Ako naman ang magsusulat…

Habang kasalukuyang ginigisa ng mga hurado ang mga Maikling Kwento, Tula at Kwentong Pambata ng mga kalahok sa Saranggola Blog Awards 2, may oras na akong magsulat.

Klap! Klap! Klap!

Kanina sa meeting, tumayo ako saglit at iniwan ang aking notebook, pagbalik ko, tinanong ako ng kameeting ko kung nais kong maging doktor. Sinuklian ko siya ng tawa.

Sadyang hindi maganda ang sulat ko maliban sa pirma ko.

Ngayon, sa pagitan ng pagsusulat at pagkukwento, mas gusto ko ng magkwento na lamang. Lahat ng dahilan ay naiisip ng kamay ko pag magsusulat na siya; naroong nangangawit ito o kaya naman ay nanginginig.

Naaalala ko pa noong Grade 1 ako at pinasulat kami sa papel ng aming pangalan. Dapat punuin namin iyon – harap at likod, bago kami payagang makauwi. Hindi ako nag kinder kaya hirap na hirap ako. Hindi ko rin makuha ang logic ng pagsusulat ng pangalan sa isang buong papel. Siguro para bata pa lang ay makilala ko na ang sarili ko. Paiyak na ko noon nang mag-abot ng tulong ang kaklase ko na siya na ang magsusulat para sa akin, napansin niya atang naluluha na ako sa activity na yun.

Grade 2 naman kami nag cursive writing, nagustuhan ko ito. Mas mabilis pala pag kabit-kabit at hindi na ako tumigil noon sa pagsusulat.

Naging aktibo ako sa klase. Ako ang unang sumisigaw ng “Finish” sa t’wing matatapos akong magsulat. 4th year High School na ata akong tumigil sa pagsigaw ng “Finish”.

Ang ballpen ko noon, laging finish din. Tuwang-tuwa ako pag nauubos ko ang tinta. Pag nauubos kasi, kinukuha iyon ng pinsan ko, pwede daw palitan iyon ng bago basta isauli lang ang basyo – Panda at Kilometriko ang ballpen ko noon.

Ilang kilometro na kaya ang narating ko sa haba ng mga letrang naisulat at pinagkabit-kabit, malayo na nga – hindi lang sa layo ng lugar kundi sa haba ng panahon na nabuhay ako. Tama nga naman sila sa sinabi nilang malayo ang mararating mo kung marunong kang magbasa at magsulat.

Hindi ko alam kung ano ang naging kasalanan ko kaya’t minarapat ng Diyos na magturo ako sa elementary at pahawakin ng mga makukulit na istudyante. Nagturo rin ako ng cursive writing.  Dalawang taon lang iyon, umayaw na ako at sign na siguro na magresign nang masabihan ako ng Grade 2 student ko na ginagaya niya lang ang sulat ko nang minsang pagsabihan ko ito na ayusin ang pagsusulat. Minsan rin nila akong sinita kung bakit daw kami nagsusulat sa hangin. Hilig ko kasi noon na pasulatin sila ng cursive sa hangin, gaya ng natutunan ko noong elementary ako. Ewan ko ba, ang sarap ng pakiramdam kapag sabay-sabay kayong nagsusulat sa hangin.Parang mas natututo, sama-sama at nagkakaisa kayo sa pagsusulat.

Hanggang sa namalayan ko na lang na ang gawaing iyon ay nangyayari ngayon.

Ang pagsusulat sa hangin – sa virtual world, sa lumulutang at malawak na espasyo ng internet.

Dito, sama-sama tayong nagsusulat, nagkukwento at nagbabahagi ng ating mga karanasan at natututunan.

Nagkakaisa tayo – gaya ng 52 bloggers na nakiisa sa pagsulat ng maikling kwento, tula at kwentong pambata. Sa lahat ng sumali at patuloy na sumusuporta sa Saranggola Blog Awards Year 2, ngayon palang ay nais kong iparating ang aking taos-pusong pasasalamat. Ngayon, mayroon na tayong walumpong (80) bagong mga akda, lumilipad gaya ng saranggola sa kalawakan ng internet.

