buti nga at nakisama ang panahon, mabilis itong lumakad gaya ng hiling ko dati na sana ay makawala ako sa pagkabata, sa hirap ng buhay at sa mga bagay na hindi ko maintindihan dahil nga daw bata pa ako. Sa tingin ko, gulong ng eroplano ang pinili ko, ang dalas ko kasing magdaydream para takasan ang malubak at maputik na buhay.

4. Hindi totoong spare the rod and spoil the child
Kung nauso na ang bantay bata noong panahon ko, naipakulong ko na ang magulang ko.E pano naman kasi, ilang beses akong nagising sa hampas ng hose at palo dahil tanghali na ay nasa bahay pa ko. Galing kasi ako sa malaking pamilya at hindi kami lumaking senyorito at senyorita, walo kaming magkakapatid na sabay-sabay nag-aaral. Ang babaunin namin sa araw na iyon ay kailangang kitain namin. Kung merong pamilya na nakakaintindi sa isang kahig isang tuka – kami yun. Sa madaling salita, katulong kami sa trabaho ng magulang namin. Nabuhay kami sa pagpapaigib ng tubig. May poso kami, at dahil panahon noon na wala pang nawasa (MWSS o Maynilad), sa amin umiigib ang mga tao. Hindi madaling trabaho ito, kailangan kong maglakad sa riles papunta sa igiban. Nagagalit ang tatay ko noon dahil ang bagal ko daw bumangon at maglakad. Ngayon ko naiisip na kasi nga, bata ako at maliit ang mga hakbang ko, pero kung ngayon ko lalakarin iyon, siguro ay kaya ng bente minutos. Pero hindi rin ang paglalakad ang isyu ko noon kundi ang init ng araw at mga pang bubully ng mga bata sa daan.

5. The difference between signature and statement
Wala kaming signature clothing. In fact, ang damit ng kuya ko, aabot sa akin! Ang uniform ng kuya ko, papalitan ko lang ng patch. At ang underwear ng kuya ko, susulsihan lang ang garter ng nanay ko, pero dahil maarte ako, – hindi ko isusuot yun. Hindi nabaleng walang underwear – ang tawag ko dun STATEMENT!

6. the most special occasion is sometimes your worst

Naaalala ko rin na tatlong magkakasunod na taon na binati ako ng palo noong birthday ko. Malay nga naman ng tatay ko na birthday ko, ang naaalala niya lang na petsa ay petsa de peligro ng enrolment at bayarin sa meralco. June 27 kasi ako, bukod sa katapusan e napupunta ang panghanda sa enrolment! Salamat Lord, ang galing mong pumili ng araw! Itinakda mo ako sa araw na hindi magiging dahilan ng gastos sa paghanda ng magulang ko, madalas, maghanda man kami ay walang pupunta, tag-ulan na kasi!

7. God’s creation is tried and tested. Dumaan sa matinding quality control.
Matigas ang ulo ko – sobra at aminado ako doon. Pag naiinis ang mga kapatid ko at magulang ko – wagi ako. Sabi ng nanay ko, hindi bababa sa sampung beses na nahulog ako sa kama noong baby pa ko, isang beses sa bintana at 3 beses sa hagdan. Yung pang apat ay napuruhan at naospital dahil tumama ako sa batya at nahiwa ang pisngi ko – kaya nga hindi lang halata, pansinin nyo sa mga picture ko na isa lang ang anggulo ko – scarface kasi ako! May hiwa ang ibaba ng kanang mata ko! Proof lang na sadyang matigas ang ulo ko.

8. Its not always about IQ, sometimes its about EQ (ek ek quotient)
Isa pa sa challenge noon ay ang magkaroon ng mga kapatid na sobrang talino. Hala, wala silang pinag-uusapan kundi mga science terms kaya nga halos lahat sila na linya sa science. May nurse, dentist, pharmacist, tatlong veterinarian, yung isa computer engineer at ako TEACHER! Halos lahat din sila ay laging nasa honor list – ako pang horror! Sila magtatapos ng first honor o kaya second honor, ako naman pang non-academic awards! Binawi ko na lang sa kunwa’y kabaitan ko. Syempre, kung hindi ka na nga masyadong matalino tapos magulo ka pa sa klase sobrang redundant ko na –kaya binawi ko sa most behave, most industrious at best in religion!

