Kodak Moments

Mamaya, titingnan ko ang paglubog ng araw at magpapaalam – para sa taong 2010.

Nakailang-tanaw din ako sa paglubog ng araw.  Perfect!

Alam mo kung ano ang perfect dun?

Yung sandali na inaabangan mo siya – bilog na bilog, mapula at dahan-dahang lumulubog hanggang sa tuluyang maglaho. Iyon ang perpektong sandali.

Hindi ka makakurap,  naririnig mo ang tibok ng dibdib at halos walang nagsasalita maliban sa musikang iyong naririnig dyan sa isip mo.

At paglubog ng araw, ang tila nakahintong mga tao, sasakyan o maging oras ay muling gagalaw.

Panibagong araw na naman, panibagong taon.

Siguro isang guhit sa noo ang madadagdag, o kaya dagdag timbang.

 

Dati pag magbabagong taon, ang hiling ko, sana magkaroon ng perfect job, perfect love, perfect friends at perfect life.

Kaso ni isa walang nangyari. Hindi perpekto ang buhay.

Pero kahit ganun, masaya pa rin. Gumigising pa rin ng nakangiti. May halakhak na naririnig. May kinang ang mata, may dahilan para mabuhay at mamangha.

Kasi sa bawat imperfection, may mga taong andyan palagi. May surprises, handang makinig, nakikikulit, nakikitawa at nakikiyak kahit sa sinehan.

Hindi rin perfect ang buhay nila.

Hindi na rin nila hinahanap ang perfection, masaya sila at naniniwala na hindi kailangang maging perpekto ang mundo para mabuhay at maging masaya.

Dahil kapag kasama mo sila, parang perpekto na rin ang bawat sandali.

Yun ang dahilan kung bakit sila andyan.

Bukas tuloy pa rin ang buhay,

para sa mga hindi perpektong gaya ko.

Gawin nating makabuluhan ang panibagong taon!

Advertisements