bestfriend

Sabi ko sa facebook ko last Friday, may gusto akong ishare, kaso sensitive ang topic. Bago matapos ang gabing  yun, naayos ang lahat – parang miracle! Babala lang,  Rolller coaster ang pakiramdam ko kaya baka maramdaman mo rin.

Hindi ako nagkukwento tungkol sa lovelife, wala naman kasi talaga, pero merong isa na akala ko natabunan na kaso hindi pala.

2004 nung pinakilala sa’kin ng kaibigan kong hotline counselor itong ka chat nya sa yahoo messenger. Naghahanap daw ng ka date. That time nasa workshop ako sa Cagayan de Oro, sabi ko pag-uwi ko ide date ko sya meantime nagchat na lang kami. NGO worker ako nun. Medyo kabado, sya ang ikatlong idedate ko sa buong buhay ko. Late bloomer ako. 24 years old  na ko nung nakipagdate. Nakipagkita ako sa Glorietta. Dahil NGO worker, sanay ako sa komportableng damit gaya ng maluwag na batik na pants at souvenir shirt. Nakakatawa yung unang meet up namin kasi gusto nya sa timezone kami magkita. Hindi naman ako marunong sa mga video games. Parang nag slowmo nung humarap – ang gwapo potah! Gwapo sya in person, naka corporate attire. In short pakiramdam ko waley ako! Tinapos nya yung game, then kumain kami. Konting kwentuhan tapos uwi na. Walang pag-asa sa loob-loob ko.

Next day nagtext sya, kung pwede daw kaming magdinner ulit. Hala kumabog ang dibdib ko. Syet, hindi na nga ako kumapit sa konting pag-asa pero sya na ang nag initiate. May good karma talaga sa mga gumagawa ng mabuti!

At ang date na iyon ay nasundan ng isa pang date hanggang sa ilang-araw na kami nagkikita. Sinasamahan ko syang magshopping, kumain at  dinala nya ko sa Malate. First time ko sa gay scenes. Naalala ko nasa launching kami ng OUT, show for LGBT ng GMA 7. Kinakabahan ako nun na makita sa tv pero sya walang pakialam.

Nakakapagod ang 2 weeks na exclusive dating. Araw-araw kami nagkikita kaya  sabi ko medyo busy kaya di muna ako makikipagkita nung gabi na yun, nasa bahay lang ako at nagbukas ng laptop. Nag bukas ng messenger at nagbalik sa discreet mens room ng yahoo messenger kung saan kami tambay ng mga friends ko. Nakita nya kong nag-online at galit na galit. As in English ang mga murang lumipad sa kin. Malandi daw ako. Hindi ko gets kung bakit ganun ang galit nya – e pwede naman talagang magkaroon ng kwentuhan at mga friends dun, malay ko ba na ang tingin nya ay hook up room lang yun.

Ilang buwan din kaming hindi nag-usap.  Tapos nung tinry ko, civil lang sya pero nakikipag-usap na rin. Bago na ang work ko. Pareho na kaming corporate work at nagkita kami ulit. Kinilig na naman ako, mas gwapo sya this time at may dinedate. Naging close kami ulit sobrang close na pag may ka date sya pinapakilala nya. Ang problema lang, kami ang nag-uusap pag  may ka  date sya. Kaya minsan, nabubwisit yun ka date nya. Syempre,sino namang matutuwa na kasama ng ka date mo ang ex date nya.

Naging very close friend kami –  Best friend. Yun yung label na least mong gugustuhin sa taong mahal mo. Pero ibang bestfriend ‘to, medyo domineering. Pati career mo pinaplano; yung age na dapat ganito na salary mo, yung age na dapat manager ka na, yung age na dapat may sasakyan at age na may condo ka na. Everytime na may goal sya, ikukwento nya tapos tatanungin ka nya ng goal mo. Dapat pareho kayong may goal. Sya rin ang nagdala sa kin sa mga clubs kung saan sya tumatambay. Kung nasan ang mga PLU o people like us. Sa kanya ko natutunan yun.