9. M. I.S. is not about Multiple Intelligence System, its May Ibig Sabihin (kung bakit nga aanga-anga)
Tinigilan ko na ang pag-aasam ng award-award na yan, buti na lang umattend ako sa seminar ni Henry Tenederos nung highschool pa ako tungkol sa Multiple Intelligence at nalaman ko na matalino rin ako kasi mahilig ako sa pagkanta (music), mahilig akong maglakwatsa (spatial) at mahilig akong tumulala at magdaydream (intra)!

10. In theory, you need to present proof to make it a sound principle. Ang proof ko sa 7 and 8 ay ito :
4th year high school lumagapak ang grade ko. Doon ko naranasan na magkaroon ng 76! Wala kasi akong ginawa kundi magsulat ng magsulat. Hilig ko na kasi ang pagsusulat noon at wala na rin ako ng paki dahil alam ko na gagraduate ako kahit pasang awa and take note – nakalinya pa rin ako sa awardees, Best in Values Education!

11. Time is Gold, Manila City Hall time is old
Psychology dapat ang course ko na kukunin kaso wala palang clinical psychology sa Phil Normal University, magtetake sana ako ng AB Psychology kaso late ako ng 5 mins sa exam day dahil sinunod ko ang orasan ng City Hall. Kaya ayun, hindi ako pinayagan mag take ng exam – in short good bye Psychology at welcome Values Education!

12.Time is not about the number of minutes nor seconds, its about the existence given to spend life.
Ironic ang buhay. Kumuha ako ng Values Ed kasabay ng paniniwala ko na walang Diyos. Bigla akong naging Atheist at makalipas ang tatlong taon – bago gumaradweyrt ng VE ay Agnostic na ako. In fairness, nahila nila ako bahagya. Naging malaya akong mag-isip, pag-aralan ang buhay, unawain ang sarili at lasapin ang kalayaan.

13. If you reach your goal, set a higher one.
Nag excel naman ako sa course na iyon, nung nararamdaman ko na na gagraduate ako – Cum Laude, sinabi ko agad sa tatay ko at ang sabi niya, dapat lang education na nga lang ang course mo – Values Ed pa! Kabog! Pero good bye sa mga drama sa buhay dahil wala namang magagawa iyon kaya okay na rin – martsa, chin up and proud dahil PNU Grad ako.

14. Use your charm then your harm
Pagkagraduate – walang trabaho dahil bago na ang curriculum – Makabayan curriculum. Hindi na separate subject ang Values Ed noon, kaya walang opening for VE` teachers, meron Religion teacher or christian living na ayoko naman. Kaya naman walang nagawa ng diploma ko, pero ang charm ko – marami! Kaya ayos na rin dahil marami naman palang work na pwedeng pasukan.

15. May pera sa basura, pero mas malaki ang pera ng mga kontratista
Mula sa Academe at NGO work ay nagshift din ako at napunta sa corporate work. Apat na taon na ako sa real estate. Kumuha ng lisensya kaya ngayon ay licensed broker.

16. Share your blessings. Be generous to others.
Sa buhay ko ring ito, apat na beses na nadukutan at nahold up at tumigil lang sa Blue rhino na nabili ko sa Binodo.

17. The unexamined life is not worth living.
Mababaw rin lang ako, madali lang mapasaya. May kasama o wala, masaya ako. Kung maingay, makulit at bumabangka sa harap ng maraming tao, mas maingay ang loob ko pag nag-iisa. Masaya akong nag-iisa. Masaya ako sa mga naiisip, narerealize, nadidiskubre at nakikita ko.