—-

Maraming-maraming salamat sa lahat ng mga bagong manunulat! Klap! Klap! Klap!

lipadlaya. siyetehan. r. mysterio. eloiski . 2rivers. bevs. spagetisows. katrinadanieles.The_empr3ss. batang istik. livingstain. maskara. forbiddenlei. aboynamedxander. jasonhamster. punlaangpanulat. iheartf. fielsvd. princessnins. kwentotpaniniwalanihitokirihoshi. goyo. metaporista. andee. dahnjacob. tuyongtintangbolpen. cuteberl. toyangxcorebatangmangyan. batanglate. thysecretgarden. salbehe. machongbutiki. zyramae. tuwatula. paulpruel. anakngpiso. mispah. foobarph. pengengbente. tsiremo. row3na. lostpiratekeko. blurosebluguy. duking. arsean. taribong. stilssdd. bonistation. ryanjay. mariaespie. purpledribbledlife. topexpress.

Saranggola Blog Awards 2010

Buknoy

Si Buknoy. Mala-alikabok na lumulutang-lutang, magaan na magaan, namamasyal sa kalawakan.Hindi niya alam kung saan siya galing at kung ano ang kanyang mararating, gaya lamang siya ng bilyung-bilyong alikabok sa kalawakan. Walang nakakaalam kung  ano siya, at dahil wala siyang pagkakakilanlan, hindi alam kung paano siya titimbangin. Wala siyang bigat para ibilang. Masyado naman siyang maliit para sukatin, wala siyang halaga. Napakaordinaryo, ni hindi matawag na nilalang.

Sa kanyang paglutang-lutang, nagawi siya sa isang maliwanag, kabigha-bighaning pangitain, isang bolang may tubig at lupang napupuno ng hardin. Nanlaki ang kanyang paningin… Daigdig! Magpatuloy sa pagbasa

years after…

Nakausap kita, nangangamusta. Binalita mo na okay ka na. Nakamove on na.Kinalimutan mo na siya. Natatawa ka pa nga. Sinasabi mong mabuti at wala na kayo. Nalulungkot ka sa nangyayari sa kanya pero wala ka ng magagawa. Nagkanya-kanya na kayo at nagpapasalamat ka sa Diyos dahil ginising ka niya. Iyon ang sinabi mo. Magpatuloy sa pagbasa

Paghihintay (Part 2)

Dear Lord,

Naniniwala ako na wala kang creation na panget, at dahil ako ay isa sa mga creation nyo, hindi ako panget. Magaling ka rin sa art, laging may balance; kung may araw,  may buwan, may langit at may lupa, ang  kutsara may tinidor pero bakit ako walang katinidor? Magpatuloy sa pagbasa

101 Ways to Kill Boredom

1.      Wag ngatngatin ang kuko, instead kulayan na lang. lagyan ng glitters o kaya ay lagyan ng tattoo!

2.      Tumawag sa radio station, makigulo, makibati at maki- can I pass the phone. Hintaying mapikon ang DJ sa haba ng babatiin mo.

3.      Kung ang wrists watch mo ay nasa kanan, ilipat mo sa kaliwa.

4.      Magpagupit ng buhok. Pwede ring pakulayan, i-rebond, pakulot, pa-istraight… bahala ka na sa style. Kung kinakailangang mag wig, why not!? O kaya magpakalbo. Magpatuloy sa pagbasa

Soon To Rise

Kelan ka pa dumating?

Anong kelan ka pa dumating? ikaw ang kelan pa dumating, nagkita-kita na kami, hindi ka macontact

Nasa Pilipinas ako, ikaw, anong nagtulak sa’yo at nagbakasyon ka dito sa’tin. Hows US?