Dumalang ang pagkikita namin dahil nagwork sya sa ibang bansa. Pero tuloy pa rin ang chat. Halos lahat ng issue nya sa trabaho, sa kaibigan at sa buhay-buhay ay nakukwento nya.  At nakikita ko na lang sa fb nya ang isa-isa nyang pagtupad sa kanyang bucketlist at nakailang boyfriend din sya hanggang sa mahanap nya ang kanyang The One. Pinakilala nya sa’kin ang kanyang The one. Nakita ko kung gano sya kasaya at gano nila kamahal ang isa’t-isa. Ako naman busy rin sa work, sa advocacy, sa bucketlist dahil sa deadline ko. Gusto ko kasing gawin lahat bago ako mag 35 years old. Ang alam ko kasi mamamatay ako at the age of 35, medyo weird pero pinaghahandaan ko yun. Actually nagbabantayan kami ng goals. Meron pa ngang isa na sya ang tumulong sa kin na matupad ko. Isang dream vacation.

Nagkita kami ulit nung nagbakasyon sya, masayang-masaya sya nun pero sobrang busy nya rin. Hinatid ko sya sa airport, sabi nya goodluck, next year na tayo ulit magkikita. Sabi ko sana nga, 35 na kasi ako, may deadline ako. Sana umabot pa ko sa 36th birthday ko. Sabi nya sa’kin, “siraulo, ako ang mamamatay at hindi ikaw. Sagot ko na yun.” Kinilabutan ako. Wag sana.

Ilang buwan lang ang nakalipas ay nasa ospital na sya. Magkachat kami. Ramdam ko ang kaba nya. At umabot sya ng ilang linggo.  Sa ospital na rin sya nagbagong taon. Tumatawag sya pag may mga gustong itanong nang mabilisan kasi hirap na syang mag type. Sabi ng doctor, may cyst na sya sa brain. Lumalabo na ang kanyang mata. Pinipilit nyang magtype pero mali-mali na ang spelling. May mga research syang pinapagawa, may doctor syang pinakausap sa Pilipinas para kausapin ang doctor nya sa ibang bansa. Pero bawat araw pahina siya nang pahina. Sabi niya sa kin gusto pa nyang mabuhay. Sobrang bigat sa dibdib nung araw na yun. Sabi nya rin na sana nakinig na lang sya sa kin.

Limang taon na syang may HIV at sinabi nya sa kin yun nung nalaman nya agad. Nakakafraustrate na hindi ko sya makumbinsing uminom ng gamot, itinago nya iyon. Ayaw nyang malaman sa opisina nya dahil baka mawalan sya ng trabaho, ayaw nya ring malaman ng pamilya nya at mga kaibigan nya. Sabi ko sa kanya, aminin na sa boyfriend nya na may sakit sya. Hindi nya kasi iyon pinagtapat. Sasabihin daw nya pero sasabihin nya na ngayon nya lang nalaman, ayaw kasi nyang isipin ng boyfriend nya na naglihim sya. Na niloko nya ito. Takot sya. Plano niya kasing alukin ng kasal ang boyfriend nya at takot syang magkahiwalay sila. Nagdesisyon syang sabihin sa boyfriend nya, pero bilin nya sa’kin na kung hiwalayan sya ng boyfriend nya ay puntahan ko sya sa ibang bansa at iuwi sya sa Pilipinas. Nangako ako na gagawin ko yun – bestfriend nya ko at ako ang huling taong tatalikod sa kanya sabi ko. Next day, magaan na ang loob nya, tanggap sya ng boyfriend nya. Wala daw magbabago. Tama ako, siya ng ang The One.

Isang araw hindi na sya sumasagot sa mga chat ko, kinakabahan na ko. Minessage ko ang boyfriend nya, hindi na raw sya nakakakita. Ilang araw lang nagmessage na ulit ang boyfriend nya, ihanda ko daw ang loob ko dahil sabi ng doctor, hindi na sya magtatagal. Napasugod ako sa baclaran church. Ganun pala yun, hahanap ka talaga ng hihingan ng milagro – mapapatakbo ka sa simbahan kahit ang tagal mo ng hindi nagpupunta ng simbahan. Iyon ang pinaka sincere na pakikipag-usap ko sa Diyos. Sabi ko sa kanya baka pwedeng iextend nya ang buhay ng bestfriend ko.

Sabi ng boyfriend nya good news daw. Lumakas siya. Nagising. Kinakausap nya at nakikilala naman daw sya. Nagvideo kami, kumaway sya, hindi sya nakakapagsalita pero parang nakilala  niya ko. Hindi ko na siya nakita pa mula nun. Tatlong buwan ang naidugtong sa kanya at saka sya bumitaw.