18. we are all special and gifted, its up to us if we will unfold the package
Hindi ito sikreto sa mga nakakakilala sa akin, pero sabi nga, may kaweirduhan din ako. Ilang taon ko ring sinubukang mag interpret ng mga nakikita ko sa ibang tao. Hindi ko alam kung pagkakataon pero may kaunti akong nalalaman at kakayahan na makita ang maaaring mangyari. Weird di ba? Kahit ako nawiweirduhan kung paanong tumatama ang mga nakikita ko at naiinterpret, ayon sa ibang tao. Pero hindi ko na rin ito madalas ginagawa dahil unti-unti parang napapansin ko na habang nakikita ko at naiinterpret ang future, nawawala naman ang memory ko. Nitong nakaraang taon – nagkaroon ako ng memory loss. Kasama na ng pagkasira ng mga bagay na importante sa akin gaya ng mga memoribilia, scrap book at mga kwento, tula at nobelang naisulat ko noong araw na inanay na at tuluyang nasira nang hindi ko man lang nadocument ng maayos. Kaya ngayon paalam muna sa panghuhula. Wala rin naman akong pangarap na magkaroon ng kubol sa isang karnibal.

19. Trust your instinct
Paminsan-minsan nakakaramdam at nakakakita pero dedma na rin, sa kin na lang. Pero most of the time din, may mensahe ang mga ito na nakakatulong sa akin.

20. Learn from Madonna
Marami akong naging… naging teacher, community organizer, courseware developer, trainer, officer, broker, blogger at kulang na lang ay faith healer! Hindi ka malalaos kung marunong kang mag reinvent. Kailangang imarket ang sarili, kailangang mag evolve at kailangang hindi takot – magmahal. (ipilit ba?).

21. Parents will always be the best motivator. Mama says, Papa says (Read between the lines!)
Pag sinabi ng magulang mo na kayang kaya mo yan, kabahan ka! Dahil kung alam nilang kaya mo talaga, ang sasabihin nila ay “Ang dali-dali niyan hindi mo magawa, sayang lang ang pinapag-aral namin sayo!” Iritable ang magulang sa mga anak tatamad-tamad pero kabado sa mga anak na tatanga-tanga!
Pansin mo bang walang magaling sa pamilya kundi ang magulang? Kung hindi man nila binida ang sarili nila, asahan mong ibibida nila ang kapatid mo!

22. Your wallet tells your age
Nagkaroon ako ng id ng Super Kids Club, ng Sustagen Club, Mc Donalds, school id, at library id. Ngayon, may company ID, SSS, TIN , SM advantage, National Bookstore, Powerbooks, HMO, Swirl Card, pero I swear wala naman akong suki card, senior citizen at quiet card. Don’t tell me hindi mo alam ang quiet card? Sssshhhhhhh PLASTIK!

23. We are like trees
Minsan dinorowing ako ni Mandy, ang 5-year old niece ko. Nang ipakita nya ang drawing, nagulat ako na may tatlong linya ito sa noo!

Relax Blue, mindeset lang yan, naisip ko, ang age ng puno malalaman mo pag pinutol mo siya. May ring sa loob! Since 30 na ako, may 3 lines din sa noo!
Infairness, I’m in oneness with nature!

24. Potion of Good Relationship
Ito ang proseso sa pagpapaamo sa katrabaho
1. bumili ng kandilang pula, iukit sa katawan ng kandila ang pangalan niya, kumuha ng larawan niya, kung wala ay kahit buhok o kukong ginupit, tapos ay patakan ng kandila, dasalan ng orakulo, gawin ng 7 araw na magkakasunod, itabi sa altar, bago matulog ay dasalan, ibulong ang hiling ng mabuting pagkakaibigan; o kaya naman
2. pumasok ng maaga at tanungin kung anong balita sa SNN o kaya naman ay sa PEP.PH, simulan ang tsismisan para sa pagsasamahang kay ganda!

25. No Label Affair
Maraming klase ng relasyon. May relasyon na para sa paggimik (gimik buddy), relasyong walang katiyakan (its complicated), relasyon ng mga kaluluwa (soulmate), relasyon sa kama (f*ck buddy), relasyon na madalian (quickie?), relasyong pinapatatag ng pag-aaway ( masochist meets sadist), relasyong hindi pinag-uusapan (MU – Mutual Understanding, o May Umiiwas), relasyong parang walang relasyon (no commitment relationship, in short non-exclusive, no contract, ) at relasyong hindi niya alam (ilusyon!).
Para sa mga babae, tandaan palagi! Ang sakit ng mga single at 30 ay too much pressure. Habang nagkakaedad ay dapat nagbabago ka na ng criteria, lower your standards ika nga and of course be practical! Kung maghahanap ka pa ng gwapo, malamang nasa dance floor pa yan, o kaya naman tumatambay sa facebook, o kaya naman below sea level ang IQ. Endangered specie na ang kalalakihan lalo pa’t ang dami ng lalaking nahihilig na rin sa kapwa lalaki.
Pag single ang babaeng nasa edad trenta, career woman! Ang lalaking nasa edad trenta, nagbubuhay-binata Pag single pa rin ang babaeng umabot ng kwarenta, malalim na ang pananampalataya, kung single ang lalaki’t umabot ng kwarenta – bakla!