Ayun, itim na ang presidente, e dito ba?

Ayun hindi na lumaki ang presidente

Sobra ka naman, love your own

Utot mo. Hindi na rin. Magpatuloy sa pagbasa

No Overspeeding

(sa mga naghahanap ng karugtong ng Don’t Drink and Drive, narito ang kasunod. Patnubay ng Magulang ay Kailangan)

Hey how are you? Hows your date?

Date?

Yep, your valentines date?

Hmmm didn’t I tell you that I am suffering from selective amnesia?

You mean?

I choose what to forget. Magpatuloy sa pagbasa

Akasya

Ngayong umaga, bitbit ko ang lagaring kahoy at hagdan upang akyatin ang malaking puno  ng akasya. Sa laki nito ay kinakailangan ng putulin ang sanga upang hindi makaabala sa paglago ng katabing puno.

Ano ang gagawin mo sa akin? Tanong ng Akasya

Kailangan ko ng tagpasin ang iyong sanga, sa gayo’y hindi nito masasanggi at mahahadlangan ang nakatakdang paglago ng katabi mong puno. Magpatuloy sa pagbasa

Sulat sa Mahal ko na nasa Ibang Bansa

Huwag mong pigilan ang pagluha. Hayaan mo siyang tumulo, tingnan mong tumutulo ang luha ko nang maiwan sa alaala mo ang sakit ng desisyon natin. Gusto kong maisip mo palagi na may iniwan ka rito, nasaktan sa desisyon natin at umaasa sa matiwasay mong pagbabalik.

Kung nahohomesick ka, ibuntunghininga mo lang, pasasaan ba’t matatapos rin ang araw, iikot ang panahon at makahahanap tayo ng pagkakataon na magkitang muli. Uuwi ka di ba? Sa akin – sa piling ko? Magpatuloy sa pagbasa

Tahan na

Doon siya lumaki, natuto at nagdalaga. Bagamat nakaranas mangibang bansa, umuwi siya sa tahanang kanyang kinalakihan. Malawak, maaliwalas, mababakas ang kasaganaan. Payak na bahay ngunit nakaririwasa sa pamumuhay. Sa tokador makikita ang mga larawan, kuha ng paglaki at ng mga magagandang alaala – tanda ng mahusay na pagpanday sa buhay. Hindi nagkulang ang kanyang magulang sa pagpapalaki, sa pagpapangaral, sa pagpapaliwanag kung paanong lumaban, makipagtunggali at mahalin ang buhay. Magpatuloy sa pagbasa

Itim na Lobo

Sa harap ng simbahan, isang batang ayta ang nakatingin sa bawat batang naglalakad kasama ng kanilang mga magulang. Nagkalat roon ang mga nagtitinda ng mga sorbetes, manyika at lobo. Upang makakuha ng atensyon ang nagtitinda ng lobo na may iba’t-ibang kulay, nagpapalipad ito ng lobo, sa gayon ay nasisiyahan ang mga bata at pinipilit ang kanilang magulang na bumili. Magpatuloy sa pagbasa

halik

Simpleng aral ang tinuro sa akin, ang halik sa kamay, tanda raw ng paggalang. Kapag sa noo, pagkalinga naman. Kung sa pisngi, magkapalagayang-loob na kayo, sa madaling salita, itinuturing mo na siyang hindi iba. Pero ang halik sa labi, hindi daw maaaring kung kani-kanino lang. Dapat ay para sa mahal mo lang.

Habang nagbibinata, iniisip ko na makapangyarihan ang halik. Sagrado ito. Nakikilala nito ang wagas na pag-ibig. Gaya ng kwento, ang palaka ay nagiging prinsipe kung wagas ang pag-iibigan. Ito kahulugan ng halik sa labi. Magpatuloy sa pagbasa

Bangkang Papel

Sa tuwing uulan, sa halip na matulog upang namnamin ang lamig ng paligid, kasabay ng paghehele ng tigatik ng ulang tila uyaying mabilis magpahimbing, agad akong tatakbo kay itay.

