Ang A B C D ni Nanay at Tatay

Walo kaming magkakapatid at ni isa, walang nagpre-school.  Hindi ko na naabutan yung panahon na pwede ka ng mag grade 1 kung kaya mo ng abutin ng kanang kamay ang kaliwang tenga mo. Kasi naaalala ko, para makapasok ng grade 1, dapat ay kaya mo ng isulat ang alphabet at ang  pangalan mo.

Totoo nga, napaka importante ang pangalan, unang araw ko kasi sa grade 1, iyak ako ng iyak, hindi ko naiintindihan ang mga pinaggagagawa namin. Gusto ko ng umuwi at for the first time, gusto ko ng matulog sa tanghali. Uuwi ako at matutulog na lang kahit dati ay ayaw ko.  Sabi ng teacher namin, ang unang pauuwiin ay yung makakasulat ng buong pangalan at apelyido sa papel – back to back. Agad akong nagpasa pero sabi ni teacher, back to back daw, hindi ko naiintindihan ang ibig sabihin ng back to back kaya pinaliwanag ni ma’am, namilog ang mata ko at halos lumubo ang sipon ko sa pagpipigil sa nagbabadyang pag agos ng luha.  Pagbalik sa upuan upang muling isulat ang pangalan ko, nanginginig ang kamay ko, nakita ng kaklase ko na hindi ko kaya, kaya sya na ang gumawa nun para sa akin. Kung hindi ako nagkakamali Melchor ata ang pangalan nun, matangkad at magtetake ng acceleration exam para maging grade 4. Sya ang unang anghel sa buhay- paaralan ko. Mula noon, naintindihan ko ang kahalagahan ng pangalan! Ang ikalawang anghel ay si Aling Maria, ang naghahatid sa akin sa paaralan. Sa huling subject at mag uuwian na, mula sa bintana ay iaabot nya sa akin ang papel na may pangalan ko – back to back, sulat iyon ng nanay ko!

Smart Kid daw ako. Kaya nga laking pagtataka ng lahat nung maging iyakin ako sa school. Hindi pala ako ready. Gayunman, looking back, hindi man ako naging handa sa elementary days ko, naging handa naman ako sa totoong buhay. Dahil iyon sa A B C D na tinuro ng magulang ko.

Magpatuloy sa pagbasa

Advertisements