Inuwi ang labi nya sa Pilipinas. Una kong nakausap ang kapatid at magulang nya. Nagtanong sila kung may alam ako, kung alam ko ang sakit niya. Sabi ko oo, marami silang gustong malaman pero hindi ko kayang ikwento lahat dahil bilin niya yun. Pero napilitan akong sabihin na matagal na nyang alam na may sakit sya. Ang alam kasi nila, nito na lang nya nalaman, nung nasa ospital na sya. Hindi ako umiiyak. Nalilito ako nun. Dumating din ang boyfriend nya. Pinatuloy ko sya sa condo ko. Iniiwasan kong magkwento, hinayaan kong ang alam nya ay yung mga kwento sa kanya. Minsan nagtatanong sya pero sinasagot ko naman. Para hindi naman masyadong malungkot ang boyfriend nya ay dinala ko sya sa club kung saan ako dinadala ng boyfriend nya.

Nailibing na sya. Hindi ako pumunta. nakauwi na rin ang boyfriend nya sa ibang bansa.

Hindi ako nakapag mourn. Hindi ko alam kung paano. Nasa isip ko, may mali akong nagawa. Para saan pa ang pagiging counselor ko kung hindi ko sya natulungan? Bakit hinayaan kong mangyari yun.  Bakit parang ang dami nyang ginawa para sa’kin pero hindi ko natumbasan yun? Hindi nya ko boyfriend pero ginawa nya kong bestfriend.

Kinakausap ko sya palagi. Iniisip ko na habang nagdadrive ako e katabi ko sya.  Humihingi ako ng sorry. Sinasabi ko paulit-ulit na sorry at sana tanggapin nya yun. Sana magparamdam sya. Minsan habang nagkakalkal ako ng mga files sa laptop, may nakita akong isang file. Nung inopen ko, saved conversation namin. Hindi ko alam kung bakit nasave yung conversation namin, nung humingi sya ng mga study about hiv cases sa pilipinas. Yung araw na sinabi niya na positive sya. Hindi ko alam kung bakit kailangan kong makita yun. Galit ba sya? Hindi ko alam. Gusto ko syang makausap pero di naman sya nagpapakita sa panaginip. Napadalas ako sa club na pinupuntahan namin, gusto ko syang maramdaman. Gusto kong mapatawad nya ko, binabasa ko rin yung mga fb conversation namin. Chinecheck ko kung ilang beses ko syang pinaalalahanan, baka sakaling mapatawad ko sarili ko. Ang malungkot ay pag nagsisink in sa isip ko na baka hindi na nga kami ulit magkita. Wala nang kasiguruhan. Wala na siya. Tinotoo nya na sya ang mamamatay at hindi ako.

Nitong nakaraang linggo, nagkakaroon ako ng anxiety. Pinili kong bawasan ang pag-inom. Pinili kong mamasyal. Magdrive nang mas malayo. Mag-isip. Pero hindi ko alam kung paano malulunasan ang nararamdaman kong kalungkutan at kung paano pa ito masosolusyunan. wala na siya e at may kanya-kanya ng buhay ang mga tao sa paligid nya. nakamove on na sila, ako na lang ang hindi.

Nitong biyernes, nagpost ako, sinabi ko na may gusto akong sabihin. Para kasing sasabog yung damdamin ko. At nung gabi ring iyon, minessage ako ng boyfriend nya. Weird. Nangangamusta. Inamin ko ang totoo na depress ako dahil sa nangyari. Sabi nya siguro kaya nya ko minessage ay dahil may mensahe ang boyfriend sya. Pinagtapat ko sa kanya na matagal nang may sakit ang boyfriend nya. Nagsorry ako. Hindi nya daw alam pero okay lang dahil  hindi naman magbabago ang pagmamahal nya sa boyfriend nya. Isang milagro din na negative sya. Sabi ko nga, kinuwento niya na naging maingat sya para hindi sya makahawa. Sabi nya sa kin, pinapatawad nya ko sa pagtago ng impormasyon, kung andito daw sya ay yayakapin nya ko dahil nararamdaman nya ang bigat ng pakiramdam ko. Humagulgol ako. Yun pala ang gusto kong marinig. Ang mapatawad ako.

Nakawala ako, natapos ang dinadala ko.  Naisip ko rin, baka kailangan ng bestfriend ko ang sandaling iyon para makalaya rin sya. Baka gusto nya ring aminin at marinig iyon sa boyfriend nya. Pareho kaming nagtago ng impormasyon. Pareho kaming nagkamali. Sa ngayon, magaan na ang pakiramdam ko, makakapagmove on na ko, I think natapos na rin ang kabanata na ito at makakapagpaalam sa bestfriend ko. Magsisimula ako dito sa lupa at im sure magiging mas masaya na sya sa langit.

Mag-iwan ng puna