Pupunit siya ng kaputol na piraso ng dyaryo, tutupiin hanggang sa magpantay ang bawat gilid. Tiklop, tupi, tiklop tupi at sa isang iglap, mayroon na akong bangkang papel. Magpatuloy sa pagbasa

Sa Muling Pagkikita

Siguro nung pinanganak ka, umuulan. Kasi nung ako naman ang iniluwal, tirik na tirik ang araw. Mahilig ako sa gulay at puro karne ang paborito mong ulam. Simple lang ako, maporma ka. Imposibleng magkasundo tayo.

Sa simula pa lang, ramdam ko ng ayaw mo sa’kin. May isang bakanteng upuan sa tabi ko pero mas pinili mong sa likod maupo, nilagpasan mo ako. E’ ano, hindi ka kagwapuhan. Nagkataon lang na magaling kang manamit. Magpatuloy sa pagbasa

REUNION 2024

Kanina ko pa sila hinihintay. Ang sabi, ngayon daw ang class reunion e’ bakit kaya ang tagal nila? Ang sabi dito sa imbitasyon ay ngayon kami dapat magkikita-kita. Ito talagang Grade 6 – St. Michael. Ang bagal kumilos at ako pa ang pinaghintay. Sabagay, nararanasan ko naman ito araw-araw habang pinaghihintay nila ako sa 4th floor at sila naman ay nagkukumahog lunukin ang kahuli-hulihang pagkaing isusubo sa recess. Matapos mabilad sa araw ay papasok sa klase kong ang dudungis at nagkakalat ng masangsang na amoy; amoy-araw ika nga. Kulob pa man din ang kwarto kaya kahit anong lakas ng electric fan  at aircon ay paikot-ikot lang ang singaw sa klase. Sasabayan pa ng kamag-aral nilang ang hilig magpasabog ng di-magandang amoy. Ito ang tipikal na araw ko sa grade 6.     Nakakaaliw talagang alalahanin ang mga batang ito. Ang pasulyap-sulyap at nakaw na tingin nila sa isa’t-isa.  Si Lawrence na di makatingin pero pag nakatalikod saka tumititig. Si Emy naman kahit matalino ay eto, kilig na kilig pag napag-uusapan si…. Roland…Ronnel   ah Rennel! Tagal na kasi kaya di ko maalala. Si Viana nga pasimple pero sa grade 5 pala nakakaramdam ng pag-ibig. Hehehe, kung alam lang ng mga kaklase nila kung sino ang napupusuan ni Viana. Pero siyempre hindi ko sinabi sa kanila baka nga naman magalit si Mannix at naku, kaibigan pa yata nya yun….Hmmmm sino nga ba yun? Di ko na rin maalala. Magpatuloy sa pagbasa

Bukal

“Tulungan ko na po kayo” bati ng binata sa isang matandang may bitbit na mga panggatong.”Wag na amang, kaya ko na ito.” Tanggi ng matanda. Mga pitumpu’t-limang taon na ang matanda. Puti na halos ang lahat ng kanyang buhok.

“Tirik na tirik ang araw, anong ginagawa mo rito?” usisa ng matanda.

“Gusto ko pong makita ang bukal, masarap daw po ang tubig sa bukal.” “Naku, sigurado ka ba? Malayo ang bukal at mapanganib sa mga batang tulad mo. Mukhang hindi ka sana’y makipagbuno sa mga mababangis na hayop?” Magpatuloy sa pagbasa

Sakripisyo

Bakit ka nalulungkot, bulaklak?
Naiisip kita dahon, kailangan mo ba talagang patirahin ang higad?
Oo, kailangan niyang mabuhay.
Paano ka, baka ikaw naman ang mamatay. Kakain ka lang niya!
Kailangan kong gawin iyon para mabuhay ka bulaklak
Bakit ako?
Dahil narito ako para tumulong na buhayin ka. Magpatuloy sa pagbasa

Bagong Kaibigan

May napulot akong papel. Nakasulat doon na may matatagpuan daw akong isang kaibigan. Kinakailangan ko raw sumakay para matagpuan ito. Umuwi ako agad sa amin dahil baka naroon na ang kaibigang tinutukoy sa papel.