26. Live now. Not Tomorrow
Nakailang balik ako sa ospital nitong nakalipas na dalawang taon para sa kung anu-anong check up; check up sa tyan, check up sa utak , check up sa pagkirot ng puso, check up sa pagsakit ng mga buto, check up sa dugo, check up sa liver at sa huli ay iisa ang dahilan – STRESS. Ito nap ala ang pinakamalalang sakit ngayon – ang stress. Releated daw ito sa lifestyle disease
Konting kibot – Kapa. Ito ang panahong wala tayong katiwa-tiwala sa kakayahan ng katawan nating magsurvive! Ironic di ba, kung paanong napaka advance ng technology at napakaraming paraan para masugpo ang sakit ay siya namang pag aaalala natin at pagtangkilik sa mga supplements, organic and health products!
Ang pera ay napupunta sa supplement sa HMO at sa insurance!
Panahong gusto nating mabuhay ng matagal at nagbabakasakaling mabili ang bukas, madagdagan ng isang araw o dagdag panahon.
Ang totoo, walang assurance ang buhay. Ang hawak mo lang ay yung ngayon. Kung isusugal at gagamitin mo pa sa pag aalala para bukas, nawalan ka na ng ngayon! Nawalan ka ng isang araw ng buhay mo.

27. Remember your friends, reunite with your foes
Maikli lang ang buhay at lalong iikli ito kung marami kang kaaway! At kelan ka makikipagbati, pag mamamatay ka na? Hayop lang ang may kaaway, kung hayop ka, ako hindi. Totoong parehong may isip at puso ang tao at hayop, pero ang tao kayang bigyang kahulugan ang sinasabi ng isip at nararamdaman ng puso – hindi lang judgement kundi justice. Hindi ito tungkol sa laws kundi tungkol ito sa greater love. Ma-etchos na, tama na!

28. Ikaw ang moviestar, star ng buhay ko….
Fan ako ng TGIS! Admittedly, sinubaybayan ko sila twing sabado, bumili ako ng cassette tape ng soundtrack at napanood ko ang movies nila!
May taong tiyak na inistorbo mo, hinangaan at inistalk. Nakakahiya mang sabihin, pero nagcause ka ng abala sa iba, yun bang hindi na sila kumportable sa yo dahil ang kulit mo – ikaw naman, humahanga lang.
Gaya ng soap opera na pinapanood mo, kung paanong humahanga ang isang fan sa kanyang idol at sa h uli ay makikilala niya na ang idol niya ay naiirita at naiinis sa kanya, isusumpa mo sa sarili mo, na minsan, maoovercome mo ang araw na iyon, mareredeem mo ang sarili mo at malalagpasan mo pa siya. Kung naiintindihan mo ang sinasabi ko – stop the crap! Anong kaartehan yan! Tigilan ang panonood ng telenovela.
Identity Crisis. Kailangan mo ng matibay na self-concept. Ano ka, ano ang pagkilala mo sa sarili. Mahirap din ang high school life di ba, – ang adolescent period. building of image at pag stabilize ng social roles.
Pero matatapos din ang lahat ng iyon at pagnangyari yun, mapapakanta ka ng spread your wings and prepare to fly, for you have become a butterfly!