Sumakay ako sa likod ng kabayo pero wala doon ang bagong kaibigan. Binuksan ko ang binatana at nakita ko ang aming hardin. Maraming halaman at insekto doon. Masaya silang naglalaro pero hindi ko sila maintindihan. Lumabas ako sa likod-bahay at nagpunta sa dagat. Sumakay ako ng bangka upang hanapin ang aking kaibigan pero walang ibang tao sa dagat. Ah alam ko na. Sumisid ako sa ilalim ng dagat, sumakay ako sa likod ng dolphin at doon nakita ko ang iba’t-ibang hayop at halaman, pero hindi ako mabubuhay doon. Kaya bumalik na lamang ako sa amin. Magpatuloy sa pagbasa

Lawin

Matayog ang lipad ng mga lawin. Doon sa himpapawid ay buong lakas nilang sinusuong ang mga ulap. Aakalain mong may kalabang sinusugod. Ganito ang kanilang pangkaraniwang buhay. Kahit mataas ang lipad ay tanaw na tanaw nila ang kalupaan. Ang munting kilos sa ibaba ay agad nilang napapansin. Madali silang nakahahanap ng pagkain. Subalit hindi sa lahat ng panahon ay naghahanap sila ng pagkain. Ang mga ibong ito ay tila mga bantay sa kalawakan. Ang mga kagubatang maninipis na o di kaya ay nakalbo na ay kanilang tinatamnan. Mula sa ibaba ay tumutuka sila ng mga prutas. Ang mga buto nito ay kagat-kagat nila at saka binibitawan sa tapat ng mga lupang bakante, o kaya naman sa gitna ng mga kagubatang unti-unting napapabayaan ng tao. Magpatuloy sa pagbasa

Last Will and Testament / Death Wish

Sa paghahalungkat ng mga gamit, di sinasadyang nakita ko ang isang activity paper noong nasa college ako. Isa itong epitaph. Nakasaad doon na mamamatay ako sa mismong kaarawan ko, taong 2015. Halos sampung taon mula ngayon. In short.. may taning na pala ang buhay ko… at dahil may sampung taon na lang ang itatagal ko, naisip kong gumawa na ng death wish / last will testament… yahoo!

1. Ayoko ng kristianong libing. Ayoko ng krus sa aking puntod. Naniniwala ako na ang krus ay tanda ng kamatayan at ako ay walang kamatayan. Magpatuloy sa pagbasa

Move on!

alam mong nasasaktan ka. ramdam mo ang hapding gumuguhit sa dibdib sa t’wing maaalala siya o kaya naman ay may magbibirong nariyan siya, nakita niya lalo na kung may kasama ng iba. ang katotohanan kasi, wala na kayo, nakahanap na siya at naiwan ka.

masakit? kung gayon ay ‘wag mo ng ituloy ang pagbasa.

kung kaya mong tiisin, ituloy natin. Magpatuloy sa pagbasa

which star are you from?

sa relationship, parang kwento yan ng mga artista. halos lahat na ata ng klase ng relasyon ay maihahalintulad sa mga buhay-artista.

guy and pip

isang relasyong gawa-gawa lang at bunga ng malikot na imahinasyon. akalain mo bang bigyan pa kayo ng anak-anakan na manika? may mga kaopisinang parang mga fans na walang haribas sa pagpapartner at paggawa ng kwento ninyo. Magpatuloy sa pagbasa

anong ulam?

simula ng matuto akong maglakwatsa, este pumasok mag-isa, mamasyal at sa kasalukuyan ay magtrabaho, ito na nga yata ang bati ko sa tuwing uuwi – anong ulam? sigurado akong hindi ako nag-iisa. kung nagsasalita ang kaldero o kung biglang aapoy ang kalan, siguro ay magsasalita ito ng anong akala mo sa’min katulong na tagapagluto at maghahain sa t’wing uuwi ka? Buti na lang at hindi sila nagsasalita. Ang pinagtataka ko lang, nagsasalita naman ang nanay at tatay ko, pero hindi ko narinig sa kanila ‘yun. laging may sagot o kung wala namang ulam ay magsasabing bumili ka na lang dahil naubusan o hindi nakapagsaing dahil ikaw na lang naman ang kakain, baka sumobra at mapanis lang. hindi naman nila ako sinagot na “bakit nag-abot ka ba?” o kaya “anong akala mo dito, restaurant?” Magpatuloy sa pagbasa

love letter

sa mga oras na tahimik ka, hindi na ko nagtataka. kilala na kita. alam kong may tumatakbo na namang ideya sa isip mo. mga materyales na patok sa mga mambabasa. mahusay ka talagang writer. maraming nagsasabi niyan – hindi lang ako.

d’yan mo nga ako nadale – sa mga sulat mo. yung mga love letters na sagot mo sa sulat ko noon, hanggang ngayon ay nakatago pa rin. ang sarap ulit-uliting basahin. para bang bumabalik yung pakiramdam. Magpatuloy sa pagbasa

Kung sakaling may Diyos

alam kong harapin ang kamatayan, subalit wala akong sagot kung paano ko haharapin ang maylalang sakaling matanto kong sa isang bahagi ng buhay ay naroroon siya.

na siya ang may likha ng lahat at bahagi ako ng lahat.

na kung ang mga nagawa ko o ni iniisip pa lamang ay may kaukulang paghusga, at mapatunayang nagkasala higit pa sa inaasahang dami o bigat para sa isang taong dapat tumanaw ng kadakilaan, Magpatuloy sa pagbasa

ulan, ulan, sa aking bunbunan

gaya ng palaka na masayang lumulundag at kumukokak sa pagpatak ng ulan, heto ako… maligalig at nais damhin ang lamig ng bawat patak sa aking balat. kokak!

isang taon na rin akong nagtatrabaho ( na naman). Bihira na makatagal ako sa trabaho, ibig sabihin, masaya ako sa ginagawa ko. Yun nga ang nakapagtataka doon, paano akong nasisiyahan sa isang trabaho na Magpatuloy sa pagbasa

sapang-amarillo

dilaw ang kulay ng langit, kaya dilaw ang tubig.

natatandaan mo ‘to? kasama kita nung tinanong natin kay Nana Ponce kung bakit amarillo ang tawag sa sapang ito.

bihira daw na ang kulay ng langit ay gaya nito, madalas, kundi bughaw ay kulay rosas, pero dito sa atin – amarillo.

dito sa tabing sapa tayo unang namangha, dito rin tayo unang nagtanong. Magpatuloy sa pagbasa

10 taon sa ilalim ng makapal na ulap

1997 nang magdesisyon akong hanapin ang sarili kong landas. Tambayan ko noon ang tabi ng riles. habang binabagtas ko ito, pilit kong binibilang kung ilang makakapal na kahoy na ang tinutuntungan ko. ito ang hinahakbangan ko upang makarating sa tambayan. nakatutuwang isiping kinakaya ng mga kahoy ang tone-toneladang treng gumuguhit padausdos sa mahabang riles. kabisado ko ang oras ng pagdaan ng tren, alam kong may aksidente kung sakaling naantala ito. namamangha rin ako sa gahigante nitong makaninang waring nangangakong magdadala sa mga pangarap ng mga nakaangkas dito. Magpatuloy sa pagbasa

Ang pakikipagsapalaran ni Hipon

PAALALA: Hindi ito kwentong pambata

Isang umaga, kasabay ng pagbago ng ihip ng hangin ay ang biglang pagkabulabog ng mga lamang dagat.