29. Back to Basic
Nang magpasya akong mag mobile phone, polyphonic ang binili ko, tapos pinalitan ko ng colored, naging with mp3, nagkaroon ng camera, naging tatlo ang phone, at nagpalinya sa tatlong service provider – hanggang sa bumalik sa basic phone at naging 1 na lang ang linya ko.
Ang dami kong mga naipon na memorabilia; may stamp, receipt, letters, stampita pictures at kung anu-ano pa. Tapos magsasawa ako at hindi ko rin masusustain ang maintenance ng hobby na to.
Madali kasi akong magsawa. Madali sa kin ang mahilig sa isang bagay, sagad-sagad parang walang bukas tapos magigising na lang na ayoko na.
Makailang ulit ako nahihilig at nagiging biktima sa pag a upgrade, tapos babalik ako sa basic – sa true substance and function.
Sa dami ng gusto kong itreasure, sa dami ng gusto kong ikwento, minsan dumadami ang bagahe ko. Pati email at phone inbox napupuno. Pero nagigising din ako na madalas, delete all o account deactivate.
Masarap ding maglakad ng walang bitbit.

and lastly

30. Make your brand
Changed name. Nagtaka ang college prof ko kung bakit after ng semester ay hindi niya makita ang pangalan ko sa class registration para sa grade ko. Hindi nya alam na hindi talaga Blue ang pangalan ko.
Ako lang ang nagpalit nun, first year college na ako nang nagpalit ng pangalan, nang ginamit ang palayaw na ito. Masarap ang pakiramdam na tinatawag ka sa pangalan na pinili mo.
Katulad ng sinabi ko, kailangan ng reinvention. Hindi naman change identity pero change personality. Kailangang marunong kang magmarket ng sarili.

Tatlong Dekada.
Isang dekada ng pag-aaral at pagbuo ng pagkatao, isang dekada ng pagsubok at paghahanap ng sarili at isang dekada ng paglinang ng kakayahan.

Eto yung panahon na alam ko na kung ano ang gusto ko, na may trabaho para sa akin, na hindi ako takot kung ano ang maaaring mangyari – panatag ang isip at in control.

Panahon na nakahanap ng mga kaibigan na alam mong totoo at laging andyan, pamilya na nagtitiwala at nagtyatyaga sayo, mas lalong bihira ang magkaroon ng trabaho na pinapahalagahan ka at inaalagaan, kaya laking pasasalamat ko na inabot ko ang panahong ito na andyan sila lahat.
Sa nalalabing oras o panahon na natitra sa akin, i am committing to make it more colorful, fun, full of life and worthy of living.

Moving forward. Kung ako ang tatanungin, priority ko ang pagtravel, kung kinakailangan kong magtrabaho sa airline industry (naks parang papasa) o sa cruise ship why not! Gusto kong makita ang ganda ng mundo. Gusto ko ring mag-aral ng photography, magshowbiz (charing! Sasali ako sa PBB at dahil dun, ipapaban na ng MTRCB ang programang ito) at magsulat pa ng magsulat.

Hindi ko kayang pasalamatan isa-isa ang lahat ng taong andyan palagi, kaya wish ko na lang sa maging masaya at biyayaan din ang lahat ng taong tumulong, nagmahal at nariyan sa loob ng 30 taon ng buhay ko.
Sa mga kaibigan, katrabaho, kapamilya, kaklase at kablog, maraming-maraming salamat sa inyong lahat.

Promote ko ulit :

Para sa nais sumali at nais magsponsor, malapit na ang saranggola blog awards : www.saranggolablogawards.com

Sa mga gustong tumambay at magbasa lang, puntahan ang aking bagong blog: online nobela sa www.onlinenobela.com

At sa mga may gustong malaman pa at magtanong sa akin, dito nyo ibato ang inyong mga katanungan www.formspring.me/bernardumali

Advertisements

Buknoy

Si Buknoy. Mala-alikabok na lumulutang-lutang, magaan na magaan, namamasyal sa kalawakan.Hindi niya alam kung saan siya galing at kung ano ang kanyang mararating, gaya lamang siya ng bilyung-bilyong alikabok sa kalawakan. Walang nakakaalam kung  ano siya, at dahil wala siyang pagkakakilanlan, hindi alam kung paano siya titimbangin. Wala siyang bigat para ibilang. Masyado naman siyang maliit para sukatin, wala siyang halaga. Napakaordinaryo, ni hindi matawag na nilalang.

Sa kanyang paglutang-lutang, nagawi siya sa isang maliwanag, kabigha-bighaning pangitain, isang bolang may tubig at lupang napupuno ng hardin. Nanlaki ang kanyang paningin… Daigdig! Magpatuloy sa pagbasa