“Anong nangyayari? Bakit nagkakagulo ang mga lamang-dagat?” tanong ni hipon

“Nagbabago ang agos ng dagat, patungo na ito sa gawing kanluran?”

“Ha? Bakit ganun? Baka maligaw ang mga isda, paano na ang mga isda” Magpatuloy sa pagbasa

24

Alas diyes pa lang ng umaga ay may tawag na. Pupungay-pungay at kinuha ang number nang nagpapareturn call. Tinawagan ko naman, interview daw mamayang 2:30 ng hapon. My god, short notice, paano na ito at wala akong isusuot kaya tinanong ko agad ang consultant, Ma’am I have a very naïve question, do I need to come in a formal attire? Tumawa siya. No hindi naman, smart casual lang. Ah ok, smart casual. Aktwali, hindi ko rin alam kung ano yun. Hehehe pero syempre explain ako, kasi NGO work ang pinanggalingan ko kaya hindi uso sa akin ang formal. Ok lang daw. Sa bagay, baka bagsakan kita ng telepono, short notice na nga irerequire mo pa ako magsuot ng formal. Paghang ng phone- nagbrown out. Lechugas na araw! Nang-iinis. Tawag ako agad sa meralco at isang oras lang, may kuryente na. Buti na lang charming ako. Magpatuloy sa pagbasa

Lampin

(Isang silid na kwadrado, may laking apat na metrong luwang sa magkabilang panig. Ang papag ang nagsisilbing higaan, hapag-kainan, upuan at palaruan ng bata. Sa ulunan nito ay may isang lumang tukador na wala ng salamin, mayroon itong isang drawer na pigtal na ang hawakan. Ang pinto ng bahay ay nasa gawing paanan, banggerahan naman ang katapat nito.)Tagpo : Pasado ala-una ng umaga. Sa Tahanang iyon. Magpatuloy sa pagbasa

Ako at ang Little Prince, Ako ang Little Prince

The ONE Campaign!

Hindi ko alam kung paano ko ipapaliwanag ang pagkakataong nagkatugma-tugma ang tila dibuho ng aking kasaysayan. Sa isang aklat ng mga kaarawan, napagtanto ko na si Hellen Keller ay ipinanganak sa parehong araw ng aking kapanganakan. Natuwa ako.

Nagulat din akong malaman na ang Litle Prince (Antoine de Saint Exepury) ay may kaugnayan sa amin, sa aming buhay. (ayon sa aklat) Magpatuloy sa pagbasa

Ang makulay na tulay ni ninang at ni inay!

Magkaibigang matalik ang nanay ko at ang nanay ni Rodel.
Oo! totoong magkaibigan sila mula pa ng malilit pa sila.
Madalas silang makitang magkasama.
Nagkukuwentuhan, nagtitirintasan ng buhok, magkasamang nagpapalinis ng kuko, naglalagayan ng make-up sa mukha, naghahatiran ng ulam at naririnig ko pang nagngingisngisan sa t’wing pinag-uusapan ang mga tatay namin. Magpatuloy sa pagbasa

Doon Po Sa Amin

para sa kaarawan ng isang Australyanong kaibigan na si Jarrah – kasamang nakipamuhay sa piling ng mga katutubo.

Nagkaroon ng pagtitipon ang mga katutubong guro na naninirahan sa Luzon. Ang mga nagsidalo ay ang mga Ayta ng Botolan Zambales, Ibaloi at Kankana-ey ng Benguet at mga Guilayon ng Kalinga. Ang pagtitipon ay naganap sa Quezon City noong Mayo taong 2005. Layunin ng pagtitipon na makabuo ng sariling kurikulum ang mga katutubo; mga aralin na angkop sa kanilang pamumuhay at tumutugon sa kanilang pangangailangan. Magpatuloy sa pagbasa